Sa muling pagmulat ni Arielle ng mga mata ay tila tumigil din ang mga alaala ng mga nangyari kanina. Pero hindi noon maaalis ang mga sandali na kasama siyang tumatawa nina Keith, sama-sama silang kumakain at nagkukwentuhan. Sa mga panahong gumagawa sila ng research ay hindi niya akalaing magpapakaseryoso si Kevin at ang iba. Bawat isa ay sinikap na may main-contribute. Lahat ay nagtulungan. Bago pa nga sila umalis ay tinulungan pa nilang maglinis si Keith. Hindi pumayag ang mga kaibigan nito na hindi sila tutulong maglinis.
Around five-thirty ay naghiwa-hiwalay na sila. Noong una ay sasabay sana siya kay Jasmine pero tila napag-usapan na nilang si Keith ang maghahatid sa kaniya. Hindi na siya nakatanggi dahil maagap nitong inihanda ang sasakyan. Pinangunahan naman siya ng hiya na hindi sumakay. Pinili niya na lang na tumahimik habang daan. Tila iginalang naman iyon ni Keith dahil naging madalang ang palitan nila ng salita. At nang makarating siya ng bahay ay nagmamadali na siyang nagpaalam dito. Nagpapasalamat na lang siyang wala pa ang mga magulang niya at hindi na rin siya kinulit pa ni Keith.
Wala sa loob na napangiti siya habang nakatitig sa kisame.
“Kung nakikita mo lang sila kanina Margaret, tiyak matutuwa ka rin sa kanila… Masarap magluto si Keith. Gulat ka, ano? Ako rin ay nagulat pero sobra kong na-enjoy ang niluto niya. Napaka-caring naman nina Daphne at Jasmine. At si Kevin, napakadami niyang baon na kwento at jokes. Pakiramdam ko ay sasakit ang tiyan ko kakatawa. Kung andito ka lang sana…” Ang kaninang masayang ngiti niya ay napalitan ng malungkot na ngiti. “Kahit sumama ako sa kanila, hindi-hindi kita nakalimutan, Marj. I still miss you…”
She let out a small sigh before she opened the diary again. Pinasadahan na lang niya ng basa ang diary na maraming nakasulat ay tungkol kay Margaret at Nico. Hindi maiikailang malaki ang naging impact ng lalaki sa kapatid niya. Ipinagpatuloy niya ang pagba-browse hanggang sa sapitin niya ang isang entry nito.
Dear Diary,
Hi there! I know, that’s a lame entry… Alam ko… Pero wala akong magawa during breaktime kaya naisipan ko na lang magsulat dito. Two days from now is Nico’s birthday. I’m still thinking kung anong pwedeng iregalo ko sa kaniya. Marami na akong nalistang ibibigay. Shirt, watch, shoes, bracelet. earphone, at kung ano-ano pa. I tried to bake some sweets pero alam kong hindi niya naman kakainin iyon dahiI mangangatwiran siyang bawal sa diet.
I already bought him a new watch and shoes pero pakiramdam ko ay kulang pa. I wanted it to be something special. ‘Yung hindi niya makakalimutan since this is our first time as a couple na mag-celebrate ng birthday niya. Isa pa sa iniisip ko ay kung paano kami magsi-celebrate… Busy siya dahil sa sunod-sunod niyang project. Hindi ko naman magawang samahan sa mga photoshoot niya si Nico. Hindi pa alam ng talent manager niya na may girlfriend siya. Ginagamit kasi ni Nico ang pagmo-modelo para makapasok sa isang exclusive na university. At ang bilin ni Nico sa akin ay panatilihin muna naming lihim ang tungkol sa amin. It’s one of the reasons kung bakit hindi ko rin maamin kina mommy ang tungkol sa amin…
Oh God, mas mahirap pa pala ito sa inaakala ko…
Kung hindi ko lang mahal si Nico, hindi ko gagawin ito… Pero mahal na mahal ko siya… Sobrang mahal na…
Napakunot-noo si Arielle na sinundan niya nang pagbalikwas. Binuklat-buklat niya ang notebook pero nakapagtatakang wala ng kasunod ang nakasulat. Sa halip ilang pahina ang nawawala. May punit ring pahina bago iyon tuluyang sundan ng panibagong entry ni Margret. Sa pagkakataong ito ay walang ibang nakalagay sa entry maliban sa isang salita.
‘Target1210’
“What is this for?” mahinang anas ni Arielle na sa hindi maipaliwanag na dahilan ay malakas na kumakabog ang dibdib.
*****