chapter 10

1741 Words
Pagkarating na pagkarating namin sa parking lot kung saan ay kokonti lang iyong mga taong pawang nagmamadali ring makauwi ay mabilis akong lumayo mula sa pagkakaakbay ni Mr. Amorio. Bago pa siya may masabi ay inunahan ko na agad. "Mr. Amorio, siguro po naman ay hindi ko na kailangan pang ipaliwanag iyong sitwasyon," malamig kong wika. Itinaas ko ang aking baba at inayos ang salamin ko, ang aking 'Strict Tita Mode' ay nasa level 100 na. "I only did that for Jella. Ayokong mapahiya ang bata sa harap ng teacher niyang mukhang may pinaghahandaang Miss Universe pageant. Pero huwag ni'yo pong isipin na porke pumayag ako sa kalokohang ito ay plano kong samantalahin ang sitwasyon." Pailalim ko siyang sinipat ng tingin mula ulo hanggang paa. Hula ko ay nasa forties siya, pero hindi pa rin maikakaila ang kakisigan niyang taglay. Siya iyong perpektong halimbawa ng kasabihang 'aged like wine'. Kaya pala pamilyar iyong apelyido niya no'ng una itong banggitin ni Miss Arcenas dahil siya lang naman si Joaquin Amorio, ang may-ari ng Amorio Group of Companies na tanging imperyong kayang tumapat at makipag-sabayan sa kapangyarihan ng mga Laraza. Sa mga nababasa ko sa balita, isa siya sa mga tinitingalang magaling na negosyante, may taglay ring kalupitan kaya tinaguriang dambuhalang pating sa karagatan ng corporate world. At ni sa hinagap ay hindi sumagi sa isip ko na ito ang ama ng classmate ng pamangkin ko. And speaking of pamangkin ay hindi ko ito napansin sa paligid kaya napalingon-lingon ako. "May klase pa ang mga bata sa next subject nila," wika ni Mr. Amorio na tila nahulaan kung ano ang iniisip ko. Mabilis kong itinigil ang ginawang paghahanap sa pamangkin ko at ibinalik ang tingin sa kanya. "Alam ko," hindi kumukurap kong pagsisinungaling. Pero hindi ko rin natagalan ang titig niya at kusa akong nagbawi ng tingin. "Pasensya ka na rin sa hininging pabor sa'yo ng anak ko," dugtong niya sa huling sinabi na ikinatigil ko. Ang bilyonaryong katulad niya ay inaasahan ko ang pagiging arogante sa pakikipag-usap sa mga katulad kong hindi niya ka-level. Medyo nagulat ako dahil may nahimigan akong pagpakumbaba sa tono niya at ramdam ko rin ang katapatan sa kanyang boses. Hindi lang niya ako ini-echos, at talagang humihingi siya ng paumanhin para sa anak. Nakakabilib din iyong katalinuhan niya, mabilis niyang na-gets ang sitwasyon at walang sablay niyang nasabayan agad ang gawa-gawang drama namin ng anak niya. "And honestly, I am beyond grateful," pagpapatuloy niya habang may kiming ngiti sa mga labi. Napakurap-kurap ako, dahil ang simpleng ngiti niya ay tila ba lalong nagpalutang sa taglay niyang kakisigan at mas nagmukha siyang batang tingnan. Hindi naman talaga siya mukhang "ancient," pero may something sa ngiti niya na pwede na siyang ihanay sa mga kaedaran ng pamangkin kong si Kelvin... at doon sa bwesit na si Marco. Feeling ko nga, kung tatabi siya kay Marco, mapagkakamalan silang mag-utol na nag-aagawan sa isang brand ng pomada. "Hindi ko alam kung paano kita pasasalamatan sa ginawa mo para sa anak ko," saad pa niya na nagpahinto sa lihim kong panunuri sa kagwapuhan niya. "Jella told me everything through text while I was in an important meeting," dagdag niya habang humahakbang nang bahagya palapit, pero hindi pa rin siya lumambas sa personal space ko. "Hindi naman sana talaga ako makapunta, pero dahil sa message niya ay minadali ko iyong meeting at kinansela iyong mga susunod pa sanang appointment," pabuntonghininga niyang dugtong. Sa ekspresyon niya sa mukha ay parang nahuhulaan ko nang medyo sakit sa ulo niya si Jella. Gano'n pa man ay halata pa rin ang pagmamahal niya para sa anak. "Kilala ko ang batang iyon," pumapalatak niyang saad. "Kaya medyo nag-alala ko roon sa sinabi niyang nakahanap siya ng girlfriend ko na a-attend ng meeting. And take note, tinawag ka niyang 'pretty and scary'," nangingiti niyang dagdag. Muntik na akong napasapo sa noo ko habang hilaw na napangiti. Ang batang iyon, dapat ay pretty lang ang sinabi niya at hindi na dinugtong iyong scary. Tiyak na dahil doon sa huli ay kaya napasugod dito sa school ang kawawa nitong ama. "Huwag kang mag-alala, tapos na rin naman ang pagpapanggap ko," taas-noo kong wika. "At hindi na ulit tayo magkikita," dugtong ko pa para masiguradong malinaw ang boundary. Inayos ko ang bitbit kong bag at ibinigay sa kanya ang pinaka-professional kong "Tita smile"— iyong tipong pang-award ceremony pero may halong 'layas na.' May napansin akong kakaibang kislap na dumaan sa mga mata niya pero agad din iyong nawala bago ko pa mahulaan kung ano ang kahulugan niyon "Thank you ulit... Miss.." "Claudia," dugtong ko, dahil baka tawagin pa akong "honey" o "sweetheart" dito sa parking lot kung hindi ko uunahan. "Nice meeting you," nakangiti niyang tugon. "I'm Joaquin," pakilala pa nito sa'kin na para bang may posibilidad na hindi ko siya kilala. Kanina siguro, noong hindi ko pa siya nakita ay hindi ko agad nakilala ang Mr. Amorio na sinasabi ni Miss Arcenas, pero agad ko siyang nakilala noong makita ko siyang kausap ng guro. Katulad ng mga Laraza ay kilalang-kilala siya sa buong bansa. Nagkalat ang ilang billboard niya sa business center— iyong mga tipong 'Man of the Year' o 'The Visionary Leader' na madalas kong madaanan kapag nag-mo-malling ako. Sa personal, mas lalong nakaka-distract ang visual niya, na para siyang character na tumalon mula sa isang luxury watch commercial. "Again, Claudia, I can't apologize enough for the awkwardness," mahinahon niyang sabi, ang boses ay parang haplos ng mamahaling tela. "I know it's a lot to ask for a stranger to play such a role. My daughter has a very... cinematic approach to problem-solving. Pasensya ka na talaga kung nasabak ka sa ganoong klaseng gawa-gawang drama." Napa-swing nang konti ang bag ko. Nangangati na akong umalis, pero minsan lang naman iyong ganitong may makakausap akong gwapo na nga at maginoo pa kaya tiniis ko na lang. "Ayos lang," pabalewala kong sagot. "Magaling naman ako sa ganoon. Sanay akong mag-imbento ng mga sitwasyong... alam mo na, iyong punong-puno ng tensyon," sagot ko, muntik ko nang masabing 'punong-puno ng plot twists.' "Is there anything I can do to properly thank you?" tanong niya habang mataman akong tinitingnan. "I don't want to just leave it at a 'thank you' in a parking lot. Baka may paraan para makabawi ako sa abala?" Natigilan ako at medyo napa-isip. Wala akong ideya kung magkano ang talent fee ng mga artista at hindi rin naman ako artista kaya ang hirap magbigay ng presyo sa ginawa ko. Pero agad ko ring naalala na 'Tita Claudia' pala ako, kailangan kong umastang firm and proper. "Kalimutan mo na iyon, Mr. Amorio—" "Just call me Joaquin," maagap niyang pagtatama sa tinawag ko sa kanya. "Nakakahiya naman kung hindi man lang ako makabawi sa'yo lalo na at nakisakay rin ako sa huli. Tiyak na hindi naging madali ang ginawa mo lalo na at naroon si Miss Arcenas." "Buti alam mo." Bago ko pa napansin ay kusa na iyong nanulas mula sa bibig ko. "I mean... medyo pinag-initan lang naman ako. Maliit na bagay lang iyon, siguro kung nasakal ko si Miss Arcenas at nabigyan ng major injuries ay tsaka ko pa kakailanganin ang compensation mula sa'yo. Ikaw iyong magbabayad ng medical bills niya at syempre ikaw rin ang kukuha ng magaling na abogado para sa'kin." Hindi ko na napansin napahaba ang litaniya ko at kusa na lang akong tumigil nang mapansin kong titig na titig sa'kin si Joaquin habang nangingislap ang mga mata sa pagkaaliw. "What? Bakit ganyan ka makatingin?" tanong ko, pilit na ibinabalik ang poise pero huli na dahil hindi ko na nagawang pigilan ang pagbusangot ng mukha ko. "Totoo naman, ah. Kung hindi ako nakapagpigil, baka nasa police station na tayo ngayon at hindi sa parking lot." Natawa siya nang tuluyan sa huli kong sinabi— isang malutong at tapat na tawa na umagaw sa atensiyon no'ng ibang mga napapadaan. "I don't doubt that, Claudia," pumapalatak niyang saad. "In fact, I think Miss Arcenas wouldn't have stood a chance. You're... formidable." "Formidable?" mahina kong pag-uulit. Mas lalong umasim ang mukha ko at hindi ko napigilang magpakawala ng isang bonggang irap sa kaniya na mas lalo niyang ikinatawa. Sa dami-dami ng adjectives sa diksyunaryo na pwedeng magpatingkad sa ganda ko—iyong mga salitang pang-Disney Princess na tipong enchanting, ethereal, o kahit radiant man lang— ang pinili pa talaga niya ay 'yung tunog Super Saiyan. Sa ganda kong 'to, ang tingin niya yata sa akin ay parang karakter sa Dragon Ball na handang makipagsabakan sa bugbugan. Hindi ba pwedeng delicate flower muna bago formidable opponent? "Anyway, Joaquin, let's wrap this up," sabi ko na lang kapagkuwan. "Baka isipin pa ng mga tao rito, part-time clown ako sa perya dahil lang napapatawa kita nang ganiyan. Nakakahiya sa image ko bilang kagalang-galang na 'Tita' ni Eliz, 'no!" Hindi ko na dinagdag ang pagiging fake future stepmother ng anak niyang si Jella. Pinandilatan ko siya nang tumigil nga siya sa pagtawa pero nakaplaster naman ang malaki niyang ngisi sa mukha habang halatang nagpipigil lang na matawa ulit. "Mas okay pa sa akin na mapagkamalan ka lang na baliw na tumatawa mag-isa sa gitna ng parking lot," himutok ko. "At least, iisipin nilang hindi tayo magkasama at nagkataon lang na nadaanan kita." Lalong lumapad ang ngisi niya kaya lalong nagsalubong ang mga kilay ko kahit na hindi naman nakakainis ang ngiti niya. "Tapos na ang PTA meeting, kaya tapos na ang drama natin," malinaw kong pahayag. "Fair enough," pumapalatak niyang. "But since you won't accept a talent fee or a legal defense fund, allow me to at least give you my personal number. Just in case Miss Arcenas tries to 'investigate' you further or if you ever find yourself in need of that lawyer you mentioned." May halo mang biro ang tono niya pero seryoso naman ang kislap na nasa kanyang mga mata. Ako naman ay parang natulos sa kinatatayuan. Talo ko pa ang isang teenager na hiningan ng number ng crush. Magkakaroon ako ng personal number ng isang Joaquin Amorio! Sa pagkakaalam ko, ang number ng mga katulad niya ay mas mahal pa sa down payment ng isang condo unit! Pero agad akong natauhan nang maalala ang isa pang taong may number ko kahit hindi ko naman binigyan, si Marco Axel Laraza. Ngayon ko lang naisip kung saan nito kinuha ang number ko! Lintik na batang iyon, kahit wala ito ngayon dito ay panira pa rin ito ng moment.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD