Natapos ang operasyon at nakabalik na si Lara sa kanyang kwarto. Kahit dalawang araw na ang lumipas simula ng mahuli si Greg at Tina ay hindi pa din sila nakakapag-usap ng asawa.
Hindi niya kinikibo si Greg at hindi iyon nahalata ni Annie.
Ilalabas na sa ospital si Lara at kinailangan niyang magpahinga ng dalawang buwan upang makapagpahinga ang kaniyang katawan.
Kung kaya minabuti muna ni Lara na hilingin sa mga magulang na uuwi siya sa kanila at doon pipirme.
Ipinaalam niya ito kay Greg.
“Greg” sambit ni Lara habang nililigpit niya ang kaniyang mga gamit. Nakakatayo na siya subalit mabagal lang ang pagkilos.
Nanghihina pa ito subalit pinipilit na makagalaw.
“Mom ako na diyan, mahiga ka muna.” Ang sabi ni Greg.
“Huwag ka na mag –alala sa akin, hindi mo kailangan ipilit. Ayaw ko na naaabala ka.” Sagot naman ni Lara.
“Kay mama at papa muna ako tutuloy. Kailangan kong magpalakas. Kung maaari doon na din muna si Gio, kailangan kong magsimula kasama siya.” Pakiusap ni Lara.
“Pero, paano ako?” ang sabi ni Greg.
“Hindi mo ako kailangan. Masaya ka sa piling niya hindi ba? Nakita ko kayo ni Tina. Nakakandong siya sayo noong gabing nagpunta ako sa opisina mo.” Hirap man si Lara na magsalita, pero nagawa niyang isumbat iyon kay Greg. Hindi napigilan ang muling pagtulo ng mga luha dahil sa bigat na nararamdaman.
“Mom Im so sorry!” tumutulo ang luha ni Greg na nais ipaabot sa asawa ang pagsisisi. Nakayukong nakaharap kay Lara.
“We-- lost our baby already! Hindi na siya babalik sa akin." humikbi si Lara na garalgal ang boses.
"Nagtimpi ako ng matagal dahil ang buong akala ko ay kusa mo nang nilayuan ang babaeng iyan. Inipon ko lahat ng galit sa dibdib ko at piniling hindi isiwalat kahit kanino. Akala ko makakaya kong panatilihin na buo ang ating pamilya. Ang akala ko na kasama kita sa muling pagbuo nito. Pero ano ba ang kinahinatnan ng pagtitimpi ko?” Bumuhos ang emosyon ni Lara at hindi na nagawang itago ang totoong damdamin.
Hindi na makapagsalita si Greg dahil sa bigat ng konsensiya na hindi naisalba ang anak sa sinapupunan ng kaniyang asawa.
“Hayaan mo akong bawiin ang lakas ko! Sa ngayon nais kong ipagluksa ang pagkawala ng anak ko. Kasalanan ko na maaga siyang kinuha sa akin. Masyado akong nakampante at hindi ko na siya inisip ng mga oras na iyon. Saka na tayo mag-usap. Siguro naman maliwanag na sa akin, hindi kami ang mahalaga sa buhay mo.”
Akma sanang yayakap si Greg kay Lara subalit winaksi niya ang kamay nito.
Maya-maya ay pumasok ang mama ni Lara.
Nagulat ang dalawa. Halos mamutla si Greg dahil biglaan ang pagpasok ni Annie.
“Ano ang mga narinig ko Lara?” narinig niya ang lahat ng sinabi ni Lara.
Masakit para sa isang ina na makitang naghihirap ang anak niya.
“Ma im sorry, Ma” humingi ng tawad si Greg sa mama ni Lara.
“Greg? Paano mo nagawa..?" napahawal sakaniyang noo si Annie sa pagkadeismaya.
"Nangyari na ang mga nangyari.” Umiiling ang ulo niya.
“Nadismaya ako sa kapabayaan mo, pero mas dismayado ako sa dahilan kung bakit nawala ang apo ko.”
Nilapitan ni Lara ang mama niya, inaawat niya dahil baka kung mapano ito.
“Ma tama na, tayo na. Dadaanan ko pa si Gio.” Pakikiusap ni Lara sa mama niya.
"Mamaya tayo mag-usap kapag nasa bahay na, Ma." pakiusap ni Lara.
“Pakitawag ng nars, Ma. Uuwi na tayo.”
Lumabas agad ang mama ni Lara para tawagin ang nars.
“Lara, sandali” nakiusap si Greg. Hinawakan niya sa braso si Lara.
“Greg?" lumingon siya sa kaniya.
"Bitawan mo ako. Huwag mo na ipilit kung ano man iyang gusto mo, mapapahiya ka. Lalo na ang babae mo. Hangga’t nasa matino pa akong pag-iisip ay hayaan mo akong gawin ang bagay na gusto ko.
Pagpahingahin mo naman ako. Pagod na pagod na, ilang buwan na din na hindi matahimik ang loob ko, iyak ng iyak dahil sayo. Utang na loob? Hayaan mo naman na ibangon ko ang sarili ko. Sa pagkakataong ito, ako muna, at si Gio. Hindi hihilum kaailanman ang sakit sa puso ko, hangga’t naririyan ka. Maaalala ko ang pagkawala ng sanggol na sana ngayon ay nasa sinapupunan ko pa.”
“Lara, pakiusap. Hindi lang ikaw ang nawalan ng anak.” muling pagsusumamo niya.
“Greg? Bakit nga nawala ang anak ko? Pwede ba? Tama na itong usapang kailanman ay hindi na kayang ibalik pa ang mga nakaraan. Nawala na ang tanging inaasam ko na kokompleto sa pagkatao ko. Winarak mong lahat sa mundo ko Greg.” Iyon ang mga salitang binitawan ni Lara.
Pumasok na ang nars at may dala-dala silang wheel chair kung saan ay isasakay si Lara palabas ng ospital.
Naghihintay na sa labas ang papa niya at nandoon na din ang sasakyan nila.
Inalalayan ng papa niya si Lara na makaakyat sa sasakyan.
Dala-dala ni Lara ang sama ng loob.
“Pa, daan tayo sa bahay, kunin ko si Gio.” Habilin ni Lara.
Si Greg naman ay sumunod sa kanila upang habulin ang asawa.
Nagtatanong ang ama kung ano ang nagyayari at biglang sumama si Lara sa kanila.
Subalit ayaw na munang ipaalam ni Lara sa ama ang nangyari.
Dumating sila sa bahay at pumasok lamang doon ang mama ni Lara.
Nag –usap ang mga magulang nila. Ipinaliwanag ng mama ni Lara sa mama ni Greg na kailangan munang lumayo ni Lara dahil sa mga nangyari.
Napagkasunduan ng dalawang ina na bigyan muna ng pagkakataon si Lara na makabawi ng lakas. Saka na nila aayusin ang gusot sa pagitan ng mag-asawa.
Si Gio naman ay ipinag impake na ni tiya Laura ng kaniyang mga dadalhing gamit.
Pumasok si Greg sa loob ng bahay. Halos magwala ito dahil ayaw niyang umalis ang mag-ina.
Pinakalma siya ni Melinda. Sinabing hayaan muna ang mag-ina niya nang sa ganoon ay mapanatag ang loob ni Lara dahil kailangan nitong magpagaling.
Hindi isang simpleng bagay ang nangyari, mabigat ito sa loob ng lahat. Minabuti ni Melinda na ibigay ang hiling ni Lara.
Naawa man si Melinda sa anak, subalit nahihiya ito sa mga magulang ni Lara na ang anak niyang pinalaki at kinalinga ay magiging dahilan ng sakit na nararamdaman ni Lara.
Naiwang umiiyak sa sulok si Greg, sising-sisi dahil sa nagawa.
Hindi niya maayawan itong si Tina dahil minsan na siyang na block mail ng babaeng iyon. Naalala niya.
“Dad, hindi mo ako pwedeng isantabi” ang sabi ni Tina sa alaala ni Greg.
“Hindi ko isinuko ang sarili ko sa iyo para lang iwanan mo ako. Please hindi ko kayang mawala ka sa akin.”
Nang dahil sa tukso ng isang babaeng uhaw sa pagmamahal ay nasira ang tahanang iniingatan si Lara.
Isinakay na si Gio sa sasakyan.
Niyakap ni Lara ang anak.
“Mommy? Bakit tayo uuwi sa bahay nila lola?” tanong ni Gio.
Naiyak naman si Lara. Hindi masabi sa anak ang totoong nangyari dahil hindi pa niya maiintindihan ang mga ganoong mga bagay. Tila walang humpay ang pagguho ng mundo ni Lara.
Bago pa man umalis si Gio at lola niya ay nag-usap na sila Annie at Melinda na pansamantala ang magiging sitwasyon ng mag-asawa, hindi nila iwinawaksi ang pagsasama ng dalawa.
Sa pagkakataong ito, ay paghilum ang siyang kailangan ni Lara mula sa pagkawala ng anak sa sinapupunan.
Hangad ng mga magulang na maayos pa din ang pagsasama ng mga ito sa tamang panahon.
Napagkasunduan nila na maari naman lapitan ni Greg ang bata kung mayroong panahon na gusto niya itong makasama. Ang hindi lang pinayagan ay ang magkausap ang mag –asawa dahil iyon ang tanging hiling ni Lara sa ina bago niya ito pinapasok sa bahay nila Greg.
Ipinaliwanag naman ni Lara sa anak ang nangyari sa kaniyang kapatid. Naluha si Gio dahil inaasahan niyang sa madaling panahon ay masisilayan niya ang kaniyang kapatid.
Umasa ang bata na magkakaroon ng kasama sa bahay. Subalit ito ay hindi mangyayari dahil namaalam na ang bunso ng pamilya.