LUMINGON AKO SA gawing pinto nang pumasok sa silid si Aling Melba. Kung wala akong saklob sa ulo, siguradong mapapansin niya ang panlilisik ng mga mata ko. Ibubuka ko na lang ang bibig nang mapuna kong hindi siya nag-iisa. “Ano na’ng nangyari sa anak ko?” tanong niya na animo’y wala siyang alam sa kalagayan ni Belinda. “Wala na siya,” nagtitimpi ngunit mahinang sabi ko. “Hindi! Hindi ’yan totoo. Kaninang iniwan ko siya sa ’yo, buhay pa siya!” Patakbong nilapitan niya si Belinda, niyugyog ang balikat nito. “Anak! Anak ko!” Nagsisunuran ang mga kasama niya at pinalibutan nila si Belinda. May kaniya-kaniya silang tanong na hindi masagot ni Aling Melba dahil pilit pa rin niyang ginigising ang anak. Sinamantala ko ang pagkakataon, buong ingat na kinuha ko ang tungkod ko. Dahan-dahan akong

