“DIEGO?” TAWAG IYON na nagmumula sa boses ng isang babae. Talo ko pa ang magnanakaw na nahuli sa akto sa tindi ng pagkagulat nang marinig ko si Amalia. Palibhasa, may lihim akong pagtingin sa nobyo niya. Sinulyapan ko si Diego. Wala siyang gaanong reaksiyon maliban sa bahagyang pagkunot ng noo. Napawi rin kaagad iyon nang makita niya si Amalia. Ngumiti pa siya na tila ikinatuwa niya ang biglang pagsulpot nito. Nginatngat ng panibugho ang damdamin ko. Gusto ko, ang ngiting iyon ay para lang sa akin. Masiglang lumapit si Diego kay Amalia. “Balak mo palang mangabayo. Sana nagpasabi ka para sinundo na lang kita sa bahay. Napagod ka tuloy sa pagpunta rito.” Nahulaan siguro ni Diego ang pakay nito. Nakasuot kasi ito ng damit pangabayo, itim na pantalon at itim rin na botang yari sa balat na

