KABANATA 1: ANG LARO SA MANSYON
Sa isang baryo kung tawagin ay Baryo Masiliman, nagmamadaling mga yabag ng mga munting bata ang maririnig. Hindi alintana ang paghalik ng dilim as lupa.
“Maggie! Saglet naman! Dahan-dahan lang. Kung bukas na lang kaya tayo maglaro dun as sinasabi mong lugar?” Nag-aalalang sambit ni Gwendolyn, isang batang may mayabong at kulot na buhok.
“Malapit na tayo. Saglit na lang at makakapaglaro na rin tayo. Ano ba kayo?” Medyo iritang tugon naman ni Maggie na siyang nangunguna as pagtakbo. Bagamat ang tinatahak na daan ng magkakaibigan ay di pamilyar, nangingibabaw pa rin ang kanilang pagiging bata, kyuryosidad, at pagkalibang as paglalaro.
“Siguraduhin mo lang na maraming pagtataguan doon hah.” Wika naman ni Hector na siyang pinakamatanda as grupo.
“K-kuya, umuwi na lang kaya tayo? Baka hinahanap na tayo ni mama.” Wika ng nakakabatang kapatid ni Hector na si Marites. Siya ang pinakabata as kanila at kitang-kita as bilugang mukha nito ang pagiging inosente.
“Eh sino ba kasi nagsabing sumama ka? Tingnan mo sama sama ka duwag ka naman pala!” Bulyaw na tugon nito.
Sa kanilang pagtakbo ay hindi nila namalayan na wala nang kabahayan na maaabot tanaw sa kanilang dinadaanan. Tanging mga naglalakihang mga puno na lamang ang nasa paligid. Limitado ang mga poste na may ilaw na kumukurap kurap pa at litaw na litaw na ang buwan na tila nakangiti mula sa kalangitan.
“Teka! Pwede bang magbreak muna tayo? Pagod na ko.” Turan ng isang batang lalaki mula sa likod. Dahil sa may kabigatan siya ay nahihirapan itong tumakbo at habulin ang sariling hininga.
Tagaktak na rin ang pawis niya sa buong katawan. Wala naming pumansin dito at tuloy pa rin sila sa pagtakbo.
“Alam niyo bang tuwing gabi madalas nagpapakita yung mga multo, bampira tsaka kung anu-ano pa na nangangain ng tao?” Biglaang singit naman ng batang may makapal na salamin sa mata na ang pangalan ay Regina. Nagkatinginan lang ang mga magkakaibigan at binalewala ang tinuran nito na animo’y sanay na sila sa pinagsasasabi nito.
Ilang sandali pa ay tumigil na sila sa pagtakbo at huminto sa tapat ng isang malaking mansion. Tatlong palapag ito at nababalutan na ang mga pader sa labas ng d**o’t halaman.
“Abandonadong pag-aari ng pamilyang Hereniere. Ang laki ng mansion nila noh?” Manghang wika ni Maggie. Napalunok naman si Arturio sa nakikita, hindi dahil sa pagkamangha kundi dahil sa nakakatakot na awrang bnibigay ng mansion mula pa lamang sa labas. Samantalang si Marites ay kasalukuyang nakakapit sa laylayan ng damit ng kanyang kuya Hector.
"Eh isang palapag lang naman ang lamang niyan sa bahay niyo Maggie. Sana sa bahay niyo na lang tayo naglaro. Malaki pa rin naman." Komento ni Gwendolyn.
"Abandonado? Isang mansyon? Hindi na 'ko magtataka kapag may magpakita sa ating multo, o di kaya bampira, o mas malala isang halimaw." Wika naman ni Regina at inayos ang salaming mataas ang grado upang mas makita nang maayos ang kabuuan ng mansyon mula sa labas. Kitang-kita ang mga baging na halos kainin na ang buong bahay, pati ang mga nagtataasang puno na nakapalibot dito ay kulang na lang sumandal sa mga haligi nito.
"Nakakatakot ka alam mo 'yon?! Huwag ka namang ganiyan Regina!" Singhal ni Arturio na nakatago na sa likod ni Gwendolyn.
Nagsimulang lumapit si Maggie sa malamig na bakal na gate, hinawakan at inusisa ang nangangalawang na kandado nito. Hindi naman maiwasan ni Gwendolyn na mangilabot sa mansyon, nakakatitig lamang siya sa mga nakasarado at madidilim na bintana nang maningkit ang kanyang mga mata dahil sa kung anung naaninag niya sa loob.
“Uy, bakit Gwen?” Tanong ni Hector sa kanya nang mapansin ang kaibigan.
Kahit nag-aalangan ay sinagot niya ang kaibigan. “P-para kasing may tao sa loob. Baka naman may ibang nakatira diyan?”
“Napalingon si Maggie sa kanila at nagpekeng tawa sabay kapit sa magkabilang balikat ng kaibigan. “Ano ka ba naman? Mukha bang may titira pa sa ganyan? Hindi ba kayo ang nagtanong sa akin kung saan exciting maglaro ng tagu-taguan? Pwes dito. Hindi tayo magsisisi!”
"Teka nga Maggie. Pano mo nga naman pala nalaman ang lugar na 'to? Kilala ng buong baryo ang pamilyang Hereniere pero ang mansyon na ito, parang hindi ko pa narinig." Sabat ni Regina.
"Naikwento sa akin ng lolo ko ang mansyon na ‘to. Tahanan daw ng Hereniere at pinanatili ng kapitan na protektado at nakatayo. Sabi rin niya lahat ng magpunta dito ay hindi na nakakabalik pa… Pero! Kwento lang yun.”
"Weh nga? Pinagbantaan ka na pala eh. Ano pang ginagawa natin dito? Umalis na tayo!" Halos umalingawngaw ang boses ni Arturio kahit pa nasa labas pa rin sila. Agaran naman silang napabalikwas ng magsiliparan paalis ang mga paniki na nasa mataas na bahagi ng bubong.
“Umalis na tayo dito kuya. Baka hanap na tayo ni mama.” Muling pangungulit ni Marites.
"Isa pa Marites naiinis na ako sa’yo! Isa ka pa Arturio napakadambuhala mo takot ka!" Inis na turan ni Hector na may kasama pang panduduro. Kahit bata ay maikli na ang pasensya. "Mukha ngang magiging exciting diyan eh."
"Huwag na kayong matakot. Kwento lang naman yun. Tsaka madami naman tayo eh." Saad ni Maggie at binigyan ng matamis na ngiti si Hector na tanging sumusoporta sa kaniya.
"Eh pano kung may multo nga?!" Paninigurado ni Arturio.
"Nakakita ka na ba?" Tanong sa kanya ni Maggie na inilingan lamang nito bilang tugon.
"Eh yun naman pala eh! Tsaka mas magiging masaya ang laro kung diyan tayo maglalaro ng tagu-taguan kasi mas maraming kwarto na pwede pagtaguan! Hindi ba Hector?!"
Tumango-tango naman si Hector bilang pagsang-ayon sa tinuran nito. Mas lalong ikinagalak iyon ni Maggie 'pagkat pakiramdam niya ay lahat ng gawin at sabihin niya ay nagugustuhan ng kaibigang lalaki. Matagal na siyang may paghanga rito at umaasa siya na sana ay gandun din ang pagtingin sa kaniya ng kaibigan.
Wala nang nagawa at nasabi ang iba. "Akyatin na natin yung gate!!" Sa sigaw ni Maggie ay ginawa na nga nila. Maliksing naakyat ng lima ang gate maliban kay Arturio na pabagsak ang pagkakahulog, agad din naman siyang tumayo at sumunod sa mga kaibigan. Maingat at magaan ang kanilang mga yabag maliban kay Maggie na siyang nangunguna. Gustong magpakitang-gilas kahit bahagyang nakadarama rin ng kilabot.
Sa pagbukas nila ng bungad na pintong gawa sa kahoy ay naglikha ito ng nakakangilong ingay.
"Wag kayong matakot. Matagal ko na rin ginusto makapunta dito simula nang ikwento ng aking lolo ang mansyon na ito." Pagpapakalma ni Maggie at pausog na tinabihan si Hector sapagkat silang dalawa lamang ang nagpapakita ng katapangan. Nagsimula na silang pumasok, pinanatili naman nilang nakabukas ang pintuan. Ang mga magkakaibigang nasa likod ng dalawang nangunguna ay di na maiwasang magsiksikan.
"Ano ba naman kayo? Paano tayo makakapaglaro nito ng tagu-taguan?"
"Maggie, ang dilim-dilim naman kasi dito." Nangangatog na paglalarawan ni Arturio. Sa
kadilimang namumukod ay nagpatuloy pa rin sila sa paglalakad, nadaanan nila ang hagdanan ngunit hindi na muna nila ito inusisa. Nakarating sila sa isang bakanteng kusina.
*tik---tak* *tik---tak* *tik-tak*
"Ano y-yung t-tunog na yun kuya?" Tanong ni Marites.
"Galing dito." Sambit ni Gwendolyn na kasalukuyang nakaharap sa isang malaking orasan.
Humarap silang lahat sa bagay na iyon. Isang antigong orasan na nakapukaw ng kanilang pansin.
"Tingnan niyo yung oras, Alas-nuwebe? tama ba yung nakalagay?" Sambit ni Hector nang nakakunot ang noo. May napansing kakaiba pa si Gwendolyn at yun ang mga muwebles na tila'y alagang-alaga at wala man lang alikabok. Isinarili niya na lamang ang mga iyon.
"Hayaan niyo na yan. Ang mahalaga walang multo! Maglaro na tayo!" Napatalon-talon pa si Maggie.
"Seryoso ka ba? Umalis na lang tayo o di kaya sa susunod na lang, yung mas maaga kahit papaano. Naku baka hinahanap na tayo!" Bakas sa mga mata ni Arturio ang takot. Parehong takot na dulot ng mansyon at takot na baka mapagalitan.
"Hindi kaya may ibang makipaglaro sa'tin ng tagu-taguan?" Muling pananakot ni Regina. Ngunit ganun lamang talaga siya mag-isip.
"O sige! Maiba taya na tayo." Panimula ni Hector.
Napangiti si Maggie nang may maisip. "Nakita niyo ba yung hagdan dun kanina?" Tumango ang lahat maliban sa batang si Gwendolyn. "Mula dito ay paunahan tayo makaakyat at kung sino ang mahuli ay siyang taya!" Nagkatinginan silang lahat at wala namang pumrotesta sa naisip na paraan ng kanilang kaibigan.
"Isa, dalawa, tatlo! Takbo!" Sa bilang ni Hector ay agad silang nagsitakbuhan paalis sa kusina at paakyat sa hagdan.
Mataas at mahaba ang bawat hakbang sa hagdan, nangunguna sina Maggie, Hector at Gwendolyn habang naghahagikhikan. Kasunod sina Regina at si Arturio na medyo nahihirapan dahil sa kalabuan ng mata at kabigatan.
Nakaakyat na sila at ang huling nakarating ay si Marites marahil siguro sa kaiklian ng biyas.
Kahit hingal nag-uumapaw na ang kanilang saya samantalang si Marites naman ay nakasimangot. Pinahid ni Hector ang luha niya na dala ng kakatawa at hinarap ang kapatid.
"Oh. Paano ba yan? Ikaw ang taya!"
“Kuya ikaw na lang kaya? Natatakot ako."
"Sino bang nahuli hindi ba ikaw? Kaya mo yan! Sige tumalikod ka na at isandal mo ang noo mo sa braso mo diyan sa pader." Tinulungan pa niya ang kanyang kapatid sa pwesto nito. Nagkatinginan sina Arturio at Gwendolyn at sabay umiling na para bang naaawa sa bunso sa grupo. Natural lamang na ito ang mahuhuli sa pagtakbo dahil sa kapayatan at munting katawan nito. Musmos na musmos pa.
"Tagu-taguan maliwanag ang buwan, pagbilang kong sampu nakatago na kayo..." Habang sinisimulan ni Marites ang pagkanta ay maririnig ang yabag ng mga kasamahan niya na palayo sa kanya at sabik magtago sa kung saan.
"Isa..."
Agad pumasok si Regina sa isa sa mga pinakamalapit na kwarto at nagtago sa ilalim ng kama, ngunit dala ng kasabikan ay biglang nahulog ang kaniyang salamin. Nagsimula siyang magkakakapa.
"Dalawa..."
Umakyat si Hector at Gwendolyn sa ikatlong palapag. Magkahiwalay sila ng kwartong pinagpasukan.
"Tatlo..."
Bumaba si Arturio ng hagdanan at litong lumingon sa paligid. Napansin niya ang nakasaradong pintuan at sa pagkakaalala niya ay pinanatili nila itong nakabukas.
"Apat..."
Nang marinig ni Arturio ang bilang ni Marites ay agad siyang nagtago sa salas, sa likod ng berdeng sofa.
"Lima..."
Sa banyo agad nagtago si Maggie. Napansin niya ang patak-patak na nililikha ng tubig galing sa gripo. Bigla na lamang kumabog ang kaniyang dibdib, nilapitan niya ito at agad sinara ng mahigpit.
"Anim..."
Sa kwartong pinagpasukan ni Gwendolyn, napansin niya ang isang picture frame na nakataob. Kanya itong pinagmasdan. Isang litrato ng pamilya na itim at puti ang pagkakaimprenta, pormal ang kanilang mga postura at wala man lang ekspresyon sa mga mukha nito. Isang babae't lalaki at sa gitna nila ay isang batang babaeng kulot na mukhang kanilang anak. Hindi rin nawaglit sa paningin niya ang nakaukit sa itaas na bahagi ng frame... 'HERENIERE FAMILY'
"Pito..."
Habang nagtatago at nagkakakapa naman si Regina ay may kung ano siyang narinig na parang pagbukas ng pinto. Naisip niya na baka si Marites iyon kaya agad niyang tinakpan ang bibig gamit isang kamay at ang kabila naman ay pilit pa ring kumakapa. Gumawa na ng yabag palapit sa kanya ang pumasok.
Malabo. Hindi gaanong maaninag ni Regina ang mga paa. At sa wakas ay nahanap na niya ang ang salamin. Sa pagsuot niya nito ay namilog ang kanyang mga mata dahil isang pares ng paa na di pamilyar ang bumungad. Nakayapak lamang ito at kita ang sugat na namumukod tangi sa kanang paa nito. Natatakot na siya at di alam ang gagawin. Kung sisigaw ba o mananatili. Pumikit na lamang siya at agad niyang binuksan ang mga mata ng muling marinig ang pagbukas at pagsarado ng pintuan.
"Walo..."
Nagtago sa isa sa mga aparador si Hector at sinara iyon ng maayos, ni hindi man lang napansin na ang kaniyang kinatataguan ay puno ng batang pambabaeng kasuotan.
"Siyam..."
Hinawi ni Gwendolyn ang kurtina at nandun ang isang malaking bintana. Tanging sa buwan at mga bituin na lamang sa kaitaasaan umaasa ng liwanag. Halo-halong reaksyon ang nasa loob niya. Bilang isang bata, natutuwa siya sa kanilang laro ngunit takot pa rin siya. Takot sa mga posibilidad.
"Sampu!"
Sa huling bilang na iyon ni Marites ay nagmulat siya sabay alis ng pagkakasandal ng kanyang noo sa braso. Pinagmasdan niya muna ang paligid, tinaasan siya ng balahibo dahil sa dilim at pakiramdam niya ay nag-iisa na lamang siya. Ngunit sa kabila ng takot ay sabik pa rin siya sa laro nila kaya sinimulan niya ang paghakbang.
"Magtago na kayo." Mapaglarong sambit ni Marites.