KUMAHOL NANG MALAKAS si Diva. May taong parating. Lumakas ang tahip ng dibdib ko. Baka si Diego iyon, pero agad ding napawi ang ideyang iyon. Imposibleng magpakita pa siya. Tatlong buwan na ang lumipas mula nang huli kaming nag-usap. Dali-dali kong isinuot ang itim na kapa at itinakip ko sa aking ulo ang saklob niyon. Kinuha ko ang mahabang baril bago ako tumayo malapit sa pintuan. Itinutok ko iyon sa lalaking naglalakad palapit sa bahay. Itinaas niya naman ang kamay sa ere nang mapansin niya ako. Ibinaba ko ang hawak na baril nang makilala ko si Mario. Minsan siyang naligaw rito sa bahay tatlong taon na ang nakararaan. Ibinalita niya iyon sa bayan at magmula noon ay siya na ang inuutusan kapag kailangan nila ng tulong namin. Napangiti ako nang lihim nang mapuna ko ang panginginig niya.

