AGAD KONG PINAHID ang luha sa aking mga mata nang may kumatok sa pinto. “Sino ’yan?” Bumukas ang pinto sa halip na sumagot ang nasa likod niyon, si Diego. Wala siyang binanggit nang mapansin niya ang pamumula ng mga mata ko. Kasunod niya ang dalawang katulong na agad nagtungo sa bilog na lamesang nasa tabi ng bintana. Naghain sila ng hapunan para sa dalawang tao. “May ipagagawa pa ho ba kayo?” tanong ng isa sa mga katulong. “Wala na,” sagot ni Diego. Hinintay niyang makaalis ang katulong bago humarap sa akin. “Alam kong gutom ka kaya nagpadala ako rito ng pagkain.” “Nawalan ako ng gana.” “Hindi ako kakain kapag ’di mo ako sasabayan,” malumanay na sagot niya. “Hindi nga ako gutom!” Sa malas, umabot sa kinatatayuan ko ang amoy ng pagkain. Tumunog tuloy ang tiyan ko. Nagkunwaring h

