3. Four Years Ago

1703 Words
Four Years Ago HINDI ko mapigilan ang pagpatak ng mga luha ko habang nag-iimpake ng mga gamit ko. Napakasakit. Hindi matanggap ng puso ko na sa isang iglap mawawala ang lahat. Si Ace at lahat ng alaala ng tahanang iyon. Bata pa lang ako ay nanirahan na ako sa mansion na iyon kasama si Nanay na kasambahay nila. Fifteen years old ako noon nang pumanaw si Tatay kaya nakiusap si Nanay sa magulang ni Ace na doon na rin ako tumira kasama niya. Tuwing weekend lang kasi noon umuuwi si Nanay kaya nang mamatay si Tatay na kaisa-isang nakakasama ko sa bahay ay nagdesisyon si Nanay na isama na lang ako sa mansion. Ayaw naman niyang iwan ang trabaho niya bilang kasambahay sa pamilya Valverde dahil bukod sa hindi niya maiwan ang pamilya na iyon na naging malapit na sa puso niya ay hindi na raw siya makakahanap ng ibang trabaho na papaswelduhin siya na kagaya ng nakukuha niya sa trabahong iyon. Ang trabaho niyang iyon ang bumuhay sa amin. Pandagdag na lang sa income namin noon ang maliit na tindahan ni Tatay, na aksidente ang ikinamatay. Hindi nagdalawang isip na pumayag ang magulang ni Ace sa pakiusap ni Nanay. Sadyang napakabait ng mag asawang Valverde dahil bukod sa paninirahan ko sa mansion ay sila na rin ang nagpaaral sa akin. Napakabait nila sa akin na halos itinuring rin nilang anak. Nag iisang anak nila si Ace kaya nasabik rin ang mag asawa sa anak na babae at sa akin nila nakita iyon. Naging mabuti rin ako sa kanila. Ipinakita kong karapat dapat ako sa pagmamahal na ibinigay nila. Habang naninirahan sa mansion ay tumutulong din ako sa mga trabaho ni Nanay. Si Ace ay naging kalaro ko noon. Madalas akong dinadala ni Nanay sa mansion noong bata pa ako at naging matalik kong kaibigan si Ace na apat na taon ang tanda sa akin. Close kaming dalawa noong mga bata pa kami pero habang tumatanda kami ay nagbago, dahil nagbago siya hanggang sa manirahan na nga ako sa bahay nila noong fifteen years old ako. Nabarkada si Ace at nagkaroon ng bisyo. Naging sakit siya ng ulo ng Mommy niya. Isa rin siguro sa dahilan ang paghihiwalay ng mga magulang niya at magkaroon ng ibang asawa ang Daddy niya. Namatay ang Daddy ni Ace nang atakihin sa puso. Graduate na siya noon ng college at dahil siya ang nag iisang tagapagmana ng kumpanya ay no choice siya kundi maging responsable. Naging problema nila ang board of directors ng kumpanya dahil walang kumpiyansa ang mga ito na hawakan ni Ace ang pamamahala sa kumpanya. Wala silang tiwala na magagawa ni Ace ang tungkulin niya dahil kilala na siyang pasaway noon. May kinalaman din iyon sa desisyon ni Mommy na ipakasal ako kay Ace para magmukha itong mas seryoso sa buhay, mas settled, mas matured at mas may direksyon sa paningin ng iba. Pinatunayan rin naman ni Ace na karapat dapat siya sa posisyon para pangasiwaan ang kumpanya, na noon ay inilalaban ni Miguel na siya ang mangasiwa, since isa ito sa director ng kumpanya at binigyan ng share ng Daddy ni Ace. Pero sa bandang huli ay si Ace pa rin ang namahala sa kumpanya nila. Nakita ko ang pagpupursigi niya noon. Sinuportahan ko siya bilang asawa niya kahit alam kong sa papel lang iyon at ginamit lang ako. Ngayong wala na si Mommy at hindi na kami mag asawa ni Ace, wala nang rason para manatili ako sa tahanang ito na labis kong minahal. Panay ang patak ng luha ko habang inaayos ang mga damit ko sa maleta. "Raselle, bilisan mo na diyan. Nasa labas na ang sasakyan." Narinig ko na sabi ni Nanay sa labas ng pinto. Alam kong napakasakit rin sa kanya na aalis sa tahanang ito. Gusto niyang manatili pa para kay Ace, pero ayaw rin naman niya akong pabayaan kaya nagpasya siyang sumama na sa akin. May iniwan na pera para sa amin ang Mommy ni Ace na sapat na para magbagong buhay kaming dalawa at iyon ang plano namin ni Nanay. Matapos kong maayos ang mga gamit ko ay lumabas na ako ng kwarto. Iniwasan ko na lang tignan ang kwarto ni Ace sa katabi, pakiramdam ko ay mas nadudurog ako. Bumaba na ako ng hagdan at lumabas ng mansion. Malapit na ako sa gate nang lingunin kong muli ang tahanang sobrang napamahal sa akin. Gusto kong samantalahin ang sitwasyon habang naroon pa ako at nasisilayan pa ng paningin ko ang tahanang iyon. Alam kong ito na ang huli. Alam kong kahit kailan ay hinding hindi na ako makakaapak pa sa lugar na ito. Alam kong hanggang alaala na lang ang lahat. Lahat ng mga masasayang araw ko, simula pa noong bata pa ako, kaming dalawa ni Ace. Napatingala ako sa balcony. Naroon si Ace. Kahit may kalayuan, alam kong nakatingin siya sa akin. Hindi ko alam kung ano ang iniisip niya. Pero sigurado akong masaya siya dahil nakalaya na siya sa akin. Tatlong buwan lang kaming kasal, sobrang ikli kumpara sa taon ng pagkakakilala at pagsasama namin. Kahit naging mailap siya, may mga sandaling nakita ko rin ang care niya. At alam kong totoo iyon. Sandaling nagtagpo ang paningin namin. Pagkatapos ay pumasok na siya sa kwarto niya. Pinunasan ko ang luha ko. “Raselle, ito na ang huling pagkakataon na iiyak ka. Simula ngayon, kakalimutan mo na lahat, lalo na ang feelings mo para kay Ace.” Pangako ko sa sarili bago tumalikod at tuluyang lumisan. PRESENT TIME Pinunasan ko ang luha ko habang nasa restroom at inalala ang lahat. Sinabi ko noon na iyon na ang huling beses na iiyak ako pero hanggang ngayon ay hindi ko pa rin mapigilan tuwing bumabalik ang sakit. Dahil ang paglisan ko sa tahanang iyon at sa buhay ni Ace ay may dala pang mas mabigat na sugat sa puso ko. Mas masakit. Mas masaklap. Naramdaman ko ang tila kirot sa puso ko nang maalala ang munti kong anghel na dinala ko ng siyam na buwan sa sinapupunan ko pero ni hindi ko man lang nasilayan, nahawakan at nayakap. Ang anak ko... anak namin ni Ace. Walang alam si Ace sa bagay na iyon dahil hindi ko na pinaalam pa sa kanya. Hiwalay na rin kami ng malaman ko yun. Huminga ako ng malalim at pilit inalis sa isip ko ang bagay na iyon hanggat kaya ko pang tiiisin ang sakit. Kilala ko ang sarili ko, alam kong kung magpapatuloy ito ay mahihirapan na akong pakalmahin ang sarili ko. Maraming oras para alalahanin ko ang masaklap na pangyayaring yun pero hindi dito. Sa lugar na ito kung nasaan ang taong dahilan ng lahat. Pinunasan ko ang luha ko at inayos ang sarili. Nagpahid ako ng lipstick at blush on. Muli akong huminga ng malalim saka ako nagpasyang lumabas ng restroom. "Aaaayy!" Napatili ako nang paglabas ko ng restroom ay may mabangga akong isang bata. Dali-dali akong lumapit sa kanya at itinayo siya nang mapaupo siya. "Oh my gosh, baby! I'm so sorry!" Nag alala kong sabi. Hindi ko naman kasi alam na may bata pala sa labas ng restroom. Ano ba kasing ginagawa ng isang bata sa loob ng opisinang ito?! Naisip kong anak siguro ng isa sa mga empleyado doon. Namumula ang mga mata ng bata na parang iiyak nang titigan ko ang mukha niya pero hindi doon napukaw ang atensyon ko. Hindi ko alam pero bigla na lang parang may humaplos na kung ano sa puso ko nang matitigan siya. Tantya ko ay nasa tatlong taong gulang siya, kaedad ng anak ko kung nabubuhay siya. Bigla akong napangiti habang nakatitig sa mukha ng batang lalake na kaharap ko, na parang biglang nagliwanag ang paligid na kanina lang ay dilim na dilim ako. Napatingin siya sa mga mata ko at mas lalong parang lumambot ang puso ko. Siguro ay dahil may pusong ina na nananalaytay sa dugo ko. “Aki!” Isang babaeng naka-uniform ang lumapit. “Nandito ka lang pala! Kanina pa ako nahihilo kahahanap sa’yo!” "Mapapagalitan tayo ng Daddy mo niyan eh, kung saan saan ka na lang sumusuot!" Kinarga ng babae ang bata. "Pasensya na po Ma'am kung naistorbo po kayo ng alaga ko." Sabi pa ng babae at tumango sa akin. "No- no, okay lang!" Napangiti kong sabi. "Say bye-bye to her!" Sabi ng babae sa bata. "B-bye!" Agad na sagot ng bata at ngumiti ng pagkatamis-tamis sa akin, na feeling ko ay mas ikinalusaw ko pa. "Bye, baby!" Nakangiti ko ring paalam. Sinundan ko sila ng tingin habang naglalakad palayo hanggang mawala sila sa paningin ko. "Raselle!" Napalingon ako sa likod nang marinig ko ang pamilyar na tinig. Si Miguel. "Migs!" "Are you done? How was the presentation?" Tanong niya. "Eh tatawagan na lang daw tayo for the outcome ng deliberation." "Oh alright!" Malamig niyang tugon. Si Miguel ay stepbrother ni Ace. Nang maghiwalay ang mga magulang ni Ace ay nakapag asawa uli ang Daddy niya. Wala naman ako masyadong alam tungkol sa relasyong iyon ng pamilya nila basta ang alam ko lang ay minsang naging malapit rin sa isa't isa ang dalawa na pitong taon ang agwat ng edad. Ace is 30 years old and Migs is 37. Nagbago lang ang lahat sa kanila nang mamatay ang Daddy ni Ace at magkaroon ng problema sa pagitan ng mga Mommy nila tungkol sa kayamanang naiwan ng Daddy niya at isa na ang kumpanyang ito. Nagfocus na lang si Miguel sa pangangasiwa ng construction company niya pero nanatili pa rin ang shares niya sa kumpanya ni Ace. Noon, madalas ko na makita si Miguel sa mga family event kaya kilala ko siya. Kaya magaan sa loob ko na tanggapin ang tulong niya. Isa rin ang Mommy niya sa tumulong sa akin. Malaki ang utang na loob ko sa kanilang mag-ina. "Let's go! Mom's waiting in the office." Yaya sa akin ni Miguel saka ako sumunod na sa kanya nang maglakad siya paalis. Nilingon ko ang boardroom, nakita kong bumukas iyon at lumabas ang mga nasa loob kabilang na si Ace. Saglit siyang napatingin sa akin pero agad ring tumalikod at naglakad palayo. Tinuon ko na sa nilalakaran ko ang pansin ko at pinilit na lang na alisin siya sa isip ko. ♡
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD