Kabanata 18

1237 Words
Ilang saglit pa’y tumabi na kay Guido ang dalagitang mananayaw at nagpakilala. Tinanong iyung lalaki kung may ka-table na ba siya. Nung bahagyang umiling ang lalaki ay kaagad umupo ang katatapos lamang sumayaw na dancer sa katabing upuan ng bago niyang customer. Nangingintab ang makinis na balat ng dalagita dahil sa pawis at sangkaterbang glitters na parang paminta na binudbod sa kung saan-saang lantad na bahagi ng murang katawan nito. Sa may hindi kalayuan na cashier’s counter, natanaw ng dalagita ang kaniyang floor manager. Binaling ng babae ang kaniyang tingin sa katabing lalaki. Nagpakilala siya ulit dito. Ngunit mas malambing ang tinig. “Hi, ako si Cassandra. Sandy, for short.” Bagaman iba ang nararamdaman ng dalagita sa kaniyang bagong-kakilala, tinanong pa rin niya si Guido kung mayroon siyang panyo; dahil nga naliligo na sa pawis ang nakabulwag niyang dibdib at kabubukas pa lamang kasi ng aircon. At kung nanaisin ng lalaki ay mag-oorder na rin sana siya ng isang lady’s drink. Hindi kaagad sumagot si Guido. Saglit na napatitig sa mga mata ng babae at may biglang naalaala. Ngunit tulad ng maraming bagay ngayon sa buhay niya, binalewala na lamang niya kung ano mang kutob ang mayroon siya ngayon. Dinukot muna niya iyung cellphone sa pantalon at inilabas. Agad niyang pinindot ang off button nito. Pagkatapos ay binalik na muli sa nakangangang bulsa ng pantalon. Biglang nagbago ang awra ng lalaki. Ngayo’y nakangiti nang kinausap ang katabing anghel na naliligo sa walang-humpay na pagbuhos ng patay-sinding mga ilaw at kumukulog na musika sa loob ng isang kurbada ng langit na pawid lamang ang bubungan. Ilang saglit pa’y may ibinulong si Guido sa babae. Sa naglalarong dilim at liwanag ng beerhouse, inilabas ni Cassandra ang isang disposable lighter at ang kaha ng kaniyang sigarilyo. Iniabot sa lalaki ang kaha ng sigarilyo. Agad naman itong kinuha ni Guido, inilabas ang mga istik sa loob nito at inilapag sa mesa. Pinilas niya iyung palara ng kaha ng sigarilyo. Tinanong ni Guido si Sandy kung saan nila maaaring gawin ang isang bagay. Ang isang natatanging bagay na natutuhan pa lalo sa matagal na pamamalagi niya sa loob ng bilibid. Isang bisyo na, tulad ng malaon nang poot na nakabaon sa pinakaugat at litid ng kaniyang puso’t isipan, ay hindi na niya marahil makakayanan pang bitiwan. Sa loob-loob ng asawa ni Miling, “Masisisi niyo ba ako kung bakit nagkaganito ang buhay ko?” Inulit muli ni Guido ang tanong kay Cassandra. Labas-pangil na napahagikhik iyung dancer. “Saan pa? E di dun tayo sa CR.” * Diktador na kung sa diktador ang ama ni Miling, na nakatatandang kapatid ng kaniyang Tiya Maring. Si Papang. Ngunit hindi naman iyun talaga ang malaon nang pinag-aawayan ng mag-asawa. Dalawampung pa lamang taon si Miling nang idineklara ng dalaga na nabuntis siya ni Guido. Kagra-graduate pa lamang ni Miling noon sa Bachelor in Public Administration sa Universidad de Kulyaw at kukuha ng civil service exam upang maipasok ng kaniyang Papang sa Kulyaw City Hall. Dating kasing pulis ang ama niya at nang magretiro ay kinuha ng isang konsehal upang gawing bodyguard. Noong mga panahong iyon, iisa lamang ang tumatakbo sa isipan ng Papang ni Miling. Kasi naman nang mabuntis ang kaniyang bugtong na anak na babae ng isang kaklaseng lalaki na kilalang tambay sa kanilang lugar sa Tagamingwit, na ni minsan ay hindi niya nasilayan ang anino nitong umakyat man lamang ng ligaw o kaya’y simpleng ihatid man lamang iyung dalaga sa kanilang tahanan sa Calle Yakal sa Kulyaw, itinaga ng isang ama sa matigas na batong moog ng tadhana na walang magaganap na pag-iisang dibdib sa kaniyang pamilya habang siya’y hindi pa nalalagutan ng hininga. Wala. Sa madaling salita, itinago ni Papang at Mamang si Miling sa Kulyaw habang ito’y nagdadalang-tao. Wika nga, kaysa bigyan nila ng pagkakataong itanan ni Guido ang kasintahan ay sila na ang nagtanan sa kanilang sariling anak upang malayo dito. Nakatatawa kung babalik-balikan ngayon iyung buong pangyayari, ngunit hinding-hindi noong mga panahong iyun. Ito pa. Mahigit walong buwan na ang nasa sinapupunan ng babae nang sa kasamaang-palad ay diumanong malaglag iyung bata. Ang tungkol dito’y wala na talagang maalaala pa si Miling dahil lubhang napakabilis ng mga pangyayari noon. Isang gabi kasing langong-lango sa Empy si Guido’y bigla na lamang sumugod ito sa Kulyaw at pinagtatadyakan iyung pinto ng bahay nina Miling. Pauwi pa lamang si Papang noon. Sa madaling salita, nagpang-abot na nga iyung siga ng Calle Yakal at iyung adik ng Tagamingwit. Kahit may mga dala-dala (baril ang kay Papang at balisong naman ang kay Guido) ay pinili ng dalawang magmano-mano na lamang. Matira ang matibay. Sa huli ay lumuwas ang matandang maton sa Laguna na may malaking bukol sa noo. Higit na kamalasan naman ang inabot ng adik na nakatunggali, sapagkat pinatokhang siya nito’t tinamnan pa ng shabu ng barangay captain ni Guido sa Tagamingwit. Na kumpareng buo naman ng dakilang maybahay ni Papang. Kaya naman nang makarating kay Miling ang balita, agad naghilab ang kaniyang tiyan. Nagmamadaling isinugod sa ospital ang buntis. Kaagad pinasaksakan ng ama ng pampatulog upang huminahon ang t***k ng puso ng bugtong na anak. At upang hindi makaapekto sa kaniyang napaagang panganganak. Nang muling magkamalay si Miling ay nasa malambot na higaan na siya ng kaniyang silid sa Calle Yakal, Calamianan, Palawan. Ikinuwento na lamang ng magulang niya na diumano’y wala nang buhay nang inilabas ng mga doctor ang sanggol sa kaniyang sinapupunan. Sa labis na awa niya sa sarili at sa labis na galit niya sa kaniyang Papang ay nagpasya siyang sumama na nang tuluyan kay Guido noong oras na iyon. Sa pangalawang pagkakabuntis niya’y doon na nabuo ang diumanong anak nilang dalawa ni Guido. Si Arvin Mabugal. Sa simula’y itinuring ni Miling na ang kaniyang naging nakalilitong pagpapasya noong mga panahong iyon bilang ang pinakamalaking pagkakamali niya sa buhay. Subalit noong huli’y tinanggap na rin niya ito alang-alang sa kaniyang anak – at sa kaniyang tunay na minamahal sa buhay. Habang nakaupo si Miling sa biyaheng pa-Kulyaw na tricycle ay napapailing na lamang ito kapag sumasagi sa isipan niya ang napakamaraming kabanata sa kaniyang tila nagbuhol-buhol na nakaraan. Ngunit gaano man kadilim ang gabing pinagsadlakan ng iniping buwan, hindi maaaring hindi ito sunduin ng isang mapagpasensyang umaga na ang hatid ay ang muling pag-alimbukad ng liwanag. Sa madaling salita, hindi lamang ang pagtakas at paglikas nilang mag-ina ang pakay ni Miling sa kaniyang paglalakbay ngayon. Biglang nanginig iyung cellphone ni Miling. Tumatawag muli ang isang tao na kaniya nang nakumustang muli pagkatapos ng mahabang panahong walang anumang paalam man lamang, bago pa man siya nakalabas ng apartment kanina. Hindi ito si Guido. Kundi ang isang nauna pa niyang manliligaw bago pa siya pinagsamantalahan ng isang halimaw na nakaraan. Isang halimaw na ngayo’y nagpapakilalang asawa niya sa harapan ng ibang tao. Nakatitiyak siya na hindi si guido ang tumatawag sa kaniya. Ito’y si Jessie. Isang kababayan sa Calamianan at naging masidhing manunuyo rin niya bago pa niya nakilala si Guido. Excited si Miling nang kaniyang sagutin iyung tawag. Hello, Jess? Oo, nakasakay na ako. Baka bago mag-seven o eight ay nandiyan na ako. Mabilis ang biyahe. Oo, Jess. Salamat nga pala ulit, ha, kasi ikaw ang unang nagpasabi kay Tiya Maring. Ha? Oo, ako lang at si Arvin, iyung baby ko... iyung baby… Oo, oo. Ingat ka rin. Sandali nga pala, Jess! May mahalaga akong sasabihin sa iyo, pero hindi p’wede sa cellphone. Mamaya na lang. Sige.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD