NAPANGIWI AKO. IPINATONG ko ang kamay sa ibabaw ng aking tiyan at maraharang hinimas ito. Ikiniling ko ang ulo sa kanan, humugot ako ng ilang malalalim na hininga. Ano kaya ito? Tuhod o siko ng anak ko? O marahil paa niya ito. Nangawit siguro sa pagkakabaluktot kaya uminat ito, may umusli kasi sa bahagi ng tiyan ko. “Opo, alam kong naiinip ka na. Huwag kang mag-alala, malapit ka nang lumabas,” buong giliw na sabi ko. Nasasabik na rin akong makita ang anak ko. Babae kaya o lalaki ito? Sino kaya ang mas hawig nito? Iyon ang kasalukuyang tumatakbo sa isip ko nang marinig ko ang boses ni Diego. “Si Miranda ho, Nana Rosa?” “Nasa sala. Napasugod ka ng uwi?” “Gusto ko hong makita si Miranda.” “Hay, naku! ’Yang asawa mo, napakatigas ng ulo. Pinagbawalan ko na. Ang sabi ko, huwag nang makial

