"Apo!" Tuwang tuwang tawag ni Lola Flora kay Nico. Masayang masaya sila habang ito ako, nasa gitna nilang dalawa, naguguluhan sa mga nangyayari.
"Ahm, ate? Magkakilala kayo?"
"Hija, kilala mo ang apo ko?"
Sabay nilang tanong sa'kin nang mapansin nilang nandito pa pala ako sa gitna nila. Napasapo na lang ako sa tanong nila.
"Ang mabuti pa po, upo muna tayo." Natawa naman sila habang binaba ko naman ang mahabang upuan na galing sa kariton.
"Nasa'n na nga ba tayo? Nico, may dapat ka bang iexplain?" Magsasalita na sana si Lola Flora pero inunahan na siya ni Nico.
"Ako na lang po muna siguro?" Napatango naman si Lola Flora.
"Siya po si Lola Flora. Siya po ang kinilala kong lola simula pagkabata ko kaya lang no'ng 7th birthday ko, umamin po siya sa'kin na 'di totoong patay na ang magulang ko at hindi rin daw siya ang totoo kong lola. Inamin niya po 'yun sa'kin dahil may sakit siya nang mga oras na 'yon, nasakto rin kasing nabalitaan niya kung nasaan ang totoo kong mga magulang. Kaya pinuntahan ko po pero maling impormasyon naman po pala kaya bumalik ako sa pwesto ni lola pero wala na siya ro'n. Isang taon din po akong nag-isa hanggang sa nakilala na po kita, ate."
Hanep ah? Pang-teleserye.
Ano naman kayang kwento ni lola? Tinignan ko siya at nagsimula na rin siyang magpaliwanag.
"Apo, hindi kita niloko sa impormasyon kung ayun ang iniisip mo. Ayun lang talaga ang nalaman ko. Two days pagkatapos mong umalis, dumating ang kapatid ko. Matagal na pala niya akong pinaghahanap, nanghinayang pa nga ako e kasi kung alam ko lang na makikita niya tayo ro'n, edi sana hindi ko na inamin sa'yo 'yung nalaman ko. Nagawa ko lang naman 'yon kasi naisip ko, pa'no pag nawala ako nang mga oras na 'yon? Paano ka na? Pero ayun nga, naisip ko rin na tinanggap ka na ng totoo mong pamilya kaya hindi na ako naghabol pa. Akala ko nasa mabuting kalagayan ka na." Nakita ko naman ang namumuong luha sa mata ni Nico, patakbo pa siyang lumapit sa lola bago niya 'to niyakap nang mahigpit.
"Okay lang po lola. At least ngayon, nandito ka na ulit."
"Oo naman. Bumalik ako ro'n para magtinda na ng mga prutas hanggang sa may nakapagsabi sa'kin na may nakakakita sa'yo ro'n, palaboy pa rin. Kaya pinaghanap kita, nakakatuwa nga at nahanap kita, tatlong araw ang nakaraan pero ikaw lang e. 'Di ko nakita 'tong ate mo." Tumingin pa siya sa'kin bago natawa nang kaunti.
"Eh bakit naman po 'di niyo agad ako nilapitan?" May pagtatampo sa boses ng bata.
"Naisip ko kasi malapit na rin ang birthday mo, binalak ko talagang ngayon magpakita sa'yo. Buti nga at nakita talaga kita ngayon!" Yakap niya pa ulit kay Nico.
"Pa'no ba 'yan ate? Ngayon ikaw naman ang magpapaliwanag kung bakit mo nakilala si Lola." Nagtawananan naman kaming tatlo bago ko kinuwento ang nangyari kagabi.
"Ang galing, pa'no mo nakilala 'yung nagnakaw? At nagawa mo pa talagang mabawi 'yung pera!" Pumalakpak pa siya.
"Syempre, ako pa ba? At kung sino 'yon? 'Wag mo ng kilalanin."
"Apo, ito nga pala regalo ko sa'yo." Nanlaki ang mata ni Nico atsaka napangiti.
"Puto maya! Salamat, Lola!"
"Welcome, apo. Pero syempre dapat magpasalamat ka rin sa ate mo, kung 'di dahil sakaniya, hindi ko na mabibili 'yan."
"Ang saya-saya ko. Thank you, Lola Flora. Thank you, ate Tiri!"
"O, may nakalimutan ka ata?" Taas kilay kong tanong sakaniya.
"Thank you, Lord!!!"
*~*~*~*
Pagkatapos naming kumain ay nagpaalam na rin agad si lola na kailangan niya ng umalis para makapag-tinda pa siya ng mga prutas kaya hindi na rin namin siya pinigilan.
"In fairness sa storya mo ha, pang-dramarama sa hapon!" Panunukso ko kay Nico.
"Ate naman e." Nagkamot pa siya ng ulo niya.
"Pero may hindi ka pa nalilinaw, Nico." Kunot-noo niya akong tinignan.
"Ano po?"
"Di'ba bigla kang nawala sa puder ko, almost three months din 'yon tapos sabi mo sa'kin, nabalitaan mo kasi kung nasaan ang pamilya mo, kanino mo naman ulit nalaman 'yon?"
"May babae po na lumapit sa'kin no'n, bagong kumadrona raw po siya ni mama. Tinuro niya sa'kin kung nasaan sila. Pero ayun lang po, ni hindi niya nga po sinabi 'yung dahilan o kahit pangalan niya e." Sumimangot pa siya. Napatingin naman ako sa malayo, well kahit papaano, medyo nalilinawan na 'ko. Medyo lang dahil hindi parin sobrang linaw. Lalo na 'yung misteryosong pancit na 'yon kanina...