Pag-uwi ni Arielle sa bahay ay dumiretso kaagad siya sa sariling kwarto. Wala naman talaga siyang gagawin pero pakiramdam niya ay mauubos lang ang lakas niya kung mananatili siya sa school. Perhaps, it would be better if she’d be at home.
Nagpalit lang siya ng damit bago kinuha ang air pod. Pabagsak siyang humiga sa kama habang nag-i-scroll sa playlist niya. She needed some calming music para makatulog. Unfortunately, narating na niya ang dulo ng playlist ay wala pa rin siyang makitang music na magugustuhan. Naiiritang inalis niya ang air pods at muling bumangon. Maybe reading something would make her feel sleepy.
Naglalakad na siya palapit sa kaniyang bookshelf nang maalala ang diary ni Margaret. Nilingon niya ang drawer kung saan nakalagay ang diary ng kapatid. But for the first time, parang ayaw niya munang buhayin ang alaala ng kapatid. Sa mga oras na ito ay para bang ayaw niya munang basahin ang diary ng kapatid sa takot na kung ano na naman ang makita roon. Pero kahit anong pagpipigil niya sa sarili ay naglaho dahil bago pa niya ma-realize ay naglalakad na siya pabalik sa kama. Naupo siya sa gilid ng kama at binuksan ang drawer. Kinuha niya ang notebook na sa nagdaang araw ay naging pamilyar na pamilyar sa kaniya.
Pagkakuha sa diary ay sumampa siya sa kama at binuksan ang diary. Humugot pa siya nang malalim na paghinga nang muli siyang dalahin sa pahina kung nasaan ang larawan ng kapatid. Labag man sa loob ay tinitigan niya ang ibang detalye ng larawan. Nakahiga si Margaret sa isang kama. Nakatuwid ang mga binti nito kung saan sa paanan ay nakapunpon ang gulong puting kumot. Sa gilid ng kama ay nakaupo ang estrangherong lalaki habang nakahawak sa hita ni Margaret.
Humigpit ang pagkakahawak ni Arielle sa notebook nang mapansin na hindi lang pala basta nakahawak sa hita ni Margaret ang hindi nakikilalang lalaki. Nakalilis ang nighties ng kapatid niya at kung marahil gumagalaw ang larawan, tila alam na niya kung saan patungo iyon.
‘Oh, Margaret… Tell me why did you do this?’
Tumingala siya sa kisame habang pilit pinakakalma ang sarili. Pilit iniisip kung bakit may ganoong larawan si Margaret. Wala pang limang segundo ang nakakalipas na nasa ganoong posisyon siya nang may biglang maalala. Dagling iminulat niya ang mga mata at tiningnan ang lalaki sa larawan. Nakatalikod ito sa larawan. Mula sa lalaki ay pumunta ang mga mata niya sa night table. Base sa larawan ay dim lang liwanag noon. Madilim pa nga ang ibang bahagi, palatandaan na ang ilaw ay sa dalawang tao lang na nasa kama ang focus. Malapit rin ang kuha noon na para bang sadyang inilalapit sa dalawa.
At isa lang ang ibig sabihin noon… May kasamang iba si Margaret at ang lalaking kasama nito. Sinadyang kunan talaga ang larawan… Pero ang lubos niyang ipinagtataka, batid niyang hindi si Nico ang lalaki sa picture. Kahit saang anggulo, alam niyang hindi ito ang lalaki.
The man in the picture was taller and more muscular.
“Oh God, Marj, what is the meaning of it?” she whispered out of exasperation.
Out of frustration ay binuklat niya ang sunod na pahina at mabilis na binasa ang mga sumunod na entry. Puro kalungkutan ang sumunod na mga entry. Puno nang hinaing ang sulat ni Margaret dahil napakadalang magpakita ni Nico ssa kapatid niya. Unti-unti’y nagbago ang binata. Dumadaan ang isang linggong walang kahit anong mensahe ito kay Marj. Hindi rin ito nagpapakita at nagdadahilang abala lang sa pagmomodelo.
Ngunit ang pinakamasaklap sa lahat ay parang wala lang kay Margaret ang pambabalewala rito ni Nico.
Kahit gaano pa katagal ay hihintayin kita, Nico…
Mahal na mahal kita, Nico. Hindi ko kakayaning mawala ka sa buhay ko…
Naniniwala akong hindi mo ako iiwan.
Mahal mo ako, ‘di ba?
Tawagan mo naman ako… Miss na miss na kita…
Ilan lang iyon sa mga nabasa niya mula sa diary. At sa kabila ng lahat ng sakit na idinudulot ni Nico, nananatiling bukas ang mga kamay ni Margaret para sa binata.
For the first time, I tried waxing at hindi ito masaya. Kung hindi lang naiirita si Nico sa mga balahibo ko sa binti, hindi ko susubukan. But I wanted to be in my most beautiful me kapag nagkita kami. At hindi naman ako nagkamali dahil ipinaramdam niyang mahal na mahal niya ako. Those kisses. those touch… It felt like heaven… It felt…
Hindi na niya itinuloy ang iba pang kasunod niyon dahil nauunawaan na kaagad niya ang nais iparating ni Margaret. Naghahalo ang awa, inis at galit sa dibdib niya. Naaawa siya para sa half-sister. Kung hindi lang dahil sa labis-labis na pagmamahal nito kay Nico, hindi ito magkakaganito. Ngunit hindi niya mapigilang hindi mainis dahil lantaran nang ginagamit lang ito ni Nico pero nananatili itong nagbubulag-bulagan. Galit na galit siya kay Nico dahil sa ginagawa nito sa kapatid ngunit ang ibang galit ay tila para sa sarili. Nasaan siya ng mga panahong niloloko lang ni Nico ang kapatid niya.
Anong ginagawa niya’t hindi niya napansin na nangyayari ito?
Tunay ngang nakakabulag ang pag-ibig.
Mabigat man sa dibdib ay binasa pa rin niya ang ibang entry. Pakiramdam niya ay may kailangan siyang malama’t makita mula roon. She began to skim, looking for certain details. Details that she didn’t know what’s for.
Nakailang pahina na siya pero wala pa rin siyang makita. Nagsisimula na ring makadama ng uhaw. Nilingon niya ang night table. Nakalimutan pala niyang magdala ng tubig.
Tinapos niya ang isang entry bago nagpasiyang lumabas muna ng silid bitbit ang diary. Kilik-kilik niya ang diary ng half-sister habang pababa ng hagdan. Hindi pa siya nakakapangalahati ay nasalubong niyang paakyat si Nana.
“Andiyan ka na pala, Arielle.”
“Hi, Nana. Bakit po?” tanong niya nang sapitin ang ibaba ng hagdanan.
“Nasa labas si Jess.”
Napakurap siya. “Si Jess po?” gulat na tanong niya.
“Oo.”
“Bakit hindi po ninyo pinapasok?”
“Sinabi ko na kaso ayaw naman.”
“Ganoon po ba? Sige po’t ako na ang bahala.” Binigyan niya ng ngiti ang matanda bago naglakad palabas ng bahay.
Naabutan niya si Jess sa may lawn. Nasa loob ito ng gate pero nakakapagtakang malayo ang tingin nito sa labas. Hindi siya sanay na ganito ang kaibigan. Kapag pumupunta ito sa bahay nila ay pumapasok naman ito.
“Hey!” bati niya na ikinalingon nito. Malapad ang ngiti niya pero nang lumingon ito sa kaniya na seryoso ang mukha ay kaagad ring naglaho ang mga ngiti niya. “Jess, bakit hindi ka pumasok?”
“Hindi na. Mabilis lang naman ito. Isa pa’y ayaw kong makaabala sa’yo.” Mailap ang mga mata nito habang nagsasalita. Ibang-iba ito sa Jess na madalas niyang kausap at kasama noon.
“May problema ka ba?” nag-aalalang tanong nito. Akmang hahawakan niya ito sa balikat pero nakapagtatakang umiwas ito. “Jess…”
“I don’t want to take your precious time…”
“Ano bang sinasabi mo? Tsaka bakit nagkakaganiyan ka? Ano bang nangyayari sa’yo?” Naguguluhan na siya sa inaasal ng kaibigan.
“Wala ito. May ibibigay lang ako sa iyo tapos aalis rin ako kaagad.” Anyong may dudukutin ito sa bulsa pero maagap niyang pinigilan ang kamay nito.
“Tingnan mo nga ako, Jess.” Nanghahamon ang tinig na aniya. Tiningala siya ni Jess pero nakakunot ang noo nito. “Ano bang problema?”
“Hindi ba dapat ay ako ang magtanong niyan sa’yo?” may halong panunumbat na tanong nito.
“Jess…”
“Alam kong nawalan ka ng half-sister, Kimmy. Alam kong nasaktan ka… Pero kasali ba sa pagmo-move on mo ang kalimutan na may mga kaibigan ka?” Umiwas ito ng tingin ngunit hindi nakalingat sa kaniya ang hinanakit sa tinig nito. Hinanakit na parang patalim na tumarak sa dibdib niya.
“Jess, look…”
“Hindi mo kailangang magpaliwanag sa akin. You have the right to do everything you want to. At labas na kami kung anong plano sa buhay mo.”
Natahimik siya. Hindi alam ang sasabihin. Aminado siyang sobra siyang na-focus sa pag-aaral at ganoon rin sa grupo nina Keith na halos nalimutan na niya ang dating buhay at mga kaibigan.
“Hindi madaling tanggapin na dati ay kasama ka lang naming bumubuo ng pangarap, Kimmy. Dati ay sama-sama tayong gumagawa ng project, nagre-review, nag-iimagine at kung ano-ano pa. Mabigat sa dibdib na malamang iiwan mo ang pangarap mong kurso pero wala na palang mas bibigat pa sa katotohanang tila hindi lang kurso ang iniwan mo kundi pati kami…”
Napayuko siya ng ulo. Bigla ay nahiya siya sa mga kaibigan.
“Sorry, Kimmy. Hindi ako dapat nagsasalita ng ganito.” Rinig niya ang pagsigok nito kaya napatunghay siya. Napakagat-labi siya nang makitang namumula na ang gilid ng mga mata nito.
She’s about to cry.
At nagsisimula na naman siyang kwestyunin ang mga ginawa.
“Pumunta lang ako rito dahil sabi ni Keith ay umuwi ka na. Hindi kita matagpuan sa school kaya nagbakasakali na ako na puntahan sila.” Naging malamig ang tinig ni Jess. Bumitiw ito sa kaniya at muling dumukot sa bulsa. May inilabas itong flash drive bago inabot ang kaniyang kamay at ipinatong ang flash drive sa palad niya. Iniikom nito ang palad niya. “Ipinabibigay ni Saab iyan sa’yo.”
“Ha?”
“I don’t know why kung bakit sa akin pa ipinadaan ni Saab iyan ay magkaklase naman kayo. Perhaps, you’re too busy.”
“Jess?”
Binigyan siya nito ng munting ngiti habang gagap ang kamay niya. “Gawin mo ang kailangan mong gawin at kapag okay ka na, andito lang kami…”
“Ano bang sinasabi mo? A-at p-para saan ito?”
“I don’t know…” Umiling-iling ito sabay bitaw sa kamay niya.
“Bakit ka ba ganiyan?”
“Hindi ko rin alam. Pero ito ang tandaan mo, kung hindi lang kita kaibigan ay magtatampo na ako sa’yo.” Nagsimula na itong tumalikod pagkasabi noon.
“Jess naman…” Hinabol niya ito at pinigilan sa braso. “Mag-usap muna tayo.”
“Bakit, Kimmy? Gusto mo ba kaming kausap?” puno nang pagdududa ang mga mata nito habang nakatingin sa kaniya.
“Oo naman… Ano ba namang tanong iyan?”
“Hindi iyon ang nararamdaman namin.”
Muli ay tila napipilan siya dahil sa sinabi nito.
“Ni hindi ka nagse-seen sa GC natin, Kimmy. Hindi na nga tayo nagkakasabay kumain, pumasok at lumabas ng school tapos wala ka man lang reply sa mga messages namin. Hay, o baka talagang nasa ignore message na kami dahil may bago ka ng friends.”
“Jess, hindi naman sa ganoon.”
“Hindi mo naman kailangang magpaliwanag. Nami-miss lang siguro kita, namin. Pero hindi ibig sabihin noon ay hindi kami masaya na makita kang ngumingiti muli.”
Natilihan siya sa sinabi nito. Dahil sa desisyon niyang ito ay nasasaktan na rin niya ang mga dating kaibigan.
“Kapag maayos ka na… Kapag okay ka na, lumabas tayo minsan.” Malungkot na nginitian siya ni Jess bago tuluyan na itong tumalikod. Tigalgal namang sinundan niya ito ng tingin. For the nth time, her heart broke.
*****
ShimmersErisJane