Kabanata 17

1786 Words
“Father…” ang bungad ni Arvin sa pari. Tumingin din siya sa kaniyang nakatatandang pinsan na si Ramon bilang senyas na nasa mabuting kalagayan siya. “Anak,” ang sagot ni Padre Aquino, “pasalamat sa Diyos at mabuti na ang kalagayan mo. Hindi na kita nahintay pang magkamalay at hindi na natin nagawa pang mag-usap tungkol sa nangyari kagabi. Basta ang mahalaga’y buhay ka…” Biglang sumabat si Ramon sa usapan ng dalawa, “Ibig sabihin, Father, nandoon din po kayo kagabi sa Ugong Bato at nasaksihan ninyo ang lahat?” Si Padre Aquino naman ang bahagyang nalito, “Naroroon ka rin ba, Ramon?” “Opo, Father, nasa quarry station po ako ng Haguhit nung nakita kong may katunggali si Arvin sa zipline. Inilawan ko nga po ng headlight ng aking motorsiklo iyung aswang upang masilaw pero…” Biglang inilapat ng pari ang palad sa bibig ni Ramon at saka nagmuwestra sa dalawa na huwag munang umimik dahil may ilang mga tao sa likuran nila na naghahanda nang lumabas sa pagkakasilong dahil tumigil na ang ulan. Nang makita ng pari na nagsialisan na ang mga taong malapit sa kanilang kinatatayuan sa silong ay muli nito pinulong iyung magpinsan. “Teka, naguguluhan ako, Manong Ramon, Father,” ang umpisa ni Arvin. “Aswang? Totoo bang may aswang? Oo, may nakalaban ako kagabi na ‘di ko alam kung ano at saan galing, pero aswang… bakit naman ako ang kukursunadahin ng aswang? Parang ang gulo…” Nagsabwatan ng tingin si Padre Aquino at Ramon. Tila may nalalamang lihim iyung dalawa na nais na nilang isiwalat kay Arvin, iyung nga lamang ay nangangamba silang baka mabigla ang adbenturosong lalaki. Napatingin sa malayong bulubundukin ng Banaghaw at San Kristobal ang kura paroko ng simbahan ng Tagamingwit at saka nagsalita. “Arvin, may mga bagay na sadyang inilihim ng iyong mga magulang sa iyo, sapagkat natatakot sila na darating ang araw na kapag nalaman mo na ang lihim nila’y baka…” “Baka po ano, Father?” ang mabilis na tanong ni Arvin. “Baka tuluyan mo na silang talikuran at itakwil bilang iyong mga magulang.” Bakas ni Arvin sa pagmumukha ng pari at sa tono ng kaniyang pananalita ang pagkaseryoso. Hindi makaimik si Arvin. Bahagyang naasiwa si Ramon sa pananahimik ng nakababatang pinsan kaya binasag nito ang namamayaning katahimikan. “Pinsan, Father,” ang mahinahong paliwanag ni Ramon sa dalawa, “sa palagay ko’y may tamang panahon para pag-usapan natin ang bagay na ito. Sa kasalukuyan ay may hinaharap tayong malaking problema. Father,” tinitigan ni Ramon si Padre Aquino, “si Damian.” Tumango ang pari kay Ramon at pagkatapos ay nilingon ang nakayukong si Arvin. “Oo nga. Sige. Arvin, anak, mayroon tayong mahalagang misyon sa ngayon. Subalit bago tayo magpatuloy pa’y may isang bagay muna akong kailangang ipakita sa iyo. Kailangan nating bumalik ng simbahan.” Wala pa ring imik si Arvin. May ipinanukala si Ramon sa dalawa. “Father, kayo na po ang magdala ng motorsiklo ko’t iangkas na po ninyo doon si Arvin. Babalik na lamang po ako ng Ugong Bato upang kuhanin iyung nakaparadang motor ko doon.” Sumang-ayon si Padre Aquino sa ganitong plano. Sumakay na iyung dalawa sa motorsiklo at naiwan si Ramon sa silong ng Tagamingwit Elementary School upang maghintay ng unang daraang bakanteng tricycle. Habang minamasdan ni Ramon ang papalayong motor na minamaneho ni Padre Aquino at kung saan nakaangkas sa likod si Arvin, saka naman may pumarada na tricycle sa tapat ni Ramon. Halos hindi makapaniwala ang nakatatandang pinsan ni Arvin nang masilayan niya ang taong bumaba sa tricycle. Si Lea. * “Mamamatay ka na lamang ay ayaw mo pang sumuko sa akin. Ano ka ngayon, Hesus? Nasaan ang mga anghel dela guardya mong mga beterano? Ano? Buhay ka pa d’yan? O nagpapatay-p*****n ka na? Sabihin mo lang kung gusto mong ituluyan na kita!” Nanggigigil ang tinig ni Mayor Sugay habang pigil ang halakhak ng mga tauhan niyang may mga dalang sandata at nakapalibot sa nilalang na nakahandusay sa sahig na lupa ng kubo-kubo na nasa lihim na bahagi ng malawak na hasyenda ng alkalde ng Tagamingwit. Walang kahabag-habag na nagpatuloy pa rin ang kinikilalang pinuno ng mga hybrid na aswang ng kaniyang pag-aalipusta sa halos mawalan na ng ulirat na si Jessie. Lapnos na lapnos ang maraming bahagi ng kaniyang katawan dahil sa pagpatak sa kaniyang katawan ng holy water simula pa ng kaniyang pagdating sa kuta na ito. Dahil halos hubo’t hubad na siya’y pinatakan ang kaniyang mga tuhod upang tiyaking hindi na siya makatatakbo pa. Halos nakausli na nga ang mga buto niya sa tuhod dahil sa matinding lapnos. Habang ang mga braso’t kamay naman ay ganun din, upang hindi siya makapagbago ng anyo bilang puristang aswang at makapagladlad ng kaniyang malalaking bagwis. Sa totoo lamang, mag-iisang oras na ring nakapikit at wala nang imik ang kawawang pinuno ng mga puristang aswang na ang pangunahing kuta ay nasa kabilang bundok pa ng Banaghaw; subalit ang hindi batid ni Mayor Sugay at ng kaniyang mga bataang nakapalibot sa nakahandusay na nilalang, naglalaro na ang gunita ni Jessie sa ilang bahagi ng kaniyang buhay bilang isang tao bago pa niya mabatid ang kaniyang tunay na katauhan bilang isang aswang. * Mas malamig pa sa yelong lulutang-lutang sa loob ng isang basong Coke ang pananahimik ni Miling. Ngunit hindi siya dapat magpahalata sa asawa. “Ano’ng oras ang uwi mo?” ang tanong ni Guido habang kunwari’y nilulunod ng kaniyang kanang hintuturo ang walang-kalaban-labang yelo sa loob ng babasaging baso. Ano ka ba? Huwag mo ngang paglaruan iyang Coke mo. Para kang bata. Marami pa sanang nais sabihin si Miling sa lansenggo’t sugarol na asawa, ngunit pinagsabihan na lamang niya ang kaniyang sarili: Meron pa bang silbi na kausapin ko siya? Nilubayan ng lalaki iyung pagdutdot sa kaawa-awang yelo at umismid sa tinatanong. “Bata? Bakit? Sino ba ang isip-bata sa ating dalawa? Ba’t ba atat na atat kang umuwi sa mga ‘yun? Pagkatapos mong layasan ang mga ‘yun? Tsaka - sino ba ang may atraso kanino, ha? At anong gusto mong gawin ko sa anak mo kapag umalis ka! Parang gusto mo na namang makatikim ah…” Nanginginig ang tinig ni Guido kapag nababahiran na ng galit ang mga salita. Pasimpleng pinahid ni Miling ang puting bimpo sa namumugto niyang mga mata. Parang wala na yata siyang lakas na mangatuwiran pa sa isang tao na wala na rin marahil iba pang alam na pangungusap kundi iyung mga pangungusap na hindi makaahon-ahon sa mga tandang pananong. Parang nalulunod si Miling. Hindi makahinga nang maayos. Bigla niyang naramdaman ang pamamanhid ng kaniyang katawan. Ngunit hindi siya dapat magpahalata. Agad siyang tumindig sa kaniyang kinauupuan at saglit na nagpaalam na papasok lamang siya sa kanilang silid upang makapagpahinga muna. Hindi pa siya ganap na nakapapasok sa munting silid nilang dalawa sa kubo-kubo ay humambalos na sa kaniyang pandinig ang padabog na bukas-sara ng kawayang pinto sa entrada ng tinutuluyan nila. Sa liit ng kubo-kubo nila ay muntik magbaksakan iyung mga kuwadro ng larawang nakasabit sa dingding. Sinilip ni Miling ang oras sa kaniyang relos. Naalaala niyang may orasan nga rin pala iyung cellphone na binigay sa kaniya ng Tiya Maring niya. Inilabas niya ito sa bulsa ng suot niyang pantalon, pinasadahan ng salat iyung touch screen para sa kaniyang security pattern, at nang lumiwanag na ang LCD ay agad sinilip ang oras. Ika-lima na ng hapon. Hindi na siya makapaghihintay sa text o tawag ng kaniyang tiya. Hindi na siya magbabaon pa ng damit o kahit anupaman. Kunsabagay, mahimbing na ang tulog ng kaniyang bugtong na anak na si Arvin na mag-iisang taon pa lamang. Sa loob-loob ni Miling ay magtatagumpay ang kaniyang plano, basta huwag lamang siyang panghihinaan ng loob. Kung kinakailangang liparin ni Miling ang pag-uwi niya sa kanila sa bayan ng Kulyaw mula sa baryo ng Tagamingwit ay gagawin niya. Ayaw na niyang isipin pa kung ano ang sasabihin ni Guido. Bakit ba nagkaganito ka, Guido? Kahit ano pa’ng gusto mong isumbat sa akin, wala ka nang magagawa dahil sawang-sawa na ako sa ganitong pamumuhay. Masakit ang mawalan, Guido. Masakit ang mawalan. Kaya tama na iyung minsan… May naalaala si Miling ngunit hindi na lamang muna niya ito pinansin. Isang kamay at braso pa lamang ang naisusuot niya sa jacket nang biglang tumunog na may kasamang panginginig ang hawak niyang cellphone. Ilang sandal pa’y kinuha na niya mula sa duyan ang kaniyang mahimbing ang idlip na sanggol at isinilid nang maayos sa isang basket na puno ng mga nakabalumbong labahin nilang mag-ina. * Mas mainit pa sa pulutang pork sisig na nakahain sa harapan ng tatlumpu’t apat na taong gulang na si Guido ang paggiling ng mananayaw sa ibabaw ng maliit na entablado ng beerhouse. Magdadalawang oras na ang nakalipas simula nang kumaripas siya ng lakad palabas ng apartment nilang dalawa ni Miling upang magpalamig muna ng ulo. “Tarangis talaga! Batang-isip daw!” Hindi siya mapakali. Maya-maya’y dinutdot-dutdot ng tinidor ang pulutang sisig. Nang magsawa na’y bigla namang isinandal ang likod sa upuan at parang napipilitang pinanood ang sumasayaw. Sa nakahahalinang indayog ng babaeng nasa entablado, na sinabayan pa ng patay-sinding mga ilaw at ng musikang malakas makabulabog ng kalamnan ng tao, waring hindi masilayan ng buhay at liwanag ang mga mata ng isang nilalang na nagpupuyos sa galit. Hindi mapakali si Guido. Hindi matahimik ang kaniyang kalooban. Dinutdot muli iyung sisig. Ilang tusok lamang at ang pinagbalingan naman niya ay iyung bote ng serbesa, na kanina pa tumatangis ng malalamig na luha; ngunit ni minsan ay hindi man lamang pinagtangkaang halikan ng kapiling na customer. Hindi humihingi ng baso si Guido kapag umiinom kasi mas nais niyang nilalagok iyung malamig na beer mula sa bote. Ang madalas na bukambibig niya sa sarili: Para malasing agad! Sinalat niya ang malamig na labi ng babasaging bote. Biglang may pumanhik sa isipan ng nagugulumihanang nilalang. “Tulog na siguro ‘yung gaga kaya di na nagtext o tumawag para mag-sorry. Ha!” Ngunit kahit ano pang gawing alumpihit ng lalaki sa kaniyang nararamdaman ay tinimpi niya ang sarili na huwag dukutin at ilabas ang cellphone na nakatumbok sa harapang bulsa ng kaniyang maong na pantalon. “Sino ba kasi ang may atraso? Huwag niyang ikakatuwiran sa akin na balewala na ang lahat ng pinaggagagawa nila sa akin dahil ‘ala na ‘yung erpats niya. E nung pinakulong ako ng siraulong matanda na ‘yun, dun na nagsimulang masira ang magandang pagsasama namin ni Miling. Kung alam lang nila. Daig pa ang napunta sa impiyerno sa mga naranasan ko sa loob ng city jail! Namputsa! Doon ako pinagtripan nang husto sa loob! Doon nila ako inaswang – at ginawang aswang!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD