IKATUTUWA KAYA NI Diego na makitang nag-aalala sa kaniya ang ama? Siguro. Pero mas nanaisin kong wala si Don Miguel sa harapan ko ngayon. Matalim kasi ang pagkakatitig nito sa akin. “Bakit hindi n’yo pa itinakbo sa ospital? Ano ang hinihintay n’yo, himala?” bulyaw ni Don Miguel. “Maayos na ang kalagayan niya. Ginamot siya ni Miranda,” sagot ni Doña Claudia. Nalukot ang mukha nito nang marinig ang pangalan ko. “At ano ang kaya niyang gawin? Totoong doktor ang kailangan ni Diego, hindi isang nagmamarunong na tapal-tapal lang ang kayang gawin.” Magsasalita pa sana ito nang may tumapik sa balikat nito. Sumulyap ito sa likod kung saan nakatayo si Propesor Escudero. Magkasama siguro silang dumating galing Maynila. “Kumpadre,” sabat ni Propesor Escudero. “Mukhang wala na sa peligro ang buhay

