[Apple's POV]
Napaigtad ako nang bigla kong mabitawan ang camera na kinuha ko mula sa cabinet ni Renzi.
Inabot na naman ako ng pagkabagot kaya walang paalam kong pinakialaman ang mga gamit niya. Sinamantala ko habang nasa eskwela siya.
Hindi ko alam na madami palang kuhang larawan si Dimples sa kaniyang camera. Ewan ko kung matutuwa ba ako o maiinis dahil kinukuhanan niya ang kakambal ko ng mga litrato nang hindi nito alam.
Dinampot ko sa sahig ang nalaglag na camera at sinuri kung may sira ba.
Buti na lang at mukhang matibay na klase ito.
Pinagpatuloy ko ang pagtingin sa mga stolen shots ni Dimples.
Napahinto ako sa isang kuha kung saan nakasuot si Dimples ng kaniyang puting tuga.
Nakangiti siya pero puno ng luha ang mga mata.
Ito 'yung nagbibigay siya ng kaniyang speech. Ito ang pinakamalungkot na sandali ng kanilang seremonya kung kailan naranasan kong tumulo ang aking luha.
Sa loob ng maraming taon, no'n ko lang naranasan ang maiyak ulit.
Oo, naroon ako habang nakatago sa likod ng suot kong belo. Gustung-gusto ko siyang yakapin ng mga oras na iyon at sabihing hindi siya nag-iisa dahil nandito ako. Pero hindi ko pwedeng gawin.
"Dimples, magsasama rin tayo ulit."
Napangiti ako.
Hindi ko aakalaing naroon din pala si Renzi ng mga sandaling iyon. Ang antipatikong lalaking iyon. Kunwari suplado pero labis-labis kung mag-alala para sa kakambal ko.
Bumuntong-hininga ako at tumingala sa kisame.
Kung sakali mang may mangyaring masama sa akin, at least alam kong may mag-aalaga at magpo-protekta sa kapatid ko.
Napatayo ako bigla nang may naalala.
Dali-dali kong ibinalik ang mga gamit ni Renzi sa pinaglagyan nito saka mabilis na nagbihis.
Kinontak ko ulit ang taxi driver saka nagpahatid sa hospital kung saan isinugod noon si Mang Diosdado.
Hindi pa raw ito nagigising. Comatose ito dahil sa biglaang pag-atake ng sakit nito sa puso.
Matanda na si Mang Diosdado at marami na itong karamdaman. Iyon siguro ang isa sa mga dahilan kung bakit ito pumayag na pagtakpan ang totoong maysala at panagutan ang kasalanang hindi naman nito ginawa, kapalit ang malaking halaga ng perang maiiwan sa pamilya nito.
Huwad ang batas dito sa bansa. Mali ang kinakampihan at walang katuturan ang ipinaglalaban. Mapalad ang taong mapera at may malakas na kapit ngunit kawawa ang mga taong mahihirap na lalong ginigipit. Wala itong kaibahan sa lupang kinalakihan ko.
Huminto ako sa tapat ng pinto ng Cardiac Care Unit. Kahit na naka-coma si Mang Diosdado pero mayroon pa ring nakabantay sa labas ng pinto na isang pulis.
"Good morning," nakangiti kong pagbati sa pulis.
Napatingin ito sa akin.
"Good morning din, miss. Anong kailangan nila?"
"Bibisitahin ko po sana si Mang Diosdado."
Pinasadahan ako nito ng tingin.
"Sandali lang," mayamaya'y sabi nito sabay tayo.
Binuksan nito ang pinto at kinausap ang taong nakabantay sa loob.
"Sige na, miss."
"Salamat."
Bago ako pinatuloy ng pulis ay sinuri niya muna ang dala kong basket ng mga prutas.
Pagpasok ko ay naroon ang asawa ni Mang Diosdado.
Mugto ang mga mata at halatang puyat.
Hawak-hawak nito sa kamay ang asawang wala pa ring malay.
Mukhang malala ang kondisyon ni Mang Diosdado dahil sa maraming nakakabit ditong tubo.
"Kumusta?"
Tumayo ang babae at humarap sa akin.
"Wala pa ring progress na nakikita ang doctor. Sabi nila, maliit daw ang tyansa na magising pa ang asawa ko." Nagsimula na siyang maiyak.
"Kung gano'n, malabo na ring maamin niya ang totoo?"
Gulat siyang napatingin sa akin. "A-ano?"
Bumuntong-hininga ako at humalukipkip.
"Hindi mo ba nabasa ang iniwan kong sulat sa bulsa ng anak mo?"
Nanlaki ang mga mata niya hanggang sa unti-unti itong nanlilisik.
"Ikaw... Ikaw ang gumawa no'n sa anak ko?!"
"Oo."
"Hayop ka! Walang kasalanan ang mga anak ko bakit mo sila dinadamay?!" Gigil niya akong sinugod.
Nakahanda ang mga kamay niya para supalpalin ang mukha ko pero mabilis kong dinakma ang isang kamay niya sabay pilipit dito.
Sinipa ko ang likod ng tuhod niya dahilan para bumagsak siya sa sahig saka ko tinulak doon ang kaniyang mukha habang hawak pa rin ng isang kamay ko ang braso niyang nakapilipit.
"Mrs. Dela Paz. Ang katotohanan lang naman ang kailangan ko sa inyo. Sabihin mo sa akin ang tunay na salarin sa pagkakasagasa sa mama ko at lulubayan ko na kayo. Pero kung patuloy kayong magmamatigas, uubusin ko ang lahi ninyo!"
Nagpumiglas siya pero lalo ko lang siyang idiniin sa sahig.
"Sino ang sumagasa sa mama ko?!"
"B-bitiwan mo 'ko! Hayop ka!"
"Isang daliri lang ang pinutol ko sa bunso mo, Mrs. De la Paz. Kapag sinagad niyo ang pasensya ko, dalawang anak mo na ang puputulan ko ng kamay at paa!"
Bigla siyang humagulhol. Naramdaman ko rin ang pagsuko niya at hindi na nanlaban pa.
"S-sasabihin ko na... Parang awa mo na huwag mong sasaktan ang mga anak ko! Wala silang kasalanan!"
"Sige! Mangumpisal ka!"
"S-si madam Soledad... S-Soledad Nagamori. Siya ang... ang nag-utos kay Dado para magsinungaling sa korte. Binayaran niya kami ng dalawang milyon para magsinungaling. Ipa...i-ipapapatay niya raw kami kapag sinabi ni Dado ang totoo."
"Soledad Nagamori?"
"S-siya ang asawa ng kinakasama ng mama mo noon. Si Ryushi Nagamori."
Kumunot ang noo ko.
"Kung gano'n, sino ang sumagasa sa mama ko?"
Humagulhol siya bago nagsalita, "S-si Kairo... Ang anak nila."
Napabitaw ako sa kaniya matapos marinig ang katotohanan.
Si Kai...Ang boyfriend ng kakambal ko? Imposible!
Sinipa ko ang babae at diniin ulit sa sahig. Napadaing siya sa sakit habang nakadapa. "Kapag napatunayan kong nagsisinungaling ka, buhay ng mga anak mo ang magiging kabayaran!"
"Huwag! Huwag... Maawa ka... Totoo lahat ng sinabi ko! Maniwala ka. Paimbistigahan mo sila kung gusto mo! Hindi ako nagsisinungaling. Matagal ko na rin gustong lumabas ang katotohanan. Noon pa man, gusto ko nang sabihin ang totoo. Natatakot lang ako..." Muli siyang humagulhol. Basang-basa na ang sahig ng kaniyang mga luha. "Parang awa mo na, Dimples... Biktima lang din kami dito... Wala kaming kasalanan!"
Binitiwan ko siya at hinayaang makatayo.
Tinitigan ko siya nang matalim bago ako lumabas ng silid.
Humanda sa akin ang pamilyang Nagamori! Hinding-hindi ko sila mapapatawad!
Umuwi ako sa tinutuluyan kong bahay at naghanda. Bumili ako ng mga kakailanganin ko para sa aking plano. Um-order din ako ng baril sa kakilala ng taxi driver na inarkila ko. Bumalik ako sa condo ni Renzi gamit na ang motorbike na nabili ko. Nakuha ko na rin ang pinagawa kong driver license sa isang fixer.
Naabutan ko si Renzi sa condo niya at kaagad akong pinaulanan ng mga katanungan.
"Relax, Renzi. Kung makatanong ka, dinaig mo pa ang Papa ko."
Lalong nagpang-abot ang mga kilay niya.
"I told you to stay. Bakit ba ang tigas ng ulo mo?"
"Saan ka naman nakakakita ng ulo na malambot? Pumunta ka sa dagat, marami roon."
"Stop saying nonsense! Saan ka ba galing? Hindi mo ba naisip na baka may makakita sa 'yo?"
Hindi na ako umimik para matapos ang panenermon niya. Hanga ako sa kaniya dahil sa maturity niya pero nakakasakal!
Hinintay ko siyang umalis. Pero bago iyon, palihim kong kinuha ang cellphone niya nang hindi niya namamalayan.
Hinanap ko ang number ng kaibigan niyang si Kairo. Kunti lang ang naka-phonebook doon kaya madali lang mahanap ang hinahanap ko.
(group)
*Hiro Zaragoza
*Kairo Nagamori
*MD Rojas
*Shunjiro Nagamori
Ramdam ko ang paglaki ng mga mata ko nang mabasa ang pamilyar na pangalan. Saan ko nga ba ito narinig?
Nasapo ko ang noo nang maalala ko na. Sa airport! Ang mayabang na lalaking naka-red jacket ay pinsan pala ng lalaking sumagasa sa mama ko! Tingnan mo nga naman! Ang liit talaga ng mundo!
Menemorya ko ang phone number ng mga kaibigan ni Renzi.
Pagkatapos ay tinawagan ko si Kairo upang pagbantaan.
"Kairo Nagamori... Hinding-hindi kita mapapatawad sa ginawa mo! Ikaw ang pumatay kay Rosemarie Cordova! Ikaw ang sumagasa sa kaniya! Ikaw ang dapat na nakakulong ngayon!"
Sandali siyang natahimik.
"Sino ka?!" mahina niyang tanong na halata sa tono ang pangamba.
"Ako? Hahaha! Who am I? Oh, my dear enemy... I am your nightmare! And soon, I will hunt you down and send you to hell!"
"Apple!"
Mabilis kong ibinaba ang cellphone ko nang makita si Renzi na pumasok sa pinto ng kaniyang unit. Bumalik pala siya.
"Hey," nakangiti kong salubong.
"I haven't seen my phone," aniya. Natuon ang paningin niya sa dalawang phone na hawak ko.
Umigtad ang isang kilay ko.
Hindi ko pa tapos makuha lahat ng nakarehistro sa contacts niya pero wala akong magawa kundi isauli sa kaniya ang kanyang phone.
"Bakit mo pinapakialaman ang mga gamit ko?"
"Calm down, Renzi. Gumagwapo ka lalo kapag nagagalit. Baka mainlab ako sa 'yo niyan."
"Not funny! Sino ang hinahanap mo sa contacts ko?"
"Wala." Tinalikuran ko kaagad siya pero hinabol niya ako hanggang sa may kusina.
"Sino nga pala ang tatawagan mo at parang aligaga ka?"
"My friend Kairo. May nangyari kasi. Dimples is in the hospital right now."
Nanlaki ang mga mata kong napaharap sa kaniya.
"Ano?! Bakit?! Anong nangyari?"
"One of our classmates, attacked her this morn—"
"Ano ang dahilan?" Hindi na ako nakapaghintay na matapos ang sasabihin niya.
"Pinagselusan nito si Dimples."
Kumunot ang noo kong napatingin sa kaniya na abala sa pagkulikot ng kaniyang phone. May hinahanap siya sa contacts niya.
"Selos?"
"Because of Kairo."
Bigla na lang nag-akyatan ang dugo sa ulo ko. Napakuyom ako nang mahigpit.
"Sinong kaklase?!"
Napatigil siya at napatingin sa akin.
"What are you gonna do?"
"Sabihin mo sa akin kung sino!"
Tumikom ang bibig niya at tumitig sa akin.
"Renzi, kapag hindi mo sinabi sa akin, pasasabugin ko ang eskwelahan ninyo!"
"Apple!" Kaagad niya akong pinanlakihan ng mga mata.
Alam kong natakot ko siya roon. Kayang-kaya kong gawin 'yon kapag ginusto ko. Sanay na ako sa mga maruruming gawain at lahat ng gusto kong gawin ay nahahanapan ko ng paraan para mapagtagumpayan. This is what Papa liked about me.
"Sasabihin mo ba sa akin kung sino, o pasasabugin ko ang buong DRIS?"
"Are you insane?!"
"Oo!" singhal ko. "Hindi ako papayag na saktan ng iba ang kapatid ko habang nandito ako!"
"Ligtas na si Dimples! Kaya kumalma ka na."
"That won't change the fact na nasaktan siya!" alma ko. "Sinaktan nila ang kapatid ko! At ngayon, nandoon siya sa hospital dahil sa kagagawan nila!"
Tumalikod siya upang kumuha ng isang basong tubig.
Inis ko siyang sinundan ng tingin.
"Renzi! Huwag mo akong ginagalit! Nauubusan na ako ng pasensya!"
Gigil siyang humarap at dinuro ako.
"You! Don't bring your misdeeds here! If you're a murderer in Mexico, well, leave that persona of yours there and dress in something new here!"
"Sino ang nanakit sa kapatid ko?" tanong ko na hindi pinansin ang kaniyang mga sinabi.
"If I tell you, what will you do? Are you going to kill her?"
"No. Tuturuan ko lang siya ng leksyon," tugon ko na pinipilit ang sarili na huminahon.
Bumuntong-hininga siya. "Huwag mong sasaktan ang mga tao sa DRIS. May mga kaibigan din ang kapatid mo roon."
Umismid lang ako.
"Name please," wika kong nauubusan na ng pasensya.
Muli siyang nagpakawala ng malalim na hininga.
"Natasha Miller."
"Good." Kaagad akong tumalikod at nagtungo sa mga gamit ko. Sinuot ko ang aking itim na leather jacket, itim na hand gloves saka binitbit ang isang itim na full-faced helmet.
"Anong balak mo? Bakit ganiyan ang attire mo?" Hindi ko siya pinansin at nagtuluy-tuloy sa pinto. "Apple! Saan ka pupunta?"
Huminto ako at humarap sa kaniya.
"I told you. Tuturuan ko ng leksyon ang taong nanakit sa kapatid ko."
Nagmadali na akong lumabas bago pa man niya ako pigilan.
Nasa parking area ako ng gusali nang biglang mag-ring ang phone ko.
Nang mabasa ang pangalan ni tito Mateo ay napabunot ako ng hininga bago ito sinagot.
"Tito."
"Bakit mo in-activate ang account mo?! Binigyan naman kita ng cash para may panggastos ka, ah?"
"Naubos na."
"Deactivate your account again because they can track you with that. Gamitin mo ang credit card ko."
"Kailangan ko ng malaking amount ng pera. Hindi sasapat ang credit card mo."
"What? Are you kidding me? Ano ba ang pinaggagawa mo diyan sa Quezon? Why don't you just come back here to Cebu?"
"Kilala ko na ang tunay na salarin sa likod ng pagkamatay ng mama namin ni Dimples." Natahimik ito sa sinabi ko. "Hindi ako matatahimik hangga't hindi ako nakakaganti!"
Ilang saglit pa ang lumipas bago siya nagsalita ulit.
"Sino?"
"Si Kairo Nagamori."
"What?!"
"I withdrew a large sum of money for the preparation of his entire family's wake."
"Apple! Let the law punish them. Huwag mo na silang galawin."
"An eye for an eye. A tooth for a tooth. Dugo sa dugo, Tito."
"Apple!" Mahahalata ang tensyon sa paghinga niya. "They're my friends. Please, hija!"
"I'm sorry. Pero wala akong pakialam."
Pinatayan ko na siya ng phone at umangkas sa bagong bili kong Yamaha yzf-r6. Itim ito at sinadya ko ring iterno rito ang buong kasuutan ko. Pagkatapos ay sinuot ko na rin ang helmet.
Matapos in-on ang ignition switch ay pinaugong ko kaagad ang makina bago ko ito pinaharurot paalis sa lugar.
Pagdating sa eskwelahan ng DRIS ay tahimik akong nag-aabang sa labas ng parking area.
Kagat na ang dilim sa paligid at kukunti na lang ang mga estudyanteng naroon.
Sa pagkakaalam ko, 6:30pm ang pang huling klase nina Renzi. Malamang nandito pa sa school ang kaklase niya.
'Hmm, ibig sabihin, nag-absent si Renzi para mabantayan ang kapatid ko sa hospital?' naisaisip ko.
Napangiti ako dahil do'n. Hindi ko maipagkakaila ang pagkagusto sa lalaking iyon para sa kapatid ko. Bukod kay Tito Mateo, sa kaniya ko lang pwedeng ipagkatiwala ang kapatid ko dahil alam kong magiging ligtas ito.
Tinawag ko ang isang estudyanteng nagyu-yusi sa labas at inabutan ito ng ilang libong pera. Nagulat pa ito at napatitig sa mukha kong nakatago sa likod ng helmet.
"Do you know Natasha Miller?"
"Oo. Sikat 'yan dito."
"Tawagin mo siya. Sabihin mong naghihintay sa kaniya si Kai dito sa labas. Bilisan mo. And don't mention to her na babae ang naghahanap sa kaniya. Maliwanag?"
"Ok!" Kaagad itong tumalikod.
Makalipas lang ang ilang minuto ay nakita ko nang paparating ang isang matangkad na babae. Blonde at halata sa kasuutan ang pagka-liberated.
Hinanap kaagad ng mga mata niya si Kairo.
Pinaandar ko ang makina ng motor at naagaw naman nito ang atensyon niya. Tumama sa kaniya ang headlights.
"Natasha Miller?" pasigaw kong tanong.
Tumaas ang isang kilay niya at paarteng tinapunan ako ng tingin.
"And who the hell are you? Where's Kai?"
"Are you Natasha Miller, his girlfriend?"
"Yes! And you are?"
Hindi na ako sumagot at kaagad na kinambya ang motor saka pinihit ang hand grip.
Bumulusok ito papunta sa kaniya.
Nanlaki ang mga mata at sa takot ay kaagad siyang tumakbo.
"HEEEELP!!!"