Hindi na siya nakauwi nang gabing iyon. Ayaw na kasing pumayag ni Jace na magbiyahe pa sila lalo at umuulan pa rin. Nangako naman ito na ihahatid siya kinabukasan ng madaling araw. Sasaglit muna siya sa apartment nila ni Jona upang maligo at magbihis tapos ang binata na rin ang maghahatid sa kanya papunta sa bakeshop. Kapwa sila ngayon nakahiga sa kama ng binata. Siya wala ni anumang saplot sa katawan samantalang si Jace ay naka-boxer shorts lang. Alas kwatro pa lang ng hapon ngunit aakalain mong gabi na dahil sa dilim sa labas. Hanggang ng mga oras kasing iyon ay umuulan pa rin. Medyo mahina na naman ang patak pero ang kalangitan, tila hindi pa tapos sa pag-iyak. Parang anumang oras ay babagsak ulit. "Ayoko nga!" angil niya sa binata ng sabihin nitong ima-massage daw siya.

