Naging mas bukal si Dave sa pagpapahayag nito ng nararamdaman sa kanya. Naging madalas ang pagdadala nito ng pagkain sa tuwing kakain siya ng pananghalian. Hindi naman niya ito mapigilan dahil idinadaan nito sa mga katrabaho niya ang lahat. Ang dami nitong mga paandar na kahit siya ay nabibigla na lamang. At katulad ngayong araw, dahil birthday niya hindi siya pinapasok sa trabaho bilang regalo sa kanya ng amo nila. Binigyan din siya ng dalawang libo ni Ma'am Susan, pandagdag daw sa pampa-rebond niya. Tuwang-tuwa siya dahil kunti na lang ang idadagdag niya roon.
Sobrang saya na niya sa natanggap na ayuda pero may naghihintay palang sorpresa sa kanya ng araw na iyon. Nagpadala si Dave ng isang bouquet ng bulaklak. Roses lahat pero pinaghalong pula at pink lamang ang naroon. Sobrang ganda na hindi maalis ang ngiti sa kanyang mga labi. May kasama rin iyong decorated jar na ang laman ay iba't ibang chocolates na ang iba ay hindi pa niya natitikman pero sigurado siya na mamahalin ang mga iyon kasi iyon ang mga nakikita niya sa patalastas sa telebisyon.
Hindi niya inaasahan ang regalong galing dito but nonetheless, she was thankful and happy. Wala lang ito ng mga oras na iyon dahil kasalukuyan itong nasa Cavite para sa ojt nito pero hindi nito nakalimutan na batiin siya.
Agad siyang nagtipa ng mensahe para dito.
"Maraming salamat sa regalo, Mr. Sanchez!" Saka niya iyon ipinadala. Alam niyang naiinis ito kapag tinatawag niya ito nang ganoon pero it's her time to get revenge.
Hindi na niya hinintay ang reply nito dahil alam niyang abala ito ng mga oras na iyon. Ang kanina pa niyang hinihintay ay ang chat ni Jace na kaninang umaga pa hindi nagpaparamdam sa kanya. Ilang beses na rin siyang nag-chat dito ngunit wala man lang siyang natanggap na reply. Kahit seen nga ay hindi nito magawa. Kaya kanina pa siya malungkot, eh. Subalit hindi niya hinayaan na maapektuhan ang sayang nadarama ng araw na iyon. Baka busy lang din ito o kaya walang signal kaya ganoon. Baka nag-iisip na naman siya ng mga negatibong bagay nang hindi pa niya nalalaman ang side nito.
Pilit niyang kinalikmutan ang mga naiisip na negatibong bagay. Maya-maya ay nagpasya siyang maligo na para puntahan ang kakilala ni Jona na sa isang salon kung san siya magpapa-rebond. Nang araw ding iyon, sinunod niya ang sinabi ni Jona sa kanya. Isinuot niya ang regalo nito sa kanya na isang maong skirt na hanggang gitna ng hita niya lang ang haba. Ang pang-itaas ay blouse na kulay light pink ay ipinaloob niya ang dulo sa suot niyang maong na palda. Naglagay din siya ng manipis na lipstick saka hinayaan niya na kang na nakalugay ang kulot-kulot niyang buhok. Rubber shoes na lang na puti ang isinuot niya sa kanyang paa. Nang masigurong maayos na ang kanyang itsura, dinampot niya ang kanyang sling bag pagkatapos ay nagpasya na siyang umalis.
Una niyang pinuntahan ang salon na sinabi ni Jona. Ilang oras din kasi ang gugugulin niya roon bago matapos sa kanyang buhok.
Katulad nga ng sinabi niya, ilang oras ang inabot niya sa salon. Kung hindi siya nagkakamali, inabot siguro siya ng anim na oras doon kaya nang matapos ay sa isang kainan siya nagtuloy dahil sa sobrang gutom niya. Pero in fairness, satisfied siya sa rebond na ginawa sa kanya.
"Bakla, ang ganda mo!" sambit ng baklang nag-ayos sa kanya. "Kung nakatangkad ka pa, pwedeng-pwede ka sa mga beauty pageant! Beauty queen material ang beauty!"
Nginitian niya ito, "Sinabi mo pa! Kung pasado lang sana sa height, malamang, nasa Binibining Pilipinas na ako! Kaya lang, kinulang tayo sa height eh!"
Sa totoo lang, kung nakatangkad sana siya, bet niya ang sumali sa mga beauty pageants noon pa man.
"Hayaan mo na, baks. Atleast, bumawi naman tayo sa ganda 'di ba?" Kahit paano ay nakagaanan niya ng loob ang mga naroon kaya nagawa na rin niyang magbiro.
"Sinabi mo pa!" anito na halata ang katuwaan sa kanya. "Nasaan na pala si Jona? Bakit hindi mo kasama?"
"Hindi kasi kami pwedeng sabay na mawala sa bakeshop, eh." Sayang nga. Mas masaya siguro siya kung kasama niya ang kaibigan na lumabas pero naiintindihan naman niya niya. Work is work. At sa katulad nila ni Jona na siyang inaasahang tutulong sa pamilya, mahalaga ang trabaho sa kanila at sinisigurado nilang maayos ang kanilang trabaho.
"Pakikumusta na lang kami sa baklang 'yon ah! Sabihin mo, dumaan dito at tama na kamo ang pakikipagdutdutan niya kay Drew! Aba'y walang oras sa amin ang babaeng 'yon!" Litanya ni Mama Lara na Larry ang tunay na pangalan.
Bago siya tuluyang lumabas ng salon ay nakipagkwentuhan muna sa mga bakla. Ewan ba niya, pero enjoy siyang kasama at kausap ang mga ito. Masasayang kasing kasama. At batid niyang katulad din niya ang mga ito, nagtratrabaho para sa pamilya.
Habang naglalakad sa gilid ng kalsada, hindi siya mapakali dahil sa pakiramdam na parang may nakatingin sa kanya pero sa tuwing lilingon siya ay wala naman siyang napapansin na kakaiba. Paranoid lang siguro siya dahil sa kapapanood suspense-thriller na pelikula. Ewan ba niya pero favorite niya ang mga ganoong genre pati na rin ang horror, 'yong tipong gugulatin ka at tatakutin. Balak pa naman niyang manood ng sine ngayong araw pero parang nagdadalawang isip na siya.
Agad siyang sumakay ng jeep papuntang Market Market upang doon kumain. Kahit man lang paminsan ay mapagbigyan niya ang sarili na kumain sa paborito niyang fast food. Noong bata pa siya, palagi niyang wini-wish na sana makapasok siya sa sikat na kainang iyon kung saan isang bubuyog ang nasa logo nito. Sana nga lang ay kasama niya ang kanyang mga kapatid ngayon. Sabagay, dalawang libo lang naman ang siningil ng mga bakla sa kanya kaya ang ibinigay ni Ma'am Susan sa kanya ang ipinambayad niya. Ang naipon niyang tatlong libo, pwede niyang ipadala ang dalawang libo para makabili ang mga kapatid niya ng mga pagkaing gusto ng mga ito. Tutal kapapadala pa lang din naman niya noong isang araw sa kanyang nanay kaya alam niyang may panggastos pa ang mga ito. Para naman sa kanya ang natitirang isang libo. Pangkain niya rin ngayong araw, treat niya sa sarili kumbaga.
Um-order siya ng dalawang chicken saka dalawang extra rice pati na rin ng spaghetti. Large drink na rin ang in-order niya. Pagkatapos ay naghanap na lang siya ng kanyang mauupuan. Mabuti na lang at may nakita siya sa bandang sulok kung saan hindi gaanong kita ng mga dumaraang tao.
Nangingiti siyang umupo. Masaya lang siya ngayong araw. Oo, mag-isa lang siya ngayong kaarawan niya pero masaya siya. Me time kumbaga. Panay pa ang haplos niya sa kanyang buhok, naninibago kasi siya. Magaan kasi sa ulo saka pakiramdam niya, mas lalo siyang gumanda. Ngunit ewan ba niya pero naroon na naman ang pakiramdam niyang tila ba may nagmamasid sa kanya. Hindi naman siya mayaman para pagkaperahan ng iba!
Luminga-linga siya sa pag-aakalang may makikita siyang kahina-hinala ang mga kilos. Napa-irap na lang siya ng makitang may ilang magkapareha na katulad niya ay kumakain samantalang ang iba ay naglalakad na animo nasa buwan.
"Thank you," aniya ng ilapag ang kanyang order. Agad na nanubig ang kanyang bagang dahil sa pagkaing nasa kanyang harapan. Amoy pa lang ng pritong manok, natatakam na siya. Sa huli, wala n siyang pakialam sa kanyang paligid dahil ang buong atensyon niya ay nasa kanyang pagkain na. Grabe naman kasi ang sarap! Isa sa mga wish niya noong bata pa siya ang makapasok at makakain sa ganitong lugar subalit dahil sa kakulangan sa pinansyal na aspeto, nakakatikon lang siya ng ganoong pagkain kapag may nagbigay sa kanila ngunit ang sabihin mong nakapasok sila sa kainang iyon, hindi niya kailan man naranasan. Not until now. Kaya trabaho siya nang trabaho para ang mga kapatid naman niya ni minsan ay hindi pa nakakain doon. Kahit paano noong nagtatrabaho na siya, nakailang beses na siyang nakapasok sa naturang fast food. A simple treat of working hard.
Nagsimula siyang kumain gamit ang kutsara't tinidor noong una nakakutsara at tinidor pa siya pero noong pahuli na, kinamay na niya ang manok gamit ang isang kamay. Bakit ba? Para kasing mas masarap kumain kapag nakakamay.
Sarap na sarap siya sa kanyang pagkain nang biglang may yumakap mula sa kanyang likod. Kasaby noon ay nakita niya ang pagpatong ng isang kamay ng bungkos bulaklak na may kasamang maliit na kahita sa may ribbon noon.
Natakot siya, kinabahan. Ito ba ang nararamdaman niyang nakatingin sa kanya kanina? Bakit? Ano bang mapapala nito sa kanya?
"Happy birthday, love."
Kumalat ang kilabot sa buo niyang katawan ng marinig ang pamilyar na tinig na iyon. Dinadaya ba siya ng kanyang pandinig? Kung ano-ano na kasi ang naririnig niya? Imposible namang boses ni Jace ang kanyang narinig 'di ba?
Dahan-dahan siyang lumingon upang sinuhin ang yumakap sa kanya.
"J-jace?" nauutal pa niyang sambit, awang ang mga labi at hindi makapaniwalang kaharap ang binatang ilang buwan din niyang kaulayaw sa cellphone.