Bago ako bumalik sa higaan ay inalis ko ang ipit ng kurtina para hindi masyadong makapasok ang sinag ng araw sa aking kwarto. Habang ginagawa iyon ay nahagip ng peripheral vision ko ang isang batang nakaupo sa ilalim ng punong mangga na katapat ng kwarto.
Tinignan ko ang aking orasan kinse minutos makalipas ang alas tres. Hindi kaya iyon ang batang kalaro ni Ania?
Nagmadali akong kuhanin ang cellphone ko sa side table at jacket. Minsan ay may naliligaw sa gubat dito dahil halos magkakapareho ang itsura ng dulo ng bawat daan.
Delikado ang oras na ito. Marahil ay kanina pa siya nagpasikot-sikot sa lugar na ito at hindi nahanap ang mga kasama niya. Minsan ay may turista na dumadayo rito para mangisda, o kaya maligo sa malinis na batis.
Habang bumababa ng hagdanan ay nakarinig ako ng bagay na nabasag. “Kuya Wyn, saan ka pupunta?” Tumingin ako sa tumawag sa ngalan ko.
“Bumalik ka na sa kwarto. May titignan lang ako sa baba.” Tumaas muli ako at binuhat ang pinsan ko.
“Matulog ka na ha.” Hinatid ko siya sa silid at nagmwestra na yakapin na si Lola.
Matapos nito ay tuluyan akong bumaba at lumabas. “Sir, saan kayo pupunta?” Tinitigan ko ang daliri ni Manang Anita na may dugo. Sa kabilang kamay niya naman ay hawak niya ang isang basag na paso.
“Anong nangyari dyan saka gabing-gabi na nasa labas pa po kayo.”
“Nagulantang ako sa tulog. Inimis ko lang po itong paso. May pusa kasing ampon si Lola niyo na makulit kaya heto…” tinaas niya ang paso. “...nabasag.”
“Kayo ho Sir bakit kayo lumabas?” Wika nito na nakasuot din ng pajamas na faded blue.
“May nakita ka bang bata?” Mukhang clueless ang mukha nito. “Bata doon sa manggahan.”
“Wala, Sir. Pusa lang ang nandito baka po guni-guni niyo lang ‘yun.” Umuna siyang pumasok sa loob habang ako ay para bang estatwa na pinagmamasdan ang puno.
Imposible. Kitang-kita kong may batang nakaupo roon kanina. Hindi bale. Bumalik na lamang ako sa aking kwarto. Bago ako humiga ay tinignan kong muli ang puno.
Wala nang tao roon. Mukhang tama nga si Manang. Tuluyan akong humiga nang kama at nagkumot dahil sa lamig.
Dalawang babaeng duguan ang nakahandusay sa kalsada. Nanginginig man ang buo kong katawan lumapit ako upang tignan ang lagay nila.
“Tulong…tulungan niyo kami.” Paulit-ulit na sambit ng babae.
“Tulong! Tulungan niyo kami.” Tinusok niya ang mga daliri sa kalsada at unti-unting lumapit sa akin.
“Tulong!” Pabilis ng pabilis ang paggapang niya. Nang nakalapit na siya sa kinatatayuan ko ay wala siyang mukha at puro dugo lamang iyon
“Tulong!!!” Umikot ang leeg nito sa hindi makapaniwalang anggulo hanggang unti-unti nagpakita ang bibig nito. Kumurba nang mabagal ang ngiti sa kanyang labi.
Ang ngiti na halos ikapunit ng mukha niya. Lumagong ang boses nito na tila may isa pang nilalang na nasa katawan niya.
“Tama na!!” Pinilit kong imulat ang aking mga mga mata. Hindi ko gaanong maibukas iyon. Ang babaeng nasa panaginip ko ay kasalukuyang nakadikit sa aking bintana.
Tumindig ang balahibo ko at abot-abot ang aking paghinga. Pilit niyang binubuksan gamit ng kamay niyang inaagnas ang bintana. Gusto ko man bumangon pero naninigas ang buo kong katawan.
“Tulong!” Wika ko pero para bang walang nakaririnig sa akin sa ilang ulit kong sambit.
Pumikit ako nang mariin at nagdasal. Naramdaman kong humuhupa ang paninigas ng katawan ko. Kinurot ko nang bahagya ang sarili at namalayan ko na lamang na panaginip ang lahat.
Hawak ang dibdib habang tumutulo ang pawis sa aking ulo ay nagpasalamat ako sa Diyos na hindi totoo ang lahat.
Pumunta ako ng kusina para uminom ng tubig. Lampas alas kwatro ng umaga nang tinignan ko ang wall clock na katapat ng refrigerator. Katabi rin nito ang customized calendar na pinagawa ni Kuya Ten para kay Lola.
Napatitig na lamang ako roon. Ngayon ang araw kung kailan nangyari ang aksidente.
Alam kong mali ang nagawa namin noon pero may tiwala ako sa kaibigan ko na tinama niya iyon. Ang kaso lang ay ang sarili kong pag i-isip ang hindi makawala sa nakaraan.
Ilang minuto ang nakalipas at tumitig ako sa kalendaryo. Namuo ang dugo sa mismong petsang tinitigan ko.
Napalundag ako sa gulat nang may humawak sa balikat ko. Lumunok ako bago lumingon.“Apo ang aga mo yatang nagising?” para bang nabunot ang tinik sa dibdib ko.
Hindi ako nakaimik. Hindi alam ni Lola ang nangyari at ayokong malaman niya iyon. May mga bagay na dapat ilihim lalo na kung tapos na.
“Apo, h’’wag mo nang isipin ang problema niyo nang Mama mo. Nandito ka na. Saka na iyon ha. Bumalik ka na sa pagtulog mo.” Tumango ako sa sinabi ni Lola at hinalikan siya sa noo.
Pinagtimpla ko muna siyang gatas bago tuluyang natulog. Nagpasalamat ako sa Diyos ng nagising ako kinaumagahan na para bang walang nangyari.
Masaya si Ania na nagkwento tungkol sa pagpunta niya sa kalapit na bayan kasama si Lola. Pinaglagay ko siya ng lasagna siya na luto ko sa pinggan habang nakaupo siya paborito niyang rosas na upuan.
Pinunasan ko ng tissue ang gilid ng labi. “Kuya ang dami palang kakilala ni Lola. Ang saya marami siyang kaibigan.” Kwento ng paslit.
Sayang lang at hindi ako nakasama kanina dahil tinulungan ko si Manang Anita sa gawaing bahay. Sigurado akong kilala pa ako nang ilang mga tao sa baryong iyon. Sa isang banda ay ayos lang din sa akin dahil kahit papaano ay nabawasan ang gawain ni Manang Anita.
Minsan lang siyang magpahinga saka inaalala ko ay may taong ayaw kong makita malapit sa lugar na iyon.
“May kaibigan ka rin ‘di ba? Sa school niyo.” Nilagay ko ang orange juice sa tabi niya.
“Malayo sila. Wala akong kalaro rito.” Lumabi siya at nagpakawala ng mabigat na paghinga.
“Nasaan ang kalaro mo kagabi? Hindi ba’t sabi ko ay umaga ka niya dalawin.” Nagkibit-balikat si Ania at nilibang na lamang ang sarili sa paglaro ng kubyertos.
Hindi bale mahahanap ko rin ang batang iyon, o hindi kaya kusa siyang pupunta rito. Hindi mahirap hanapin ang bahay ni Lola dahil bukod tanging ito lang ang mansyon sa lugar na ito. Dati ay may ilan pang mansyon dito pero ang iba ay pinagbili o hindi kaya inabandona.
Marami kasing samu't-saring kwento sa lugar na ito. Minsan ko nang sinabi kay Lola na iwan niya na ang lugar na ito pero hindi siya pumayag. Ito ang nagpapaalala sa kanya sa alaala kasama si Lolo.
"Hindi ko po alam." Sinubuan ko siya nang lasagna.
"Ano bang pangalan niya?" Malungkot siyang tumingin sa akin at umiling.
"Ngumiti ka na. H'wag kang mag-alala. Mahahanap din natin ang kalaro mo." Tinulungan ko siyang alisin ang sauce na muntik kumalat sa collar ng damit niya.
Lumiwanag ang mukha niya. "Talaga Kuya hahanapin natin siya?!" Tumango-tango ako.
"Saan ba nakatira ang kaibigan mo?" Sumimsim ako ng juice.
"Sa kahuyan daw po." Inosenteng sagot ng paslit.
May nakatira na ulit sa kahuyan? Kailan pa?