Chapter 1

2904 Words
NAALIMPUNGATAN si Becky nang marinig ang pagkalampag ng mga gamit sa kusina. Pagtingin niya sa wall clock ay alas singko pa lang ng umaga. Pero kahit alam niyang maaaga pa ay hindi siya nag-isip na baka may magnanakaw na nakapasok sa bahay dahil unang-una, wala namang masyadong makukuha ang mga magnanakaw sa maliit na bahay nila. Ikalawa, alam niyang ang tatay lang niya iyon na si Rogelio. Napabuntong-hininga siya nang makitang nakasalampak na sa kusina ang ama at lasing na lasing na naman. Sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay wala na itong ibang inatupad kundi ang uminom. Mukhang nabitin pa yata dahil naghahanap pa ito ng maiinom sa refrigerator nila. Napakamot na lang siya sa ulo at nilapitan ang ama para tulungang makatayo. "Becky, umutang ka nga ng isang gin bilog kina Aling Bebang," utos nito. "'Inumaga na nga kayo ng pakikipag-inuman at ngayon ka lang nakauwi pero ang pag-inom na naman ang iniisip mo? Ano ka ba naman, 'Tay!?" "Wala kang pakialam kung gusto kong uminom!" galit na sikmat nito. Hindi niya ito pinakinggan at sa halip ay pinaupo na lang sa silya. Nagtimpla siya ng kape at ibinigay dito para mawala ang hangover. "Hindi na ako pinapautang ni Aling Bebang dahil hindi pa tayo bayad sa ibang utang. Mahaba na ang listahan natin doon. Kulang na nga ho ang kinikita ko para sa pang-araw-araw nating gastusin, dadagdag pa kayo." "Aba't nagmamalaki ka na ngayon?!" sigaw nito. "Tay, hindi naman sa ganoon pero tulungan mo naman ako dahil hindi ko kaya ito lahat." "Eh ikaw naman ang panganay. Tungkulin mo naman 'yan," sabi pa nito. Napabuga siya ng hangin. Hindi ba nito naisip ang tungkulin rin nito bilang padre pamilya nila? Dapat nga ay ito ang gumagawa ng paraan para makabangon sila pero dumadagdag pa ito sa problema nila. Gusto niya na sanang sagutin ang ama pero hindi niya na natuloy ang sasabihin nang makarinig siya ng ingay sa labas. "Rogelio! Lumabas ka riyan!" Kasunod na iyon ay ang malakas na pagkalabog ng pinto. "Rogelio! Alam kong nandiyan ka! Hindi mo ako mapagtataguan!" "Putang ina naman, oo!" asik ng tatay niya. Nahirapan itong mag-balanse pero sinikap nitong tumayo at lumabas. "Sino ba 'yan, Tay?!" tanong niya pero hindi ito sumagot. Agad na sumunod sna lang siya dito at nakita niya ang dalawang bruskong taga-kabilang barangay na ka-sugalan ng tatay niya. Napailing na lang siya nang maisip na baka ay may utang na naman ang ama. Hindi naman kasi iyon ang unang pagkakataon na nagpunta si Tonio sa kanila at nag-eskandalo. "Oy, Tonio! Boss! Anong ginagawa niyo rito?" pangiti-ngiti pang wika ng tatay niya. "Huwag mo akong ma-Tonio, Tonio diyan, Rogelio," asik nito. "Magbayad ka ng utang mo! Ang tagal tagal na noon!" "Tonio, Bossing, baka naman puwedeng sa susunod na," pangisi-ngisi pang sabi ng tatay niya na dinadaan daan sa biro si Tonio. Pero masama na ang timpla ng mukha ni Tonio kaya nang akmang hahawakan ng tatay niya ang kamay nito ay agad nitong tinabig ang ama. Dahil mahina ang balanse dahil sa kalasingan ay natumba ito agad. "Okay lang sana kung limang daan lang ang utang mo. Ang problema ay fifty thousand na," bulyaw nito. "Fifty thousand?!" hindi mapigilang bulalas ni Becky. Alam niyang sugarol ang ama at kahit pinagsasabihan niya ito ay hindi ito tumitigil. Hindi niya lang talaga akalain na aabot nang ganoon kalaki ang utang nito. "Oo. Kaya kung ako sa'yo, bayaran mo ang utang ng tatay mo," baling ni Tonio sa kanya. "Bakit ako?! Eh siya ang naglustay ng pera!" sabi niya. Naniningkit ang mga matang lumapit ito sa kanya. Dahil sa laki ng katawan, sa mga tattoo sa braso at sa sama ng tingin nito sa kanya ay nahintakutan siya nang lumapit ito. Desimuladong napaatras pa si Becky hanggang sa napigilan siya nito. Sobrang kinakabahan siya dahil nakakatakot ang hitsura nito. Sa liit niya ay kayang kaya siyang durugin nito. "Ayaw mong bayaran? O baka gusto mong ikaw na lang ang pambayad utang ng Tatay mo?" Akmang hahaplusin nito ang kanyang mukha nang biglang sumingit ang kapatid niyang si Rene. "Bitawan mo ang ate ko!" Tinulak nito si Tonio. Namumula ang mukhang tumingin ito sa kanya. "Gumawa ka ng paraan para mabayaran ang utang ng Tatay mo. Kung hindi mo maibibigay sa akin ang pera sa Biyernes ay may masamang mangyayari sa ama at kapatid mo," pagbabanta nito. Dinaanan pa ni Tonio ang ama niyang nakahiga pa rin sa sahig at sinipa iyon bago umalis. Akala niya ay susundan na ng kasama nito si Tonio pero laking gulat niya nang bigla nitong upakan ang kapatid niya. "Rene!!!" Agad ring nagsilabasan ang dalawa niyang kapatid at dinaluhan ang nasaktang si Rene. Halos hindi niya na alam ang gagawin dahil duguan na ang mukha nito at namimilipit ito sa sakit. Naaawa siya sa kapatid dahil wala namang kasalanan ito pero ito pa ang umako ng kalokohan ng ama. "Tay naman kasi! Bakit ba nagkautang ka ng fifty thousand kay Tonio?!" galit na galit na wika niya. "Eh natalo ako sa sugal eh," tila balewalang wika nito. Lalong nag-init ang ulo niya. Puro pasakit na lang ang dala nito sa buhay nila. "Ano ba naman 'yan 'Tay! Hindi na nga ako magkandaugaga sa trabaho sa dami dami natin ng gastusin, nagkaroon ka pa ng utang," hindi mapigilang sumbat niya na hindi nito nagustuhan. Tumayo ito at nagpilit na maibalanse ang sarili. "At nanunumbat ka pa talaga!" asik nito. "Mga walang kuwenta, kayo! Pare-parehas kayo ng nanay mo!" galit na wika nito saka pasuray-suray na umalis. Labing-isang taon na ang nakakaraan mula nang iwan sila ng nanay niya. Hindi nito kinaya ang hirap ng buhay kaya nang may makilala itong foreigner ay sumama na ito roon nang hindi man lang inisip ang apat na anak. Labing-limang taong gulang na noon si Becky pero mahirap pa rin para sa kanya ang lahat. Kinailangan niyang magsikap sa murang edad para siya na ang magtaguyod sa pamilya nila dahil hindi magampanan ng tatay niya ang responsibilidad sa kanila. Nang makapagtapos si Becky ng high school ay agad na siyang nagtrabaho para matulungan sa pag-aaral ang tatlo niyang kapatid. Aminado siyang mahirap pero kinakaya niya iyon. Kahit anong raket ay pinapasukan niya--promodizer, singer, waitress, saleslady sa sapatusan at kung ano-ano pa. Basta kaya niya ay hindi niya pinapalagpas. Kahit papaano ay nakakaraos naman sila, kaya lang ay dahil sa pagsusugal at pag-iinom ng tatay niya ay nahihila rin sila pababa. Nahihirapan na talaga siya. Lalo pa ngayong graduating sa kolehiyo ang ikatlo niyang kapatid na si Ria kaya kailangan niyang igapang ang pag-aaral nito. Tumigil na rin sa trabaho ang sumunod sa kanya na si Ron dahil ito naman ang nag-aalaga sa pasaway niyang Tatay. "Pero paano na tayo, ate?" nag-aalalang wika ni Ria. "Huwag mo nang masyadong isipin iyon. Ako na ang gagawa ng paraan," aniya at frustrated na naihilamos ang palad sa mukha. Ang totoo ay hindi niya rin alam kung saan siya kukuha ng ganoon kalaking halaga pero alam niya namang wala rin namang ibang maaasahan ang pamilya nila kundi siya. Isa pa ay mahirap din kalaban iyong si Tonio dahil baka totohanin talaga nito ang banta. Namomroblema man ay pilit na isinantabi na lang ni Becky muna ang lahat at naghanda na para sa trabaho niya. Ngayon ay mas dapat siyang magispag dahil kailangan niya ng pera. Nagluto pa siya ng pananghaliang ilalako sa nurses at doctors sa San Victorio Medical Center sa Makati kung saan siya nagtatrabaho bilang janitress. Iisang buwan pa siya doon dahil kakatapos pa lamang ng kontrata sa dati niyang trabaho. Dahil wala pang ibang mapapasukang trabaho ay sinunggaban niya na ang pagiging janitress na inialok ng kapitbahay nilang si Emma na nagtatrabaho din sa SVMC. Ayaw kasi niyang may masayang na oras dahil sayang ang perang kikitain niya. Pandagdag na rin iyon sa gastusin nila. Mabuti na lang talaga at pinayagan siya ng assistant director na pinagpaalaman niya kung puwede siyang maglako ng mga ulam at iba pang lutong pagkain. Basta hindi daw niya napapabayaan ang trabaho niya ay okay lang daw iyon. Aakuin niya nang siya ang raketera ng taon dahil kailangang-kailangan niya naman talaga. Kung sana ay mas madaling paraan para magkapera. Sa psychiatric ward ng SVMC na nasa likod ng ospital naka-assign si Becky. Nang makarating doon ay agad niyang nilapitan ang guard na si Mario. Nangako kasi itong ngayon daw magbabayad ng inutang na ulam sa kanya. "Good Morning, Kuya Mario!" magiliw na bati niya. Napangisi ito at base sa hitsura ay alam na nito kung bakit siya masaya. Dumukot ito sa bulsa ng pera kaya lalong lumawak ang ngiti niya. "Kay aga-aga, sinisingil mo na ako agad." Ibinigay nito sa kanya ang pera. Agad niya iyong binilang dahil ayaw na ayaw niyang ginugulangan. Nang makumpirmang tama ang bilang ay agad niyang inilagay iyon sa bulsa ni. "Siyempre." "Matinik ka talaga pagdating sa pera," naiiling na wika nito. "Siyempre, Kuya. Money is life," sagot niya. "Hindi talaga makakatakas ang mga nurse na may utang sa 'yo," pakamot-kamot sa ulong sabi pa nito. "Subukan lang nila!" Nang maisip niya ang mga nars ay agad niya ring siningil ang mga may utang sa kanya matapos niyang kunin ang mga gamit sa paglilinis sa storage room. Ayaw pa ngang magbayad ng iba, pero pinilit niya dahil alam niyang kakasuweldo lamang ng mga ito. Mayamaya ay binibilang niya na ang mga nasingil. "Iba ka! Siningil mo agad!" pailing-iling na wika ng kapitbahay at kasamahan niyang janitress na si Emma. Nagma-mop na ito ng sahig, pero hindi nito naiwasang tumigil sa ginagawa para lang punahin siya. "Dapat lang! Antagal na nilang mga utang 'yan. Baka deformed na nga ang foam ng mga brang binili nila sa akin, hindi pa sila bayad." Bukod kasi sa mga ulam ay nagpapa-order din siya ng mga underwear at makeup na puwedeng five gives. "'Pag hindi ko pa sila siningil, gagastusin nila 'yan pang-date." "Matindi talaga ang pangangailangan mo!" Natatawang napailing si Emma. "Sobra! Kaya mahalaga sa akin ang bawat sentimo." Binibilang ni Becky ang mga barya nang mabitawan niya ang sampung piso. Dadamputin niya sana iyon agad kaso ay gumulong kaya sinundan niya iyon. Mabilis na gumapang si Becky para mahabol ang barya at wala na siyang pakialam kung parang aso siyang naghahanap ng bagay na nawawala gamit ang pang-amoy. Aba! Isang sentimo nga mahalaga sa kanya, sampung piso pa kaya? Napatigil lang siya nang tumama iyon sa paanan ng itim na sapatos na mukhang mamahalin. Hinintay niyang umalis sa harap niya ang lalaki pero hindi ito gumalaw. Tumingala siya para makita ang mukha nito. Habang pataas nang pataas ang tingin ay napansin niya kung gaano kagara at kaperpekto ang sukat ng asul na long sleeves para sa katawan ng lalaking mukhang alaga sa ehersisyo. Kung katawan ang pagbabasehan, mukhang guwapo ang lalaki. Pero nang tuluyang makita niya ang mukha nito ay saka niya nakumpirmang tama ang iniisip niya. Well, higit pa pala iyon sa iniisip niya dahil sobra itong guwapo. Siguro ay kung mapadpad ito sa barangay nila ay pagkakaguluhan ito ng mga matron doon. Kahit nga kasi siya mismo ay napapasinghap dahil mukhang artista ang dating nito. In all fairness. Yayamanin din si Kuya. Sanay si Becky na nakikita ang mga tambay sa kanto sa tinitirhan nila kaya parang pakiramdam niya ay pinagpala siya nang makita ang kaguwapuhang iyon. Mukha itong arogante at masungit kung ang pagbabasehan niya ang hindi pagngiti nito sa kanya. Para bang iritado pa nga ito sa kanya dahil nakaharang siya sa dinaraanan nito. Pero talagang hindi magawang gumalaw ni Becky dahil napatulala na siya sa lalaki. Parang gusto niyang mapaisip kung legal pa ba ang ganoong kaguwapuhan. Intense ang maganda nitong mga mata na para bang kapag tinititigan siya ay hinihigop nito ang kanyang pagkatao. Pero hindi lang ang mga mata nito ang maganda sa mukha nito dahil pati ang matangos nitong ilong, ang may kanipisan nitong mga labi at prominenteng panga ay nakadagdag sa gandang lalaki nito. Para itong buhay na bersyon ng mga bidang lalaki sa pocketbooks na binabasa niya minsan. Basta. Wala siyang maitulak-kabigin dito. Bumagay din sa lalaking-lalaking dating ang kayumangging kulay ng balat nito. At kung may isang salita man siyang naiisip habang nakatitig siya rito ay "Adonis" iyon. Tila napansin nito ang pagkakatulala niya dahil bahagyang kumunot ang noo nito. "Are you okay?" tanong pa nito. Gusto niyang mapamura dahil pati ang baritonong boses nito ay ang ganda ring pakinggan! Wala bang kalait-lait man lang sa lalaking ito? "Ah... oo," nauutal na wika niya. "K-kinukuha ko lang ang sa—sampung piso ko." Pinulot niya ang barya sa sahig sa kabila ng kabang nadarama. Ano ba ang nangyayari sa kanya? Ganoon ba talaga katindi ang pagkakatitig nito sa kanya kaya pati pagsasalita niya ay naaapektuhan? Pero kung sasagutin niya ang katanungan sa sarili ay sasabihin niyang oo. Para kasing hinihigop siya ng magagandang mga mata nito. Para bang may kung anong magnetong humihila sa kanya para lalo itong pagtuunan ng pansin. Bumibilis ang t***k ng puso niya habang magkahinang ang kanilang mga mata at hindi nakatulong sa kanya ang bahagyang paglapit nito sa kanya para kumalma ang nawiwindang niyang puso. Inilahad kasi nito ang kamay para tulungan siyang makatayo. Lalo lang siyang napatingin sa mga mata nitong tila tinutuklas ang mga sekreto niya. Parang hindi siya mapakali sa ilalim ng mga titig nito at lalo siyang na-distract nang pumasok sa ilong niya ang swabeng amoy nito. Amoy mamahalin. Hindi na pinalagpas ni Becky ang pagkakataong singhutin ito nang mas makalapit pa siya. Ah! Kung puwede lang ay pupunuin niya ng mabangong amoy nito ang kanyang mga baga. Hindi naman talaga normal na ganoon si Becky pero parang binubuhay ng lalaki ang kanyang katawang lupa. Sa isang buwang pagtatrabaho niya roon ay ang mga kakaibang eksena ng mga pasyente sa psychiatric ward ang nagbibigay ng interesanteng pangyayari sa bawat araw niya pero ngayon, nakakapagtakang isang mukhang matinong lalaki ang pinagtuunan niya ng pansin. Kahit siguro pakatitigan niya ang mukha nito sa loob ng isang buong araw ay hindi siya magrereklamo. Solve na solve pa siya kung ganoon. "Are you sure you're okay?" nawi-weirdo-hang tanong nito sa kanya nang sa wakas ay maayos na makatayo na siya. "Oo. Salamat." Nanatili lang itong nakamasid sa kanya nang matiim at hindi na nagsalita. Pakiramdam niya ay nahihipnotismo na naman siya ng tingin nito kaya siya na ang nagbaling ng tingin. "I'll go ahead then," wika lang nito at saka umalis. Nakatulala pa rin siyang pinagmamasdan ang likod ng lalaki nang mabilis na lumapit sa kanya si Emma. "I'll go ahead then," ginaya pa ni Becky ang pagkamasungit na tono pero sosyal na paraan ng pagsasalita ng lalaki. Taray talaga nito! Pati dila, yayamanin! "Ang guwapo talaga ni Doc Hugh!" Impit na napatili pa ito. "Doktor siya?" nagtatakang tanong ni Becky. Sa isang buwan niyang pagtatrabaho doon ay sigurado siyang ngayon niya pa lang nakita ang mukha nito. "Oo. Sa pamilya nila ang ospital na ito at anak siya ng head ng surgery department na si Dr. Eduardo San Victorio." Kaya naman pala mukhang mayaman ang lalaki; mayaman naman pala talaga ito. Dinig niya, bukod sa angkan ng mga doktor ang mga San Victorio ay marami ring ibang negosyo ang pamilya. "Eh, bakit ngayon ko lang siya nakita?" Isang beses pa silang napatingin sa doktor na ngayon ay kausap ang head ng psychiatry department. "Kasi nga, sa isang ospital nila sa Cebu talaga siya naka-assign." Lumapit pa ito sa kanya para may ibulong. "Medyo may issue sila ng papa niya kaya hindi siya nagtrabaho dito. Ang tsismis ay umuuwi naman siya pero hindi lang ganoong nagtatagal. Pinilit lang daw 'yan ng Tito Zandro niya na lumipat dito." "Bakit parang andami mong alam?" "Narinig ko lang na bulung-bulungan ng mga nurse doon sa cafeteria sa main building. Madaming nagkaka-crush diyan kay Doc Hugh kasi. Kahit nga ang kasamahan nating janitress na si Malou, pinapantasya rin 'yang si Doc." Napaikot ang mga mata ni Becky. Sino ba naman ang hindi pinagpapantasyahan ng malanding si Malou? "Minsan na siyang ipinakilala ni Sir Zandro sa mga staff. Grabe! Mas guwapo siya ngayon kaysa noong huli ko siyang nakita," kinikilig pang dagdag ni Emma. "Okay lang," kunwa'y walang pakialam na sagot niya. "Okay lang? Kaya pala tulaley ka nang tulungan ka niya!" Nakita pala nito ang pagkatulala niya pero hindi pa rin siya aamin. "Gaya n'yang si Doc ang mga taong dapat pinagtutuunan mo ng pansin para sumaya naman ang buhay mo. Hindi 'yong puro paninigil lang ang laman ng utak mo." "Mas gusto ko ang pera kaysa sa lalaki." Inirapan niya ito. "Weh? Kitang kita ko, type mo si Doc, eh. Nagninging ang mga mata mo nang makita mo siya." Nanunudyong nginitian siya ni Emma, pero nagliwanag ang mukha nito nang tila may naisip na naman na kung ano. "Bakit kaya hindi mo na lang akitin si Doc? Guwapo siya, mukhang type mo siya at mayaman. Hindi mo na kailangang magtinda kapag napangasawa mo siya. Balita ko wala rin siyang nobya." "Akitin talaga?" hindi makapaniwalang wika ni Becky. "Oo. Wala namang masama." Saglit siyang natigilan nang muling mapalingon sa kanila si Doc Hugh ay nagtama ang kanilang mga mata. Parang lumukso ang puso niya nang mapansin ang intensidad ng pagtingin nito sa kanya. Napakaguwapo talaga nito at perpekto sa paningin niya. Kung papatulan niya talaga ang sinabi ni Emma ay talaga nga namang jackpot sa lalaking ito. Matangkad, guwapo at mayaman. Hmm. Hindi na rin masama.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD