Chapter 4

2807 Words
May sakit ka daw sabi ni Tita. I hope you will get well soon. I miss you. - Calden Walang buhay na tiningnan ni Patrice ang text message sa kanya ng nobyo habang nakaupo sa kama sa kuwarto niya. Di niya alam kung tatawagin niya itong nobyo o dating nobyo. Nilingon niya ang mga pink roses na nakalagay pa sa padalang vase at ang basket ng prutas na pawang paborito niya. It was supposed to make her feel better. Subalit lalo lang bumigat ang pakiramdam niya. “Anak, papasok ka na ba ng school?” tanong ni Aling Lita nang puntahan siya sa kuwarto niya at naabutan siyang nakabihis na. Sinalat nito ang noo niya. “Parang may sinat ka pa rin.” “Kaya ko na po,” sabi niya at malungkot na ngumiti. “Kailangan ko pong kayanin dahil may projects pa po akong ipapasa. Naghahabol po ako sa president’s list para po mas malaki ang allowance na makuha ko sa scholarship. Bawal pong um-absent.” Hindi siya nakapasok ng nakaraang araw dahil nilagnat siya. Mabuti na lang at mabait ang professor nila at in-excuse siya. Di niya inaakala na pwede ka palang makaranas ng pisikal na sakit dahil lang na-brokenhearted. Parang ayaw na niyang bumangon. Di niya alam kung paano mag-function ng normal. Sa loob ng tatlong taon ay may mga pinagdaanan na silang pagsubok ni Calden. Mula sa pagtatago nila ng relasyon sa nanay niya noong una dahil ayaw pa nitong magnobyo siya hangga’t di pa siya graduate hanggang sa pagtutol ng ina ng binata. “Nag-aalala si Calden dahil di mo daw sinasagot ang tawag sa iyo ng PA niya,” sabi ng ina at inayos ang kuwelyo ng polo shirt niya. “May problema ba kayo?” Umiling siya. “Wala po. Iwas radiation lang po kaya di po muna ako humahawak ng cellphone.” “Nagustuhan mo daw ba ang mga bulaklak? Tapos bilin niya sa akin na kainin mo daw ang mga prutas na padala niya. Magbaon ka kaya? Hindi mo man lang binawasan itong prutas,” anang ina at kumuha ng orange at mansanas mula sa basket. “Ibabalot ko lang ito at nang makapagdala ka. Buti nga inaalala ka ng nobyo mo. Mukhang abala siya sa trabaho. Sunud-sunod ang commercial niya.” Tipid siyang ngumiti matapos nitong ilagay ang prutas na binalot sa paper bag sa bag niya. “Aalis na po ako, Nanay.” “Sagutin mo na ang tawag ni Calden para di na siya na mag-alala.” “Opo,” sabi na lang niya habang parang bigat na bigat sa bag na nakasukbit sa balikat samantalang iilang pirasong prutas lang ang nandoon. Animo’y hollow blocks ang bigat ng dala-dala niya. Alam niyang bumabawi ang nobyo sa mga pagkukulang sa kanya sa pamamagitan ng pagpapadala ng bulaklak at prutas, pagte-text at pagtatangkang tumawag. Dati ay nagkukumahog siya na sagutin ang simpleng text nito. Nawawala ang tampo niya sa matagal nilang pagkakawalay kapag nag-text ito. Subalit marami nang nagbago sa pagtingin niya sa relasyon niya kay Calden. Hindi na sapat ang mga bulaklak lang para gumaan ang pakiramdam niya. Nasasaid na ang pasensiya at pang-unawa niya dito. Kailangang maging malinaw sa lalaki kung saan siya nakatayo sa relasyon na iyon. Siya ang nobya nito. She deserves better. Hanggang kailan ba niya ito uunawain? Hanggang kailan siya nito babalewalain? Hanggang kailan siya nito itatago? Hanggang kailan siya masasaktan? Pinakamasakit sa kanya na malamang may ka-date itong ibang babae sa mismong anniversary nila. Kahit pa sabihing peke ang date na iyon, ang masakit ay di man lang nito naalala ang mahalagang okasyon sa relasyon nila. Hindi regalo ang kailangan niya. Kahit nga di na sila magkita kung masyado itong abala. Pero gusto niyang maramdaman kung paano maging totoong nobya nito. Sawa na siyang laging mag-effort para sa binata. Sawa na siya na lagi na lang siyang nagbibigay. Gusto naman niyang maramdaman na importante siya para dito. Pero sa ngayon ay ayaw niyang umasa. Di madaling maayos ang relasyon nila. Ni hindi niya alam kung paano magpapatuloy ang relasyon nila sa paraang gusto niya nang di naaapektuhan ang career ng binata. Parang zombie na naglakad sa campus pathwalk si Patrice. Napapansin niya ang naawang tingin sa kanya ng mga estudyanteng nakakasalubong sabay nagbubulungan ang mga ito. Nagtaka siya. Alam niyang may sakit siya at di pa maganda ang pakiramdam niya. Pero ganoon ba talaga kasama ang itsura niya para pagtingnan ang pagbulung-bulungan ng mga ito? Isa sa mga kaklase niya sa Research Development ang lumapit sa kanya. “Pat, okay ka lang ba? Nabalitaan ko kasi ang nangyari sa iyo.” “Ang nangyari sa akin?” tanong niya. “Mawawala din ang sakit sa tamang panahon. Nauunawaan ko dahil pinagdaanan ko na rin iyan. Masakit talaga,” madamdaming sabi ni Trixie habang sapo ang dibdib. Ikiniling niya ang ulo at napamaang. Naguluhan siya sa sinasabi nito. Lagnat lang naman ang sakit niya. Bakit kung magsalita ito ay parang inoperahan siya balun-balunan o kaya ay may taning na ang buhay? Lahat naman ay dumadaan sa pagkakaroon ng lagnat. “Okay naman na ako. Ininuman ko na ng gamot,” sabi niya. Hinawakan ni Trixie ang balikat niya at malungkot siyang tiningnan sa mga mata. “Alam mong di nakukuha ng gamot ang sakit na nararamdaman mo.” Binigyan siya nito ng pamphlet. “Heto. Pumunta ka dito.” Binasa niya iyon. “Bible study?” Tumango ito. “Paghihilumin ng Panginoon ang sakit na nadarama mo. Magdala ka na rin ng pastillas bukas ng gabi, ha?” “O...kay. Salamat,” aniya at naglakad na palayo. Weird pa rin pero wala naman sigurong masama kung um-attend siya ng Bible study kaysa naman nagmumukmok siya kay Calden. Papasok siya sa room nang muntik na siyang mabangga dahil may nakaharang pala sa tabi ng pinto. Napaurong siya bigla at tiningala ang nakaharang. “Cocoy, sorry. Di ko alam may tao pala.” Varsity player ito sa university at di naman siya pinapansin nito dati. “Hinihintay talaga kita,” anito sa suwabeng boses. “Bakit? May problema ba?” “Sabi daw nila nakikita mo ang totoong ganda ng isang babae kapag nasasaktan siya. Maganda ka pa rin kahit na nasasaktan.” Napanganga siya. “Ha?” May sapak ba ito sa utak? Ano bang sinasabi nito? “Ano iyan? May sapi ka ba?” Bigla nitong ginagap ang dalawang kamay niya. “Kung kailangan mo ng hihilom sa puso mong sugatan, nandito lang ako para sa iyo.” Nahindik siya at dali-daling binawi ang kamay. “Ano bang sinasabi mo?” Paano nito nalaman na bigo siya? This day was becoming weirder and weirder each minute. “Nakita ko kasi sa video mo ng pastillas na bitter,” sabi nito. “Video ko ng pastillas na bitter?” tanong niya. “Anong video ng pastillas? Wala naman akong video ng pastillas.” Hindi ba’t nag-epic fail nga ang video niya. Malamang ay gumawa ng ibang video sina Matilda at Desmond. “Hindi ba video mo ito?” tanong ni Cocoy at inabot ang tablet sa kanya. Iyon ang bagong episode ng Cooking with Love at siya pa rin ang nasa video. Ang siste ay naka-upload doon ang pastilla episode na di naman niya nagawa ng tama dahil nag-break down na siya at nag-iiyak. Parang binabangungot siya nang gising nang makita na pati pag-iyak niya at pagsalampak niya sa sahig ay naroon din. Wala nang pinatawad. Parang wala nang natirang dignidad sa kanya. It was supposed to be her private moment. Her private misery. Tapos ay kumalat na sa mga tao. Ilan na kaya ang nakapanood? Nanlaki ang ulo niya nang makita na nasa fifty thousand na ang views samantalang dati ay wala pa silang isang libong views sa project nila. At mukhang dumadami iyon. “No!” bulalas ni Patrice. Hindi pwedeng mangyari ito! Hindi iyon simpleng pagkakamali lang. Kailangang magbayad ang may sala. “Desmondddddd!” MATIIM ang anyo ni Patrice nang sumilip sa silid-aralan para tingnan kung dumating na si Desmond o kahit si Matilda man lang. Nagkukwentuhan pa ang mga kaklase niya na biglang natahimik nang makita siya saka nagbulung-bulungan. Di na niya kailangang tanungin kung bakit. Tiyak na ang mga ito ay kasama sa limampung libong nakanood ng viral video niya. At pakiramdam niya ay may X-ray vision ang mga ito na nakikita ultimo lamang loob niya at kaluluwa. Nakita niyang wala doon ang mga kaibigan kaya naglakad siya palayo at saka tumawag sa kaibigang lalaki. “Hello, Desmond! Nasaan ka?” “Nandito sa restroom ng mga babae. Nagre-retouch lang kami ni Matty para magpa-cute sa student assistant ni Professor Agustin. Ang hot kasi.” “Desdmond...” aniya sa boses na may banta. Wala siyang oras para makipag-kulitan lang dito. Gigil na gigil na siya dito. Humagikgik ito. “Nandito sa forestry. Maaga pa naman kasi. Kumusta ka na? Magpahinga ka muna at huwag mong intindihin ang klase natin. Kami na ang mag-e-excuse sa iyo. Pumasok ka na lang kapag ready ka na.” “Okay. Salamat. Bye,” sabi niya at naglakad papunta sa forestry. Nakasunod pa rin ang tingin ng mga estudyante kay Patrice at may iba ring professors na napapatingin. It was sick. Binilisan niya ang lakad pero nararamdaman pa rin niya ang mga mata nito sa kanya. Pusang gala naman! Ni hindi na pwedeng magluksa ang puso ko nang mapayapa. Kailangan ba talagang ganito? Isinekreto ko ang relasyon namin ni Calden sa loob ng mahabang panahon tapos ay mae-expose ako nang ganito? Naabutan niya ang sina Matilda at Desmond na may tinitingnan sa laptop habang nasa isa sa mga sementadong mesa na nakakalat sa forestry. Naghahagikgikan pa ang mga ito. “Ang galing, bes! Sixty thousand views na tayo,” excited na sabi ni Desmond. “Tiyak na makaka-uno tayo nito.” “Ano ‘yang sixty thousand views?” tanong ni Patrice at namaywang sa gilid ng mesa. “Project natin? Nagka-magic na ba ang pastillas recipe?” “Patrice!” sabay na bulalas ng dalawa at parehong namutla. “N-Nandito ka na agad?” tanong ni Matilda na nakatigagal pa sa kanya. “Parang di kayo masaya na makita ako,” anang dalaga at umupo sa tapat ng mga ito. “Akala ko sa ibang araw ka pa papasok,” sabi ni Desmond saka itinupi ang laptop. “Sabi kasi ni Tita hanggang kaninang madaling-araw may lagnat ka pa rin. Mukhang di ka pa okay, friend. Mukha ka pang maputla ka.” “Kaya ko na,” aniya at matabang na ngumiti. “Kumusta na ang video natin? Narinig ko sabi mo nasa sixty thousand views na.” “Hindi. Iba iyon,” sabi ni Desmond at lumingon kay Matilda. “Di ba, Matty? Ibang video iyon.” “O-Oo,” sabi ni Matilda at ginagap ang kamay niya. “Basta huwag mong alalahanin ang project natin. Pasado naman tayo doon.” “Panood ng video natin,” sabi ni Patrice at inilahad ang kamay. “Mamaya na lang,” anang si Desmond at isinilid ang laptop sa bag nito. “Mag-start na kasi ang klase natin. Pumasok na tayo.” “Oo nga. Mamaya na lang,” sabi din ni Matilda. “Tara na.” Nakuyom niya ang palad dahil di niya gusto ang pagtatago ng mga ito sa kanya ng totoo. At di siya papayag na magmukhang tanga sa pagkakataong ito. “Ginawa na akong mukhang tanga ni Calden, pati ba naman kayo ganoon din ang gagawin sa akin? Ganyan ba talaga ang mga taong nagmamahal sa akin? Ginagago na lang ako.” Natigagal ang mga ito. “Ano bang sinasabi mo, Patrice?” tanong ni Matilda. “Alam mo kung anong sinasabi ko. Alam ko nang ‘yung video ko ang in-upload ninyo para sa project natin at may fifty thousand views na,” panggagalaiti niya. “Sixty thousand views na,” pagtatama ni Desmond. “Sixty thousand views?” bulalas ni Patrice at sinapo ang noo. “Wala akong kamalay-malay na may in-upload ninyo ang video ko habang alam ninyong nasasaktan ako at parang tuwang-tuwa pa kayo? Paano ninyo nagawa sa akin ito?” Pinagsalikop ni Matilda ang mga kamay. “Pasensiya ka na, Patrice. May sakit ka kasi noon at...” “At ang sabi ninyo sa akin, kayo ang bahala sa ang project natin. Nang sabihin ninyong kayo ang bahala, akala ko magre-reshoot kayo. Nandiyan naman ang recipe. Babasahin na lang ninyo,” magkasalubong ang kilay niyang sabi. “Tapos video ko pa rin pala ang gagamitin ninyo.” “Sinubukan naman namin na gumawa ng sarili naming video kaso di naman kami ganoon kaganda sa camera at di naman kami kasing pleasing ng personality mo,” paliwanag ni Desmond. “Wala na kaming oras. Kaya in-edit na lang namin ang video mo at iyon ang in-upload namin kaysa wala tayong project.” “At hindi man lang ninyo ikinonsulta sa akin?” nanlalaki ang mata niyang tanong. “May sakit ka nga,” giit ni Desmond. “Baka lalo ka lang magkasakit kapag nalaman mo ang plano namin.” “Bakit? Hindi pa ba ako lalong nagkakasakit ngayon? Pakiramdam ko hindi lang si Calden ang nambalewala sa akin kundi pati kayo,” panggagalaiti niya. “Mga kaibigan ko kayo. Kayo ang inaasahan ko na masasandalan ko ngayong bagsak na bagsak ako. Akala ko kayo ang mapagkakatiwalaan ko pero di naman pala.” “Wala na kaming choice. Desperado na kami. Kung di namin ia-upload ang video mo, pare-parehong mababa ang grades natin. Scholar si Matilda. Di pwedeng bumaba ang grade niya. Ako din ito na lang ang natitira sa akin kaya di pa ako tuluyang itinatakwil ni Papa. Kapag pumalpak ang grade ko, bahala na ako sa sarili ko. Di na nila ako pag-aaralin. Isang mali lang, sira na ang lahat sa akin,” emosyonal na sabi ni Desmond. “At inaasahan ko na maiintindihan mo iyon.” “Patrice, di naman kami ganoon kasama na parang sinaksak ka namin sa likod. Kapakanan mo rin naman ang iniisip namin dito,” argumento ni Matilda na bakas ang sakit sa mukha sa akusasyon niya. “Scholar ka rin tulad ko. Running for c*m laude ka pa. Kapag bumaba ang grade mo dito, paano ka na? Alam mo naman na di ganoon kataas ang views natin. Di naman kasi pang-entertainment ang theme natin katulad nila Sari na puro pa-cute at sexy ang mga babae kaya pinapansin sila.” Umaliwalas ang mukha ni Desmond. “Pero ngayon naungusan na natin ang thirty thousand views nila Sari. Viral na ang video mo. Madami pang magagandang comments. May umo-order pa nga ng pastillas. Pati ang ibang videos natin ay pinapanood na rin ng mga kaklase natin.” “Madali lang sa inyo na sabihin iyan dahil di naman buhay ninyo ang pinagpipiyestahan. Kung pagtinginan ako ng mga tao, parang specimen ako sa microscope. Pinag-uusapan na pala nila ang buhay ko. Masaya ba kayong pinagpipiyestahan ng mga tao ang buhay ko?” tanong niya sa dalawang kaibigan. “At anong gusto mong gawin natin ngayon? Gusto mo bang tanggalin na lang natin ang video sa internet kahit mas malaki ang mawawala sa atin?” tanong ni Desmond. “Sige. Ikaw na ang makipag-usap sa professor natin na ayaw mo ng mataas na grade kaya aalisin na ang video natin. Excited pa mandin siya dahil nagiging viral na di lang sa buong school kundi sa iba pa. In-encourage pa tayo na ituloy ang concept natin sa Cooking with Love. Napapansin na tayo. Ngayon pa ba magbabago ang isip mo? Di ba gusto naman nating sumikat?” “Not at the expense of my pain and personal life.” Nanggigigil siya na umabot na sila sa ganito. “Pwede naman tayong sumikat sa ibang paraan. ‘Yung mas makikita ang talento natin, di ba? At iyon naman ang point ng Cooking with Love. Hindi kailangang ganito. Guys, we can do better than this. Matilda, please. Gusto kong magluksa ng tahimik. Babae ka rin. Sana maintindihan mo ako.” Sinapo ni Desmond ang dibdib. “At anong tingin mo sa akin, friend? Hindi ba ako girl? I am offended.” Mariing nagdikit ang mga labi ni Matilda. Nakita niya na parang nahahati ito sa dalawa. Nang iangat ng kaibigan ang mga mata ay nakita niya ang pagiging palaban nito. “Kung kaya mong sirain ang lahat ng pinaghirapan natin, gawin mo. Ikaw ang bahala. Kung magagawa mong isakripisyo ang mga pinaghirapan natin para sa pride mo, ikaw ang bahala. Sayang. Tsansa mo na sana na ipakita kay Calden kung anong ginawa niya sa iyo para matauhan naman siya sa pambabalewala niya sa iyo. Pumasok na tayo sa klase. Ayokong bumagsak pati sa ibang project,” taas-noong sabi ni Matilda at naglakad palayo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD