Nanlaki ang mga mata ni Ava sa gulat. Hindi niya akalain na ang panganay na anak ng pamilya Prince ay isang pilay.
Sa katunayan, hindi lamang ang dalaga ang sobrang nagulat sa nakikita. Kahit sino sa mga naroroon ay bakas sa mga mukha at mga mata ang labis na pagtataka. Kahit na si Lorence ay nanlaki rin ang mga mata sa nasaksihan. Nais sana ng binata na magsalita ngunit pinili na lamang niyang manahimik ng mapansin ang kakaibang ngiti ng kanyang tiya.
Bahagyang napayuko si Lorence, kumunot ang noo at nagtatanong sa sarili, "Anong nangyayari? Anong ginagawa nila? Anong laro itong ginagawa nila? Hindi ba nila balak magpakasal? Akala ko…"
Bumuntung-hininga na lamang si Lorence at muling inangat ang ulo upang manood sa mga susunod na mga mangyayari.
Ngumiti ang tinuringang ina ni Ava ng tuluyan ng makaharap sa dalaga ang binatang nakasakay sa wheelchair. "Iha, iyan ang pangalawa kung anak. Si Mycan Prince. Mycan, ipakilala mo ang sarili mo kay Miss Ava Miguel."
Napabuntunghininga ang binata. Maamo naman ang mukha nito at walang bakas ng pagkayamot o kalamigan ang pag-uugali. Sa katunayan ay makikita mo ang angking kabaitan nito. Ang problema lamang ay nasa mga mata nito ang labis na kalungkutan. Siguro dahil sa kanyang kapansanan.
Nagbigay-galang si Mycan sa dalaga sa pamamagitan ng bahagyang pagyuko sa kanyang ulo. At nang muling itaas ng binata ang mga ulo, muli itong bumuntung-hininga. Para bang pasan niya sa kanyang mga balikat ang lahat ng suliranin o problema sa buong mundo.
"Miss Ava Miguel, right?" Pagsisimula ng lalaki. Ang kanyang boses ay matamis sa pandinig ngunit halatang-halata ang halong kalungkutan dito. Matamlay at walang kabuhay-buhay.
Wala sa sarili na napatango si Ava.
"Ikinagagalak kitang makilala, Miss Ava. Ako nga pala si Mycan. Pangalawang anak. Hindi ko maikakaila na isa akong mayaman at guwapo. Naniniwala rin ako na babagay tayong dalawa kapag tayo'y magkatuluyan. Sa kasamaang-palad—" Tumigil sa pagsasalita ang lalaki at malungkot na hinimas-himas ang mga tuhod. "Nitong nakaraang buwan lamang ay naaksidente ako at ito ang naging resulta. Nagkadurog-durog ang aking mga binti, kaya, habang buhay na akong hindi makakalakad. Pasensya na."
Napalunok si Ava ng alanganin. Kung pipiliin nga naman niya ang lalaking ito upang maging asawa, ibig sabihin, habang buhay siyang mag-aalaga ng isang inutil?
Napakabata pa niya. Hindi siya sigurado na kanyang kakayanin ang ganoong responsibilidad.
Bahagyang napatawa ang dalaga. Tawa na hindi nakakainsulto o namamaliit. Kundi tawa na parang sinabi niyang isa siyang tanga. Hindi rin niya nilakasan ang tawa kaya siya, si Mycan, at Lorence lamang ang nakarinig.
"Mama, hindi naman sa ikinahihiya o minimaliit ko ang kapansanan ni Mycan. Pero sabi nga nila. Ang pag-aasawa ay pinag-iisipan ng mabuti at hindi minamadali. Kayo ang nagplano ng kasalan na ito kaya naniniwala ako na pinag-isipan niyo itong mabuti kaya hindi ako nag-aalala. Ngunit gaya rin ng pagpili ng magiging asawa, kailangan ko munang pumili mula sa kanilang tatlo kung sino ay nararapat para sa akin. So kung pwede sana ay makita ko muna silang tatlo bago ako pipili."
Tumango ang tinawag na 'mama' ni Ava. Halata na sang-ayon siya sa mga sinabi ng dalaga. "Kung ganun ay tawagin na natin ang isa ko pang anak."
Muling pumalakpak ang may katandaang babae at kaagad ay bumukas ang pintuan sa may gilid ng stage.
Dalawang matataas na mga binti ang unang nakita ni Ava hanggang sa lumitaw ang kabuuan ng binata. Nakasuot ito ng itim na tuxedo at may magandang hubog ng katawan. Ang problema lamang ay nakatago ang mukha ng lalaki. Sadyang iniwas nito ang mukha mula sa mga tao lalo na sa dalaga. Nakatuon lamang ang tingin ng binata sa may stage habang dahan-dahan na lumakad sa kanyang harapan.
Pinagmasdan ng mabuti ni Ava ang lalaki at sa kanyang palagay ay napakaguwapo nito. Wala rin itong kapintasan sa katawan. Matangkad at perpekto ang bawat parte ng kanyang katawan. Kaya sa palagay ni Ava ay siya na ang lalaki na karapat-dapat sa kanya.
Napangiti si Ava, habang sabi ng isipan, "Heto na siya. Heto na nga. Mukha namang matino at guwapo ang lalaking ito. Siya na lamang ang pipiliin ko."
Sabay-sabay na tumikhim ang tatlong elders sa may stage. Takip ang mga kamao sa kanilang mga bibig, halata na pinipigilan nila ang mapatawa.
Nagtataka man ang mga manonood kung anong gimik naman ang masasaksihan nila, nanahimik lamang sila.
"Pwede bang humarap ka at ng makita ko ang mukha mo?" Paghihiling ni Ava.
Tinakpan ng lalaki ang kanyang mukha at dahan-dahang lumingon. Hindi nagsalita ang binata, ngunit nang bigla niyang tinanggal ang mga nakatakip na kamay sa kanyang mga mukha, napaatras si Ava ng wala sa oras.
"Halaka!" Sabay na sigaw ni Ava at ni Lorence.
"Anong nangyari sa iyo, Fycan?" Nahintakutan na tanong ni Lorence? "Bakit nagkaganyan ang hitsura mo?"
"A-anong ibig sabihin nito?" Tanong din ni Ava. "Huwag mong sabihin na, bakla ka? Bakit mas makapal pa ang makeup mo kaysa sa akin?"
Ngumiti ng pagka-tamis-tamis si Fycan Prince kay Ava at saka kay Lorence, pagkatapos ay ikinurap-kurap ang mga mata na nagkikislapan dahil sa kumikinang na eyeshadow. "Miss Ava, pinsan, ito talaga ang tunay na ako. Lalaki nga ang anyo ko, pero hindi ako lalaki. Babae ako, ito ang idinidikta ng puso ko. Hindi ko kaya na aminin sa inyo ito noon, pero, napakahalaga ng araw na ito. Kaya niladlad ko na ang aking sarili. Ayaw ko ng magtago dahil sa anyo kung ito o dahil sa angkin kung kasarian. Gusto kong magpakatotoo. Hindi lamang para sa sarili ko. Kundi para sa lahat, lalong-lalo na sa iyo Miss Ava. Ayaw kong lokohin ka dahil naranasan ko na ang maloko at ito ay napakasakit. Para akong mabaliw at ayaw kong mangyari sa iyo iyon.
"Miss Ava, alam kung napakabuti mong tao, kaya ayaw kung magkimkim ng sekreto mula sa iyo. Kung matatanggap mo ako bilang ako. Bilang ganito, edi mas mabuti. Upang sa ganun, hindi ako mamumuhay sa guilt habang buhay kapag tayo ang magkatuluyan. Hindi ba at tama ako?"
Ngumiti pa si Fycan ng kahali-halina sabay tapon ng flying kiss kay Ava.
Napangiwi si Ava at muling napaatras ng isang hakbang. Muntikan pa siyang matumba dahil sa hindi maipaliwanag na nararamdaman. Salamat na lamang at mabilis na umalalay sa kanya si Lorence kaya hindi ito natuloy.
Pakiramdam ng dalaga ay gusto niyang matawa na maiyak at mapamura. Ngunit hindi niya magawa dahil hindi naman niya ugali ang mangmura ng tao. Lalo pa at pakiramdam din niya ay naninindig ang kanyang balahibo. Nahihintakutan at parang nandidiri siya kapag iisipin niya na ang kanyang asawa ay isang bading.
Subject na nga siya ng tuksuhan at pambubully sa paaralan. Paano na lamang kung malaman nila na bakla pala ang naging asawa niya?
Wala na siguro siyang mukha na maihaharap.
Humugot ng malalim na hininga si Ava bago naglakas-loob na sabihin ang nasa isipan. "Mawalang-galang na ho. Minamaliit niyo ba ako?"