“AALIS NA AKO,” sabi ni Diego. Lumiit ang kaniyang mga mata habang pinagmamasdan ako. Siguro, napansin niya ang pag-aalinlangan sa aking mukha. Hindi kasi ako sanay makisama sa ibang tao. “Huwag kang mag-alala, mabait sila. Hindi kita iiwan dito kung wala akong tiwala sa kanila,” dugtong na sabi niya. Pinilit kong ngumiti. “Alam ko naman ’yon.” “Kung may kailangan ka, puntahan mo lang ako sa bahay. O sabihan mo si Tatang at bahala na siyang iparating sa akin ang gusto mo.” “Makakaasa kang mabilis pa sa alas-kuwatrong makakaabot sa ’yo ’yon,” sabat ni Tatang Marcelino. Nakasandal siya sa hamba ng pinto pero nakatalikod sa amin. Usyosero pala siya. Sinadya niyang pumuwesto malapit sa kinatatayuan namin. Wala sa loob na sinuyod ng kamay ko ang aking ulo. Sumabit ang ilang hibla ng buhok

