Maraming mga kwarto sa ikalawang palapag at sa pagkasabik ni Marites sa laro ay di niya alam na nalagpasan niya na pala ang kwartong pinagtataguan ni Regina.
Agad siyang nagtungo sa isang likuang pasilyo ng may marinig siyang pagkalabog sa pinakadulo nun. Sa isip-isip ay marahil nandun ang isa sa mga kaibigan. Hindi niya maiwasang mapalunok, yun na yata ang pinakamadilim na bahagi ng mansyon. Nilakasan pa rin niya ang kanyang loob at nagpatuloy papunta roon. Bumungad sa kanya ang isang nakasaradong pintuan.
Ang malamig na seradura ay madali niyang napihit at nang mabuksan niya na ang pintuan ay bigla na lamang may malakas na pwersa ang humila sa kanya sa loob...
"Aaaaaaaaaaaaah!" Isang sigaw ni Marites ang nagpalabas sa mga magkakaibigan sa kanilang pinagtataguan. Parang maiiyak ang lahat sa takot. Magkasabay na bumaba sina Hector at Gwendolyn, nadatnan nila sina Regina at Maggie na magkahawak-kamay at muntikan pang mahulog sa hagdanan dahil paatras sila nang paatras sa pasilyo kung saan nagmula ang sigaw. Huling dumating si Arturio mula sa pagkakaakyat sa hagdan at inaayos pa ang damit pangbaba na halos magkandahulog-hulog na.
"Nasaan na si Marites, yung k-kapatid ko?" Histerikal na tanong ni Hector sa lahat.
Tila balisa naman si Regina at nagsambit, "Umalis na tayo rito! May ibang tao! M-may peklat pa nga iyon sa kanang paa! May ibang nakatira dito! Nagambala yata natin! Ewan ko kung tao ba! Siguro multo! Oo! Multo! Kitang-kita ko yung peklat sa paa niyon. Nakita ko yung multo!"
"Walang aalis hangga't di natin nahahanap yung kapatid ko!" Wika muli ni Hector na sinang-ayunan nilang lahat kahit pinagpapawisan na sila sa pagkakataranta. Si Gwendolyn naman ay nakatulala sa dulong bahagi ng ikalawang palapag, Lumapit siya rito at lumiko sa tanging pasilyo. Nakatingin lamang siya sa madilim na bahagi nun at parang may nag-uunahang yabag sa kaniyang dibdib.
Halos mapapitlag siya nang tapikin siya sa balikat ni Arturio. "Gwendolyn. Saan ka pupunta? Baka mamaya maghanapan pa tayo niyan! Lumapit na rin sa kanila ang iba at pinagmasdan si Gwendolyn habang nakaturo sa kwartong nasa dulo. Iyon ang kwartong pinagmamasdan niya kanina mula sa labas. Ibinaba na niya nang marahan ang kanyang kamay na nakaturo sa pintuan at naunang humakbang papunta roon.
Pinigilan naman siya ni Hector na siya nang nanguna sa paglalakad.
"Marites?" Pilit na lakas na loob na sambit ni Hector nang makalapit na sila sa pintuan.
Binuksan na niya ang pintuan. Marahan. Tahimik. Tensyonado.
Napasinghap at namilog ang kanilang mga mata sa nasaksihan. Isang binata, nakatalikod at may hawak-hawak na isang mahabang kutsilyo. Sa haba at talim nito ay tila lahat ng bagay ay kaya nitong butasin o di kaya'y wasakin sa pinakamasakit na paraan.
Kahit kulob ang kwarto ay kitang-kita nila ang kawawang katawan ni Marites, nakahandusay sa sahig at naliligo sa sariling dugo. Wakwak ang dibdib na nagpasigaw kay Hector hanggang sa maubos ang boses. Nag-uunahang mga luha sa magkabilang pisngi niya ang hindi kayang pigilan ninuman.
Sa napakabagal na paraan, lumingon ang lalaki upang harapin ang magkakaibigan na ngayon ay nilalamon na ng takot at galit. Hindi nila maaninag ang mukha nito at ayaw na din nila pang makita. Nagsimulang humakbang ang binatilyo sa mabagal pa ring paraan dahilan para magsitakbuhan palayo ang magkakaibigan. Sina Arturio at Gwendolyn naman ay pilit hinihila ang hindi na makausap na si Hector.
Agad silang nagsibabaan ngunit nakasarado ito, nakakandado na tsaka lamang naalala ni Arturio.
"Waaaah! Mamamatay na tayo! Mama Tulong! Ayoko pang mamatay! Marami pa kong pangarap sa buhay! Ang bata-bata ko pa para magkalasog-lasog!" Pag-atungal ni Arturio na may kasamang paghagulhol sa pader, agad naman siyang niyakap ni Gwendolyn para pakalmahin.
"Patay na si Marites. Patay na ang kapatid ko. K-kasalanan ko 'to! Dapat mamatay na lang din ako." Ang mga salita ni Hector ay napalitan ng mga hikbi. Unti-unting nanlumo ang mga mata ng bawat isa sa kanila. Kumukupas ang pag-asa at napupuno ng pagsisisi.
Hanggang sa may maalala si Gwendolyn, "Hindi. Wala nang mamamatay. Lalabas tayo dito. Sundan niyo 'ko!" Matapang na deklara niya at agad umakyat sa hagdan kasunod ang mga kaibigan. Nang makaakyat sila sa ikalawang palapag ay napatigil sila dahil sa dulo ay nandun ang binata, animo'y nag-aantay lamang.
Hindi naman sila natinag at muling umakyat patungo sa ikatlong palapag. Ramdam nila ang pagsunod nito kaya agad nilang kinandado ang pintuan ng isang kwarto na kanilang pinagpasukan.
"Mas nakakatakot pa 'to sa mga multo. Dapat makagawa na tayo ng paraan!" Komento ni Regina sabay tulong kay Gwendolyn na kasalukuyang binubuksan ng buong lakas ang bintana. Ang kaninang puno ng enerhiya na si Maggie ay nananatiling tikom ang bibig at balisa. Nagkabungguan sila ng tingin ni Hector, walang emosyon ang mga mata nito. Mas lalo siyang nanamlay.
Isang pagkalabog naman sa pintuan ang narinig ng mga bata na para bang pinipilit buksan ito. Agad humarang si Arturio sa pintuan, nagpapasalamat sa bigat dahil nakakatulong sa pagharang.
Ilang saglit pa ay sa wakas ay nabuksan na nila ang bintana. Nasabik bigla si Arturio kaya nakalimutan niya ang pintuan habang nagpapalakpak at nagtatatalon. Buti na lamang ginawa niya iyon dahil biglang may tumagos sa pintuan na talim ng isang kutsilyo.
"Aaaaaaaaah!" Tili ni Arturio at siyang unang tumalon sa bintana. Rinig na rinig ang pagkalabog ng pwetan niya. May bubong naman na mababaw kaya siguradong hindi agad lalagapak sa lupa. Sumunod na rin si Regina. Tatalon na rin sana si Gwendolyn ngunit napansin niya sina Hector at Maggie. Hindi kumikibo at nakatingin lamang sa patuloy na pagkalabog ng pintuan. Nakaramdam siya ng awa sa mga ito kaya hinila niya si Maggie at hindi naman ito nagpumiglas pa. Tila hindi alam ang nangyayari na tumalon na lamang.
May maliit na butas na ang nagawa ng talim sa pintuan. Sumilip dito ang binata. Kahit isang mata lamang ay malalarawan na ito ni Gwendolyn na walang buhay. Itim na itim na para bang hindi sanay makakita ng kahit anong liwanag.
"Hector tumalon ka na!" Sigaw ni Gwendolyn para matauhan ito. Ngunit mas lalo lamang itong nagpumilit na magpa-iwan.
"Ayoko! Ayoko! Ayoko!" Pagyakap nito sa isang tumba-tumba. Sadyang pinalaki si Gwendolyn na puno ng pagmamahal kaya hindi niya kayang mang-iwan na lamang ng kung sino. Sa pagiging bata niya ay alam niya na ang malalim na konsepto ng tama at mali at sa pagkakataong ito ay mali ang lahat kaya pipilitin niyang itama ito kahit pa delikado.
"Kung ganun. Magpapaiwan na lang din ako." Pag-upo niya sa tumba-tumba. Kilala niya ang kaibigan. Samantala, nagtatakang tumitig sa kaniya si Hector.
Malapit nang mabuksan ang pintuan.
Hanggang sa bigla namang hinila ni Hector ang kaibigan at sabay silang tumalon. Ngunit sa kasamaang-palad ay may nakahila ng kuwelyo ni Gwendolyn. "Aray!"
"G-gwen! Aah!" Tuloy-tuloy ang pagdausdos ni Hector hanggang lumagapak sa lupa.
"Gwendolyn!" "Gwen! Tumalon ka! Kaya mo yan!" Sabay na sigaw nina Regina at Arturio habang inaalalayan patayo si Hector. Mailing-iling na umaatras si Maggie. Hindi niya na kaya ang mga nangyayari hanggang sa umakyat na siya ng gate at tumakbo palayo. Ni hindi na rin siya napansin ng iba.
"Aray bitawan mo 'ko!" Patuloy ang pagpupumiglas ni Gwendolyn. Hanggang sa maramdaman niya ang duguang kamay ng binata sa kaniyang mukha. Parang pinakikiramdaman ang bawat bahagi ng kabuuan nito.
"Papatayin kita Marie." Sa gahol at malalim na sambit sa kaniyang tainga. Kinagat ng buong lakas ni Gwendolyn ang kamay na nasa mukha niya, hindi nagpadaig sa sinasabi ng lalaki.
"Agh!" Daing pa nito. Nabitawan nito ang bata at tanging ang bimpo lang ang naiwan sa kaniyang nanggigigil na kamay. Binigyan niya na lamang ng masamng pukol ng tingin ang mga magkakaibigang palayo sa mansyon.
"Maswerte kayo dahil kayo ang unang nakalabas nang buhay pero alam kong babalik kayo. Babalik para mamatay sa paggambala sa aking mansyon." Saad nito at ipinunas sa kaniyang duguang kamay ang bimbong nakuha mula sa batang si Gwendolyn na ngayon ay nakalingon sa mansyon at iniisip ang pangalang Marie...
--- --- ---*****--- --- ---
"GWENDOLYN!" Napapitlag sa kinauupuan at nabalik sa reyalidad ang isang dalaga nang tapikin siya ng kanyang kaibigan na si Arturio. Nasa salas sila ng bahay ng dalaga kung saan ay tambak ng mga gawaing pangtrabaho.
"A-ano ulit yun Art?" Bigkas nito at kinalikot na ang laptop na kanina pa nasa harapan niya.
"Hayst! Daldal ako nang daldal. Nagsasayang lang pala ako ng laway. Eh ano bang meron diyan sa screen ng laptop mo at kanina ka pa nakatulala?" Kusang iniharap ni Arturio sa sarili ang laptop at nakita ang blankong screen desktop. Napataas ang kaniyang kanang kilay. "Malala ka na Gwen to the highest level! You know what? ikain mo na lang yan. Gutom lang yan eh. Tingnan mo ko laging full. Edi laging happy!" Dagdag pa niya at kumagat muli sa burger. Di niya alintana ang kanyang bigat dahil sanay na siya rito.
Bumuntong hininga naman ang dalaga, "Yung date ngayon, death anniversary pala ni Marites."
Napatigil ang kausap niya at binaba ang kinakain. "Ang sabi nga sa akin ng boyfriend mo babalik nga siya sa baryo sa makalawa. May tatapusin lang na paperworks. Tagal na rin kaya nila ng nanay niya na 'di nagkikita." Lumipas ang mga segundo, napasapo siya sa bibig nang mapagtanto ang sinabi. Bilin nga pala sa kaniya na huwag sasabihin kay Gwendolyn.
Nagtagpo naman ang mga katam-tamang nipis na kilay ni Gwendolyn. Hindi nabanggit ng kaniyang boyfriend na si Hector ang plano nito na pagbabalik. Kahit silang dalawa ni Arturio ay hindi na rin nakatungtong pa sa baryong kinagisnan. Nagsiluwasan kasi ng Maynila ang mga pamilya nila pagkatapos ng insidente noon para na rin sa kanilang kapakanan.
"Labing-limang taon. Labing-limang taon na rin pala yung nakalipas." Otomatikong bigkas ni Gwen, ang mas madalas na tawag sa kaniya.
"Oo! 15 years without justice for Marites! And 15 years ago of nightmare. Uy. Huwag mong sasabihin na nasabi ko sa'yo hah. Mamaya katayin ako ni Hector. Alam mo namang mabilis uminit ang ulo non!" Mailing-iling na wika ni Arturio at pinagpatuloy na ang pagkain. Animo'y walang epekto sa kaganahan niya ang mga nangyari noon at ang paksa na iyon.
Sa pagkalipas ng labing-limang taon na iyon ay naging magkasintahan sina Gwendolyn at Hector, parehas nasa larangan ng business. Si Arturio naman ay gayun din, sa mas malaking korporasyon. Bagamat hindi nahuli ang may sala at pinanatiling isolated ang pag-aaring Mansyon ng Hereniere, naging payapa na ang pamumuhay nila malayong-malayo sa baryo.
*brrt* *brrt* *brrt*
Kinuha agad ni Gwendolyn ang kanyang cellphone nang makitang may tumatawag. Saktong-sakto sa usapan dahil galing iyon sa kanyang matagal nang di nakikitang kaibigan na si Regina.
"Hello Regina? Napatawag ka yata?" Bungad niya nang hindi matanggal ang ngiti sa mga labi. Si Arturio naman ay agad nakiusosyo.
"Gwen. I think I need to inform you that Maggie is going back here in Philippines." Wala nang paligoy-ligoy pa na sabi ni Regina.
Napatingin ang dalaga sa kaibigan na halos magkadikit na ang kanilang mga pisngi sa sobrang lapit nito. "Why? Kausap mo si Reg? Ansabe?" Hindi na muna niya pinansin siya at umusog ng unti at binaling muli ang atensyon sa kausap sa cellphone.
"Ganun ba? Saan naman daw siya dederetso? Tsaka kailan?" Kaniyang tanong. Hindi gaanong ipinapahalata ang interes.
"Sa baryo Masiliman. At sa makalawa na yun. Biglaan nga eh."
"I see." Naalala ni Gwendolyn na maaaring makita ni Hector si Maggie, matindi pa man din ang galit nito sa kaniya.
"Ahm Gwen. Nakiusap din kasi siya sa akin na gusto niya tayong makita! You know, reunion for childhood friends. At balak niya na sa Masiliman na lang gawin. Kung papayag kayo edi papayag ako pero kung hindi, well, a reunion would never happen."
"Parang ang bilis naman. Medyo busy kasi kami ngayon sa trabaho. Pero sige kakausapin ko sila Art at Hector. Tatawagan na lang kita sa desisyon nila. Pero teka, ikaw ba? Hindi ka ba busy sa pagiging journalist mo? Hindi ba matrabaho 'yan?"
"Pinagpahinga muna ako ng boss ko. Hindi yata natutuwa sa mga report ko." Bakas sa boses ni Regina ang pagkadismaya.
"Eh mukha kasing puro supernatural ang laman nun. Ikaw talaga Reg. Isa kang news writer right?"
"Yah. Yah. But the thought of ghost and stuff, na-iaapply ko pati sa trabaho. Ewan ko ba sa sarili ko. Pero back to the topic. I will wait for your call!"
"Sure sure. Thanks! Bye!" Magiliw na pagpaalam ni Gwendolyn.
Ang pagbabalik ng dating kaibigan nila na si Maggie ay isang malaking balita para sa kanila. Walang paalam kasi itong lumisan upang pumunta't manirahan sa ibang bansa. May kaya talaga ang pamilya nito at nag-iisang anak lamang kaya nang masangkot siya sa pangyayaring iyon ay agad siyang inilayo para makalimot.