Chapter 10

3321 Words
“Ano nga pa lang apelyedo mo? Kailan ang birthday mo? I need some details about you, you know. . .baka kasi mahuli tayo ng Tita mo na nagkukunwari lang,” wika ko at humina ang boses sa huling sinabi. Tumawa naman siya ng mahina. Iyong tawa na galing sa puso. I’m beginning to love his chuckles. Ewan ko kung kinilig ba itong si Dave dahil sa mga tinanong ko. “I’m David Bustamante. Twenty years old and turning 21 this May 25. May ilang details ako sa resume ko,” wika niya at inabot sa akin ang phone niya. Pagkatapos ay tinuro niya sa ‘kin kung saan ang resume niya. Doon ko nabasa ang ilang detalye. “Slam note na yata ito eh,” sabi ko. “Parang gano’n na nga,” natatawang sabi niya. “Pati kasi favorite food at color mo ay nandito na. Sure kang resume lang ito?” saad ko at mas lalo siyang natawa. “Kulang na lang, pati oras ng pagtulog mo ilagay na rin dito,” dugtong ko at napahalakhak siya. First time ko siyang marinig na tumawa ng malakas. Pati ako ay nahawa rin sa kaniya. Ang cute niyang tumawa. Lumiliit ang mga mata niya at natural na namumula ang pisngi niya. Mukha siyang baby na lumaki pero gwapo. Hindi ko masiyadong pinapansin ang itsura niya noon dahil hindi ako interesado. At ngayong sinasantabi ko si Ninong... nagkakaroon ako ng pagkakataon tingnan ang ilang features ng mukha ni Dave. Binasa ko ang nilalaman ng sinabi niyang resume. Graduate pala siya ng kursong business management last year lang. “Kailan naitayo ‘yong bar mo?” tanong ko. “Sa amin ni Ate ‘yon pero iniwan na niya sa ‘kin.” Napatango ako isang beses. Binasa ko pa ang ilang detalye at kinabisado ko na rin. In case na magtanong ang Tita niya, may alam ako kahit papaano. “Siya nga pala... hindi ako marunong magluto...” “Itlog lang at instant noodles ang alam ko. Ni hindi ko rin alam kung paano magtimpla ng simpleng kape,” nahihiyang dugtong ko. “I can cook. At isa pa... nandoon naman si Tita para turuan ka,” wika niya. “Baka kasi... hindi niya ‘ko magustuhan dahil wala akong alam,” mahinang usal ko. “Hindi gano’n si Tita. Huwag kang masiyadong mag-isip. Everything will be fine, my wife,” wika niya. Nginitian ko na lamang siya. Mahaba ang naging byahe. Hindi ko na mabilang kung ilang beses akong nakaidlip. Humihinto kami para mag-check-in sa hotel kapag may nadadaanan kami. Para rin makapagpahinga kami. Dalawang bed ang kinukuha ni Dave para tig-isa kami. Pero sabi niya, kapag nasa probinsya na kami. . .iisang kama na lang daw dahil magdududa ang Tita niya. Halos dalawang araw ang naging byahe namin bago marating ang bayan nila. Mula sa bintana ng sasakyan ay nakikita ko na ang dagat. Napangiti ako sa ganda ng lugar nila. “Ang ganda pala dito sa inyo,” wika ko habang nakatanaw sa bintana. “Oo. Kaya dito ako laging nagpapasko,” saad niya kaya nilingon ko siya. “Mas simple kasi at para may kasama si Tita. Ngayong dito na tayo titira... may makakasama na si Tita hindi lang tuwing pasko,” dagdag niya. Simpleng buhay para sa ‘kin…tahimik akong ngumiti. Ilang minuto ang lumipas at narating namin ang bahay nina Dave. Hindi niya sinabing malaki pala ang bahay nila. May dalawang palapag at may rooftop. Nakaharap ang bahay sa mismong dagat! “Wow,” bulalas ko dahil sa magandang view. “Tuwing hapon, makikita ang sunset dito,” wika ni Dave. Madilim na nang makarating kami kaya hindi ko pa masiyadong nakikita ang lugar. “Ate Mimi! Nandito na sila!” sigaw ng isang babaeng lumabas sa pintuan. “Si Ate Pina ‘yan,” pakilala ni Dave. May lumabas na matabang babae na sobrang puti. Nakabistida ito ng asul at maiksi ang buhok na hanggang ibaba ng tenga. Malaki ang ngiti nito sa labi na sumalubong sa amin. Agad niyang niyakap si Dave at nagulat ako nang yakapin niya rin ako. “Welcome home, anak!” nakangiti pang sabi niya. “H-Hello po, Tita,” nahihiya kong sabi. “Napakaganda mo pa lang bata. Magaling talagang pumili itong pamangkin kong si David,” nakangiting sabi niya kaya mas lalo akong nahiya. “Tara na sa loob. Siguradong pagod kayo sa mahabang byahe,” aya niya sa ‘min. “Tara, my wife,” aya rin sa akin ni Dave. “Paano ang mga gamit, m-my h-husband?” nauutal kong tanong. Nahihiya akong tawagin si Dave na asawa ko. Hindi ako sanay pero sa tingin ko’y kailangan kong gawin para mas makapani-paniwala. Napalingon sa amin si Tita at napangiti. Si Dave naman ay natulala at pilit na ina-absorb ang sinabi ko. “Si Pina na ang bahala diyan,” nakangiting sagot ni Tita Mimi. “Dave?” pabulong kong untag sa kaniya. “S-Sorry! T-Tara na sa loob?” Hindi mapakaling saad niya nang mabalik siya sa wisyo. Sa kusina kami pinapunta ni Tita Mimi. Maghapunan daw muna kami bago kami magpahinga. “Tiyak na pagod kayo sa biyahe kaya masabaw ang pinaluto ko kay Pina,” wika ni Tita. Sinigang na paa ng baboy ang hapunan at inihaw na hito. Nagdasal muna ang lahat bago nagsimulang kumain. Si Tita ang nag-lead ng prayer. Si Dave ang nag-asikaso sa ‘kin sa hapag tulad noong nasa Palawan kami. Malaki pala talaga ang bahay nila. Sa taas daw ang kwarto namin at nilinisan na raw ‘yon. “Ang sabi mo, Dave ay dito na kayo titira?” tanong ni Tita. Kinakabahan ako at baka mabuko kami. “Paano ang negosyo mo sa Manila?” dugtong niya. “Bibisitahin ko na lang po.” “Magiging maayos kaya ‘yon?” Medyo nag-aalala siya sa negosyo ni Dave. Napayuko ako dahil ako ang dahilan kung bakit mananatili si Dave rito kasama ako. “Opo, Tita Mimi.” “Eat, my wife,” mahinang bulong niya sa ‘kin kaya napaangat ako ng tingin sa kaniya. Mahina akong tumango at kumain ng tahimik. Pagkatapos ng hapunan ay nagpasiya na kaming umakyat sa taas. Nagpresinta akong maghugas ng pinagkainan pero si Ate Pina na raw ang bahala. Siya pala ang katiwala rito. Malaki ang kwarto ni Dave kumpara sa kwarto niya sa Manila. Mas malaki rin ang kama at very manly ang design ng kwarto pati na rin ang mga unan at bedsheet. Naiakyat na rin ang mga gamit namin at bukas ko na lang aayusin sa cabinet. “Bakit ka naglalatag diyan?” tanong ko sa kaniya. May kumot at unan siyang dala at inaayos na sa baba, sa tabi ng kama. Malamig ang sahig tapos manipis lang ang nilatag niya ro’n para higaan. “Baka hindi ka makatulog ng maayos kapag katabi mo ‘ko,” sagot niya. “Ayos lang. Maluwag naman ang kama. Lagyan na lang natin ng unan sa gitna.” “Alam kong nag-a-adjust ka pa sa ‘kin, Faye at sa bagong set-up natin. Ayokong pati sa ganito ay ma-stress ka.” Nginitian ko siya. “Tinutulungan mo lang ako at wala akong karapatang magreklamo,” makahulugan kong sabi. “Gusto pa rin kitang makilala, Dave,” dagdag ko. Bago ko ipikit ang mga mata ay sinabi ko sa sarili na magiging maayos ako. Hindi ako magpapakalunod sa lungkot at susubukang libangin ang sarili hanggang sa makalimutan ang mga nangyari. Hanggang sa makalimutan ko si Ninong. Ito lang ang magagawa ko para sa sarili ko. Ayokong kaawaan ang sarili ko dahil sa nangyari dahil lalo lang akong manghihina. Gusto kong baguhin ang takbo ng buhay ko. Hindi na ‘yong dating Faye na walang iniintindi at pakialam sa paligid. Pinapangako ko sa sarili na magiging mature ako. “Good night, Dave,” wika ko nang makahiga siya. Malaking unan at mahaba ang nilagay niya sa gitna namin bilang pagitan. “Good night, my wife.” * Kinaumagahan ay maaga akong gumising. Nauna pa ‘ko kay Dave. Agad din siyang nagising nang bumangon ako. Nang sabihin ko sa kaniyang tutulong ako sa kusina ay pinigilan niya ‘ko. “Si Ate Pina na ang bahala roon,” wika niya. “Gusto ko ring matuto sa mga gawaing bahay para naman makatulong ako kahit papaano rito.” Bumangon siya at tiningnan ako. “Sige. Hintayin mo ‘ko,” aniya. Si Dave ang nag-ayos ng kamang hinigaan namin pareho. Tumulong din ako sa pag-aayos ng unan. Si Dave sa mga malalaking kumot. Sabay kaming bumaba ni Dave sa kusina nang matapos mag-ayos ng hinigaan at makapaghilamos. Hindi ako mapakali habang nakahawak siya sa beywang ko na para bang inaalalayan ako. Gentleman si Dave sa maraming bagay. Iyon ang napansin ko sa kaniya noong nasa Palawan kami. Hindi ko pa pala natatawagan sina Marielle at Grace. Pagbaba namin ay nakahanda na ang almusal. Pritong daing, itlog at talbos ng kamote na nilaga. Mga pagkaing hindi ko nakakain sa Manila. “Masarap ‘yan,” bulong sa ‘kin ni Dave at pinaghila ako ng upuan. Simple akong nagpasalamat. Pinagtimpla niya rin ako ng chocolate drink. “Si Tita Mimi?” tanong ko. “Maagang umaalis dahil may grocery store siya sa bayan,” sagot niya. “Tayo lang dito maghapon?” tanong ko. “Oo,” sagot naman niya at nilagyan ng kanin ang plato ko. “Mas masarap kapag nagkakamay,” wika ni Dave. Kahit hindi marunong ay sinubukan ko at ginaya siya. Ayokong isipin nila na maarte ako. Nakikitira lang ako rito kaya dapat marunong akong makisama. “Itong talbos ng kamote, dito mo isawsaw,” turo niya. Tumango ako at ginawa ang sinabi niya. “Masarap?” nakangiti pang tanong niya. Tumango naman ako kahit hindi ko gusto ang lasa. Hindi lang siguro ako sanay sa ganitong pagkain. Kakaonti lang din ang nakain ko sa agahan. “Ate Pina, ako na po,” tukoy ko sa mga pinagkainan. Nginitian niya ‘ko. “Tulungan mo na lang ako. Hindi kasi pwedeng ikaw lang dahil trabaho ko ‘to,” wika niya at hininaan ang boses sa huling sinabi. Marunong naman akong maghugas ng plato kaya hindi ako nahirapan sa pagtulong kay Ate Pina. “Mamaya, mamamalengke ako... gusto mong sumama?” tanong niya. Nilamon agad ako ng excitement. “Sige po,” mabilis kong sagot. “Nandiyan naman si Dave para ipagmaneho tayo. Para hindi na tayo mamasahe sa tricycle,” aniya at kinindatan ako. Nakuha ko agad ang ibig niyang sabihin kaya ngumiti ako. “Ako na po’ng bahalang magsabi sa kaniya,” wika ko. “Sige. Maglilista na rin ako ng mga bibilhin,” saad niya kaya ako ay hinanap na si Dave. Matapos kasi ang almusal ay nauna siyang umalis sa hapag. Nagpaalam siyang may tatawagan lang sandali. Mahirap ang signal kaya sa rooftop daw siya pupunta dahil malakas doon. Pag-akyat sa itaas ay view ng magandang dagat ang una kong napansin. Ni hindi ko napansin si Dave na nakaupo sa gilid. Humawak ako sa railings at tinanaw ang magandang view mula rito. “Low tide pa kaya ganiyan,” biglang nagsalita si Dave kaya doon ko lang siya naalala. Humakbang siya palapit sa akin at tinabihan ako. “Mamayang hapon pa tataas ang tubig,” aniya. “Maganda pa rin naman kahit low tide,” wika ko. May tubig pa rin naman at hindi naman gaanong mabato. “Siya nga pala…” “Pwede mo ba kaming samahan ni Ate Pina sa palengke? Mamamalengke raw kasi siya at isasama niya ‘ko,” nakangiting paalam ko. “Okay. Pero, my wife... hindi ko approved ‘yang suot mo. Pwede bang magbihis ka? Iyong mas mahaba. Hindi kita binabawalan sa gusto mong damit o isuot, pero ayoko namang mabastos ka,” nahihiya niyang sabi na may halong lambing ang boses. Hindi ko alam kung bakit kumalabog ng malakas ang dibdib ko sa sinabing ‘yon ni Dave. Hindi nakaka-offend at napaka-sweet at caring ng dating sa akin. Tinalikuran ko siya para itago ang namumulang mukha ko. “Please! Huwag kang magalit, F-Faye. O-Okay lang kung ayaw mong magpalit,” kinakabahan niyang sabi. Akala niya yata ay nagalit ako. “Naiintindihan ko, Dave. Thank you,” wika ko habang nakatalikod pa rin sa kaniya. “H-Hintayin kita sa baba,” sabi ko at nagmadaling bumaba patungong kwarto. Hinawakan ko ang dibdib ko at marahang hinaplos dahil sa kakaibang hampas. Bakit ako kinabahan ng sobra? Ano itong pag-iinit ng pisngi ko? Naghanap ako sa maleta ko ng maayos na damit. Humaba ang nguso ko dahil puro revealing ang mga damit na nadala ko. Hindi kasi ako mahilig sa mga mahahaba. Nakita ko ang isang t-shirt ko at short na hanggang taas ng tuhod. Mabuti at meron ako nito. Medyo mahaba naman at hindi revealing. Tiyak na mainit sa palengke kaya pinusod ko ang buhok ko. Nagdala rin ako ng kaonting pera at baka may magustuhan akong bilhin. Nakakahiya kasing humingi kay Dave. Mahaba-haba ang listahan ni Ate Pina dahil pang one week na raw na supply ang bibilhin niya. Sa passenger seat ako pinasakay ni Dave at si Ate Pina naman ay sa backseat. Bago magmaneho si Dave ay sinulyapan niya ang suot ko. Napangiti siya kaya napangiti rin ako. Mukhang approved sa husband ko ang damit ko. “Baka langgamin po tayo rito,” nagpaparinig na saad ni Ate Pina. Agad akong nag-iwas ng tingin kay Dave at gano’n din siya. Tumikhim muna siya bago binuhay ang makina at nagmaneho na. Habang nakatingin sa bintana ay napansin kong kakaiba ang desenyo ng sidecar ng mga tricycle rito. Malalaki kumpara sa Manila. Wala rin akong nakikitang taxi at puro jeep lang at tricycle. First time kong makatapak sa palengke. Sa grocery kasi kami madalas mamili ni Mama. Sa kabilang banda ay nami-miss ko rin siya. At nami-miss ko na rin si Ninong. “Tara na, my wife,” tawag sa ‘kin ni Dave at hinawakan ang kamay ko nang makababa kami sa sasakyan. Nasa unahan namin si Ate Pina dahil siya ang mas nakakaalam ng mga bibilhin. Nakasunod lang kami sa kaniya. “Be careful, my wife. Madulas ang sahig,” paalala niya. Muli ko na namang naramdaman ang kakaibang kabog sa dibdib ko at pag-iinit ng mukha ko. What’s happening to me? Napalingon ako sa kamay naming magkahawak. Hindi ako sanay pero ayoko ring bumitaw. Ang weird ng feeling pero gusto ko. Nakakalito. “Magkano po dito sa bangus?” tanong ni Ate Pina. Iba rin ang lengguwahe ng mga tao rito. Wala akong maintindihan pero si Dave at Ate Pina ay nakakaintindi. “Two hundred,” sagot ng tindera. Nagpakilo si Ate Pina ng dalawang kilo at nagpakilo rin ng isdang galunggong. Pinalinisan na rin niya sa tindera. Ngayon lang ako nakakita kung paano linisan ang isda. Mukhang madali pero nakakatakot ‘yong matalim nilang kutsilyo. Para kasing ang careless nila gumamit. “Tuna?” manghang tanong ko nang masilayan ang bagong dating na malaking isda. Buhat-buhat lang siya no’ng isang lalaki. Akala ko nga noong una ay pating dahil ang laki. Malaki pa sa tao. Malaki pa sa nagbubuhat. “Balele ang tawag nila n‘yan dito. Hindi ko alam kung ano’ng tawag sa tagalog dahil wala namang ganiyan sa Manila,” wika ni Dave. Sumang-ayon ako dahil kahit ako... first time makakita ng sobrang laking isda. “Bibili tayo no’n para matikman mo rin,” wika ni Ate Pina. “Buo po?!” mangha at gulat kong tanong kaya natawa sila ni Dave. Nakita ko kung paano nila hatiin ‘yong malaking isda. Kailangan ng matalas na itak at kailangang pukpukin ng kahoy para mahati. Isang kilo ang binili ni Ate Pina dahil may kamahalan. Marami rin akong nakitang iba’t ibang kulay ng isda. Meron pang maganda ang kulay na nababagay sa aquarium pero binibenta lang rito sa palengke. May alimango, pusit at octopus akong nakita. “Hindi pa siya nakakakain ng octopus,” sagot ni Dave nang tanungin ako ni Ate Pina. Napalunok na lang ako nang bilhin ni Ate Pina ang isa. “Masarap ‘yan,” bulong ni Dave pero hindi man lang ako makangiti. Gumagalaw pa kasi ang galamay niya kaya nakakatakot. “Lulutuin naman ‘yan, ‘di ba?” nangingilabot kong tanong. Natawa si Dave kaya humaba ang nguso ko. “Yes, my wife. Lulutuin ‘yan ni Ate Pina,” malambing niyang sagot kaya nakahinga ako ng maluwag. Sumunod kaming tumungo sa nagbebenta ng karne ng baboy at manok. Maraming binili si Ate Pina kaya puno na ang kamay niya. Tinulungan siya ni Dave kaya nabitawan ang kamay ko. Nanibago ako sa pakiramdam kaya pinagsaklob ko na lang ang mga kamay ko. Sunod kaming tumungo sa bilihan ng gulay pero hindi na kakayanin kahit tumulong pa ‘ko sa pagbitbit. Nagpasiya silang ilagay muna ang mga pinamili sa sasakyan dahil mas marami pa lang nakalistang gulay. Bumalik kami sa bilihan ng gulay. Tumulong din ako sa pagbitbit ng mga pinamili. Ayaw ni Dave dahil mabigat daw pero hindi ako nagpaawat at sinabi kong kaya ko. Matapos sa palengke ay pinag-alcohol ako ni Dave ng kamay. Baka raw makakuha ako ng sakit sa dumi sa palengke. Nasa loob na kami ng sasakyan at may pupuntahan pa raw kami bago umuwi. “Hmmm... ang sweet,” bulong ni Ate Pina pero narinig pa rin namin. Nag-iwas na lang ako ng tingin kaya mahinang tumawa si Dave. “Gusto mo na rin ng asawa, Ate Pina?” nakangising tanong ni Dave sa kaniya. “Basta ba ‘yong ayaw rin akong magbuhat ng mabibigat at ayaw rin akong magkasakit,” makahulugan niyang sagot kaya namula ang buong mukha ko. “Bodybuilder at doctor,” sagot naman ni Dave. Nalukot ang mukha ni Ate Pina kaya tinawanan siya ni Dave. “Bakit?” patay malisyang tanong ni Dave habang tinatago ang ngiti sa labi. He’s really cute. “Bodybuilder, para siya lang ang magbubuhat ng mabibigat tuwing mamamalengke ka. Doctor naman para hindi ka niya hahayaang magkasakit,” paliwanag ni Dave. Mas lalong nalukot ang mukha ni Ate Pina. “Pilosopo ka talaga,” angil sa kaniya ni Ate Pina kaya natawa na lang ako. “Hindi ka naman bodybuilder at doctor ah?” naghahamon na tanong ni Ate Pina. “Sempre, para sa wife ko... kailangan kong mag-ala bodybuilder at doctor ng sabay para sa kaniya,” makahulugan niyang sabi at sinulyapan ako. Hindi ko alam kung ano’ng isasagot ko kaya nginitian ko na lang siya. Hindi ko na rin maintindihan ang mga kakaibang galaw sa loob ng tiyan ko. Parang hinahalukay sa loob. “Edi, sana lahat, ‘di ba?!” malakas na boses ni Ate Pina. “Kapag kasing ganda na ‘ko ni Faye, makakahanap din ako ng Dave ko...” rinig ko pang bulong ni Ate Pina kaya namula ang buong mukha ko sa hiya. Hindi naman ako gano’n kaganda. “Nag-iisa lang ako para kay Faye at si Faye, nag-iisa lang din siya,” makahulugan namang sabi ni Dave. Narinig din pala niya si Ate Pina. Para akong nsusunog dahil ang init-init na ng mukha ko. “Hindi ko naman sinabing dalawa ah? Ang sabi ko, kapag naging kamukha lang.” Inirapan pa siya kunwari ni Ate Pina. Para silang magkapatid kung mag-asaran. Napailing na lang si Dave sa kaniya at saglit akong sinulyapan. Iyong saglit na ‘yon ay para bang ang tagal. . .ang bagal. Hindi ko rin namalayan na sinuotan niya ‘ko ng seatbelt. “I want you to be safe, my wife.” Ngumiti siya sa ‘kin kaya napatulala ako. “Let’s go home, my wife,” bulong pa niya na nagpagulo lalo ng sistema ko. Ang husky na boses niya ang nagpabilis ng pintig ng puso ko. Napatanong uli ako sa sarili ko, what’s happening to me?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD