Nakatitig lang ako sa screen ng telepono ko.
Isang simpleng text lang, isang address sa Marikina. Walang pangalan. Walang mensahe.
Pero ang bigat nito—parang may humihila sa’kin pabalik sa lugar na ayaw ko nang balikan.
Bakit ngayon? Bakit ako?
Binalikan ko ang huling tawag. Walang pangalan. Walang sagot.
Pero nandoon ang tinig—basag, malamig, at punung-puno ng kaalamang hindi ko maintindihan kung paano niya nalalaman.
“Bumalik ka sa kung saan nagsimula ang lahat.”
At ito na nga. Ang direksyon.
Hinawakan ko ang gilid ng mesa para di mawalan ng balanse.
Kahit ang sarili kong memorya, parang nakikipaglaro na din sa’kin.
Hindi ko na alam kung ano pa ang aking paniniwalaan.
“T*ngina naman,” bulong ko habang tina-type ang, “Sino ka?”
Pero bago ko pa masend, dinelete ko agad.
Para saan pa? Parang laro lang ‘to para sa kanila. Para sa kanya.
Naalala ko ang tape. Ang tinig. Ang larawan ko—kami ni Pia, pero burado ang mukha ko.
At ngayong may address na sa harapan ko, para akong asong tinatawag palapit sa isang bitag.
Pinikit ko ang mata ko, hoping na baka pagdilat ko, wala na ang lahat.
Baka panaginip lang.
Pero andoon pa rin.
Hawak ko pa rin ang cellphone.
Hindi ako pwedeng umatras. Hindi ngayon. Hindi pa tapos ang larong ‘to.
Binuksan ko ang Google Maps. Ni-copy and paste ko ang address.
“Old Garden Motel.”
Halos limang taon nang sarado, sabi ng reviews. Walang tao. Walang check-in.
Pero may isang review na nag-standout sa akin: “Kung gusto mong makalimot, dito ka magsimula.”
Hindi ‘to biro.
Napamura ako.
Lumabas ako ng bahay, dala ang susi ng kotse.
Habang nilalakad ko ang hallway ng lumang apartment building, parang may bumubulong sa tenga ko.
“Bakit ka bumalik, Gabo?”
Hindi ko alam kung alin sa mga tanong ang mas gusto kong sagutin—kung sino ang nasa tape, o kung bakit ako mismo ay hindi na sigurado kung totoo pa ba ang lahat ng mga nakikita ko.
Pero isa lang ang malinaw—kailangan kong malaman.
“Bitag ‘to. Alam ko.”
‘Yan ang unang pumasok sa isipan ko pagkatanggap ko ng address.
Wala namang nagsabi, pero ramdam ng katawan ko—yung tipong kilabot na gumagapang mula batok hanggang talampakan.
Ilang beses ko nang napanood ito sa mga pelikula: lalaki, mag-isang pupunta sa abandonadong lugar, at... hindi na babalik.
Pero bakit ako bumabalik pa rin?
Dahil kay Pia.
Dahil sa mga tanong na patuloy na umiikot sa ulo ko.
Dahil may kailangan akong marinig, makita, o maramdaman para lang masabi ko sa sariling hindi ako nababaliw.
Hinawakan ko ang tape sa mesa.
“Kung bitag man ‘to… edi tapusin na natin.”
“Gabo?”
Tumigil ang hininga ko nang marinig ang boses niya.
“Adrian. May tatanungin ako.”
“‘Wag mo na akong tawagan.”
“Wala akong ibang mapagtanungan. May address akong natanggap. May nagsabi—bumalik daw ako kung saan nagsimula ang lahat. Alam mo ‘to, ‘di ba?”
Tahimik siya sa kabilang linya.
Narinig ko lang ang tunog ng sigarilyong hinihithit.
Click.
Sabay buga.
“Gabo… hindi mo dapat binuksan ang tape.”
“Hindi ko na dapat sinabi sa’yo ‘to,” sabi niya, mababa ang tono.
“Pero sinabi mo na.”
“May mga bagay na mas mabuting hindi mo na alam, Gabo.”
“Si Pia ang asawa ko, Adrian. Kung may tinatago siya, may karapatan akong malaman.”
“Hindi mo siya kilala.”
“T*ngina, anong ibig mong sabihin? Anong ibig niyong sabihin?”
“Wala akong sinabi.”
“Wala ka ngang sinasabi, pero kung paano ka manahimik—mas malakas pa sa kasinungalingan.”
“Ano bang meron sa motel na ‘to? Bakit ito ang pinapapuntahan sa’kin?”
“Diyan kayo unang nagkita ni Pia.”
“Katarantad*han. Hindi totoo ‘yan.”
“Talaga ba? O baka… hindi mo lang talaga maalala?”
Napahawak ako sa sentido ko.
“Gabo, may mga gabi kayong pinipili mong kalimutan. At ‘yang motel na ‘yan… ay isa sa kanila.”
“Bakit mo alam ‘to?”
“Dahil nandoon ako.”
Tumigil ang mundo ko.
“Nandoon ka?”
“Hindi ako kalaban, Gabo. Pero kung pupunta ka roon…”
Nagbago ang boses niya.
“‘Wag kang pumuntang mag-isa. May mga bagay na hindi mo kayang harapin nang mag-isa.”
“May sinasabi ka bang nasa panganib ako?”
“Hindi ko sinasabing ganun, Gabo.”
“Pero may dapat akong katakutan?”
“Hindi lang isa. At hindi lang sila nasa labas.”
“Anong ibig mong sabihin?”
“Yung pinaka-delikado… ay yung sarili mong hindi mo kilala.”
Bumagsak ang linya.
Click.
Hawak ko pa rin ang cellphone, pero para akong niyugyog ng lindol sa loob.
Kung totoo ang sinasabi ni Adrian…
Kung may parte ako ng sarili kong tinakasan ko…
Ano ang makikita ko pagbalik ko sa lugar na ‘yon?
Hinawakan ko ang susi ng kotse.
Huminga ng malalim.
Walang kasiguraduhan. Walang kakampi.
Pero… may direksyon.
Lumabas ako ng apartment.
Ang gabi’y parang may sariling paningin—parang may sumusunod sa bawat galaw ko.
Bago ako sumakay sa kotse, tumingin ako sa rearview mirror.
Sarili ko lang ang nandoon.
Pero hindi ako sigurado kung ako ba talaga ‘yon.
“Let’s finish this,” bulong ko sa sarili ko.
At pinaandar ko na ang makina.
Madilim ang kalsada. Halos walang ibang sasakyan. Ang makina ng kotse lang at ang bigat ng bawat paghinga ko ang naririnig.
Tinitigan ko ang GPS—isang pulang marker sa dulo ng lumang highway.
“Dalawampung minuto pa,” sabi ko sa sarili ko, pilit pinapakalma ang t***k ng puso.
Wala akong kasiguraduhan sa kung anong daratnan ko, pero parang may humihila sa akin papunta roon. Hindi lang tanong. Hindi lang si Pia.
Parang may parte ng pagkatao ko na naiwan sa lugar na ‘yon.
At kailangan ko itong balikan para mabuo ang buong larawan.
Napatitig ako sa side mirror. Walang kasunod.
Pero bakit parang may nakatitig sa akin mula sa dilim?
Pagliko ko sa huling kanto, nagsimulang kumislot ang mga ilaw sa kalsada.
Isa… dalawa… tatlong ilaw ang sunod-sunod na pumitik, parang nagbibiro ang gabi.
Pinatay ko ang radyo. Tumahimik ang buong loob ng sasakyan.
Mula sa windshield, unti-unti nang lumitaw sa harap ko ang abandonadong motel.
May mga sirang signage, lumang pader na kinain ng lumot, at pintuan na tila ilang taon nang hindi binubuksan.
May something sa lugar na ‘to—parang hindi lang ito lugar ng alaala.
Parang libingan.
Ang tanong lang, libingan ng sino?
Bzzzt.
Napatalon ako sa pagkakaupo. Para akong kinuryente.
“T*ngina.”
Kinuha ko ang cellphone mula sa passenger seat at binuksan ang bagong text message.
Unknown Number: “Huli na ang lahat.”
Napamura ako.
“Put*ngina n’yo.”
Nagtaas ako ng tingin at tiningnan ang motel.
Ilang hakbang na lang, pero ang bigat na ng katawan ko para bumaba.
Parang may humihila pabalik—takot, pangamba, at isang boses sa loob ko na nagsasabing ‘Huwag.’
Pero mas malakas ang isa pang tinig: “Kailangan mo itong tapusin.”
Pagbukas ko ng pinto, sinalubong ako ng malamig na hangin.
Walang tunog maliban sa pagaspas ng mga dahon at bahagyang buhos ng ulan sa malayo.
Naglakad ako papalapit sa gate ng motel—kakaunti lang ang natitirang ilaw sa paligid, at lahat sila parang naghihingalo na.
Bigla akong napahinto.
Mula sa kabilang bahagi ng kalye, sa ilalim ng isang poste ng ilaw, may taong nakatayo.
Hindi gumagalaw. Hindi nagsasalita. Pero alam kong nakatitig.
Hindi ko maaninag ang mukha.
Pero ramdam ko ang tingin niya—parang hinuhukay ang kaluluwa ko.
At sa likod ng katahimikan, may narinig akong pamilyar na tinig.
Isang bulong.
“Tumingin ka sa likod mo.”