Kabanata 13
Kumunot ang noo ko habang itinataas ang manipis na panty at bra na inilagay niya sa big cart. Napatitig ako sa kaniya nang mariin at binitawan ko ang panty at bra, bumagsak ito sa ibabaw ng mga damit na pinili niya kanina. Masayang tumango siya sa akin. Hinagis niya ang pambabaeng short sa cart. Kinuha niya ang panty at bra at iniwagayway niya ito sa harapan ko. Napairap ako dahil pandidiri.
“Talaga bang ipapasuot mo iyan sa akin? Ako ba Amara ay pinaglololoko mo?” matigas at nagbabanta kong tanong sa kaniya.
Napatawa siya nang malakas. Ilang beses niya pang iwinagayway ito. “Hindi no! Hindi ako nagbibiro! Paano kung magkaroon kayo ng team building? Isusuot mo iyan,” sabi niya habang hinahagis ito sa akin.
Inis na ibinalik ko ito sa big cart. “Two piece ito! Paanong team building?” naiinis kong sabi sa kaniya.
Nagdrawing siya sa hangin. Naintindihan ko naman na team tapos building ang iginuhit niya. “Minsan ‘yung kompanya ni Sibuyas nagpapa-team building tapos sa beach resort. Isinasama niya ako roon kaya nakikita kong naka-two piece sila roon,” pagkukwento niya sa akin.
Lumapit siya sa rack na mayroong mga pambabae na damit. Hinawakan ko ang handle ng big cart at itinulak ko ito. “Kung mayroon man sa kanila noon, then, hindi ako sasama,” seryoso kong sabi. Hindi naman ito mahalaga, pwede namang ipagpaliban iyon.
Papasok lang naman ako sa kompanya niya upang magtrabaho at hindi ang magsaya.
“Bakit naman? Ang kj mo naman!” nakanguso na sabi ni Amara.
Tinalikuran niya ako at muli siyang namili ng damit sa dressing rack. Tumigil ako sa gilid niya. Mabilis naman siyang lumapit sa akin at pagkatapos ay nakangiti niyang itinaas ang isang one piece swim suit. Mas lalong nagusot ang aking mukha. Inis ko itong tinabig nang mahina.
“Hindi ako magsusuot niyan. Huwag mo akong pagtripan, Amara,” panunuway ko sa kaniya. Imbis na matakot sa akin ay mas lalo pa siyang nang-asar.
“Kuya Kalel, ikaw na nga ‘yung tinutulungan pero ikaw pa ang laging galit,” sabi niya habang umiiling. Inilagay niya ang swim suit sa big cart pero kinuha ko ito at inihagis ko ito sa mukha niya. Natawa lang siya noong natamaan siya nito. Agad niya itong tiniklop.
“Hindi ko iyan babayaran,” malamig na sabi ko.
Nag-thumbs up siya sa akin. “Okay! Ako na lang ang bibili nito,” sabi niya habang nakangisi.
“Maghanap ka pa ng iba na mas conservative at hindi makikita ang katawan ko,” utos ko sa kaniya. Tinulak ko siya papunta sa magagandang damit. Mga tshirt at pantalon sana ang gusto ko.
“Sus! Dinaig mo pa si Birheng Maria Clara!” pang-aasar niya sa akin kaya napasimangot ako.
“Basta gawin mo na lang,” sabi ko at ipinagtulakan ko siya sa dressing rack.
Sinunod niya naman ang sinabi ko. Pinagmasdan ko lang siya habang naghahanap siya ng mga damit na pasok sa gusto ko. Kinuha niya ang mga damit na konserbatibo at makapal ang tela.
“Oh, pwede na ba ang mga ito?” tanong niya habang ipinapakita sa akin ang mga damit na napili niya.
Kinuha ko ang mga damit sa kaniya. Ipinatong ko ito sa big cart at pagkatapos ay isa isa kong ichineck ang mga damit. Napakunot ang noo ko noong may nakita akong tube at crop top. May iba pang damit na sobrang revealing.
“Ayoko nito… ito….at tsaka ito! Kumuha ka pa ng iba,” maawtoridad na uto ko sa kaniya.
Ibinigay ko sa kaniya ang mga damit. Napanguso siya habang niyayakap ang mga ito. “Ginawa mo talaga akong utusan, ah! Kuya Kalel, pinapahirapan mo ako,” daing niya sa akin. May dumaan na mga sales lady kaya binati siya ng mga ito. Bumati rin naman si Amara sa kanila.
Kilalang kilala siyang lahat sa Mall dahil si Orion ang may-ari nito.
“Kung hindi mo ako pinagtitripan nitong nakalipas na mga araw ay hindi sana kita pahihirapan ngayon,” sabi ko sa kaniya noong nakaalis ang mga sales lady.
Tumingin siya sa akin at inirapan niya ako. “Oo na! Pwede mo naman akong suwayin at pagsabihan na magbait na eh!”
Umiwas ako sa kaniya ng tingin. Itinulak ko ang big cart at nagsimula na ako sa paglalakad. “Hindi mo naman ginagawa,” seryosong sabi ko.
Inirapan niya lang ako at pagkatapos ay tinalikuran. Nagmadali siya sa paglalakad papunta sa kabilang aisle. Hindi ko na siya sinundan at pinabayaan ko na lang siyang maghanap ng mga damit doon. Nakatigil lang ako sa malawak na hallway ng department store. Pansin ko na napapatingin sa akin ang mga babaeng dumadaan sa gilid ko. May kumakaway pa nga ngunit hindi ko naman sila pinagtutuunan ng pansin.
Noong natapos kami sa pamimili ay binayaran ko na ang mga damit sa cashier. Ang sunod namin pinuntahan ay ang store ng sikat na make up brand. Bumili ako ng mga make up na gagamitin ko. Si Amara naman ang namili at may sales lady rin naman na nagsuggest kung ano ang magandang gamitin.
“Dapat matuto kang mag make up,” sabi niya sa akin habang naglalakad kami sa mall. Naghahanap siya ng restaurant na gusto niya.
“Kailangan pa ba iyon?” nakakunot ang noo na tanong ko.
Baka naman pwedeng huwag na lang akong mag make up, polbo at lipstick na lang ang ilalagay ko. Tumingin siya sa akin. Tumigil siya sa paglalakad at humarap siya. Hinawakan niya ang aking pisngi at pinisil niya ito.
“Kuya Kalel, sobrang gwapo mo! Kung wala kang make up ay mas makikita nila ang pagiging maginoo mo at kagwapuhan, baka mapaghinalaan ka na tuwid ka talaga!” sabi niya habang binibitawan ang pisngi ko. Napangiwi ako.
“Sinong magtuturo sa akin? Ikaw ba? Hindi ka nga nagmamake up eh,” nakakunot noo na sabi ko.
Simple lang siya at hindi mahilig sa mga kolorete sa mukha.
“Hindi! Si Afia ang magtuturo sa iyo. Marunong siya!” sabi niya kaya napakamot ako sa batok ko.
“Sure ka ba? Bata pa lang siya,” hindi naniniwala na sabi ko.
Tumango siya. “Oo naman! Sure na sure ako! Huwag mo siyang maliitin no! Magagalit siya sa iyo pag narinig niya iyan! Tatawagin ko rin si Daniela para isabay na sa pagtuturo sa iyo kung paano ang kilos ng bakla,” sabi niya. Tinalikuran niya na ako at nagpatuloy siya sa paglalakad. Sinundan ko lang siya.
Inihabilin naman muna namin ang mga pinamili sa baggage counter dahil kakain pa kami bago umuwi. Mahirap maggala sa mall ng maraming dalang paper bag.
“Ikaw na ang bahala sa lahat, gagawin ko naman ang lahat ng nasa plano mo,” sabi ko habang naglalakad at tumitingin sa ibang tao. Pansin ko na maraming napapatingin na babae sa gawi namin.
“Good! Good! Madali ka talagang kausap, Kuya Kalel,” sabi niya habang hinihila ako papasok sa isang restaurant.
“Ikaw lang naman ang matigas ang ulo sa ating magkakapatid,” wika ko ngunit tinawanan niya lang ako.
Siya lang naman ang naging sakit ng ulo ni Ama. Marami siyang kalokohang ginawa noong una.
*
Ibinaba ko ang hawak kong make up brush habang pinagmamasdan ang mukha ko sa salamin. Napakunot ang noo ko. Napangiwi ako noong naramdaman ko ang malagkit na foundation sa mukha ko.
“Sigurado ka bang kailangan ko pang kapalan ang make up?” tanong ko habang nakatitig sa salamin. Lumingon ako sa likod at nakita ko ang nakangising mukha ni Amara at Daniela.
“Oo. Masyado kasing manly at matapang ang mukha mo. Kailangan kapalan ang foundation para magmukha kang girly,” sabi ni Daniela kaya napataas ang kilay ko.
“At hindi ba ilang beses kang nagmasid sa labas ng building? Baka kilala ka na ng mga nakakita sa iyo roon!” sabi naman ni Amara kaya napabuntong hininga ako. Mayroon naman siyang point. Ilang beses na nga akong pumunta roon at kilala na ako ng ibang empleyado sa kompanya ni Miss Matastas. Lalo naman ang mga tindera sa karinderya. Kilala na talaga nila ako.
“Oo na! Aaralin ko na,” sabi ko at muli akong humarap sa salamin. Kinuha kong muli ang make up brush at sinubukan kong iblend ang foundation.
“Mabilis ka namang matuto, eh! Yung light make up na itinuro ni Afia sa iyo noong isang araw ay nagagawa mo na ngayon. Kailangan mo na lang i-master yung heavy make up na itinuro ko, pagkatapos noon ay tuturuan na kita ng kilos beki,” rinig kong sabi ni Daniela. Tumango lang ako sa kaniyang sinabi.
Naging busy ako sa paglalagay ng make up sa mukha ko. Napatigil lang ako noong narinig ko ang pagtawa nilang dalawa. Napakunot ang noo ko. Lumingon ako sa kanilang dalawa at nakita ko na nag-apir sila sa isa’t isa.
“Ako yata ay pinagtitripan niyo na!” mariin kong sabi.
Napatigil silang dalawa at pagkatapos ay umiwas ng tingin si Amara. “Hindi no! Nakakatuwa ka lang talaga,” sabi ni Amara sa akin kaya mas lalong napariin ang tingin ko sa kaniya.
“Tumigil nga kayo sa mapang-asar niyong ngiti! Naiinis ako,” sabi ko sa kaniya habang nakasimangot.
Tumingin si Daniela kay Amara. “Bakit itong Kuya Kalel mo yata ay biglang nagbago? Mahaba naman ang pasensya niya dati ah?” tanong niya kay Amara.
“Stress lang talaga siya kaya naging manipis at maiksi ang pasensya,” sagot ng kapatid ko habang nakangisi. Mahina na nagtawanan ang dalawa kaya mas lalong nagsalubong ang noo ko.
“Kulang lang siguro sa pagpapalabas at lambing?” rinig kong bulong ni Daniela kaya napasinghal ako.
“Baka nga!” pagsang-ayon ni Amara sa sinabi ni Daniela. Nagtawanan na naman silang dalawa.
Sinamaan ko sila ng tingin. “Tumigil na kayo sa pagbulong niyo. Rinig na rinig ko naman kayo,” suway ko sa kanilang dalawa. Napatahimik sila at umiwas sa akin ng tingin.
“Ay! Teka! Ihahanda ko na pala ‘yung fake boobs! Diyan ka muna, ha?” sabi ni Daniela habang tumatalikod sa amin.
Napatingin ako kay Amara at nakita ko na nagkamot siyang noo. “Ah! May niluluto nga pala ako! Wait lang! Uusisain ko lang baka masunog!” palusot niya at pagkatapos ay tumakbo na siya palayo sa akin.
Umalis na sila kaya naman tumahimik na ang paligid. Ibinalik ko ang atensyon ko sa pagmamake up. Ilang minuto lang ay biglang dumating si Afia. Lumapit siya sa akin habang nakangiti. Ibinaba ko ang mga hawak ko at ginulo ko ang buhok niya.
Tinitigan niya ako habang nakangiti. “You look beautiful, Uncle Kalel,” masayang sabi niya.
Ngumiti ako sa kaniya. “Talaga? Maloloko ko na ba ang mga nasa paligid ko?”
Tumango siya ngunit bahagya siyang napasimangot. “Yes, but hindi po ba masama ang manloko?” inosente niyang tanong sa akin.
“Oo, kaso wala namang choice si Uncle Kalel, eh,” sabi ko habang napakamot ako sa batok ko.
Ngumuso siya. “But it’s still bad! Paano kung mahuli ka?”
“Hindi naman nila ako ikukulong pag nahuli ako,” sabi ko habang tumatawa nang mahina.
Kumunot ang noo niya. “So, kung manloko ako, hindi nila ako ikukulong?”
Nagkibit balikat ako sa kaniyang itinanong. “Depende sa gagawin mo. Kung masama ito at binangga mo ang batas, makukulong ka talaga,” paliwanag ko sa kaniya.
Niyakap niya ako kaya natigilan ako. “Uncle, I will promise I won’t do something bad in the future,” sabi niya kaya niyakap ko siya pabalik.
Marahan kong tinapik ang kaniyang likod. “Good. Be a good girl, ha? Huwag kang tutulad sa mama mong matigas ang ulo,” bilin ko sa kaniya.
“Aye! Aye, Captain!” masayang sabi niya habang humihiwalay sa akin. Nakangiti na ginulo ko ang buhok niya.
Noong sumunod na araw ay tinuruan naman ako ni Daniela ng kilos bakla. Inayos ko ang pambabae na damit na suot ko. Napatingin ako sa kaniya noong tinawag niya ako. Sinenyasan niya ako naitaas ko raw ang kamay ko.
“Ibaliko mo pa ‘yung kamay mo,” utos niya sa akin.
“Ganito ba?” tanong ko sa kaniya habang ginagawa ang utos niya.
Ngumiti siya nang malawak habang nagta-thumbs up. “Ayan! Nakuha mo!”
“Lumakad ka nga?” utos niya sa akin kaya ginawa ko ito. Lumakad ako ng may halong kaartehan.
Masayang pumalakpak siya. “Ang bilis mong matuto! Nakakatuwa naman,” sabi niya habang nakangiti.
“I’m a fast learner,” sabi ko sa kaniya.
Pumalakpak siya ulit. “Perfect! Okay na! Kuha mo na. Basta huwag mo lang aalisin ‘yung pag pilantik ng kamay mo, tsaka ‘yung kaartehan sa pagsasalita mo,” bilin niya sa akin kaya tumango ako.
“Like this?” sabi ko habang pinapatinis ang boses ko.
Tumakbo si Amara palapit kay Daniela. Nagtinginan silang dalawa at pagkatapos ay nagtawanan sila kaya napasimangot ako. Dumating na naman ang mangugulo.
“Ano? Hindi ba? Mali ba ako? Huwag niyo akong pagtawanan!” mariing sabi ko sa kanila.
Sabay silang umiling. “Hindi! Nakuha mo talaga! Awkward lang panoorin kasi kilala ka talaga namin,” sabi ni Daniela.
“So? Did I pass?” nakataas ang kilay na tanong ko.
“Perfect one hundred!” masaya niyang sabi sa akin.
“Pwede na akong mag-apply bukas?” tanong ko sa kanila.
Sabay silang tumango sa akin habang nakangiti. Sabay rin silang nag-thumbsup.“Oo! Good luck na lang sa iyo!”
Pumalakpak pa silang dalawa ng sabay habang tumatalon sa unahan ko. Napabuntong hininga na lang ako sa pagiging hyper nilang dalawa.
Napatingin ako sa sarili ko sa pamamagitan ng salamin. Babaeng babae akong tingnan. Panandalian ko munang buburahin ang aking pagiging lalaki. Magpapanggap muna akong bakla para makapasok sa kompanya ni Miss Matastas. Sana ay maging maganda ang kalalabasan.