Kabanata 1
Chapter 1
Gabi pa lamang ay plinado na ni Ava na tumakas ng bahay. Kaya gumising siya ng madaling araw sapagkat sigurado siyang natutulog pa ang ama dahil ito lamang ang araw ng pahinga nito sa trabaho.
Sinilip muna ni Ava ang ama mula sa kuwarto nito upang makasiguro at ng makitang tulog pa nga ito ay nakahinga siya ng maluwag. Gamit lamang ang daliri ng mga paa, dahan-dahan si Ava na lumabas ng bahay.
Dahil mataas ang bakod at nakakandado ang gate, kumuha si Ava ng hagdanan na yari sa kawayan at isinandal sa may pader. Pagkatapos ay mabilis siyang umakyat dito. Nang maabot na niya ang ibabaw ng pader, pumapalakpak siya sa tuwa. "Sa wakas, makakalabas na rin. Ten thousand pesos, wait for me."
Nahirapan man si Ava na maipatong ang sarili sa ibabaw ng pader, nagawa niya rin sa huli pagkatapos ng ilang saglit na paghihirap.
Upang masigurong hindi mabalian ng mga buto pagkabagsak sa lupa, pumuwesto ang dalaga ng maayos. Ngunit ng siya ay handa na sa pagtalon, umalingawngaw sa kanyang pandinig ang malamig na boses ng ama, "Ava, maganda ba ang tanawin sa labas?"
"Medyo madilim pa sa labas." Nanlaki ang mga mata ni Ava at nanigas ang kanyang katawan ng mapagtanto na ang kumausap ay ang ama. Dahan-dahan siyang lumingon at nakita nga ang ama na nakasandal sa may pintuan. Alanganin na ngumiti ang dalaga. "Pa, bakit po nagising kayo ng maaga? Wala naman ho kayong pasok ngayon."
"Kung hindi ako nagising ng maaga, matutuklasan ko na lang na nawawala ka na."
"Peh! Peh! Pa, ano ba ang pinagsasabi niyo? Paano naman ako basta-basta mawawala, eh gaya nga ng sabi niyo, he-he, gusto ko lamang panoorin ang sikat ng araw."
"Ah ganun ba?" Tumango-tango ang ama. "Ang pagkakaalam ko ay nasa kabilang direksyon nagsisimulang sumikat ang araw."
"Ha? Ganun ba?" Tinampal ni Ava ang kanyang noo. Nasa hitsura talaga nito ang pagkagulat. "Tingnan mo nga naman, Pa. Ang bata-bata ko pa masyado na akong makakalimutin. Buti na lang pinaalala mo. Sayang lang ang pagod ko. Kailangan ko namang lumipat."
"Magtigil ka. Bumaba kana riyan. Kababae mong tao, umaakyat ka sa bakod."
"Oo na. Heto na. Bababa na."
Tumalikod na ang ama ni Ava. Wala na ring balak si Ava na umalis ng bahay sa pamamagitan ng pag-akyat sa bagod. Pakikiusapan na lang niya ang ama na payagan siyang lumahok sa karera.
Dahan-dahan na kumilos si Ava para muling bumaba. Ngunit sa isang iglap, dumulas ang kaliwa niyang paa at diretsahan siyang nahulog palabas.
Huli na nang mapansin ng ama ang nangyari. Nahulog na ang dalaga ng kanyang lingunin at tanging sigaw na lamang nito ang kanyang narinig. "Ava!"
Takot na takot ang ama. Mabilis siyang bumalik sa loob ng bahay upang kunin ang susi ng kanilang gate.
Samantala, sa labas ng bakod.
Akala ni Ava ay talagang babagsak siya. Hindi niya inaasahan na ang itinuturing na malas na umaga ay siya pa lang magdadala ng suwerte para sa kanya.
Dalawang makapangyarihang mga braso ang biglang sumalo kay Ava. Karga-karga nito ang dalaga sa kanyang mga balikat na parang binubuhat nito ang kanyang bride. Nakapulupot naman ang mga braso ni Ava sa leeg ng binatilyo.
Nakapikit ang mga mata ng dalaga, at kahit hindi niya imulat ang mga ito, ramdam na ramdam niya ang matipunong braso ng lalaki pati na rin ang mainit nitong mga titig sa kanyang mukha.
Lumakas ang t***k ng dibdib ni Ava kahit hindi pa man niya nakikita ang anyo ng lalaki. Pakiramdam niya kasi ay napakaguwapo ng lalaki sa paraan pa lamang ng pagkakasalo nito sa kanya— maingat at napakamaginoo.
Hindi na si Ava makatiis. Excited at kinikilig niyang ibinuka ang mga mata. At nang magkasalubong ang kanilang mga tingin, mas lalong lumakas ang kabog ng kanyang dibdib. Pakiramdam niya ay lulukso na ang kanyang puso palabas ng kanyang dibdib.
"Ang guwapo!" Wala sa sarili na nasambit ni Ava habang matamis na ngumiti sa lalaki.
Ito ang unang pagkakataon na tumibok at humanga ang dalaga sa isang binata at sobra-sobra pa. Para bang bumabawi ang kanyang puso sa labing-limang taon na hindi ito nakaramdam ng ganoong feeling.
Baguhan man, mabilis na tumakbo ang isip ni Ava. Tumigil ang mga bagay sa buong paligid niya at pinangarap niyang hahalikan siya ng binata. Hindi niya inakala na ang tumatakbo sa kanyang isipan ay isasakilos ng kanyang katawan.
Muling ipinikit ng dalaga ang mga mata at unti-unting ininguso ang mga labi, kaya napakunot ng noo ang lalaki.
"Anong ginagawa mo?" Walang damdamin na sabi ng lalaki.
Biglang napamulat ng mata si Ava at napahiya sa kakaibang tingin ng lalaki. Mabilis niyang tinanggal ang mga braso mula sa mahigpit na pagkakapulupot sa leeg ng binata at bumaba.
"Salamat." Nahihiyang sabi ng babae. "Ako pala si Ava. Ikaw? Anong pangalan mo?"
Pinukulan lamang ng tingin ng lalaki ang dalaga at walang pasabi na tumalikod at umalis.
"Eh teka sandali. Hindi ka pa nagpapakilala." Hahabulin sana ni Ava ang lalaki ng biglang bumukas ang pintuan ng kanilang gate at iniluwal ang labis na nag-aalala na ama.
"Ava!" Tumakbo ng mabilis ang ama sa lumingong anak at kaagad niya siyang sinuri mula ulo hanggang paa. "Kumusta ka? May masakit ba sa'yo? Bakit hindi ka nag-ingat. Tingnan mo ang nangyari, hindi ka kasi nakikinig sa akin."
Ngumiti si Ava. "Okay lang po ako Pa. Wala pong masakit sa akin. Huwag ho kayong mag-alala."
"Hindi ka nabalian ng buto o nagasgasan man lamang?" Kumunot ang noo ng ama niya. Bakas sa mukha ang pag-aalala at pagdududa.
Sumilip si Ava sa direksyon kung saan nawala ang lalaki at namula habang kinikilig na napapangiti. Napansin ng ama ang kakaibang kinikilos ng anak ngunit hindi niya ito pinuna.
Pinitik ng ama ang noo ng dalaga, dahilan upang ito ay mapakislot.
"Pa, bakit mo ako pinitik? Ang sakit ah." Nakasimangot na sabi ni Ava sabay hipo sa noo.
"Bumalik ka na sa loob ng bahay at mag-almusal. Huwag mo ng pangarapin pa na tumakas at gumawa ng kalokohan."
"Pa, hindi po—"
"Ava!" Seryoso na tinitigan ng ama si Ava kaya napatahimik na lamang siya. Nakunsensiya naman si Ava. Ramdam na ramdam kasi niya ang pag-aalala ng ama.
Upang mawala ang pag-aalala ng ama, biglang dinampian ni Ava ang pisngi ng ama ng isang mapagmahal na halik.
"Okay Pa. Pasok na po tayo. Hindi na po ako aalis ng bahay." Hinawakan ni Ava ang braso ng ama at hinatak papasok ng gate. "Alright. Tara na ho sa loob. Ipagluluto ko ho kayo ng napakasarap na almusal."
"Hmmp, akala mo mabibili mo ako sa ganyan." Nagkunwari na nagtatampo ang ama. Ngunit ang totoo ay halos hindi na niya mapigilan ang mapangiti dahil sa kalambingan ng anak.