Kabanata 9

1787 Words
Kabanata 9 Kalel P.O.V Marami akong pangarap sa buhay ngunit kung mananatili ako sa nakagisnan ko hindi ko ito magagawa. Ang pamilya ng girlfriend ko ang pumipigil sa akin na magawa ang mga gusto ko. Ikinukulong nila ako sa kanilang mundo. Hawak nila ang aking mga desisyon sa buhay. Ako ang nagsisilbing family lawyer nila, imbis na magkaroon ako ng growth at makapagtrabaho sa iba ay hindi ko magawa. Sinarili nila ako. Pilit pinipigilan pag nais kong makalayo sa kanila at magawa ang mga pangarap ko. Gusto kong makapunta sa Manila upang pumasok sa pinapangarap kong law firm ngunit tutol sila sa pangarap ko. Malaki ang utang na loob ko sa kanila kaya hindi ako makaalis sa kanilang poder. Sila ang tumulong sa akin at sa pamilya ko noong nalugmok kami, ngunit hindi na ako makatiis na umalis. Nais kong sundin naman ang gusto kong gawin. Ayoko nang maging sunod sunuran nila. Hindi pumayag ang girlfriend ko kaya napagdesisyunan ko na lang na hiwalayan siya. Tutal ay hindi ko naman siya minahal. Napilit lang ako sa relasyon namin dahil ito ang nais ng ama niya. Sinubukan ko naman siyang mahalin ngunit hindi nga talaga natuturuan ang puso. Ginawa ko naman ang lahat upang maging mabuting boyfriend ngunit ngayon ay hindi ko na kayang maging sunod sunuran na lang sa kanila. Hindi nagustuhan ng ama niya noong nakipag-break ako sa kaniya kaya tinanggal nila ako sa trabaho. Galit na galit na inihagis sa akin ni Mr. Gregory ang pera. Ito ang sahod ko para sa isang buwan. “Wala kang utang na loob!” malakas niyang sigaw sa akin. Napatikom na lang ang bibig ko habang pinapanood ang pagkakahulog ng perang papel sa sahig. Walang ekspresyon na yumuko ako upang pulutin ito. Ito ang perang pinaghirapan kong pagtrabahuhan. Hindi man lang niya iniabot nang maayos sa akin. “Akala mo ba ay magiging maganda ang kinabukasan mo pag wala ka sa poder ko? Babalik ka sa amin at magmamakaawa! Hindi ka magiging successful! Tandaan mo iyan, Kalel!” malakas niyang sigaw. Galit ang maririnig sa kaniyang boses. “Kahit kailan ay hindi ko gustong paikutin at kontrolin niyo ang buhay ko,” mahina kong sabi noong natapos kong kunin ang mga perang papel. Malakas na napasinghap ito habang umaayos ako sa pagkakatayo. Tiningnan ko silang mag-ama. Hindi ko sila binigyan ng kahit anong ekspresyon. Hindi na naman lingid sa kaalaman ng lahat na matapobre ang pamilya nila. “Pa! Huwag mo siyang paalisin!” pagmamakaawa ni Clarity sa kaniyang ama. Itinuro niya ako na may halong galit. “Hindi! Hayaan mo siyang umalis! Babalik din ang lalaking iyan dahil wala siyang mararating!” “Mapaghangad ka! Titingnan ko kung hanggang saan ang magagawa mo!” dagdag niya. Marami pa siyang masasakit na salitang sinabi sa akin ngunit hindi ko na siya sinagot pa. Noong hindi na rin ako nakatiis ay umalis na rin ako sa kanilang opisina. Alam kong wala ng kumpanya natatanggap sa akin sa probinsya kaya napagdesisyonan kong umalis na lang. Wala akong nagawa kundi iwan ang pamilya ko at lumuwas sa Maynila upang makapag-apply sa isang sikat na law firm. Marami akong pangarap bilang lawyer, at isa na roon ang maging magaling sa larangan na aking tinatahak. Isa rin sa pangarap ko ang maging apprentice ni Mr. Matastas at mapasama sa law firm nito. “Do you have an apartment?” tanong sa akin ni Orion. Siya ang asawa ng kapatid kong ubod ng daldal. Mabilis akong umiling habang umiinom ng mamahaling juice. “Wala pa. Naghahanap pa ako,” sagot ko noong makatapos ako sa pag-inom. “Do you want to stay with our house or condo?” tanong niya sa akin. May konting ngiti sa mukha nito. “Hindi na. Makakaabala lang ako,” pagtanggi ko sa kaniya. “Wala namang nakatira sa condo,” pamimilit niya ngunit umiling ako. “Malayo kasi ito sa gusto kong pagtrabahuhan,” sagot ko. Ipinatong ko sa lamesa ang baso. Tiningnan ko ang kapatid kong ubod ng ganda pero balahura naman ang bunganga. Nakangisi lang siya sa akin habang pinapanood niya ako. Alam ko na ang tumatakbo sa isip nito. Uulanin na naman ako ng mga biro. “I will rent a condo for you,” pagsuhestiyon ni Orion. Umiling ako sa kaniya. “Hindi na. Salamat na lang, bayaw,” sagot ko sa kaniya habang ikinakaway ang kamay. Senyales na hindi ako pumapayag. Narinig ko ang pagtawa ni Amara. Napatingin kami sa kaniya. “Ano ka ba, Sibuyas! Hindi siya papayag sa mga gusto mo. Sa sobrang taas ng pride niyan, independent din siya at hindi niya gustong tinutulungan siya,” sabi niya habang tinatapik ang braso ng asawa niya. Lumapit siya sa asawa niya at pagkatapos ay bumulong siya habang nakatingin sa akin. “Abnormal iyang si Kuya Kalel,” sabi niya ngunit narinig ko naman. Mapang-asar talaga. Sadyang ipinarinig sa akin. “Amara!” suway ko sa kaniya. Kumunot ang noo ko ngunit tinawanan niya lang ako. “Joke! Ikaw naman gigil ka agad sa kapatid mong maganda,” sabi niya habang lumalayo sa asawa niya. Napailing na lang si Orion habang pinapanood kami. “Kung ganda lang ang basehan mas maganda pa rin ako kaysa sa iyo kung naging babae ako,” mariin kong pang-aasar sa kaniya. Tinagilid niya ang ulo niya at pagkatapos ay pabiro niyang inilabas ang dila niya. “Ano naman? Akala mo ba ay maiinggit ako kung babae ka?” matalas ang bibig na sabi niya. Napailing na lang ako at pagkatapos ay napatawa kami. Lukahin talaga siya. Hindi pa rin nagbabago. Nagkaroon na ng anak at lahat ngunit ganito pa ring kumilos. Napatigil lang kami sa pag-aasaran noong pinatigil kami ng asawa niya. Tinapos muna namin ang pagkain namin ng dinner. Nagkwentuhan din kami tungkol sa magulang namin na nasa probinsya. “Sa kompanya ka na lang ni Orion,” biglang sabi ni Amara. Umiling ako sa kaniya. Hindi ko gustong magtrabaho sa kompanya ng asawa niya dahil gusto kong sundin ang pangarap ko. “Gusto ko sa field,” sabi ko sa kaniya. “Edi tumakbo ka sa palayan,” mataray niyang sabi sa akin bago siya tumawa. Napangisi na lang ako habang umiiling. Napaubo naman si Orion dahil sa kalokohan ng asawa niya. “Ibang field ang gusto ko,” sabi ko habang tinitingnan si Amara. “Edi makipagkarera ka sa mga estudyante sa oval field,” sagot niya kaya napatawa na ako. “Field of Law!” paglilinaw ko sa kaniya, napadiin ang pagkakasagot ko. “Oh, bakit ka nagagalit?” nakanguso niyang tanong sa akin kaya nagkibit balikat na lang ako. “Yung utak mo kasi nakabaliktad pa rin,” umiiling kong sabi sa kaniya. Tiningnan ko si Orion at itinuro ko si Amara. “Bayaw, bakit mo ba nagustuhan itong kapatid ko? Anong pinakain nito sa iyo?” tanong ko sa kaniya. Bakit sa kapatid ko pa siya nagkagusto? Maraming babaeng matatalino, bakit nabiktima ito ng kapatid ko? Tumawa si Amara. Napatingin ako sa kaniya. “Gusto mong malaman? Edi pu-” Tinakpan ni Orion ang bunganga nito kaya hindi niya naituloy ang sasabihin. Napataas ang kilay ko. “Sweetheart, shut up your beautiful lips. Can you?” suway sa kaniya ni Orion. Napatawa na lang ako sa kanilang paglalambingan. Matapos halikan ni Orion ang noo niya ay binitawan na siya nito. Nakangiti nang malawak na tiningnan ako ni Amara. “Pinakain ko siya ng puto na may dinuguan. Aba, na-inlove nga naman agad sa akin,” sagot niya sa akin habang humahagikhik. Kinuha ni Amara ang kamay ni Orion habang inililipat dito ang tingin. “Ikaw naman, Sibuyas ko! Masyado kang kabado! Akala mo ba sasabihin ko iyon?” Napatawa na lang ako habang napailing naman si Orion. Ilang minuto pa silang naglambingan sa harapan ko habang itinuloy ko na lang ang pag-inom ng wine. “Ano nga pa lang plano mo?” biglang tanong sa akin ni Amara. Umiling ako sa kaniya. Sinabi ko na hindi ko sasabihin sa kaniya ang plano ko kaya naghimutok siya. Muntik niya pa akong batuhin ng panyo. “Nasabi ko na kay Bayaw ang plano ko,” sabi ko habang nakangisi. Sinamaan niya ako ng tingin. “Ang daya! Sa kaniya mo sinabi? Sino bang kapatid mo! Ako hindi ba?” pagdadrama niya habang iniirapan ako. “Ako! Nakakaselos na kayo, ah! Kayo na lang lagi ang nagkakaintindihan. Paano naman ako?” dagdag na pagdadrama niya. Umiling ako habang nakangisi. “Hindi ko na sasabihin sa iyo,” natatawa kong sabi. “Madaya ka! Hindi kita palalapitin kay Afia!” mariin niyang sabi kaya napatigil ako. Napakamot ako sa batok ko. “Joke lang naman,” sabi ko habang nakangiwi. Ito pa talaga ang naisip niyang ipanakot sa akin. Syempre, titiklop ako dahil paborito ko ang anak niya. Lagi pa kami nitong naglalaro tuwing pumupunta ako sa bahay nila. Napatawa siya. “Oh, anong plano mo?” tanong niya ulit sa akin. Hindi ko sana sasabihin sa kaniya dahil baka malaman niya kung saan ang law firm na pag-aapplayan ko. Baka mamaya bigla siyang pumunta roon. Iba pa naman ang topak ng kapatid kong ito. “Binabalak kong mag-apply sa isang sikat at kilalang law firm,” sagot ko na lang sa kaniya. “Anong law firm?” nakakunot noo niyang tanong sa akin. “Matastas Law firm,” sagot ko. Wala na akong choice kundi ang sabihin ko ng tuluyan. “Oh, sana makapasok ka,” sabi niya pero alam kong labas ito sa ilong. “Iyon nga ang problema sobrang hirap makapasok sa kanila,” sabi ko kaya napapalakpak siya. “Kawawa ka naman, Kuya,” sabi niya habang tumatawa siya nang mapang-asar. Alam ko nang ganito ang ugali niya. Imbis na suportahan ako ay mang-iinis pa. “May payo ako sa iyo…kung gusto mong makapasok sa law firm niya, pag may anak siyang babae, asawahin mo. May trabaho ka na tapos may instant asawa ka pa!” suhestiyon niya sa akin kaya napailing ako. Puro kalokohan talaga ang nasa isip niya. Wala siyang maitutulong na maganda sa akin. “Ang talino mo talaga, Amara,” mariin kong sabi. Hinawi niya ang buhok niya patalikod habang ngumingisi sa akin. “Oo naman! Ikaw lang naman ‘yung medyo bowbow eh!” sabi niya at pagkatapos ay tumawa siya. Napailing na lang ako at pagkatapos ay napatawa na lang din si Orion sa sinabi ng asawa niya. Sa pag-aapply ko sa law firm ay hindi rin ako tinanggap. Sadyang mahiwaga nga talaga ang mga salita at banta ni Amara. Nangyari ang bukang bibig nito na hindi ako matatanggap sa law firm na iyon. Nanlumo ako at sinisi ko siya dahil sa pagkabigo ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD