Habang kumakain kami, tahimik lang ako habang panay ang usapan nila. Nakaupo sa magkabilang kabisera sina ama at Don Emilio. Magkatabi naman kaming mga Jocson at nasa tapat namin ang pamilya o kamag-anak ni Florencio. Nakakainis din dahil nasa magkatapat kaming dalawa. Hindi ako tumitingin sa kaniya simula noong nasa labas pa lang kami. Pero, ramdam kong kanina pa siya nakatitig sa 'kin. Bahala siya riyan. Ayoko sa kaniya. "Sa susunod na araw na pala namin malalaman ang inyong pasya. Sana lamang ay mapag-isipan ninyong mabuti ang tungkol sa bagay na iyon," narinig kong sabi ng gobernadorcillo kay ama. Bago ko pa man narinig ang sagot ni ama ay nagpaalam ako sa kanila na lalabas lang ako saglit. Kaunti lang naman din ang kinain ko kaya madali akong natapos. Gustuhin ko mang kumain pa dahi

