Chapter 13: Peace offering
NASA loob ng opisina niya si Wade at abala siya masyado sa trabaho niya. Maraming papeles ang nakatambak sa kanyang mesa. Kahit sasakyan lang naman ang in-import niya ay talagang may mga papel ang tatambak sa mesa niya dahil ang iba ay transaction iyon ng mga regular customer niya. Nang tumunog naman ang intercom niya at agad niyang sinagot iyon.
“What is it?” tanong niya.
“Sir, tumawag po kanina ang taga-Trixie’s Sexy Shoes company. Nagpapa-set po sila ng schedule sa inyo if available po kayo mamayang 3PM?” tanong ng secretary niya at napakamot siya sa kilay niya dahil sa pamilyar na pangalan na binanggit nito.
Si Trixie kasi ang naaalala niya, eh. Na isa pa ay ang dalaga mismo ang nagmamay-ari ng kompanyang iyon. Pangalan pa lang ay halata na. Bakit naman kaya ito nagpa-set ng schedule sa kanya?
Naalala pa niya ang ginawa niyang pang-iiwan niya kay Trixie nang araw na iyon. Pagkatapos nga nang ginawa niya ay nakaramdam naman siya ng guilt dahil biglaan ang pag-alis niya dahil lang naalala niya ang ex-girlfriend niya.
Ayaw niya lang maging malapit sa dalaga dahil posibleng maiiwan na naman siya sa huli kapag nahulog ang loob niya rito.
Si Molly nga ay wala ng paramdam sa kanya sa loob ng isang linggo at nabalitaan na lamang niya na nasa Canada na ito. Ni hindi na nga ito nagpaalam pa sa kanya.
Kaya talagang tinapos na nito ang relasyon nila. Hindi pa nga lang siya nakapagpasya kung kalilimutan na ba niya nang tuluyan ito o hayaan na lamang ang sarili niya na mahalin ito kahit nasa malayo na ito.
Ngunit naalala niya si Trixie, ang babaeng nagbibigay sa kanya ng kakaibang pakiramdam habang kasama niya ito. Hindi niya nga maalis sa isipan niya ang maamo nitong mukha at ang magandang ngiti nito.
“Bakit daw?” tanong niya dahil sa kuryusidad.
“May proposal lang po sila, Sir. Puwede naman po na ako na ang magiging representative mo,” his secretary volunteered.
“In case na tatanggapin natin, sino ang may gustong kausapin ako?” muling tanong niya.
“Siguro po ’yong CEO nila dahil iyon ang sinabi kanina ng assistant nito,” sagot nito sa kanya.
Napahinga siya nang malalim at saglit na pinag-isipan ’yon. Siguro naman ito na ang pagkakataon para makahingi ng paumanhin sa dalaga dahil sa kanyang ginawa nang huli nilang pagkikita.
Parang hindi kaaya-aya kasi ang kanyang ginawa rito kaya dapat kunin na niya ang pagkakataon na iyon para makausap ulit ito. Alam din kasi niya na abalang tao rin si Trixie at baka wala itong oras para sa kanya. Lalo na sa pang-iinsulto niya.
“Okay, gusto kong ako mismo ang makikipag-usap sa CEO nila. Sabihin mo na sa Bitter & Better’s Cafe, 3Pm,” sabi niya.
“Noted, Sir.”
Pinaglalaruan pa ng daliri niya ang pang-ibabang labi niya saka siya nagpakawala ng buntong-hininga.
Kung hindi ako makikipagkita ngayon kay Trixie at magso-sorry sa kanya ay kailan ko naman masasabi iyon sa kanya?
Tumayo siya mula sa pagkakaupo niya at siya namang pagpasok ng matalik niyang kaibigan na si Railey.
“Oh, saan ka naman pupunta?” tanong nito sa kanya.
“Ikaw muna ang bahala sa mga papeles diyan, bro,” sabi niya.
Hindi lang isang kaibigan si Railey para sa kanya dahil tila isang nakatatandang kapatid na niya ito. Isa rin ito sa pinagkakatiwalaan niya pagdating sa negosyo niya at kahit iba naman ang negosyo nito ay may alam din sa car rental.
“What? Kung bakit kasi hindi mo pa ako ginawang co-owner mo, Wade?” kunot-noong tanong nito.
“Magpapatayo naman ako ng ibang car rental doon sa Cebu. Ikaw ang magigiting co-owner ko,” sabi niya rito at dahan-dahan na umangat ang sulok ng mga labi niya.
“Sigurado ka ba riyan, Wade? Huwag mo nang babawiin iyan, ha?” Tumango siya at pinanliitan pa niya ito ng mga mata.
“Kailan ko binabawi ang mga salitang binibitawan ko na, Railey? At saka seryoso akong tao, ha,” sabi niya.
“Ikaw lang naman ang hindi nila sineseryoso, eh,” giit nito sa kanya.
“Tumahimik ka na nga lang diyan, Railey,” malamig na sabi niya pero tinawanan lamang siya nito saka lumapit sa office table niya.
“Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala, Wade, eh. Imagine, iyong collection mo. Kilala ka pa naman na madamot pagdating sa mga sasakyan na nakuha mo na pero ang isang iyon? Exempted at ang laki pa ng discount. 19.3M na naging 15M na lamang. Tapos sa akin ay ayaw mong bilhin ko but with that girl? Tsk.”
“Ang gusto ko lang sa mga oras na iyon ay huwag siyang ma-disappoint, bro. Pero nagawa ko naman iyon noong iniwan ko siya sa isang café,” problemadong sabi niya.
“Ano ba kasi ang dahilan mo sa mga oras na iyon? Na kung bakit bigla mo siyang iniwan?” kunot-noong tanong nito sa kanya.
“Hindi lang siya isang CEO, Railey. She’s a model too. Alam mo na hectic palagi ang schedule ng mga katulad nila,” paliwanagan niya.
“So, kinukompara mo si Ms. Trixie kay Molly? Bro, hindi mo pa nga kilala ang tao, eh. May kasabihan nga tayo na ‘getting to know each other’ muna at hindi dapat tayo manghusga sa isang tao dahil lang sa nakikita mo sa panlabas na anyo nito. Lahat ng bagay ay may proseso, Wade. Give yourself a chance to like someone else. Wala ka nang mapapala pa sa ex-girlfriend mo.”
“Kaya nga makikipagkita ako ngayon sa kanya,” sabi niya at nag-thumbs up pa ito sa kanya.
“Good idea. Sige na, ako na ang bahala pa rito. Umalis ka na at makipag-date ka na sa owner ng TSS. Ask her kung bakit may pangalang sexy sa kompanya niya,” pahabol na sabi pa nito.
Bago pumunta sa café si Wade ay dumaan muna siya sa flowershop para bumili ng bulaklak at may nakita rin siya na keychain, isang sasakyan ito kaya binili na rin siya. For peace offering lang din.
Habang naghihintay siya ay um-order na siya ng kape para hindi siya mainip sa paghihintay. Iyon naman kasi ang madalas na ginagawa niya kapag nagkikita sila ni Molly. Sa private place nga lang.
Napatikhim siya nang sipatin niya ang relong pambisig niya ay ’saktong 3PM na at nakita na niya ang pamilyar na kotse ng dalaga. Nang makita niya na ito na nga ang bumaba ay napangiti siya.
Hinintay na lamang niya na makapasok ito at hanapin siya. Isa nga ito sa pinagkaiba ng dalawang babaeng kilala niya. Mahigit isang oras ang paghihintay niya kay Molly, pero kay Trixie naman ay hindi pa umiinit ang upuan niya ay nandiyan na agad.
“Am I late, Mr. Esquivias?” pormal na tanong sa kanya nito. Hayan na naman ang mabilis na t***k ng puso niya na paunti-unti na niyang napapamilyar. Ganito kasi palagi ang nararamdaman niya kapag kaharap na niya si Trixie.
“Have a sit, Trixie,” pag-anyaya niya at hindi na niya pinansin pa ang pangalan nito na sinambit niya.
Ilang segundong naghari ang katahimikan sa pagitan nila hanggang si Trixie na ang bumasag nito na ikinagulat pa ni Wade. Dahil mukhang hindi ito nagalit sa kanya.
“Kumusta? Isang linggo rin ang nakalipas noong huli tayong nagkita,” sabi nito at bahagya pang yumuko. Hindi nakatakas sa mga mata niya ang pagkagat nito sa pang-ibabang labi, kung kaya’t mas namula ito. He cleared his throat.
Kinuha niya ang punpon ng bulaklak mula sa upuan na nasa tabi niya at ibinigay niya iyon kay Trixie.
On the other hand, nagulat naman si Trixie nang makita ang bouquet na balak yatang ibigay sa kanya ni Wade kaya medyo nanlaki ang mabilog niyang mga mata.
“P-Para sa akin ’yan, Wade?” gulat na tanong niya at napangiti ito. Naaaliw na naman ito sa kanya.
“May ibang babae pa ba akong pagbibigyan nito, Trixie? Maliban ba sa ’yo?” balik na tanong nito sa kanya at tumaas pa ang isang kilay. Kaya naman muli siyang napakagat labi.
May paruparo na naman sa kanyang tiyan at hindi niya mapigilan ang pamulahaan ng pisngi.
“T-Thanks,” sabi niya at tinanggap na ang bulaklak nito. Dinala pa niya sa kanyang mukha upang maamoy ang halimuyak nito.
“Sorry pala sa nangyari last time. Biglaan ang pag-alis ko, Trixie,” sincere na sabi nito at matamis siyang ngumiti sa binata.
“I understand, Wade,” sabi niya at sunod na may inilapag itong maliit na pink box sa table. Napako ang kanyang tingin doon. “Ano ’yan?” curious niyang tanong at gamit ang malayang kamay niya ay kinuha niya iyon.
Natawa si Wade nang bigla niyang i-shake ang maliit na box. “Open it, Trixie. Huwag mong i-shake lang,” mahinang saad nito at sinunod naman niya ang inuutos nito.
“Hala, ang cute ng keychain!” tuwang-tuwang sabi niya at inilabas niya iyon para mas makita niya nang malinaw.
“Alam kong...mura lang ’yan, Trixie. Nakahihiyang magbigay sa ’yo ng ganyang klaseng regalo na mas mahal pa yata ang ibinebenta mong sapatos. But it’s my peace offering. Accept it,” sabi nito na tinanguan niya.
“Highly appreciated, Wade. Ang cute niya nga, eh,” nangingiting sabi niya.
“Salamat naman at nagustuhan mo, Trixie.”
“Of course, kapag mula sa ’yo ay magugustuhan ko at hindi ko tatanggihan. Salamat dito, ah?”
“You’re always welcome, Trixie. Ano nga pala ang dahilan kung bakit nagpa-set kayo ng schedule sa akin?” tanong nito.
“Uhm. Nakahihiya pero pakapalan na ng face ito, Wade. Puwede kayang hiramin ang car rental mo, Wade? Para lang sa shooting namin, sa modeling. Puwede kaya?” she pleaded at pinagdikit pa niya ang dalawang hintuturo niyang daliri.
Sumimsim muna si Wade ng in-order nitong kape at hinintay niya ang pagsagot nito.
“Kung pagbibigyan kita, Trixie? May makukuha ba akong benefits?” tanong nito at napanguso siya.
“Puwede naming i-feature ang mga kotse mo para matulungan ka naming i-market ito,” mabilis na sabi niya na ikinailing ng binata.
“Kayang-kaya na namin iyon, Trixie,” sabi nito at napaisip naman siya.
“Sige, kung ano na lang ang gusto mo,” aniya at napatango na ito.
“Kung ganoon...gusto ko, akin ang lahat ang free time mo,” sabi nito at nalaglag ang panga niya.
“Seryoso ka ba, Wade?!” gulat na tanong niya rito.