“Good morning ma’am!” bati sa kanya ng security guard na nakatalaga sa lobby ng building ng opisina nila ng umagang iyon. Gumanti lang siya ng tango. Para sa kanya walang maganda ng umagang iyon. Kulang siya sa tulog at hindi pa siya nakakapag-umagahan man lang. Hindi pa naman siya sanay na nalilipasan ng gutom.
Matapos makapag-time in ay agad siyang dumiritso sa pantry para magkape. She still have thirty minutes to do that before their boss showed up.
“Good morning gorgeous!” bati sa kanya ni Angelina ng makasalubong niya ito. “Ano ba iyan, ang aga-aga nakabusangot ka? Smile darling,smile!” dagdag nito ng hindi niya ito binati pabalik
.
“Agang-aga rin, tigilan mo ako Angge. Mamaya na kapag nagkalaman na ang tiyan ko” hindi lumilingong diritso siyang naglakad. Sumunod na rin ito.
“Ahah! Kaya pala mukhang biyarnes-santo iyang mukha mo.”
“Teka nga, bakit ka ba nandito?” tanong niya habang ine-enjoy ang kapeng bagong timpla. Halatang galing na ng pantry ang kaibigan dahil may bitibit na itong umuusok na baso ng kape. Hindi tulad niya, early bird si Angelina. Madalas na naaabutan niya itong tulog sa couch ng tanggapan ng opisina nila kapag tinupak siya at maagang pumasok. Nang minsang tanungin niya kung bakit ay dahil daw ayaw nitong maipit sa traffic, ma-late at mag-mukhang haggard kahit umaga palang.
“Ahm, kasi dito ako nagtatrabaho?” inosenteng sagot nito. Nang tignan niya ito ng masama ay humagikhik lang ang bruha. “Ang totoo niyan, sinusundo kita.”
Napataas ang kilay niya. Bago iyon. Anong nakain nito at sinipag maglakad?
“Sekretong malupit tsong. Makikita mo rin naman. Kaya bilisan mo na riyan.” nakangising sabi nito. Naiiling na tumayo na rin siya. Sa office na lang niya ipagpapatuloy ang pag-inom niyon. Tutal naman ay any minute by now ay darating na rin ang boss nila.
Pagbukas niya ng pintuan ay isang pulutong ng mga nakangising madla ang bumungad sa kanya.
Then it hit her. Oo nga pala. Isang linggo na siyang nakakatanggap ng bulaklak mula sa isang hindi pa nagpapa-kilalang lalaki. Wala rin naman siyang balak alamin pa kung sino iyon. Mananawa rin siguro kung sino man ang taong nagpapadala sa kanya ng mga bulaklak kapag naghirap na kung sino man ito. Aba, hindi biro ang halaga ng mga ganoong flower arrangement. Kung may bibili nga lang sana ng mga iyon ibininta na niya para kahit paano nagkapera pa siya.
Napapailing na naglakad siya papunta sa table na nakalaan para sa kanya. Hindi pa rin ba sanay ang mga ito sa halos isang linggong iyon. E lahat ng lamesa ng mga ito e nagmukha ng flower shop. Noong unang araw kasi na makatanggap siya ng bulakalak ay binalak niyang itapon kung hindi lang siya pinigilan ng mga kasama. Nang ibigay niya ang bouquet sa mga ito,ayon pinag-agawan.
Pagdating sa sariling cubicle ay nagulat pa siya ng wala siyang makitang bulaklak katulad ng nakasanayan niya sa loob ng isang linggo. Napakunot ang noo niya. Eh bakit ganoon makangiti ang mga kasama niya.
“Aww. You look upset,my friend. Nag-eexpect ka ba ng isang magarbo na namang bouquet riyan” sabay nguso nito sa ibabaw ng mesa niya.
Napaismid siya. Hinding-hindi niya aaminin sa alaskadorang kaibigan na nalungkot siya ng bahagya. Bahagya lang naman. Nasanay na rin kasi siyang nakakakita ng bulaklak roon tuwing umaga.
”I’m not. Baka naghirap na. Mabuti para sa kanya. Wala rin naman siyang mahihita kahit isang buong flower shop pa ang ipadala niya rito” nakairap na turan niya sa kaibigan bago walang anuman na inilapag ang bag at umupo sa sariling upuan.
“ What if I build a flower farm for you, still not gonna appreciate my effort huh?”
Napatayo si Nice sa sariling upuan ng marinig ang baritonong boses na iyon. At parang iisa ang isip na nagsipag-hagikhik-an at impit na napatili ang mga tao sa paligid nila. Nahawi sa gitna ang mga ito at lumabas roon ang isang taong hindi niya inakala na makikita pa niya- si Weeyam.
Walking towards her, with that oh-gorgeous smile he always wear. Nice unknowingly held her breath as she stared back at him. The man in front of her is dashingly handsome in his simple white signature shirt, pants and a pair of white shoes. When she look up at him, sinalubong na isang nakangiting at nangingislap ng mga mata ang kanyang paningin. Ngayon na malaya niyang pinaglalandas ang mata sa mukha nito, natanong niya sa sarili, bakit nga ba mayroong tao sa mundo na nabiyayaan ng ganito kagandang itsura. Ilang balding luha naman kaya ang nakolekta nito sa libo-libong babaeng iniwan at pinaiyak nito. With that kind of face, she is positively sure na hindi ito nawawalan ng girlfriend. Kaya nagtataka siya kung bakit narito ito ngayon at siguradong naglalaro na sa utak nito kung paano siya iinisin. Dahil sa naisip ay biglang tumalim ang tingin na ibinibigay niya rito.
“What are you doing here? Paano ka nakapasok? Hindi ba nila alam na may saltik ka sa utak?” tuloy-tuloy na tanong niya. Talagang nakakapagtaka kung paano nakapasok roon ang lalaki, bukod sa mahigpit ang security nila ay mahigpit din na ipinagbawal ng boss nila ang mga outsider roon. Ang sinumang hindi sumunod ay kailangang magbayad ng kaukulang halaga bukod pa sa terminission sa trabaho ng gumawa.
“Good morning too beautiful” Weeyam said before he slightly chuckled.
“ Don’t call me names, I have my own!” pasikmat na sabi niya rito. Ngayong naibalik na niya ang compose sa sarili ay muli siyang umupo sa swivel chair at nagsimula nang magtrabaho.
Akala niya ay aalis na ang lalaki pero siguro natural na rito ang pagiging makapal ang mukha kaya parang ito ang boss na bigla na lang umupo sa upuan na nasa harap ng table niya.
“I miss you. Hindi mo sinasagot ang mga text at tawag ko. Nakakatampo ka na ha.”
Agad na pinukol niya ng masamang tingin ang mga katabi dahil muli na namang naghagikhikan ang mga ito kasabay ang mga katagang “oy” at “aww”. Naiinis na ibinaling niya ang tingin sa binata.
Muntik na niyang makalimutan ang sasabihin ng makasalubong niya ang nakangiting mga mata nito. This man really have a pair of beautiful eyes, parang may magnet roon na humihila sa kanya na huwag ialis ang mga mata rito, na muntik na niyang ginawa kung hindi lang niya narinig ang paulit-ulit na kalimbang ng utak niya para paalalahanan siya na lalaki ang nasa harap niya. Ipinilig niya ang ulo, oo nga pala, wala nga pala siyang pakialam sa mga lalaki.
“Anong kailangan mo?” seryoso na niyang tanong rito. Hindi na niya pinansin ang sinabi nito tungkol sa tawag at text na natatanggap niya sa loob ng halos isang linggo.
Pero parang walang epekto rito ang malamig niyang pagtrato. Tinawanan lang siya ng bruho. “Date with me.”
“Again?” parang nabingi siya sa sinabi nito.
“I said, I want to date you. Today, perhaps. Kung di ka busy”, napapakamot sa ulong paliwanag nito. Sandali siyang natigilan, bakit parang ang cute nito sa paningin niya.
Tumikhim siya “Sinong matinong lalaki ang nag-aaya ng date, lunes na lunes ng ganito kaaga?” sarkastikong sabi niya. Pilit na binabaliwala ang munting kasiyahan na nararamdaman ng puso niya.
Tila mapupunit na ang labi ng kaharap sa laki ng pagkaka-ngiti nito. Napaisip siya, hindi ba sumasakit ng panga nito dahil simula ng makilala niya ito wala na itong ginawa kundi ang ngumiti. At bakit parang nagugustuhan niya iyon.
Nakahinga siya ng maluwag ng tumayo na ang makulit na binata. “Okay, susunduin na lang kita mamayang hapon para sa first dinner date natin . Have a good day ahead,beautiful!” and he left without looking back at her.
Nice still stuck on her swivel chair, dumbfounded. Asking herself if she agreed to have a date with him.
Pagod na isinandal ni Nice ang likod sa kinauupuan matapos maibaba ang telepono. Lunes na lunes ang daming problema. Account Executive siya sa isang car dealer company. Sa loob ng limang taon niyang pagtatrabaho roon ay ngayon lang nagkasunod-sunod ang problema sa aircon system ng mga SUV unit nila.
Simula kaninang umaga ng umupo siya sa lamesang iyon pagkatapos magkape ay hindi na tumigil sa pagpapalitan ng pagri-ring ang telepono at cellphone niya. Ilang beses na rin nilang nai-report sa kinauukulan ang problema nila sa mga backjob units pero wala rin namang nangyayari. Ang alam nila ay matalik na magkaibigan ang amo nila at ang amo ng nag-iinstall ng mga aircon sa unit nila kaya kahit nasisira na sila sa ibang client ay hindi pa rin ito gumagawa ng paraan para magpalit ng installers.
“Argh!” isinubsob niya ang mukha sa mesa habang hawak ang buhok.
“Anyari!”
Nilingon niya ang nagsalita pero hindi pa rin iniaangat ang mukha sa mesa. Ang katapat na si Cherry na isa ring account executive ang kanyang nabungaran. Nakatingin ito sa kanya mula sa kinauupuan. “May apat akong backjob.”
“Lima ang sa akin, iyong isa sa sobrang galit nagmura na.”
“Anong ginawa mo?”
“Ayon walang hanggang “pasensiya na po sir.”
“Ano pa nga ba?” Napabuntong-hininga siya.
“Hay buhay! O siya, maya na ang chika, tatawagan ko pa si Clarrise” tukoy niya sa contact person niya sa kabilang kompanya. Ito kasi ang nag-aasikaso ng mga unit for pull-out sa kanila para dalhin sa shop ng mga ito for repair or for installation.
Pagkatapos makipag-usap kay Clarrise at maiayos ang schedule ng mga backjob ay muli niyang hinarap ang mga paperworks na nangangailangan rin ng kanyang pansin.
Masyadong subsub sa ginagawa si Nice kaya napapitlag siya ng kalabitin siya ni Cherry.
“Hindi ka pa ba uuwi? Quarter to six na?” nagreretouch nang make up na sabi nito.
Baka pa niya masagot ay tumunog na ang telepono sa tabi niya. Kanina pa tapos ang office hours kaya sigurado siyang isa sa mga kaibigan ang tumatawag mula sa ibang department.
At hindi nga siya nagkamali dahil boses ni Angelina ang bumungad sa kanya at sinabing nasa lobby na ang mga ito at hinihintay siya. Matapos na maibaba ang aparato ay binalingan niya si Cherry. “Sabay na tayong bumaba” nang tumango ito ay madalian niyang inimis ang lamesa bago inayos ang sarili. Sandali lang naman niya iyong ginawa dahil nag-pulbos lang siya at nagpahid ng lipgloss sa labi.
Nang makarating sa lobby ay agad ring nagpaalam si Cherry sa kanila.
“Hindi ko napansin na uwian na pala,he-he” inunahan na niya ang mga ito bago pa siya paulanan ng sangkatutak ng reklamo, na madalas mangyari.
“Asus, wala ng bago. Pagdating sa kasipagan ikaw ang nangunguna sa listahan.” nakangising sabi ni Ange.
“Kung ganoon ilakad mo nga ako kay Manager. Kailangan ko na ng promotion. Mataas na ang bilihin, kailangan ko na rin na mas malaking sahod.”
“Ayaw ko nga” nakangusong umirap ito sa kanya. Mahigit tatlong taon na itong nagtatrabaho bilang secreatary ng sales manager nila.
“Grabi ka. Kung hindi dahil sa akin hindi kayo magiging close ni Sir Ryan.”
“Che! Hindi kami close. Paano kami magiging close kung daig pa niyon ang may buwanang dalaw araw-araw.”
Nagtawanan sila. “Teka, asan pala sina Rica at Joanna?” tanong niya ng mapansing wala ang dalawa.
“Napilitang mag-overtime. Pinapatapos iyong inventory nila sa warehouse ngayong araw” sagot ni Hanna. Assistant naman ito sa HR department nila.
Napatigil sila sa pagkukulitan ng may humintong sasakyan sa mismong harapan nila. Kanya-kanya igkasan ang mga kilay niya ng makitang si Weeyam ang lumabas mula sa driver side niyon.
Ano na namang ginagawa ng unggoy na iyan dito?
Nanlaki ang mata niya ng maaalala ang sinabi nito kaninang umaga. Oh my God!Oh my God! Totoo iyong date na sinasabi niya?
Nag-iisip na siyang tumakas ng mapadako ang tingin niya sa dala nitong bulaklak. Kung hindi siya nagkakamali, parehong-pareho iyon ng mga bulaklak na natatanggap niya nitong mga nakaraang araw. Nangunot ang noo niya, wag nitong sasabihin na ito anonymous sender ng mga bouquet na iyon.
Napaigtad siya ng makaramdam ng pinong kurot sa tagiliran. Nang lingunin niya ang salarin ay sumalubong sa kanya ang nakangising mukha ng mga kaibigan.
“Bigla kong naalala may date nga pala kami ni Julian my loves ngayon. Mauuna na ako sa inyo” ani Angelina. Kumindat pa ito bago tumalikod.
“Naku, ako rin aalis na. Nangako ako sa anak kong maaga akong uuwi ngayong araw” si Janessa.
“Oh, ikaw wag mong sasabihin na mago-grocery kayo ng ate mo?” nakataas ang kilay na lingon niya kay Hanna.
“Hindi kami mamimili ngayon, marami pa kaming stock. Maglalaba kami.”
Bago pa siya makapag-react ay nawala na rin sa tabi niya si Hanna. Ang mga walanghiya, ipinagkanulo siya, malalagot ang mga iyon sa kanya bukas.