MADILIM NA PALIGID ang bumungad sa akin pagmulat ko ng mga mata. Sandaling nakalimot ako na nasa kuweba nga pala ako. Bumalik din sa alaala ko na kasama ko si Diego. “Diego?” mahinang tawag ko. Maya-maya lang ay may narinig akong kaluskos na sinundan ng pagkiskis ng posporo. Lumiwanag sa kinaroroonan ni Diego. Tumayo siya mula sa pagkakaupo sa lapag. Wala pa rin siyang suot maliban sa tuwalyang nakapaikot sa baywang niya. Sinindihan niya ang lampara. Umupo ako sa gilid ng papag. Inihilamos ko ang kamay sa mukha at sinuklay ang buhok gamit ang aking mga daliri. “Uhm . . . ngayon ko lang naalala, puwede mong isuot ang kapa ko. Kahit paano’y makatutulong ’yon pantanggal ng lamig. Gusto mong hiramin?” Sumulyap siya sa akin at saka tumango. Kinuha ko iyon sa mga nakasalansang gamit ko a

