NAALIMPUNGATAN si Luna nang mga sandaling iyon matapos maramdaman na may marahan humahaplos sa kanyang pisngi. Nang dumilat ay bumungad sa kanya ang guwapo at maamong mukha ni Blaine. “Hi,” malambing na bati nito sa kanya. Kahit mabigat pa ang mga mata at bahagya pang nanghihina ay nagawa niyang ngumiti sa binata. “Hey,” sagot niya. Gumanti ito ng ngiti pagkatapos ay hinalikan siya sa palad. “Kumusta ka na?” tanong agad ni Luna. “I should be the one asking you that,” sagot nito. Marahan siyang natawa. “Pareho lang tayong pasyente,” sabi niya. “I’m okay now,” sagot ulit ni Blaine. Bumaba ang tingin ni Luna sa parte ng katawan nito kung saan malalim ang naging tama nito. Umangat ang kamay niya ay maingat na nilapat iyon sa sugat nito. “Masakit pa?” tanong pa ulit ni Luna.

