"DJ Ren, paano ko po ba malalaman na siya na talaga si Mr. Right? Paano ko po malalaman na siya na talaga ang taong nakalaan para sa'kin?"
I hissed. Bakit ba mga walang kwentang bagay ang pinoproblema ng mga 'to?
"Sabi po kasi ng best friend ko, humingi daw ako ng signs. Tatlong signs daw. Kung sino daw makakagawa nun, siya na ang Mr. Right ko. Totoo po ba yun DJ Ren?"
Tinanggal ko ang suot kong headset at saka bumaling sa nakabantay na President.
"Kailangan ko ba talagang sagutin 'to?"
Tumango ito.
"Ano namang kinalaman ko kay Mr. Right? Hindi naman ako si kupido."
"Sagutin mo lang siya ng maayos, Ren. Kahit naman anong sabihin mo, natutuwa ang mga listeners." nakangising tugon nito na lalo kong ikinasimangot.
"Kailan pa ako naging clown ng booth na'to?"
"Sige na. Sayang ang oras, kausapin mo na 'yung caller."
Padabog ko namang muling ibinalik ang suot na headset.
Pumuputak na pala ang bibe.
"Hello DJ Ren, andiyan ka pa? DJ Ren.. hoy. Knock knock."
"Who's there?"
"DJ Ren naman e, akala ko iniwan mo na ako sa ere. Wag mo ng uulitin 'yun.. masakit maiwan sa ere DJ. Yung tipong umaasa ka, naghihintay ka.. tapos sa huli masasaktan ka lang pala. Tapos ikaw pa 'yung mahihirapang makamove on, hindi mo kasi matanggap ang katotohanang wala na. Iniwan ka na. Pinagpalit ka na sa iba."
"Ge." maikli kong tugon sa kaartehan niya.
Habang tumatagal mas lalo kong pinagsisihan ang pagiging member ng radio booth na'to. Nakakasawang makinig sa mga bibe. Kasalanan talaga ng balat ng saging na 'yun!
"Lumayo na tayo sa topic DJ. Ikaw kasi e, ang kulit mo po." may paghagikhik pang saad nito. "Ano na pong mapapayo niyo sa'kin?"
Siniko ko ang lalaking musikero sa tabi ko.
"Patugtugin mo 'yung chorus ng Mr. Right.." I mouthed at him.
Bubugbugin ko siya kapag hindi niya naintindihan!
"Gusto mong malaman kung sinong Mr. Right mo?" tanong ko sa bibe.
"Opo.. opo."
"Magbake ka ng cupcake.."
"Tapos po?" excited nitong wika.
"Try mong gawing icing 'yang lalaki mo."
"Huh? Di ko gets DJ."
Muli kong siniko ang katabi ko, mukhang may isang kilong utak naman siya at nagawa niya ang gusto kong mangyari.
Ikaw nga ba si Mr. Right?
Ikaw nga ba love of my life?
Ikaw nga ba ang icing sa ibabaw ng cupcake ko
"Gets mo na? Mr. Right ka ng Mr. Right. Ayusin mo muna kaya 'yang sarili mo. Naghahanap ka ng right para sa'yo, pero sa tingin mo ba karapat-dapat ka sa taong hinahanap mo? Alam mo ba kung ilan ang buto ng isang tao? Kilala mo ba kung sino ang Father of Computer? Alam mo ba ang square root ng 888? Kailan namatay si Magellan? Pang-ilang pangulo si President Duterte?" I paused para huminga sandali. "Unahin mo munang sagutin ang mga 'yan, bago mo hanapin ang nawawalang si Mr. Right."
Sa halip na boses ng bibe, tototoot na lang ang narinig ko.
Binabaan niya ako!
"Hoy bibe! Sinong may sabi sa'yong babaan ako? Hahanapin kita at gagawin kitang cupcake! Magtago ka na sa lungga mo! Pakakainin kita ng isang daang encyclopedia! Mag----Anong ginawa mo?!" asik ko kay Dora na may kung anong pinindot kaya biglang nawala ang linya at nagpatuloy ang pagkanta ni Kim Chiu. "Hindi pa ako tapos magsalita."
Umiling naman ito at tinanggal ang suot kong headset.
"Wala naman akong sinabing magwala ka. Naririnig ka ng mga teachers.. baka mamaya, ipatawag tayo at tuluyan ng sibakin." tugon ng President na tinanguan lang si Dora.
Tumayo ako at humalukipkip sa harap niya.
"Mas okay 'yun."
"Sa'yo okay lang, sa'min hindi. Ren, kung importante sa'yo ang basketball.. ganun din para sa'min itong booth. Masaya na kami sa 15 minutes na pinagkakaloob ng school, 15 minutes of freedom and music." tinalikuran ako nito at naupo sa pwesto ko kanina. "Ako na ang bahala dito, pwede ka ng umalis."
Umirap lang naman ako at tuluyan ng lumabas. Padabog ko pang isinara ang pintuan.
Pasaway na mukhang bibe!
"Hello? Hello DJ Tine naririnig mo ba ako?"
I frowned at napatitig sa malaking speaker sa harap ko.
"Hi. Sorry si DJ Jackie na ito." tugon ni President. "Anong maitutulong ko sa'yo? Teka, pwede ko bang malaman ang pangalan mo?"
"Hello DJ Jackie, si Gold Andrei Bautista nga pala 'to. Member ng basketball team, tapos #08 ang jersey ko. Mahilig ako sa burger, sa fries saka sa isaw. Favorite color ko ang white tapos---"
"Teka, pangalan lang ang tinatanong ko." tumatawang putol ni President. "3 minutes na lang ang meron tayo, pwede mo na bang sabihin ang pakay mo?"
"Ehem." Ginto cleared his throat. "The human skeleton is the internal framework of the body. It is composed of 270 bones at birth - this total decreases to 206 bones by adulthood after some bones have fused together. The bone mass in the skeleton reaches maximum density around age 30." he paused. "As far as I know, Charles Babbage was the Father of Computer. The square root of 888 is 29.7993289. Magellan was killed in the Philippines on April 27, 1521." he sighed. "Dinudugo na ako, teka tagalog muna tayo." hirit nito sabay tawa. "Si President Duterte ay panglabing-anim na pangulo ng ating bansa."
That was my questions a while ago. Ano na namang trip ng Ginto na ito?
"Paano ba 'yan Tine, nasagot ko lahat ng tanong mo.." I can imagine him smiling like an idiot. Tss. "Pwede na ba akong maging icing sa ibabaw ng cupcake mo?"