Pabalik-balik ako sa pagitan ng sofa at mesa, parang hayop na nakakulong sa hawla.
Tuyo ang lalamunan ko, nanginginig ang mga kamay, at bawat pintig ng puso ko, para akong hinihila pabalik sa isang bangungot na hindi ko maintindihan.
Hindi ko matanggal sa isip ko ‘yung video.
‘Yung itsura niya.
Yung boses niya.
At higit sa lahat—yung sarili kong anino sa likod ni Pia.
“Ano ‘to? Ano talaga ‘to?”
Parang may isang bahagi ng utak ko na pilit na gumigising sa isang matagal na pagkakatulog.
Pero bawat galaw ko, mas lalo lang akong nalulunod sa mga tanong.
“Bakit parang ako ang kalaban sa kwento ko?”
Sumigaw ako sa kawalan.
“Pia! Sino ‘yon?! Sagutin mo naman ako!”
Walang sumagot.
Tanging echo lang ng sarili kong tinig ang bumabalik sa akin.
Kinuha ko ang cellphone ko at binuksan ang messenger thread namin ni Pia—pero wala.
Noong una, napuno ‘yon ng “Seen,” mga basag moments na “Okay,” at tahimik na “Sorry.”
Ngayon?
Blanko.
Parang binura lahat.
Parang wala na siyang iniwang kahit ano.
Sinubukan kong isalpak ang SIM card niya na dati kong tinago, baka sakaling may clue akong makita.
Wala.
Pero habang hawak ko ang cellphone…
May isang bagay lang na kaya kong gawin.
Ang tumawag.
Pinindot ko ang number niya.
Tuuuut… Tuuuut…
Voicemail.
“Hi. This is Pia. Sorry I can’t answer right now. Leave a message.”
Bumuntong-hininga ako.
At para bang hindi ko kayang pigilan ang sarili kong bibig, nag-record ako ng mensahe.
“Pia, kailangan kitang kausapin. Hindi na ako galit. Hindi na ako sigurado kung nasaan ka, kung okay ka pa. Pero kung may totoo man sa lahat ng ‘to… kahit isang sagot lang. Isang linya lang. Kahit isang sulyap.”
Napatigil ako.
Tumulo ang luha sa pisngi ko.
“Please… kung nandiyan ka pa, bigyan mo naman ako ng dahilan para maalala kung sino talaga ako.”
Beep.
Call ended.
“Put—ano ba talaga ‘to…”
Napasuntok ako sa lamesa. Hindi dahil sa galit.
Dahil sa takot.
Dahil sa unti-unting pagkawala ng mga sagot—at pati na rin ng sarili kong alaala.
“Hindi pwede. Hindi ako pupunta ro’n nang wala akong alam.”
Pero anong pagpipilian ko?
Sa bawat kanto ng apartment, para bang may matang nakatingin.
Sa tuwing tumitigil ako para mag-isip, may bumubulong sa likod ng isip ko: “Baka ikaw ang may kasalanan.”
Dinampot ko ang cellphone at tinawagan si Maya.
Ring… ring…
“Hello?”
“Maya, si Gabo ‘to. Kailangan ko ng tulong.”
Tahimik sa kabilang linya.
“Maya, nandito ako sa apartment. May mga nakikita ako na hindi ko maipaliwanag. May mga bagay na… hindi ko na maalala.”
Napasinghot siya. “Bakit ka bumalik, Gabo?”
“Maya, please. Kung may alam ka tungkol kay Pia… sabihin mo na. Kahit ano. Hindi ko na alam kung totoo pa ‘tong nararamdaman ko.”
Nagtagal ang katahimikan. Hanggang sa marinig ko ang mahina niyang sagot: “…May isang taong matagal nang hinahanap si Pia.”
“Anong ibig mong sabihin?”
“Hindi ko alam kung dapat kong sabihin sa’yo ‘to. Pero bago pa mangyari lahat ng ‘to… bago pa siya umalis, may binabanggit siyang pangalan.”
“Pangalan? Sino?”
“Minsan umiiyak siya habang sinasabi. Minsan galit. Pero lagi niyang inuulit: ‘Darating siya. Alam kong darating siya.’”
Hinabol ko ang hininga ko.
“Maya, sino ‘yung ‘siya’?”
“Hindi ko alam,” sagot niya. “O baka… ayaw niyang malaman ko.”
“Maya, sandali. Hindi mo ‘to puwedeng bitinin. Sino siya? Alam kong alam mo kung sino siya, ‘di ba?!”
“Gabo… hindi ko na alam kung anong totoo. Kung sino sa inyo ang nagsasabi ng totoo. Kung anong nangyari nung huling gabi. Pero alam kong may kinalaman siya sa lahat ng ‘to.”
“Maya!”
Click.
Tumigil ang tawag.
“Tangina…”
Tumayo ako. Naglakad-lakad. Kinuyom ko ang kamao ko sa dibdib.
Parang nabingi ako sa huling sinabi niya.
"Kung anong nangyari nung huling gabi..."
Anong gabi?
Nag-ring ang telepono.
UNKNOWN NUMBER.
Humigpit ang hawak ko sa phone.
Sinagot ko.
Walang tunog.
Walang boses.
“Hello?”
Still nothing.
Pipindutin ko na sana ang end call nang biglang—
“Alam mo na ba kung sino siya?”
Matigas. Malalim. Hindi ko kilala.
“Put*ngina ka, sino ka ba talaga?! Ano bang gusto mo?!”
Tahimik lang ako.
Hindi ako huminga. Hindi ako nagsalita.
Tinikom ko ang bibig ko habang nilalabanan ang kaba.
Sa kabilang linya, may humihinga. Mabigat. Mabagal. Parang hayop na nagbabadya ng panganib.
“Gabo…”
Napasinghap ako nang marinig ko ang pangalan ko.
Pero hindi ko siya sinagot.
Hinintay ko kung ano pa ang isusunod niya.
At sa katahimikan, may tunog na pamilyar.
Tunog ng ulan.
Tunog ng lumang kampanaryo.
Tunog ng isang alaala na akala ko’y hindi ko na kailanman maririnig.
“Bumalik ka.”
Gumalaw ang dila ko pero wala akong masabi.
“Bumalik ka sa kung saan nagsimula ang lahat,” sabi ng lalaki, paos ang boses.
Parang tinutulak ako sa isang bangin.
“Kung gusto mong malaman kung sino talaga si Pia…”
Nagpatuloy siya, “Kung gusto mong malaman kung sino KA talaga…”
“Pumunta ka ro’n, Gabo. Bago pa mahuli ang lahat.”
click.
Tapos na ang tawag.
Pero hindi ang impyernong nagsisimula sa loob ko.
Naupo ako sa sahig. Parang biglang lumiit ang buong kwarto.
Ang mga dingding, parang lumalapit.
Walang ibang tunog kundi ang malakas na t***k ng puso ko at ang paputol-putol kong paghinga.
Minsan, ang katahimikan ang pinakamalakas na sigaw.
“Kung saan nagsimula ang lahat…”
Bakit parang alam niya kung anong hindi ko matandaan?
Tumingin ako sa paligid. Parang may nanonood.
Hindi ko alam kung aling bahagi pa ng sarili ko ang puwedeng pagkatiwalaan.
PING!
Muntik ko nang ihagis ang cellphone sa gulat.
Isang bagong text.
Galing sa unknown number.
Nasa message ang isang address.
Isang address sa Marikina.
Sa isang abandonadong bahay na—
Hindi.
Bakit parang alam ko ‘tong address na ‘to?
Kilala ko ‘to.
Dito ako dinala ni Pia noon. Sa lugar na tinawag niyang “huling sikreto.”
Dito kami unang nag-away nang matindi. Dito niya sinabing, “Hindi mo pa ako kilala.”
At ngayon, sinasabi ng multo ng kahapon na bumalik ako roon.
Nasa harap ko na ang pinto.
Tulad ng dati, ako na lang ang kailangang magdesisyon kung bubuksan ko ito.