THIRTY-FOUR "MASAKIT ba sa mata?" Tanong ni Theo na biglang sumulpot mula sa kung saan. Nilingon ito ni Railey at nakita niyang hindi ito nag-iisa. Kasama nito si Yandro. Hindi niya pinansin ang pambubuska nito at muling ibinalik ang tingin kay Rasha, Miggy at sa lalaking ngayon ay nakaluhod sa harap ng bata. Base sa 'itsura ng lalaki mukhang ipinapakilala nito ang sarili dahil iminu-muwestra nito ang sarili sa harap ng bata. Plano niyang kausapin ang dalaga patungkol sa kawalan nito ng gana kagabi pero hindi na siya nakalapit nang makita niyang may lalaki itong kausap. "Siya na siguro si Ian Ramirez." Sa paraan ng pagkakasabi ni Yandro no'n ay parang sarili lang nito ang kinakausap. Ibinaling niya ang tingin dito. "Ian Ramirez? Sino siya? Anong kaugnayan niya kay Rasha at Miggy?"

