Kabanata 8
Muli ko na namang naalala ang mga nangyari sa nakaraan. Paulit ulit na nga yata itong mananatili sa aking isipan. Ang graduation ko ang pinakamahalagang bagay na mangyayari sa buhay ko ngunit mas lalo akong nagkaroon ng hinanakit sa kanila noong hindi sila pumunta upang masaksihan iyon. Inggit ang naramdaman ko noong makita na masaya ang ibang mga ka-batch ko habang niyayakap sila at kino-congratulates ng mga mahal nila sa buhay. Daig ko pa ang ulila dahil wala man lang pumuntang pamilya para sa akin.
Ginawa ko ang lahat upang maging successful akong businesswoman. Ginawa ko ang lahat para maging proud sila sa akin ngunit bigo pa rin ako, kahit na noong nakatanggap ako ng award bilang isang bagong businesswoman, hindi pa rin sila dumating.
Tinulungan naman nila ako sa financial na gastusin ngunit ang moral support na hinahanap ko ay hindi pa rin nila maibigay.
Sa paglipas ng mga taon ay marami na akong naitayo na mga business at isa na rito ang cosmetic company. Sunod-sunod na parangal ang aking natanggap ngunit bigo pa rin akong marinig ang mga salitang gusto kong magmula sa kanila.
Sa mga taon na lumipas ay maraming nangyari.
Noong pumunta ako sa ibang bansa upang makipagkita sa isang investor ay nakilala ko ang isang foreigner, naging malapit kami sa isa’t isa ngunit kalaunan ay nalaman kong may asawa na pala ito. Sa sobrang inis ko ay hindi na ako tumuntong pa sa Italy. Ayokong magtagpo ang landas namin.
Isang taon ang muling lumipas at nakilala ko naman si Sylvester sa isang fashion show. Naging malapit kami at kalaunan ay niligawan niya ako. Akala ko ay iba siya sa mga lalaking nakilala ko ngunit mali pala ako. The rest was history.
Ilang beses na akong nasaktan kaya nawala na ako ng tiwala sa mga lalaki. Sa sobrang galit ko sa kanilang lahat ay tinanggal ko ang mga empleyado kong lalaki at naging man hater ako. Tuwing nakakakita ako ng lalaki ay kumukulo ang dugo ko.
Tuwing may mga ka-meet naman akong mga lalaki sa business world, ilag ako sa kanila. Hangga’t maaari ay secretary ko ang pinapa-meet ko sa kanila.
Tanging mga operadang bakla at babae na lang ang tinatanggap ko sa kompanya.
Ilang beses na akong niloko, ayoko nang makasalamuha ng mga lalaki.
Napabuntong hininga ako habang tinitingnan ang listahan ng mga empleyadong nag-resign at naka-maternity leave. Ipinag-utos ko agad sa Head ng Human Resource department na magkaroon ng hiring para sa mga posisyon na naiwan na bakante.
Sa isang buwan na durasyon ng hiring ay maraming lalaki na nag-apply pero hindi sila tinanggap dahil sa policy na ipinatupad ko dati. Wala na akong tiwala sa mga lalaki dahil lahat sila ay sinungaling.
Napatigil ako sa pagbubuklat ng mga papeles noong marinig ko ang pagkatok sa pinto. Napatingin ako rito at nakita ko ang pagdungaw ni Gracezaly. Pansin ko ang nakasakbit niyang bag sa kaniyang balikat. Napatingin ako sa labas ng opisina at nakita kong nakapatay na ang ilaw sa labas. Tanging dim lights na lang ang nakabukas. Napabalik ang tingin ko sa kaniya noong tumikhim siya.
“Ma’am Bri, may gusto po ba kayong ipabili sa akin?” tanong niya sa akin ngunit umiling ako.
Ramdam ko na ang gutom pero matitiis ko pa naman. Hindi na ako magpapabili ng pagkain dahil ayokong bumalik pa siya sa opisina. Mas lalo silang gagabihin sa pag-uwi.
Umiling ako sa kaniya. “Wala. Uuwi na rin naman ako pagkatapos nito,” sagot ko sa kaniya at pagkatapos ay ibinaba ko ang hawak kong papeles sa lamesa. Kinuha ko ang fountain pen at pinirmahan ko ang nasa harapan kong dokumento.
“Hindi ka pa po ba nagugutom?” tanong niya sa akin. Pansin ko ang pag-aalala sa kaniyang boses.
Napatigil ako sa pagpirma at napatingin ako sa kaniya. “Matitiis ko pa naman ang gutom ko,” wika ko habang tumutungo. Muli kong ipinagpatuloy ang pagbabasa sa kailangan aprubahan.
“Mauuna na po kami?” rinig kong sabi niya kaya tumango ako habang binubuklat ang mga pages.
“Sige. Isang oras pa akong mananatili rito. Nandiyan pa naman ang mga lady guard, hindi naman ako mag-iisa,” sagot ko sa kaniya.
“Ingat ka po mamaya sa pag-uwi,” sabi niya bago siya nagpaalam. Itinaas ko lang ang kamay ko upang sumenyas sa kaniya.
Noong nakaalis siya ay naiwan na ako sa buong building. Alam ko nang ako na lang ang natira dahil umuwi na ang lahat. Hindi ko kasi sila pinag-oover time dahil gusto ko silang makauwi agad sa mga pamilya nila. Tinapos ko na ang mga nirereview ko na mga projects. Pinirmahan ko na ang mga kontrata at dokumento na kailangan nang pirmahan.
Noong natapos ako ay bumaba na ako sa lobby. Nakita ko ang mga lady guard sa exit kaya bumati sila sa akin. Nagpaalam naman agad ako sa kanilang lahat. Sila ang mga lady guard tuwing night shift.
Pumunta muna ako sa isang restaurant para kumain ng dinner. Ayokong kumain sa bahay dahil wala na rin naman akong dadatnan doon, ako lang naman mag-isa ang kakain. Mas mabuti nang kumain sa labas para may makasabay naman akong kumain kahit na hindi ko kilala ang ibang customer. Ang mahalaga ay hindi nag-iisa, hindi malungkot.
Napatigil ako sa pag-inom ng wine noong makita ko ang isang pamilyar na babae. Napakunot ang noo ko dahil sa pag-iisip. Napaawang ang bibig ko noong naalala ko kung sino siya. Ibinaba ko ang wine glass habang pinagmamasdan ang pagdaan ng babae sa lamesa ko. May kasamang lalaki ang asawa ni Mr. Mcgallster. Sobrang sweet nila at humalik pa ang lalaki sa pisngi ng babae!
Napasinghap ako nang mahina. What? Am I witnessing an affair?
Umupo pa ang mga ito sa kabilang lamesa na nasa gilid lang niya. Imbis na umalis na ako ay nanatili muna ako sa aking upuan. Narinig ko ang pagtawag ng lalaki sa asawa ni Mr. McGallster ng honey?
Napakunot ang noo ko noong narinig ko pa ang sunod na sinabi ng lalaki. Nag-I love you pa ang lalaki. Gosh! Mga walang delikadesa!
“Is she having an affair? Gosh, nakakaawa naman ang asawa niya,” mariin na wika ko habang nakatitig sa dalawang magkasabay na tumatawa. Napairap ako. I’m a manhater but I also hate unfaithful woman!
Hindi ko kita ang mukha ng lalaki dahil hindi ito napapatingin sa akin. Nakatalikod din ito sa akin. Ilang sandali lang ay umalis ang lalaki para mag-cr. Kinuha ko ang bag ko at nilapitan ko agad ang asawa ni Mr. McGallster. Hindi ko matitiis na may maagrabyado sila.
Pakialamera man ako sa paningin ng iba, wala silang pakialam! Ayoko ng mga gawaing mali! Kailangang itama ang dapat itama!
“Excuse me, Miss,” tawag ko sa kaniya noong nakalapit ako sa table nila.
Lumingon siya sa akin. Nakita ko ang pagngiti niya sa akin. Hindi man lang ba siya kakabahan dahil nakita ko sila?
“Ah? Bakit?” nakangiti niyang tanong sa akin.
“You’re Mrs. McGallster, right?” paninigurado ko sa kaniya. Tumango siya sa aking sinabi.
“Oo. Asawa ako ni Orion,” pagpapakilala niya kaya napabuntong hininga ako.
Then, bakit siya nandito? Alam ba ito ng asawa niya?
“Ah, ikaw ‘yung business partner niya, hindi ba?” biglang sabi niya at pansin ko na mas lalo siyang ngumiti sa akin.
Walang kangiti-ngiti sa mukha na tumango ako. “Yes. It’s me. I am Britta Matastas,” pagpapakilala ko sa kaniya.
“Oo. Kilala kita. May problema ba?” tanong niya sa akin habang nakangiti pa rin. Hindi ba siya kakabahan?
Tumalim ang tingin ko sa kaniya. “Are you having an-”
Napatigil ako sa pagsasalita noong biglang sumulpot si Mr. McGallster sa aming tabi. Pansin ko ang seryosong mukha nito ngunit ngumiti nang malawak noong nakita ang kaniyang asawa. Nanlaki ang mga mata ko dahil sa pagkakagulat. Napaatras ako dahil lumapit siya sa kaniyang asawa.
Should I leave? Baka magkaroon ng komusyon dito at madamay pa ako.
“Good evening, Ms. Bri,” biglang bati niya sa akin kaya napatango ako. Hindi ko alam kung ngingiti ba ako o ngingiwi na lang.
Tumikhim ako at pagkatapos ay tumango upang batiin siya. “Good evening, Mr. McGallster,” seryoso kong bati sa kaniya.
“I’m surprise that you’re also here,” seryoso niyang sabi kaya tumango ako.
“Yes. I’m just having dinner, and I saw your wife here,” sagot ko sa kaniya.
Should I say it? Pero away nilang mag-asawa ito kaya hindi na dapat ako maki-gatong pa sa away nila.
“Hindi ko nga inaasahan na nandito pala siya,” sabi ni Mr. McGallster. Lumingon ito sa kaniyang asawa at nakita kong napanguso ito.
“Hindi ba sinabi kong may kikitain ako?” sabi niya habang tumatawa. Hindi ba ito matatakot dahil nahuli siya?
“Hindi mo naman sinabi kung saan,” sabi ni Orion habang umiiling.
Mas lalong napalawak ang ngiti ng asawa nito. Mas lalo akong naguluhan sa ikinikilos nito. “Hindi ko man sabihin mahahanap mo pa rin ako,” saad niya.
“Where’s your brother?” tanong ni Mr. McGallster kaya naman napasinghap ako nang mahina. Napahigpit ang hawak ko sa bag ko.
Brother? So? Nagkamali ako?
“Nasa cr,” sabi niya sa asawa kaya napakagat ako sa ibaba kong labi.
“He’s your brother?” mahina kong tanong. Napatingin sa akin ang mag-asawa. Pansin ko na mas lalong lumawak ang ngiti niya. Tumango rin siya. Lumapit naman si Mr. McGallster sa asawa niya at hinalikan niya ito sa noo habang inaakbayan.
Bigla naman akong nakaramdam ng hiya dahil sa aking ikinilos kanina.
“Oo. Bakit?” masaya niyang sabi at pagkatapos ay napatawa siya. “Sweet lang kami. Super malambing kasi siya sa akin,” pagpapatuloy niyang sabi kaya ilang segundo akong natigilan.
Tumikhim ako at pagkatapos ay tumango. Seryoso akong tumingin sa kanilang dalawa. “I’m sorry. I think I need to go. Have a nice night. Goodbye,” pagpapaalam ko sa kanila bago ako naglakad palayo.
Mariin akong napabuntong hininga. Mabuti na lang at dumating si Mr. McGallster at napatigil ang pagsasalita ko kanina. Siguro ay mas lalo akong mahihiya sa asawa nito dahil sa maling akala ko.
Napayuko ako noong napansin kong makakasalubong ko ‘yung kapatid nito. Hindi ko siya tinapunan ng tingin at diretso lang ako sa paglalakad na parang walang nangyari. Noong nakalabas ako sa restaurant ay malakas akong napabuntong hininga. Hinawi ko ang buhok ko.
“f**k, muntik na akong mapahiya sa kanila,” mahinang sabi ko habang naiinis.
Mas maganda talagang hindi ako dapat maging pakialamera! Buti na lang ay napatigil ako sa pagsasalita!