Kabanata 12
Sinalubong ako ng mga kasambahay ni Amara. Binati nila ako ngunit tumango lang ako sa kanila. Napansin ko pa na kinilig ang isang dalagitang kasambahay, nagtuloy tuloy na lang ako papasok sa malawak na living room. Hinanap ko si Amara ngunit hindi ko agad siya nakita. Nakaramdam ako ng pagod kaya umupo muna ako sa sofa.
Ilang minuto akong tulala at nakatingin lang sa hagdan. Pinag-iisipan kong mabuti kung paano ako makakalapit kay Miss Matastas. Napabuntong hininga ako dahil sa pagka-stress.
“Bakit ka nandito, Kuya Kalel?” rinig kong tanong sa akin ni Amara. Napalingon ako sa pinanggalingan ng boses niya. Nakita ko ang nakangiti niyang mukha. May dala siyang malaking mangkok at may laman itong mga prutas.
“Nasaan si Afia?” tanong ko sa kaniya. Stress na ako at gusto ko munang makalaro ang pamangkin ko. Bibo kasi ito at sobrang daldal. Nagmana kay Amara ngunit mabuti na lang ay hindi pilosopo.
“Nasa school pa,” sagot niya sa akin kaya napatango ako. Naglakad siya palapit sa akin. Inalok niya ako ng mga prutas kaya kumuha ako ng isang strawberry. Pinagmasdan ko muna ito bago kinain.
“Tatambay muna ako sa bahay niyo,” sambit ko habang ngumunguya.
Nilapit niya ang mukha sa akin. Nakita ko ang malawak na ngisi niya. “Bakit mukha kang stress?” tanong niya sa akin ngunit alam kong nang-aasar lang siya.
Bigla siyang lumayo. Nanlaki ang mga mata niya ngunit ilang segundo lang ay tumawa na siya. “Aha! Hulaan ko? Hindi mo nagawa ‘yung plano mo? Ano? Nakaluhod ka na ba dahil sa pagmamakaawa?” pang-aasar niyang sabi sa akin.
Lumakas ang tawa niya kaya inis ko siyang inirapan. “Huwag mo nga akong asarin,” napipikon na suway ko sa kaniya.
Imbis na sumunod sa akin ay mas lalo niya akong inasar. Umupo siya sa katabing sofa. Kumain siya habang nakatingin sa akin nang mapang-asar. “Dati namang mahaba ang pasensya mo ngunit ngayon ay lagi ka nang pikon,” umiiling na sabi niya.
“Mas gusto ko ‘yung kuya Kalel ko noon,” sabi niya habang ngumunguya.
Napabuntong hininga ako. “Hindi naman ako nagbago. Stress lang ako ngayon,” sabi ko habang tumatayo. Lumapit ako sa kaniya at kinuha ko ang mangkok na may lamang prutas. Bumalik ako sa sofa upang umupo.
“Gawin mo na kasi ‘yung suhestiyon ko,” sabi niya sa akin ngunit umiling ako. Tiningnan ko muna ang binalatang mansanas bago ko ito isinubo.
“Hindi. Ayoko noon,” sagot ko sa kaniya habang ngumunguya.
Inirapan niya ako at pagkatapos ay tumayo siya. Nagpapadyak ito sa aking unahan na parang bata. Nagkaroon na ng anak at lahat ngunit may pagkaisip bata pa rin. “Bahala ka! Sa akin ka rin lalapit sa huli!” malakas niyang sabi habang tinatalikuran ako.
Naiwan naman akong mag-isa sa living room habang tulala na kumakain ng prutas. Ilang araw na akong nagmamasid sa labas ng kompanya ngunit hindi ko pa rin siya nakikita. Hanggang kailan ba ako maghihintay?
*
Kinabukasan ay pumunta akong muli sa tapat ng building ng kompanya niya. Nagmasid ako ulit doon. Nakahalumbaba lang ako sa karinderya ni Aling Ferna. Naging pamilyar na rin sa akin ang mga mukha ng mga kumakain sa karinderya dahil lagi ko silang nakakausap.
Nagkukwento siya sa akin habang kumakain siya ng adobo. Ilang beses niya akong sinabihan na wala naman daw akong mapapala sa pagmamasid sa kompanya ni Miss Matastas. Mas mabuti pang sa kaniyang karinderya na lang daw ako mag-apply. Umiling lang ako at sinabi kong tapos ako bilang lawyer. Noong tinanong niya ako kung bakit ako nagmamasid sa kompanya ng mataray na babae, hindi ko na lang siya sinagot.
Tanghali na kaya nakaramdam na ako ng gutom. Oorder na sana ako ngunit bigla akong tinawag ni Aling Ferna. Lumakad ako palapit sa kaniya. Sumilip kaming dalawa sa labas.
Itinuro niya sa akin ang babaeng kalalabas lang sa kotse. “Siya ‘yung may-ari,” pagbibigay alam niya. Bigla akong nabuhayan. Makakausap ko na rin siya.
“Talaga? Mabuti naman at dumating na,” sabi ko habang inaayos ko ang sarili ko. Kinuha ko ang document holder na dala ko. Lagi ko itong dala dahil nakalagay rito ang resume ko, at ibang papeles.
“Pupusta ako sa iyo ng isang daan, hindi ka makakalapit sa kaniya,” sabi niya sa akin habang nakangisi.
“Kaya kong makalapit,” determinadong sabi ko ngunit nagkibit balikat lang siya.
Wala akong sinayang na oras. Tumakbo agad ako papunta sa unahan ng building. Hinihingal na tumigil ako sa gilid niya ngunit hindi naman niya ako pinagtuunan ng pansin.
“Good morning, Ma’am, nais kitang makausap,” magalang kong sabi sa kaniya ngunit diretso lang siyang naglakad. Parang walang naririnig.
Ikinumpas niya ang kamay nang hindi ako tinitingnan. “Get him out of my way,” utos niya. Napangiwi ako noong biglang tumakbo palapit sa akin ang mga lady guard.
“Miss Matastas, I just want to talk to you,” sabi ko sa seryosong tinig ngunit hindi niya pa rin ako pinagtuunan ng pansin.
Nilapitan ako ng mga lady guard at humarang ito sa harapan ko. Ilang beses ko siyang tinawag ngunit nagbingi bingihan siya. Hindi na ako nagpumiglas noong hinila ako palayo ng mga lady guard.
“Sir, huwag ka na pong magpilit. Respetuhin mo ang desisyon ni Ma’am,” sabi ng isang lady guard na nakahawak sa braso ko.
Wala akong nagawa kundi ang lumayo sa building dahil napansin ko na nagkaroon na ng mga tao sa paligid.
Nanlulumo na napaupo ako sa mono block chair sa karinderya ni Aling Ferna. “Hindi ba tama ang sinabi ko? Hindi ka makakalapit sa kaniya. Nasaan ang isang daan ko?” sabi niya sa akin habang nakalahad ang kamay niya.
Napabuntong hininga ako habang kinukuha ang wallet sa bulsa ko. Kumuha ako ng isang daan at ibinigay ko ito sa kaniya. Kumain muna ako roon at pasulyap sulyap pa rin ako sa building ngunit hindi ko na nakitang lumabas pa ang babae.
Noong gabi ay napagpasyahan ko na ring umalis na. Imbis na sa tinutuluyang apartment ako umuwi ay dumaretso ako sa bahay nina Amara. Nakita ko agad ang kapatid ko sa living room. Nanonood siya ng movie.
Lumapit ako sa kaniya. Pabagsak na umupo ako sa tabi niya. Kinuha ko ang hawak niyang chips at kinain ko ito habang nakatitig sa tv. Wala naman akong maintindihan sa palabas. Nasa babae pa rin ang aking isip.
“Oy, nakabusangot ka na naman? Hindi maganda ang kinalabasan ng plano mo, no?” biglang sabi ni Amara kaya napabuntong hininga ako.
“Hindi!” mariin ngunit tipid kong sabi sa kaniya.
“Oh, bakit ka nagagalit?” tanong niya. Ang boses niya ay may pang-aasar.
“Lumabayan mo muna ako, Amara,” mariin kong sabi sa kaniya. Ibinalik ko sa kaniya ang plastic ng chips.
“Kuya Kalel, pag-isipan mong mabuti,” matinis niyang sabi sa akin at pagkatapos ay nilapit niya ang bibig niya sa tainga ko.
“Maganda ang plano ko,” sabi niya habang tumatawa.
“Leave!” sabi ko habang itinutulak siya palayo.
“Ang taray! Daig mo pa ako pag may dalaw,” wika niya habang tumatawa. Isinubo niya ang chips at maingay niyang nginuya ito.
“Si Afia nasa mini play ground niya. Puntahan mo para naman mawala ang init ng ulo mo,” sabi niya habang umuupo sa sofa. Muli niyang ibinalik ang atensyon sa pinapanood.
Tumayo agad ako at pinuntahan ko si Afia. Pinanood ko lang naman siyang maglaro sa mini playground niya. Nag-isip ako nang ilang oras at kalaunan ay nakapagdesisyon na.
“Oh, aawayin mo na naman ako?” tanong ni Amara sa akin noong bigla akong lumapit sa kaniya.
Ubos na ang chips niya at prutas naman ang kinakain niya. Ibinaba niya ang tupperware na pinaglalagyan ng prutas. Tumingin siya sa akin habang nakangisi.
“Sabihin mo sa akin ang mga dapat gawin sa plano mo,” sabi ko sa kaniya. Seryoso lang akong nakatingin sa kaniya.
Mas lalong lumawak ang ngisi niya. Napatitig ako sa kaniya nang mariin dahil nang-aasar pa talaga siya. “Alin doon? Pili ka, Kuya Kalel! Dalawa iyon,” hyper niyang sabi habang tumatawa.
“Yung una mong sinabi,” mariin kong sabi sa kaniya.
Pumalakpak siya habang nanlalaki ang kaniyang mga mata. Tumayo siya at pagkatapos ay tinapik niya ang balikat ko. Napahawak ako roon dahil masakit siyang humampas. “Magpapanggap kang bakla? Oy! Nakakatuwa naman,” malakas niyang sabi habang tumatawa.
Mapang-asar talaga.
Bigla namang dumating si Orion at lumapit sa kaniyang asawa. Hinalikan nito ang noo ni Amara habang niyayakap.
Masayang humarap si Amara kay Orion. “Sibuyas! Si Kuya Kalel maglaladlad na!” magiliw nitong sabi habang niyuyugyog niya ang balikat ni Orion. Napatawa na lang si Orion habang muling hinahalikan ang noo ng kapatid ko.
“Amara! Stop teasing me!” mariin kong suway sa kaniya.
Tumingin si Amara sa akin at pagkatapos ay tinaasan niya ako ng kilay. “Ay! Taray! May pa-english na! Hindi ka naman gan’yan noong hindi mo pa nakakasama si Orion, ah!”
“Ang dami mong dada. Sabihin mo na kung paano natin I-eexcecute ang plano,” diretsang sabi ko habang nakatitig sa kaniya nang mariin.
Ayusin niya lang talaga! Dapat maging maganda ang kalalabasan.
Nagpaalam muna si Orion sa amin dahil magbibihis lang daw siya. Sasamahan sana siya ni Amara upang ipaghanda ng isusuot ngunit pinigilan siya ni Bayaw. Sinabi nitong unahin daw muna ang tungkol sa plano.
“Unang una, bibili tayo ng mga damit na babagay sa iyo,” sabi niya sa akin habang nakatitig sa aking katawan. Inikutan niya ako habang ang kamay niya ay nasa baba niya. Itinaas niya ang dalawang kamay niya at pinagdikit niya ang kaniyang mga daliri habang ineksamin niya ang aking tindig at pangangatawan.
“Pangalawa, tuturuan kitang mag make up,” sabi niya habang pinagmamasdan ang aking mukha. Nilapitan niya ako at pagkatapos ay tinapik niya ang pisngi ko. Napangiwi ako dahil sa pagkairita.
Tumawa lang siya noong sinuway ko siya. Luka luka talaga ang babaeng ito.
“Pangatlo, tatawagin natin si Daniela para turuan ka ng mga kilos pang bakla,” sabi niya. Tinanong niya sa akin kung may number ako ni Daniela, sinabi kong wala dahil ito naman ang totoo. Hindi naman kasi kami close ng kaibigan niya.
“Pang-apat, puputulin natin iyang pinagmamalaki mo,” sabi niya habang tumatawa siya.
Sinamaan ko siya ng tingin habang lumalayo sa kaniya. “Baliw ka!” mariin kong sabi sa kaniya.
“Syempre, joke lang ‘yun. Masyado ka namang seryoso sa buhay,” sabi niya habang tumatawa nang malakas.
Hinawakan ko ang kamay niya at hinigit ko siya. “Tara na! Magsimula na tayo. Mahalaga ang bawat oras ko,” sabi ko sa kaniya ngunit pumiglas siya.
Mas magandang gawin na namin ngayon ang first step. Alas siyete pa lang naman at bukas pa ang mall na pagmamay ari ng asawa niya.
“Sus, mahalaga pala? Mas mahalaga ang oras ko! Tinutulungan na nga kita kahit na sobrang busy ko!” sabi niya habang umuupo sa sofa. Muli niyang ibinalik ang mga mata sa tv.
“Ano namang ginagawa mo? Wala ka namang trabaho!” wika ko habang umiiling.
Itinuro niya ang tv habang nakangisi sa akin. “Duh! Mahirap kayang maging tamad. Wala namang masyadong ginagawa pero pagod lagi,” sabi niya habang humihiga sa sofa.
Napailing ako. “Pagod? Epekto lang iyan ng pagbigat ng katawan mo dahil tamad ka nga. Magtrabaho ka nga!”
“Hindi na ako pwedeng bumalik sa dati kong trabaho,” sabi niya habang umiiling.
“Matino naman yata ang naging trabaho mo dati,” wika ko habang hinihigit siya patayo. Nagpabigat pa talaga ang babaeng ito.
“Diyan ka nagkakamali! Ang trabaho ko ay magnakaw! Pero dati iyon noong dalaga pa ako. Pamula noong nakawin ko ang puso ni Orion ay nagbagong buhay na ako,” sabi niya kaya napatigil ako sa paghigit sa kaniya. Bumagsak siya sa sofa habang tumatawa.
Nakakunot ang noo na tiningnan ko siya. Hindi makapaniwalang napailing ako. Kahit kailan ay hindi ito itinuro sa amin ng mga magulang namin. “Nagnanakaw ka dati? Yari ka kay Ama!” matigas at naiinis kong sabi.
“Noon pa iyon. Nagsisisi na ako! Maling desisyon ko iyon! Huwag kang maingay! Hindi kita tutulungan pag isinumbong mo ako!” malakas niyang sabi.
“Amara talaga! Puro ka kalokohan,” naiinis kong sabi sa kaniya. Ilang oras ko siyang pinagsabihan dahil sa kasalanan na ginawa niya. Nakinig naman siya at tumatango ngunit hindi pa rin nawawala ang pang-aasar niyang sinasabi sa akin.
Hindi ko sasabihin sa magulang ko dahil alam kong baka habulin pa siya ni Ama ng itak. Nakalipas na iyon at alam ko naman na nagsisisi na siya. Kaya rin pala kada-linggo siyang nasa simbahan.