Ako lamang ang mag-isa sa boarding house. Gumayak kasi at lumisan si Tom upang asikasuhin ang pagpapa-enroll sa Unibersidad. Naiwan naman akong walang magawa at hindi ko alam kung paano ko gugugulin ang buong maghapon. Nahiga na lamang ako sa aking kama hanggang sa makatulog.
Nagising ako gawa ng malakas na buhos ng ulan. Tiningnan ko ang bintana upang kumpirmahin ito, na akin namang nakumpirma. Sunod kong tiningnan ang oras sa aking cellphone, na nagsasabing alas kwatro na nang hapon.
Bigla namang bumukas ang pintuan, at bilang nakasanayan, napalingon ako roon. Inaakala ko na nakabalik na si Tom. Nagulat na lamang ako na ibang lalaki ang sumulpot at hindi ang taong aking inaasahan. Nalungkot ako, ngunit dagli namang naglaho nang masilayan ang pagmumukha ng lalaki, na sa tingin ko ay makakasama ko dito sa silid.
Ang nakakuha sa aking atensyon ay ang kaniyang banyagang mga katangian. Basa ang kaniyang kulay tansong buhok at kumakapit ang kaniyang basang itim na polo sa makinis niyang balat.
"f**k! Basang-basa na ako," naiinis na sambit niya, habang dahan-dahang kinakalalas ang butones ng kaniyang damit. Kapansin-pansin kung gaano kaputi ang kaniyang balat, na iyong masisilayan sa maliit na awang ng kaniyang polo.
Bumangon naman ako mula sa pagkakahiga at bumababa mula sa double deck na kama. Lumingon naman sa aking kinaroroonan ang lalaki, habang may pagtataka sa kaniyang mga mata. Bago pa man siya magsalita ay inunahan ko na siya.
"Jon," sabi ko.
"Oh!" nagbago ang timpla ng kaniyang mukha. "Ikaw pala ang bagong roommate na nakuwento sa akin ni Tom. Bruce pala, p're." Ngumiti siya sa akin, ipinapakita kung gaano kapantay at kaputi ang kaniyang mga ngipin. Hindi lamang bumagay ang kaniyang ngiti sa banyaga niyang mukha, nagkaroon din iyo ng kakayahan na pakiligin ang sinumang makakakita nito.
Tumalikod ako sa kaniya. Umupo ako sa kama ni Tom, bago muling humarap kay Bruce, "Basang-basa ka ah."
"Oo. Lakas ng ulan sa labas. Tanginang 'yan!"
Ipinagpatuloy niya ang ginagawa kanina. Nagtagpo ang kaniyang daliri sa ikatlong butones ng kaniyang kasuotan at marahan itong ikinalas. Isa-isa at pababa, hanggang matanggal niya ang lahat. Hinubad niya ang basang polo at tuluyan ko nang nasilayan ang nais kong masilayan. Banyagang-banyaga ang dating ng kaniyang angkin na kaputian at kakinisan. Ngunit, mas ikinamangha ko ang magandang hubog ng kaniyang katawan. Hindi hamak na mas maganda ito kumpara kay Tom.
Mas maganda ang pagkakahuwad ng kaniyang katawan. Mas detalyado, mas maumbok at mas bakat ang kaniyang mga laman. Ang kaniyang balikat ay matataas. Ang kaniyang braso ay malalakas. Ang kaniyang dibdib ay maumbok. Ang kaniyang abs ay bakat. Lahat ng mga nabanggit ay isang antas na mas maganda kung ikukumpara kay Tom. Si Tom!
Lumingon sa akin si Bruce, kaya maagap akong umiwas at kunyari ay nagbukas ng mensahe sa cellphone. Wala naman akong narinig sa kaniya, maliban sa tunog ng kaniyang siper. Gusto ko sanang tumingin, ngunit natatakot ako na baka binabantayan niya ang aking kilos. Sunod kong narinig ang yabag ng kaniyang mga paa na patungo sa maliit na sampayan dito sa loob ng silid. Takot pa rin akong iangat ang aking mga titig at nagpatuloy lamang sa pagkukunwari na may ibang ginagawa. Nasayangan naman ako sa pagkakataon.
"Kailan ka pala lumipat dito, Jon?"
Iyon ang naging dahilan para maiangat ko at maidala ang paningin sa kaniyang kinaroroonan. Nang ang mga titig ko ay dumako sa kaniya, naka-balabal na ang kulay asul na tuwalya sa kaniyang beywang. Sayang!
"Kahapon lang..." sagot ko, hindi sigurado kung lalagyan ko ba ng po ang dulo ng aking pangungusap, na akin ding binigkas "...po."
Naglakad si Bruce mula sa dulong dako ng aming silid, patungo sa kasalungat na double deck bed na aking kinauupuan. Tanging asul na tuwalya lamang ang suot, na animo'y nakasabit lamang sa kaniyang beywang, at bumabagay sa kaniyang banyagang kutis. Sa bawat hakbang, kita ko kung paano humawi ang tuwalya, at kung paano ito kumikiskis sa kaniyang binting may pinong balahibo.
"Kamusta naman?"
"Ayos naman po. Medyo nag-a-adjust pa po."
"Mabuti naman..." Lumingon siya sa akin at ngumiti, "...po."
"Oh!"
"You don't need to be respectful with me. Kabastos-bastos ako, I know." Tinapos niya ang kaniyang pangungusap sa pamamagitan ng nakakahumaling na tawa. Buong-buo ito at sobrang sarap pakinggan, iyong parang napapanood sa Korean Dramas. Hindi ko naman alam kung ano ang ibig sabihin ng kaniyang pahayag, o marahil, pilit kong iniiba ang aking pagkakaintindi.
Umupo siya sa kama. Ang mga binti ay magkahiwalay, humilig paharap, at ipinatong ang magkabilang siko sa kaniyang tuhod. Sinubukan kong aninagin ang nasa pagitan ng kaniyang mga hita, ngunit hindi ko pinilit at baka ako'y mahalata.
"So, electrial engineering huh?"
Tumango ako.
"Marunong ka magpangisay?" wika niya sabay kindat.
Natigilan ako sapagkat hindi ko alam kung ano ang kaniyang tinutukoy.
"You know, kami ni Tom ay mga marino at magaling kami sumisid." Tumawa siya at parang aliw na aliw sa kaniyang kalokohan. Sa parehong pagkakataon, natanto ko ang ibig niyang sabihin.
Napangisi ako, "Gaano naman iyon kagaling?"
"Let's say, sakto lang para balik-balikan." Ang kaniyang kilay ay umakyat-baba, kinukumbinse ako upang maniwala.
Naniniwala naman ako sa kaniya. Aminadong babalik-balikan at hahanap-hanapin ang sinumang lalaking kamukha ni Bruce. Kung pagbabatayan din ang kaniyang pananalita, mapapansin mo ang pang-aakit sa bawat kataga, dagdagan pa ng kaniyang matamis na tinig.
Nagpalit siya ng posisyon. Ngayon nama'y humilig siya patihaya. Ang mga kamay' nakapatong sa kama upang alalayan ang kaniyang naturang bigat. Nakalantad ngayon ang kaniyang matipunong dibdib at ang bato-batong sikmura. Mas bumuka ang kaniyang mga binti, ngunit hindi ko pa rin magawang makita ang nasa pagitan ng kaniyang mga hita.
"Taga saan ka, Jon?"
Pinigilan ko ang panginginig ng aking boses, "San Miguel."
"Hindi ka ba magtatanong kung tigasan ako?" Inangat niya ang kaniyang kanang kamay at itinuro ang kaniyang sarili.
Sinakyan ko naman ang kaniyang biro. "Tigasan ba?" natatawa kong pagbabalik-tanong sa kaniya.
"Nakaka-four rounds lang naman. Non- stop!"
"Loko!" panggagaya ko sa bukambibig ni Tom. "Hindi ka nilalamig?" tanong ko upang baguhin ang paksa. Hindi kasi ako sanay sa ganoong usapin at tingin ko naaayon naman ang aking katanungan.
Lumakas lalo ang buhos ng ulan. Tumayo naman si Bruce at tinungo ang switch ng ceiling fan. Pinatay niya muna ito bago nagsalita, "So magpapainit tayo?"
Sa pagkakataong iyon, natigilan ako. Tumingin ako sa kaniya at nagtagpo ang aming mga mata. Itim na itim ang kulay ng kaniyang mga mata, na nagtatago ng mga misteryo ng kaniyang pagkatao, na unti-unting humihila sa akin. Hindi rin ordinaryong titig ang kaniyang ginagawa sa akin. Isa iyong paanyaya.
"I'm back, assholes" malakas na sigaw ni Tom, pagkabukas niya ng pintuan.
Agad akong napaiwas ng tingin kay Bruce at napatingin sa bagong pasok na si Tom. Hindi ko alam kung tulong o abala ang kaniyang pagkakadating. Isa lamang ang nasisiguro ko, nabawasan ang hindi maipaliwanag na tensiyon sa loob ng silid.