Chapter 13 A way to Goodbye

1680 Words
Ipinasok na si Lara sa private room ng ospital upang doon makapagpahinga. Inasikaso ni Greg ang kakailanganin ng asawa saka ito lumabas ng kwarto at tumawag sa mga magulang ni Lara. “Ma, magandang gabi. I am sorry kung nakaistorbo po ako May mahalaga sana akong sasabihin, Ma.” Ang sabi ni Greg sa biyenan na nasa kabilang linya ng telepono. “Oh! Greg? Bakit ka napatawag May nangyari ba?” tanong naman ni Annie sa kabilang linya. “Ma si Lara kasi," ang mahinang tono na sabi ni Greg sa kaniya. “Anong nangyari kay Lara?” nagaalalang tanong ng ina ni Lara. “Nasa ospital po kami ngayon, hindi po maayos ang kondisyon ni Lara at ng bata.” Humahagolhol ang ina ni Lara. “Nasaan kayo? Pupuntahan ko!” ito ang taranta niyang sabi kay Greg. Sinabi ni Greg ang kinaroroonan nila ni Lara. Dali-daling tumungo doon ang ina at ama ni Lara upang tingnan ang kalagayan ng anak. Pagdating ng mag-asawa, nagkwento si Greg kay Annie pagkatapos ay nagpaalam itong siya na uuwi muna, upang kumuha ng mga kakailanganin ng asawa. “Ma, maiwan ko po muna kayo, uwi muna ako para ipaalam kay Gio ang nangyari, kukuha na din ako ng mga gamit niya.” Paalam ni Greg. “Mag-ingat ka, Greg kami na muna ang bahala kay Lara.” Umuwi si Greg. PAGDATING sa bahay ay sinalubong siya ng mama niya. “Anong nangyari, bakit nasa ospital si Lara?” tanong ni Melinda. Ikinuwento ni Greg kay Melinda ang totoong nangyari. Umiiyak si Greg. Hindi muna nagsalita si Melinda, ayaw niya madagdagan ang hirap na nararamdaman ng anak. Nahabag, nagagalit ito sa ginawa ni Greg. Kahit na madalas ay nakokonsente niya ang anak, ay hindi niya makonsente sa pagkakataong ito dahil damay ang apo niya na hindi pa naipanganganak. “Ano ngayon ang iniisip mong gawin pag nagising na si Lara?” tanong ni Melinda kay Greg. “Hindi ko alam Ma. Hindi ko masabi. Magulo ang isip ko.” Ito lang ang sagot ni Greg. Inayos ni Greg ang mga dadalhing gamit papunta sa ospital. Tulog na si Gio noong oras na iyon, kung kaya ay hindi na niya makausap ang anak. Nagmamadali si Greg na bumalik sa ospital. Pagdating niya doon ay gising na nga si Lara at nasa tabi nito si Annie nakahawak sa braso niya. Nagkasalubong ang mga mata nila ng asawa. Bakas sa mukha ni Lara ang lungkot at poot. Nararamdaman ni Greg ang galit na tumutusok sa kaniyang sistema dahil sa pagkakatitig ni Lara sa kaniya. Biglang kinabahan si Greg, dahil hindi pa sila nag-uusap ni Lara matapos ang nangyari. Bumati lang siya at umiwas ng tingin at dali-daling pumasok sa kwarto. Inilapag ni Greg ang mga dalang gamit. “Oh Greg, andito ka na.” Ang sabi ng mama ni Lara. Naisip ni Greg, na wala pang sinasabi si Lara sa ina. Dahil kalmado lang ang mga ito. Kung sakaling malaman nila ang nangyari, tiyak na isusumpa siya ng mga biyenan. “Ma, lumalalim na ang gabi, okay na po dito, ako na ang bahala kay Lara.” “Hindi Greg, magpapabukas na lang ako ng uwi, samahan ko muna ang anak ko.” Katuwiran naman ni Annie. “Okay, Ma mabuti din po iyon at may kasama si Lara kung sakaling kailangan ko bumili ng kakailanganin sa labas.” Tumayo si Annie at lumipat ng pwesto. Maya-maya ay nilapitan ni Greg si Lara. “Oh! Maiwan ko muna kayo, pupunta lang ako ng cafeteria kasama ang papa niyo.” Lumabas si Annie kasama ang asawang si Lucas. Nagsara ang pintuan. Naupo si Greg sa tabi ng asawa. Naluluha, nakayuko at hindi makatingin kay Lara. Si Lara naman ay humihikbi. Muling nanunumbalik ang pait ng mga nangyari. Naalala niya ang mga ito. Galit ang nararamdaman sa dibdib. Sa pagkakataong ito ay galit sa babaeng kasama ni Greg. Walang anumang salita ang nais lumabas sa mga bibig ni Lara. Katahimikan ang siyang bumabalot sa buong silid. Ilang minuto pa ang lumipas ay gumalaw si Lara. Akma itong babangon. Ipinagbilin ng nars na huwag hayaang bumangon ang asawa. Kinakailangang pakapitin ang baby sa loob ng kaniyang sinapupunan. Maselan ang kondisyon nila ng kaniyang anak. “Mom, hindi ka pwede bumangon.” Paalala ni Greg sabay hawak sa mga braso nito. Dahan-dahan na nagpumiglas si Lara mula sa pagkakahawak ni Greg. “Mayroon kang catheter, nilagyan na lang nang hindi mo na kailangan bumangon para umihi.” Nanghihina pa din si Lara. May kung anong kirot ang nararamdaman niya sa kaniyang balakang. “Kailangang nakahiga ka lang sabi ng doktor. Baka daw lalo ka magbleed kung pipilitin mong gumalaw.” Ang sabi ni Greg. “Bukas sasailalim ka sa ultrasound, nang masiguro kung ayos lang si Baby Lea sa loob.” Nais sanang hawakan ni Greg ang kamay ng asawa, subalit hindi na ito hinayaan ni Lara. Hindi rin siya maaring tumagilid o gumalaw man lang. Hirap na hirap ang damdamin niya, at ngayon ay mas naghihirap ang buong katawan niya. Maya-maya ay dumating na ang mga magulang ni Lara. Pumasok doon si Annie na may dala dalang kape para kay Greg. “Oh, Greg heto ang kape magkape ka muna. Sandali, kayo ba ay naghapunan na?” Iniabot ito ni Annie. "Ah okay lang, Ma hindi po ako nagugutom. Okay na ako sa kape." kinuha niya iyon at ipinatong sa mesa na nasa tabi ng bed ni Lara. Hindi namamalayan ng mga magulang ni Lara na hindi nagkikibuan ang mag-asawa. Nilapitan ni Annie si Lara. “Anak, ano ba nangyari at biglang isinugod ka dito? Marami ka bang ginagawa nitong nakaraan na naging sanhi ng pagdurugo mo. Bakit hindi ka nagsasabi kung may nararamdaman kang kakaiba? Sa susunod ipaalam mo kaagad malapit na ang kabuwanan mo, dapat ay nag-iingat ka.” ang sabi ng ina niya. “Lumuluha si Lara”. Subalit hindi pa niya kayang magsalita kung ano man ang nangyari. “O sige na, kung ayaw mo pag-usapan. Magpahinga ka muna, magpakatatag ka, kailangan mo magpalakas. Nandito lang kami ng papa mo, sasamahan ka namin.” Ito ang mga salitang binitawan ni Annie sa anak. Ang pakiramdam ni Lara ay biglang gumaan ang mabigat niyang dala-dala. Alam niyang walang pagsubok ang hindi niya malalampasan dahil nasa piling ang mga magulang. Lumipas ang gabi, sa tabi ni Lara naidlip ang mama nito, si Greg naman ay nasa kabilang upuan naroon. Umuwi naman ang papa ni Lara upang kuhanan ng gamit ang asawa, dahil nais nitong bantayan ang anak sa ospital. Alas otso na ng umaga. Pumasok ang nars. "Good morning po. Itrans-out na po natin si misis papuntang ultrasound room. Naghihintay na po si dok." ang sabi niya. Tumayo naman si Greg at tiningnan ang asawang hindi siya kinikibo. "Sige, miss." sagot naman ni Greg. Inilabas si Lara na nasa bed lang niya. Si Greg ay nasa tabi niya at ang nars. Pagdating doon ay sinuri ng doktor si Lara. “Mommy kamusta po ang pakiramdam ninyo?” tanong ng doktor. “Hindi po okay dok, hindi ko po maintindihan on and off ang pain sa lower abdomen.” “Okay, ngayon i-check natin kung kamusta si baby sa loob.” Sinuri ng doktor ang kalagayan ng baby sa loob ng sinapupunan ni Lara. Hindi na mahanap ng doktor ang heart beat ng baby. Hindi na rin ito gumagalaw sa loob. Nadismaya ang mukha ng doktor. Napaililing siya ng ilang beses. Tinangnan niya si Lara at sa mata ng doktor naramdaman ni Lara ang nais nitong ipabatid sa kaniya. “Im sorry mommy, we lost her.” Ang sabi ng doktor. Hindi nakapagsalita si Lara. Nadagdagan ang bigat na nararamdaman nito. “May katapusan ba ang paghihirap ko?” tanong niya sa sarili. Nahabag at bigong-bigo si Lara. Tahimik lang na pumatak ang luha mula sa kaniyang mga mata. Nakatikom ang bibig at tila walang lakas na magsalita. Magulo ang isip at nagdurugo ang damdamin na nawala ang tanging anghel na nagpapalakas sa kaniya sa araw-araw. "Kailangan ka mag undergo ng D and C surgery mommy. Madali lang po ang procedure. Ang OB-Gyne na in charge sa iyo ang siyang magpapaliwanag kung ano ang mangyayari during operation." ito ang sabi ng doktor sa kaniya. Agaran na isinailalim siya sa D and C surgery o Dilation and Curettage operation upang malinis ang matres niya. Habang nasa operating room ay hindi mapigilan ni Lara ang pagluha. "Mommy natanggal na ba lahat ng jewelries at dentures kung mayroon?" tanong ng nars. Tumango lang si Lara. "Papasok na po ang anesthesiologist ninyo. Ipaliliwanag niya po sa inyo kung paano po niya ituturok ang gamot. Pwede po ba kayong tumagilid? Mag-sterile lang po ako ng inyong likod." ang sabi ng nars. Tumagilid si Lara. Wala siyang suot na underwear, tanging lab gown lang ang saplot niya. Napakalamig sa loob ng operating room ng mga oras na iyon. Halos mawala siya sa sarili ng kakaisip sa anak niya. Pumasok ang doktor na magtuturok ng gamot sa kaniya. "Mommy kamusta po?" tanong ng doktor sa nakatagilid na si Lara. "Kailangan po ninyo yumuko, na ang tuhod at noo ay magkadikit. Ituturok ko ang karayum sa pagitan ng spine ninyo, bawal kang gumalaw sa posisyon na iyan hanggat hindi pa ako tapos. Magsasabi ako kung pwede ka ng gumalaw. Isang beses lang ako magtuturok dahil maselan ang gagawin ko. Naintindihan ba?" "Opo dok." mahinang sagot ni Lara. Nasa posisyon na siya at handa na ng maturukan. Napangiwi siya ng iturok na nga ang karayum sa likod niya Naramdaman niya ang hapdi ng pagpasok ng anesthesia sa sistema niya. At maya-maya ay inihiga na siya ng nag assist na nars. "Mommy tutusukin ko ang tiyan mo, sabihin ko kung nararamdaman mo ang ginagawa ko, okay?" sabi ng doktor. "Okay." sagot naman niya. Tinusok-tusok ng bahagya ng doktor ang tiyan niya. "Masakit ba?" tanong nito "Oo dok, nararamdaman ko pa." "Ito? Masakit pa?" tanong ulit sa kaniya. "Medyo po." "O sige, eh ito?" tumusok ulit. "Hindi ko na po maramdaman." At unti-unting nandilim ang paningin ni Lara.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD