Two years later…
Araw ng graduation.
Masyadong busy ang lahat ng naroroon sa paaralan. Araw na kasi ng graduation. Isang espesyal na araw para sa magsisipagtapos.
Masaya at espesyal man ang okasyon, magulo namang tingnan ang mga tao sa paligid.
May paparoon, may paparito, may nagtitipon-tipon sa ilalim ng puno o sa gilid ng gym habang masayang nagkukuwentuhan sa kani-kanilang pamilya o kaibigan. Wala naman silang ibang paksa maliban sa pagarbuhan ng suot at pasikatan ng kung sino ang may engranding handaan sa bahay. Ang iba naman ay pinag-uusapan kung saang kolehiyo sila mag-aaral at kung anong kurso Ang kanilang kukunin. Meron ding iba na nagpapaganda o nagpapagwapo habang naghahanap ng pagdidiskitahan sa mga dalaga o binatang naroroon.
Magtatapos na raw kasi sila kaya puwedi ng magsimulang magloko.
Pagdating sa mga magulang naman, ang iba ay pasikatan ng anak. Ang iba ay naroon lamang upang ipakita kung gaano sila kayaman.
Ang magkakahalong tawa at boses ng lahat ay parang mga huni ng bubuyog sa pandinig ni Ava ngunit kanya itong ininda sapagkat karapatan naman nilang magpakasaya lalo na sa espesyal na araw na iyon.
Tahimik lamang siyang nakatayo sa isang tabi. Masaya naman siyang pinagmamasdan ang mga naroroon na padaan-daan sa kanyang harapan suot-suot ang kanilang puting toga. Minsan ay napapangiti siya kapag may nagtatawanan sa kanyang harapan kahit wala siyang ideya kung ano ang kanilang pinag-uusapan.
"Hey, look over here! Bilis, tingnan niyo kung sino ang nandito!" Bigla na lamang may isang babae ang sumigaw. Nagtatalak pa ito ng matagal na lumingon ang lahat sa kanyang pagtawag. Akala mo kung anong napakahalagang-bagay ang kanyang nais ipaalam.
"Tingnan niyo nga naman. Akala ko kung sinong anak-iskwater ang nandito, so si Ava pala. " Lumapit ang babae kay Ava. Nagyayabang nitong sinuri si Ava mula ulo hanggang paa habang inekis ang mga braso sa kanyang dibdib at mapanghusga ang mga mata. "Yuck, ano ba iyang suot mo? Saan mo ba nabili iyan? Sa ukay-ukay o baka naman ninakaw mo iyong basahan ng inyong kapitbahay? Kadiri ka. Kaya naman pala nangangamoy." Umaksyon pa ang mayabang na babae. Kunwari tinataboy nito ang mabahong amoy palayo sa kanyang ilong.
Nagtawanan ang mga tao sa paligid lalo na ang dalawa pang babae na papalapit sa kanila. Kagaya ng mayabang na babae kanina, anak-mayaman sila kung umasta. Namumula ang kanilang mga mukha dahil sa labis din na pagtawa. Ang isa sa kanila ay nagsalita. "Hindi na iyan nakapagtataka Sophie. Tingnan mo nga naman. Wala siyang kasama. Alam niyo kung bakit?"
"Bakit?" Tanong ng kasama nito. Kunwari hindi niya naiintindihan ang nais nitong sabihin.
"Eh ano pa? Natatakot sila sa amoy niya." Sabad ni Sophie sa usapan, dahilan upang mag-aperan ang dalawa. "Alam niyo ba kung anong klaseng amoy?"
"Ano?" Sabay na tanong dalawa.
"Amoy iskwater. Amoy ulila. At amoy magnanakaw. Ingat kayo dyan baka maya-maya may nawawala na sainyo ."
Sa umpisa, hindi pinansin ni Ava ang mga panlalait at tawanan ng magkaibigan. Ngunit napahalakhak siya sahuling mga sinabi ni Sophie. "Anong tinatawa-tawa mo dyan? Inis na tanong ni Sophie." Iniinsulto mo ba ako?"
"Wala akong sinasabing ganyan." Umling si Ava habang sinusubukan na pigilan ang pagtawa ngunit nabigo siya. "Tama ka nga naman. Talagang nangangamoy dito." Umayos ng tayo si Ava at walang takot na hinarap ang tatlo. "Sophie, nagtataka lang ako? Anong kinain mo kanina?"
"Sinasabi mo bang mabaho ang hininga ko?"
"Hindi." Umiling muli si Ava. "Amoy suka kasi."
Eksakto namang may dumaan na mga naggagwapuhang kalalakihan. Mga magsisipagtapos din ang mga ito mula sa ibang seskyon. Nang marinig nila ang sinabi ni Ava, napatigil sila at nagtawanan.
Isa sa kanila ang nagsalita, tawang-tawa pa. "Pusta ko hindi rin iyan nakaligo."
"Sinasabi mo bang mabaho ako?" Galit na galit na tinapunan ng tingin ni Sophie ang binatang nagsalita. Nais niya itong murahin at bantaan ngunit napatulala siya ng makita ang hitsura ng lalaki. Kaagad niya kasing napagtanto na ang lalaking nagsalita ay ang binatilyong kanyang napupusuan mula noong first year pa lamang sila. Ngunit hindi siya nito pinapansin.
Napalunok ng laway ang dalagita. Kabado niya siyang hinarap. "Bakit ikaw?"
"Anong ako?" Tinaasan siya ng kilay ng lalaki na siyang nakadagdag sa karisma nito. "May sinabi ba ako?"
"Hindi ba, sabi mo- sabi mo ka-nina ay-ay–" Napabulol ang babae sa kaba. Hindi na niya alam kung ano ang sasabihin. Iba na kasi ang tumatakbo sa kanyang isipan. Nag-aalala siya na mas lalo siyang hindi pansinin ng lalaki pagkatapos kung ang susunod niyang mga salita ay hindi nito magugustuhan.
Pinutol kaagad ng lalaki ang nais nitong sabihin. "Tama. Kasasabi ko nga lang. Hindi mo ba naaamoy? Abot hanggang dito ang nangangasim mong katawan at namamanis mong hininga."
"Anong sinabi mo?" Bulyaw ng kaibigan ni Sophie. Nagkasalubong ang mga kilay nito habang tinuturo ang binatilyo.
Nagkibit balikat lamang ang naturang lalaki at tinapik ang mga kasama bago nagpatiunang umalis.
Nagsusumigaw naman ang babae sa galit. "Hoy, saan ka pupunta? Hindi pa tayo tapos." Hahabulin sana ng babae ang nasabing lalaki nang biglang hablutin ni Sophie ang kanyang balikat.
"Hayaan mo na siya." Sabi ni Sophie sabay lingo sa kanyang ulo. Bakas sa mukha nito ang labis na pagkahiya dahil sa mga sinabi ng binata. Wala na sa kanyang mga mukha ang kaninang yabang.
"Ngunit— ganun na lamang iyon? Hahayaan na lang natin siya na ipahiya ka?" Galit na ibinalik nga nasabing babae ang tingin Kay Ava. Pinagduduro nito si Ava habang nanlilisik ang mga mata sa inis. "Kasalanan mo Ito eh. Kung hindi dahil sa iyo. Hindi sana ito nangyari."
"Aba, wala naman akong ginawa. Kayo lang naman ang puputak-putak diyan." Inosenting sagot ni Ava. Gustuhin man niyang tumawa dahil sa nagsisimula nang kumalat ang kanilang makeup dahil sa sobrang init na panahon, hindi niya magawa dahil hindi naman niya ugali ang manlait o manliit ng kapwa. Hindi na lamang ito pinagtuunan ng pansin ni Ava.
"Aba, sumasagot ka pa! Kaya wala kang kasama eh dahil saksakan ka ng kabuwesitan."
Hindi na nagsalita pa si Sophie. Bigla na lamang itong tumalikod at nang akma itong tatakbo palayo ay biglang tumuon ang tingin ng lahat mula sa kanilang likuran. Nag-iingay kasi halos ang mga tao— estudyante man o mga magulang.
Sino ba naman ang hindi mapapahanga o mapapaingay kung ang bagong dating ay isang hilera ng magagarbo at mamahaling sasakyan. Humigit-kumulang sa sampung sasakyan ang sabay-sabay na pumarada sa tabi ng daan. Ang brand ng isa sa mga sasakyan ay pulang Porsche 911. At ang siyam ay puro itim na Rolls Royce.
Ang dating nila sa mga mata ng lahat na naroroon ay parang nagmamartsa sila kasama ang hari ng mundo.
Maya-maya, bumukas ang pinto ng pulang Porsche 911 at lumabas ang isang binata. Matipuno at maganda ang hubog ng kanyang katawan. Mamahalin ang kanyang suot na damit.
Naghiyawan ang mga dalaga pagkakita sa kanya. Hindi lamang siya guwapo, malakas pa ang kanyang porma. Talo pa niya ang mga sikat na modelo dahil sa kakisigan.
Isa lamang ang puweding maipintas sa kanya. Wala kasi itong kangiti-ngiti na humarap sa lahat. Diri-diritsa lamang itong naglakad hatid ng mga humahangang mga tingin. Para bang wala siyang ibang nakikita maliban sa mga puno sa paligid at nakatingin lamang sa may dulo na kung saan naghihintay ang kanyang prinsesa.
Sa hindi malamang dahilan, biglang kumabog ang dibdib ni Ava. Hindi sa nagugustuhan niya ang lalaki kundi sa kakaiba nitong mga tingin sa kanya. Pakiramdam niya ay may ibang kahulugan ang kanyang tingin at ang kanyang presensiya ay may dalang hindi magandang balita.
Kanina hindi sigurado ni Ava na sa kanya nakatingin ang binata. Nakumpirma lamang ito ng huminto sa mismong harapan niya ang lalaki. Maginoo itong tumitig sa kanya at yumukod. Para bang nagbibigay-galang sa isang tunay na prinsesa.
"Ikaw ba si Ava Miguel?" Ang tanong ng lalaki gamit ang malamig nitong boses na katulad ng nanunuyong kasintahan.