Nang mag-decide si Arielle na lumipat ng course, alam niyang kahit papaano ay napaghandaan niya na ang maaaring mangyari pero mukhang mali siya ng hinala. Hindi lahat ay napaghahandaan at wala siyang kontrol sa iba pang maaaring mangyari.
“Hindi na ako magbibigay ng respective group ninyo. Basta kailangan ay makabuo ng five groups ang bawat block. So just like in the other block, I’m giving you an opportunity to form your group. I want everyone to feel at ease sa magiging groupmates ninyo…”
Ito ang pagpapatuloy ni Miss Sanchez, professor nila sa second subject, pagkaraang sabihin nito na magkakaroon sila business group research.
“Mam, may limit po ba ang bilang bawat group?” tanong ni Sab.
“All in all ay twenty-five kayo sa class kaya naman hanggang maaari ay equally divided kayo. Form a group with five members in each group.”
“Uyy, tara na lang ang magkasama!”
“Sige!”
“Complete na po kami, Mam!”
Wala sa loob na pinanood ni Arielle ang mga kaklase na bumubuo ng kani-kanilang grupo. Nagbabalak sana siyang magsabi kanina kay Saab na sasama siya sa group ng mga ito pero nang makita niyang nakabuo na ito ng grupo ay hindi na siya naglakas-loob pang magsabi. Isa pa, hindi niya magawa itong lapitan. Simula nang mamatay si Margaret at lumipat siya ng course ay naging ilag ito sa kaniya. Hindi gaya ng noong nabubuhay pa si Margaret. Alam niyang umiiwas lang ito dahil sa oras na mapalapit ito sa kaniya ay pag-iinitan din ito ni Katrina at ang grupo nito.
Wala sa loob na napabuntong hininga siya. Mukhang hindi kaibigan ang naiipon niya.
Sumulyap siya sa paligid niya. Nakabuo na rin sina Katrina at Nico ng grupo kasama ang ibang alipores ng mga ito.
Sa unang pagkakataon ay nakadama siya nang panliliit. Pakiramdam niya ay hindi siya belong sa klase na iyon. Kung hindi siya lumipat ay tiyak na hindi niya poproblemahin ang mga ganoong bagay. Jess would always be her first member… Then sina Neah at Sofi na siguradong susundan nina Carlota at Carlita.
It’s not going to be this hard.
Nasa malalim siyang pag-iisip nang biglang may magsalita sa harap niya.
“Wanna join us?”
Natitilihang napatunghay si Arielle. “Huh?” maang niyang anas kay Daphne. Nakatayo sa tabi nito si Jasmine na malawak ang ngiti.
“Apat pa lang kami… Sabi ni Mam ay dapat lima tayo sa group,” wika naman ni Jasmine.
“Kung wala ka pang group ay sa amin ka na sumama,” pag-aanyaya ni Daphne.
“Ahhh… ano…” Hindi siya makakapa ng tamang salita. Nahihiya siya sa mga ito and at the same time pakiramdam niya ay hindi siya karapat-dapat maging kagrupo nila.
“Hindi mahilig si Miss Sanchez sa lecture… More on applications and tasks ang forte niya. Malaking points ang group research.”
Nilingon niya si Keith na bagama’t hindi tumatayo sa kinauupuan ay nasa kaniya ang buong atensiyon.
“We’ll need each other,” segunda nama ni Kevin.
“So? Payag ka bang maging ka-group kami?” nag-aabang sa tugon niyang tanong muli ni Daphne.
Nahihiyang tumango siya. “S-sure… Thank you…” Nginitian niya si Daphne at Jasmine.
“That’s good!”
Parang nabunutan ng tinik sa dibdib si Arielle kaya naman hindi niya napansin na lalong lumapad ang ngiti niya. Sa pagkakataong iyon ay napalingon siya kay Keith na nakatitig sa kaniya. Gumapang ang kakaibang init sa magkabilang pisngi niya at sa sandaling ngumiti ito ay parang tumalon ang puso niya.
Geez… What’s happening to her?
*****
Pagkatapos ng tatlong magkakasunod na subjects nina Arielle ay para na siyang nalulula lalo pa at ang pangatlo nilang subject ay may surprised quiz. Pakiramdam niya ay naubos lahat ng energy niya kaya naman pagkatapos mag-ayos ng gamit ay lumabas na siya ng room. Hindi pa siya nakakalayo ng room ay isang braso ang umangkla sa braso niya.
“Tayo kumain sa labas.” Si Daphne iyon na malawak ang ngiti sa kaniya.
“Ahhh. Ikaw pala iyan, Daphne.”
“Lalabas kami para doon mag-lunch. Sama ka?”
Hindi siya nakatugon sa tanong nito.
“Sama ka na sa amin para naman makapagsimula na rin tayong mag-brainstorming,” singit naman ni Jasmine na sumabay sa kanilang paglalakad.
Lihim niyang nakagat ang pang-ibabang labi. Gusto niyang humindi pero magiging bastos naman siya kapag ginawa niya iyon. Inalok na nga siya ng mga itong maging ka-group tapos magiging ganoon pa siya.
‘Well, grades lang naman ang habol mo, hindi ba? You're not after friendship, Arielle. Remember that.’
Pero hindi rason iyon para maging bastos siya.
Isa pa… Wala sa loob na napasulyap siya kay Keith na kasabay na rin nilang naglalakad. Diretso ang tingin nito sa unahan habang kausap si Kevin. Mukhang wala lang sa mga ito kung hilahin siya ng dalawang babae o kahit ang sumama siya.
“Sasama ka na sa’min ha!” untag ni Jasmine at bago pa siya makapagsalita ay iginaya na siya ng mga ito. Hindi na niya nagawa pang mag-protesta dahil nasa magkabila sina Daphne at Jasmine na parang mga batang nag-iisip ng lugar na kakainan.
“Kagabi pa ako nagke-crave ng garlic butter chicken,” pagkukwento ni Jasmine.
“Hmmm. Mukhang masarap nga iyon. Bakit hindi na lang tayo doon kumain sa Tasty Trails,” pagrerekomenda ni Daphne.
“Parang gusto ko iyan. Matagal-tagal na rin tayong hindi nakakapunta roon.” Sa kauna-unahang pagkakataon ay sumabat si Kevin sa usapan. Nilingon siya nito. “Masarap ang mga pagkain doon. Sigurado akong babalik-balikan mo.”
Tabinging napangiti siya. “Saan iyon?”
“Hindi ka pa nakakarating doon?” pag-uusisa ni Keith.
Marahan siyang umiling bilang tugon.
“Talaga? Favorite naming kainan iyon. Bukod sa masarap ang mga pagkain, nakakapag-stay kami ng matagal,” pagkukwento ni Daphne na sinundan pa nang marahang hagikhik.
Nilingon niya si Daphne. “Okay lang naman sa akin kahit saan kumain.”
“Well, kung ganoon naman pala. Tara na sa Tasty Trails!” Ang malakas na palatak na iyon ni Jasmine ay nasundan ng bungisngis ni Daphne at ng tahimik na pagngiti ng dalawang binata.
And those gestures made her heart warm.
*****
May kaniya-kaniyang sasakyan sina Kevin, Keith at Jasmine. Samantalang si Daphne ay sinusundo at hinahatid lang ni Kevin. May sarili rin itong kotse pero upon hearing from Jasmine na sweet talaga si Kevin kay Daphne, hindi na siya nagtaka pa.
Sa bandang huli, sa kotse ni Keith sila sumakay. Si Keith ang driver habang sa tabi nito ay si Kevin. Nasa likod naman silang tatlo. Si Daphne, siya bago si Jasmine. And as usual, maingay sila habang siya naman ay tahimik na nakikinig sa mga ito. Pasimple na lang niyang iginala ang tingin sa loob ng kotse.
There’s a feeling of deja vu.
Malabo man sa alaala pero hindi siya maaaring magkamali, doon siya isinakay noon ni Keith para ihatid sa ospital. Hindi niya maiwasang manlambot kapag naaalala ang imahe niyang halos panawan ng ulirat at nagmamakaawa kay Keith na dalahin siya sa ospital. He even ditched in class para lang maihatid siya.
He’s a good person. He didn’t deserve to have a friend like her.
“Ikaw, Arielle, anong gusto mong kainin?”
Napapitlag si Arielle nang kulbitin siya ni Daphne. Hawak nito ang cellphone habang iwinawagayway sa harap niya.
“Tulala ka, girl? Okay ka lang?”
“Huh? Ah… Yeah.” Pinilit niyang ngumiti. “Paano pala tayo o-order? Do we need to make a reservation?”
“May menu silang naka-post.” Ipinakita nito sa kaniya ang cellphone. “Heto oh.”
Inabot niya ang phone at tiningnan ang mga nakalagay roon.
“Mag-o-order na tayo para pagdating doon ay ready na sila,” pagpapaliwanag ni Jasmine. “Gutom na gutom na talaga ako.” Marahil napansin nito ang pagtataka niya.
“Ah ganoon ba… Sige. Itong set ng sweet and spicy chicken ang akin tapos samahan ninyo ng…” Sandali siyang tumigil sa pagsasalita, nag-iisip kung anong masarap isabay na pagkain.
“Want some Miso Mashed potatoes?”
Napangiti siya sa sinabi ni Jasmine. “That will be good.”
“There you go. Dalawang order ng Sweet and Spicy Chicken and Miso Mashed Potatoes.” habang nagta-type sa cellphone si Jasmine ay nagsasalita.
“No. Isang order lang ang sa akin,” awat niya kaagad rito.
“Kay Keith ang isa. You have the same order.” Naging makahulugan ang ngiti ni Jasmine.
Kunwa’y hindi niya pansin ang tingin nito. Napapahiyang sumandal siya sa upuan. “Sorry. I didn’t know.”
“Mahilig si Keith sa spicy foods. Ikaw ba?” pag-uusisa ni Daphne.
“Sort of.”
“That’s nice. I’m not fond of it.”
Napakagat-labi siya habang tila tuwang-tuwa si Daphne na para bang may something amazing sa pagkain ng spicy foods.
*****
At Tasty Trails…
‘Everything will be fine… I just need to get over this group research and this charade will be done!’
Kanina pa hindi mapakali si Arielle. She was trying to at ease herself. Oo at hindi mahirap pakisamahan ang magkakaibigan nina Keith pero wala siyang balak mapalapit sa mga ito.
“Andiyan na ang food!” excited na wika ni Jasmine nang i-serve na ang mga pagkain.
“Sobra ang gutom ko,” anas ni Kevin habang nakatingin sa mga pagkain. “Dami na agad ginawa.”
“True. Konti na lang at magma-malfunction na ang brain ko sa gutom,” pagsang-ayon naman ni Jasmine.
“Kaya nga, kumain na tayo.” Sinulyapan ni Daphne ang waiter at nagpasalamat. Nagpasalamat rin sila sa waiter at nagsimula ng kumain. Tahimik silang lahat habang kumakain na labis niyang ipinagpasalamat. Konti pa talaga at mauubusan na siya nang sasabihin na mukhang naman kabaligtaran nina Jasmine at Daphne.
Because in less than ten minutes, heto na naman sila.
“So, start na ba tayong mag-isip ng magiging title ng ating research?” si Daphne ang nagtanong.
“Ngayon na ba talaga kaagad?” ungol ni Kevin bago sumubo.
“May extra points kapag maagang nagpasa,” pahayag naman ni Daphne.
“Pwede namang mamaya o bukas na lang.”
“Kahit kailan ay napakatamad mo talaga,” komento ni Keith habang inaabot ang baso ng tubig. “Kailangan nating mag-isip kahit man lang title.”
“Ano ngang uling topic natin?” tanong naman ni Jasmine.
“Hmm… Management approaches in different cultural places.” Siya na ang tumugon sa tanong ni Jasmine.
“Ang hirap naman. Bukas na lang tayo mag-start ng brainstorming.”
“Kung ayaw mong mag-isip, hindi namin ilalagay ang pangalan mo sa ipapasang folder kay Mam,” parunggit ni Jasmine kay Kevin.
“Sama ninyo naman.”
“Bakit ba hindi ngayon na?”
“Aber nga, mag-isip ka? Tanungin mo nga sila kung may title na kaagad silang maiisip,” panghahamon ni Kevin kay Jasmine.
Walang sumagot sa kanila. Isa-isang sinulyapan ni Arielle ang mga kasama. Inirapan ni Jasmine si Kevin na binigyan lang ng huli ng isang ngisi. Si Daphne ay tila biglang napaisip habang si Keith naman ay patuloy sa pagkain. Mukhang sanay na itong maingay at minsan magulo ang mga kasama.
“See? Wala pa rin…”
“Kaya nga magbi-brainstorming. Sira ka talaga.”
Naging matalim ang tinginan nina Jasmine at Kevin. Mukhang parehas hindi papaawat.
“Tumigil na nga kayong dalawa,” saway ni Keith. Umabot ito ng tissue at pinunasan ang bibig. “Let just enjoy the food bago tayo mag-isip.”
Lihim siyang napangiti sa ginawi nito.
“Isa pa, andito si Arielle. Baka mamaya ay mag-backout na siya at hindi na sumama sa atin.”
“Ha? Hindi naman.” Napatuwid siya ng upo nang banggitin ni Daphne ang pangalan niya. “Okay lang sa akin.”
“Ganiyan na talaga sila pero hindi naman sila nag-aaway,” pagpapaliwanag pa ni Daphne.
“Naiintindihan ko naman.”
“Pero ‘wag kang mahihiyang magsabi kung naiingayan ka ha or if ever kung may suggestion at say ka sa group project natin.”
Sunod-sunod na tango ang isinagot niya.
“Anyway, ini-add ka namin sa GC pala para makapag-communicate tayo later. Hindi mo pa nga lang naa-accept ang request namin.”
With Daphne’s words, a sudden fang of guilt washed over her. “Oppss, yes!” bulalas niya bago walang sabi-sabing kinuha ang cellphone sa bag. She busied herself opening her account and finding their request that she didn’t see how they looked at her.
Daphne and Jasmine exchanged glances while Kevin and Keith silently stared at her. Kahit walang magsalita sa kanila, kahit walang aminin si Arielle, nauunawaan nila kung bakit ito ganito.
*****