Chapter 18: Room 206

1215 Words
Nang tumapat ako sa lumang pinto ng motel, parang biglang tumigil ang lahat. Tahimik. Walang ihip ng hangin. Ang pintura ng kahoy ay kupas na, may bakas ng luma’t kinakalawang na lock, pero parang… may bakas ng pagkabukas kamakailan lang. Tumingin ako sa paligid—walang tao. Pero ramdam kong may nanonood pa rin. Nagsimulang magpawis ang palad ko habang hinawakan ko ang doorknob. “Kung anuman ‘to, Pia… bigyan mo na ako ng linaw,” bulong ko, halos hindi ko marinig ang sarili kong boses. Isang malalim na buntong-hininga, at binuksan ko ang pinto. Amoy amag. Amoy alaala. Pagpasok ko, sinalubong agad ako ng matinding sikip sa dibdib—parang may bumalot sa akin na hindi ko makita. “Pia?” tawag ko, pero walang sumagot. May sirang upuan sa tabi ng bintana, basag-basag na tile sa sahig, at sa gitna, isang mesa na waring kakapunas lang. Ang weird. Luma ang lahat, pero may parte sa espasyong ‘to na parang gising. Sumara ang pinto sa likod ko—hindi ko alam kung dahil sa hangin o dahil may ibang pumasok. “May tao ba rito?” sigaw ko. Tahimik. Hanggang sa narinig ko ang isang tunog mula sa pasilyo. Isang mahina, pabulong… parang boses. “Gabo…” Halos mabitawan ko ang cellphone ko nang marinig ko ang pangalan ko. Isang pabulong na tinig, dumarating mula sa bandang kanan, sa isang pinto na bahagyang nakasiwang. Nilapitan ko iyon nang dahan-dahan. “Pia?” “Gabo… wag…” Lalong lumamig ang paligid. Parang umuurong ang balat ko sa kilabot. Nilapit ko ang tainga ko sa siwang ng pinto—at narinig ko na naman ang boses. Mas malinaw. Mas buo. “Kung papasok ka, Gabo…” Hindi ko alam kung guni-guni lang ba ‘yon o bahagi ng isang lumang kasinungalingan. Pero isang bagay lang ang sigurado ko—ito na ang simula ng sagot. At ito na rin marahil ang simula ng wakas. Hindi ko alam kung ilang hakbang na ang tinatahak ko, pero parang habang papalapit ako sa dulo ng pasilyo, lalo lang itong humahaba. “Hindi na ‘to normal…” bulong ko sa sarili ko habang pinipilit huwag tumingin sa mga saradong pinto sa gilid. May mga naririnig akong kaluskos, pero hindi ko alam kung mula sa labas, sa likod ko, o sa isipan ko lang mismo. Hanggang sa nakita ko na—Room 206. Ang tanging pinto na may bahagyang ilaw sa ilalim. Parang may naghihintay sa loob. Parang may nakatingin na. Huminto ako sa harap ng pinto. Tumibok nang malakas ang puso ko. “Pia…” Muli kong binanggit ang pangalan niya, pero wala na akong kasiguraduhan kung totoo pa ba siya. Hinawakan ko ang doorknob. Basa ang palad ko sa pawis. Kumatok muna ako, mahina lang. Walang sumagot. Isa pa. Tahimik. “Kung ito ang simula ng katotohanan…” nilakasan ko ang loob ko, “…hindi na ako aatras.” At dahan-dahan kong pinihit ang doorknob. Kumalabog ang dibdib ko. Pakiramdam ko, kahit isang ingay mula sa paligid ay puwedeng sumabog sa tenga ko. Nang bumukas ang pinto, sumalubong sa akin ang amoy ng luma’t nakalimutang kwarto. Amoy luma, amoy luha. Amoy Pia. Isang kama. Isang upuan. At sa gitna… May isang tape recorder. Pulang-pula ang pulbos sa paligid ng sahig—parang pinagsamang alikabok at kuwentong hindi nabuo. “Pia,” bulong ko habang papalapit. Inilapag ko ang bag ko sa sahig at lumapit sa mesa. Wala nang iba. Walang mga sulat. Walang litrato. Tape recorder lang. Para siyang tahimik na testigo. Isa siyang kahon ng katotohanan na matagal nang isinara. Pinagmasdan ko ito, parang sinasayaw ang daliri ko sa ibabaw ng plastic na ibabaw nito. At sa isang iglap… pinindot ko ang play. Click. “Kung nandito ka, Gabo… ibig sabihin handa ka nang malaman.” Tumigil ang hininga ko. “Pasensya na kung hindi ko to nasabi sa’yo ng harapan. Natakot ako. Hindi lang sa’yo, kundi sa sarili ko. Sa kanila.” Tila may tunog ng paghikbi sa background. “Kung kaya mo, pakinggan mo hanggang dulo. Kasi sa dulo n’to, baka hindi mo na ako kilalanin bilang asawa mo.” Tumulo ang luha ko kahit hindi ko ramdam. Hinila ako ng boses ni Pia pabalik sa gabing hindi ko maalala. Boses niya ‘yon. Pero parang… iba. Parang hindi lang siya ang nagsasalita. Bigla akong kinilabutan ng may biglang gumalaw sa likod ko. Isang aninong dumaan sa gilid ng salamin sa pader. Agad akong tumalikod. “Sin—sino ‘yan?!” Wala. Walang tao. Walang bakas. Pero hindi ako nagkamali. May naroon. May nanonood. At habang muling bumalik ang boses ni Pia sa tape, mas lumalalim ang kaba ko. “Kasi Gabo… hindi lahat ng pagmamahal ay totoo. At hindi lahat ng totoo, kaya mong tanggapin.” “May tao ba rito?!” Mabilis akong tumayo. Tumagilid ang upuan. Hinabol ng mata ko ang paligid. Wala. Walang galaw. Walang tunog. Pero ramdam ng katawan ko—hindi ako mag-isa. “Lumabas ka,” bulyaw ko, habang nanginginig ang boses ko. “Kung sino ka man… lumabas ka!” Sinikap kong huwag matakot, pero nanginginig na ang tuhod ko. Gusto kong tumakbo. Pero para saan pa? Babalik lang ba ako sa umpisa yung wala akong alam sa mga nangyayari? Saka ko naalala—ang tape recorder. Tumigil na. Wala na si Pia. Tahimik. “Bakit mo ‘ko iniwan sa gan’to?” Click. Biglang umandar ulit ang tape. Pero hindi na boses ni Pia. “Gabo…” Mababa. Mahinang bulong. Hindi pamilyar. “Sana hindi mo na hinanap ang sagot.” Napaatras ako. “Sino ka?!” May tunog ng paghinga sa recorder. Pagkatapos—tunog ng sapatos na humahakbang. Sa mismong kwarto kung nasaan ako. At sabay sa huling salita: “Tapos na dapat ‘to, Gabo. Pero binuksan mo ulit.” BOOM. May pinto sa loob na bumukas mag-isa. Isang storage cabinet sa kanan ng kama. BANG! Nagulat ako. Tumakbo ako pabalik sa pinto palabas ng kwarto—pero sarado na ito. Binuksan ko ang knob. Ayaw. Wala. Naka-lock. Hindi ko alam kung paano, pero may nagkulong sa akin. “Magsalita ka!” sigaw ko. “Pia, kung ikaw ‘to—tumigil ka na. Please…” Pero wala. Tahimik. Isang uri ng katahimikang parang naninilip. Parang may mata sa dilim. Lumapit ako sa pinto, inilapat ang tenga ko. At dun ko narinig… isang pag-iyak. Pamilyar. At hindi ko alam kung saan nanggagaling—mula sa labas ng pinto, o mula mismo sa tape recorder? BZZT. BZZT. Tumingin ako sa cellphone ko. May bagong video message. Walang sender name. Unknown. Pinindot ko. Si Pia. Mukha siyang bangkay. Namumutla. Naka-itim. Basa ang buhok, parang galing sa ulan o… sa tubig. “Gabo…” bulong niya. “Gabo, kung nakikita mo ‘to… may darating. Wag kang manatili diyan. Tumakbo ka na.” Nag-iba ang tono ng boses niya. “HINDI KO NA KAYANG KONTROLIN 'TO!” CRACK. May tunog na parang may nabasag sa video. May aninong dumaan sa likod niya. Mabilis. Isang lalaki. Bago siya tuluyang naputol, sumigaw siya: “GABO, TAKBO NA—!” Namatay ang screen. Tumingin ako sa paligid. At narinig ko ang pinakaayaw kong marinig sa mga oras na ‘to: May naglalakad sa likod ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD