Uulitin natin ang tanong: Kung ang karamihan ng kasapi ng mga puristang aswang ay ang mga beterano sa digmaan, sino naman ang mga kasapi ni Mayor Sugay at ni Luke?
Mga pugante na preso, mga pinaghahanap ng batas, mga mambubudol at estapador, mga paupahang berdugo, mga alibughang kabataang lulong sa iba-ibang bisyo ng katawan, mga tampalasang sundalo’t pulis, mga tiwaling opisyal at empleyado ng gobyerno, at marami pang iba.
Ito ang mga bagong aswang may kuta hindi lamang sa liblib na kagubatan ng San Kristobal, kundi sa loob mismo ng hasyenda ng kunsintidor na alkalde ng Tagamingwit.
Kung sa loob mismo ng hasyenda ni Mayor Sugay ay siya ang hari-harian ng mga hybrid na aswang na ang karamihan ay mga sanggano’t kriminal, sa loob naman ng liblib na kagubatan ng San Kristobal ay ang mangalok na si Luke ang tinuturing na reyna ng mga hybrid na aswang. Kaya naman makatuwiran lamang na dalhin ni Luke, na nagkatawang-tao bilang si Miss Ji-Ann, ang batang sakristan na si Damian sa kaniyang teritoryo.
Hindi pa rin tumitila ang ulan nang ipinarada ni Luke ang motorsiklo sa isang bahagi ng liblib na kagubatan ng San Kristobal, pinatay ang makina at headlight ng motor, hinubad ang helmet, at sinuklay ng mga daliri ang mahabang buhok na nakalugay. Tila nabalot sa matinding sindak ang batang sakristan na hindi halos makakilos na ibinaba ni Luke sa pagkakaangkas sa motor. Nakatali ang dalawang kamay, may busal sa bibig, subalit hindi nakapiring, nagawang dalhin at iangkas ni Luke ang bata nang wala man lamang nakapansin dahil idinaan niya ang motor sa malubak at masukal na daan papuntang San Kristobal. May ilang magsasaka siyang nasalubong, subalit wala naman sa mga ito ang nagtangkang pigilan ang sasakyan nang humarurot ito mula sa kanilang sariling paglalakad pauwi mula sa kanilang palayan.
Sa loob-loob ni Luke, “Kung si Sugay nga, hindi ako basta-basta pinakikialam, kayo pa kaya! Kagatin ko kaya kayo sa leeg at gawin kong ulam para sa mga alaga ko sa San Kristobal!”
Sabihin na lamang natin na may pagkamataray ang mangalok na ito. Isang katangian na nagpaangat sa kaniya sa ibang mga katulad niya: alibughang laki sa layaw, lulong sa maraming bisyo ng kabataan, at walang sinasantong awtoridad.
Halos kaladkarin ni Luke iyung batang nakagapos at nakabusal ang bibig nang kaniya itong kuwelyuhan. Naglakad ang babae sa isang madahong kapatagan na malapit sa pinagparadahan ng motor at doon niya binitiwan ang kawawang sakristan na una-ulong bumagsak sa basang lupa ng gubat. Maya-maya pa’y biglang tumila ang ulan at sumilay sa ilang siwang ng mga dahon ng kaniyogan ang mapusyaw na liwanag mula sa araw. Mauulinigan din ang biglang paglabas at paghuni ng maraming ibon upang muling makalipad pagkatapos ng malakas na buhos ng ulan simula pa noong umaga.
Tiningnan ni Luke ang wristwatch niya. Wala pang alas-tres ng hapon. Tumingin-tingin sa paligid at napabuntong-hininga. Ilang sandali pa’y binatukan nang walang kadahi-dahilan ang batang nabalot pa rin sa matinding sindak at tulalang nakatitig sa kaniya.
“Anong tinitingin-tingin mo?” ang mapanutyang tanong ng mangalok kay Damian.
Pikitmatang umiling-iling ang bata.
Maya-maya pa’y may narinig na pagaspas ng mga bagwis ang mangalok mula sa yungyong ng mga puno sa kaniyogan. Biglang sumipol si Luke upang ihudyat ang kaniyang presensya sa loob ng teritoryo ng mga hybrid na aswang.
Sansaglit lamang at nagbabaan na mula sa matayog nilang paglipad ang maraming kasing-edaran ni Luke na mga mangalok. Naghahalakhakan. Matatalim ang mga mata. Matutulis ang mga kuko. Tumutulo ang malalapot na laway mula sa bunganga. At ang mga pangil, singtalas ng bagong-hasang tabak! Naghahalakhakan at sabik na sabik na tinitingnan mula ulo hanggang paa ang nakagapos at nakabusal na batang sakristan na para bang nakakita sila ng isang malusog na baboyramo na handing-handa nang dalhin sa katayan at pagkatapos ay sa litsunan.
Ito ang mga katropang hybrid ni Luke. Mga kabataang mangalok na alibugha, nalulong sa masasamang bisyo, at walang sinasanto.
Ang tawag ni Luke sa kaniyang tropa ay – Oyayi.
*
Ang Oyayi, ayon kay Luke, ang Mangalok
I.
“Isang taong tulog, isang buwang gising…”
Insomnia.
Kapag sinusumpong ako ng insomnia, para akong bagong panganak na sanggol na pinagbawalang sumuso sa gatas ng ina sa kabila ng aking malakas na pag-uwa. Hindi ako mapakali. Para akong nalulunod sa tunog ng bawat pag-ikot ng aguha sa orasan. At kahit ano’ng pagsikad ko o pagpupumiglas sa ibabaw ng malambot na kutson ng aking higaan ay ayaw talaga akong dapuan ng antok.
Ang karaniwang tulog ko kasi’y kung hindi ilang oras na napakababaw lamang ay ilang minuto naman na napakalalim. Ang sabi nila, ganito raw talaga kapag tumatandang mangalok, lalo na’t dalaga.
Noong ako’y purong tao pa, marami na akong sinubukan na paraan upang makatulog. Kung hindi gatas ay kape. Kung hindi kape ay beer. Kung hindi beer ay brandy. Sa dakong huli, sinuhulan ko na ang isang intern sa clinic ng isang local government kung saan ako nagtratrabaho upang resetahan ako ng sleeping pills. Sa awa ng dating Diyos ko ay hindi pa rin nito nakayanan ang aking sakit.
II.
“Kapag may kumatok, magtago sa dilim…”
Paranoia.
Nang dahil sa matinding takot at kawalan ng kumpiyansa sa sarili, parang hindi ako makatakas sa laylayan ng saya ng aking ama at in ana yayamanin. Hindi ako makakilos. Para akong hindi makahinga nang maluwag kapag nasa labas na ako ng aking apartment at ipininid ko na ang pinto nito. At kahit ano’ng pagtatangka ko na libangin ang aking sarili habang naglalakad o di kaya’y nakasakay sa bus o dyip ay ayaw talaga ako tantanan ng aking pangamba.
Kaya pinili kong magpaka-alibugha. Upang ako’y mapag-isa. Upang ako’y iwasan nila at ng ibang tao. Subalit iba talaga ang may katulad na kasama sa daigdig na aking piniling galawan. Subalit malaki ang naging takot ko sa ibang tao. Bagaman ako’y tao rin lamang noon.
Ang karaniwang nararamdaman ko kasi kapag mag-isa’y kung hindi ako naghahanap ng kaibigan na makakasundo ay naghahanap ako ng kaaway na makakatunggali. Ang sabi nila, ganito raw talaga kapag bata’t bumabalik sa pagkabata.
Marami na akong sinubukan na paraan upang hindi dapuan ng takot lalo na kapag ako’y mag-isa lamang. Kung hindi overtime sa opisina ay continuing education bilang government employee. Kung hindi continuing education ay pagsali sa liga ng volleyball sa barangay. Kung hindi volleyball ay paglaro ng madyong hanggang madaling-araw. Sa dakong huli, dahil matandang binata naman ako, ay mas pinili ko na lamang na mag-lasing gabi-gabi upang tiyakin na makatulog man ako ay mayroon akong tao na katabi. Sa awa ng Diyos ay dumagdag pa sa aking mga sakit ngayon ang aking pagkalulong sa alak, lalaki’t shabu.
Hanggang sa matuklasan ko ang kakaibang sarap sa piling ng insomnia at paranoia.
III.
“Kapag may sumutsot, ito ang patalim…”
Insomnia at paranoia.
Ito ang subok na na timpla ng pormula na naging lunas para sa aking mga sakit. Nailigtas ko na ang aking sarili. Ang sabi nila, dalawa lamang ang maaaring sapitin ng isang tao kapag siya’y may kumplikadong sakit ng insomnia at paranoia: ang pagkabaliw o ang pagpapatiwakal. Nais kong iulat sa iyo na hindi ako nasiraan ng bait at hindi rin ako nagtangkang maglalaslas ng aking pulso. Masaya kong iniuulat sa iyo ngayon na sa kabila ng aking kumplikadong karamdaman ay napagtagumpayan ko ito. Halika’t tumabi ka sa akin upang maipaliwanag ko sa iyo nang maigi kung papaano ko nalunasan ang aking mga sakit.
Sa ngayon ay maligayang-maligaya na ako. Mas mahimbing pa ang aking pagtulog sa pag-idlip ng isang bagong panganak na sanggol. Para akong inaawitan ngayon ng oyayi. Tumalima na ako nang husto sa tawag ng aking nagising na kalamnan.
Ano ang aking naging pamatay na lunas para sa aking insomnia at paranoia?
Well, ang sabi kasi nila – mas madali ang pumatay ng tao kaysa ang bumuhay. At ang masarap pa nito’y ang matutuhan mong kumain ng tao. Lalo na pagkatapos ng isang gabi ng magdamagan at mainit na pagniniig.
IV.
“Isang taong tulog, isang buwang gising.
Kapag may kumatok, magtago sa dilim.
Kapag may sumutsot, ito ang patalim.
H’wag aantok-antok, ako ay parating.”
Ang gusto ko sa aking ulam ay iyung pumapalag pa na bata. Sariwang-sariwa pa ang dugo’t kalamnan noon. Masarap isawsaw sa maanghang na sawsawan. Marami sa mga tao ang nagsasabing mga kanibal daw kaming mga mangalok. Dahil kinakain namin ang buto’t laman ng aming sariling lahi.
Nagkakamali sila sa kanilang paratang laban sa amin. Hindi namin ginagawa ang ginagawa namin dahil hindi ito likas sa aming pagka-aswang, kundi dahil likas sa aming mga aswang ang kumain ng tao. Sa totoo lamang ay katawa-tawa ang tao. Mapagbintang. Bakit hindi muna nila tingnan ang kanilang sarili sa salamin? Ano ang nakikita nila kapag nananalamin sila? Hindi ba’t mas masahol pa sila sa amin? Hindi ba’t likas din sa kanila ang pumatay ng kanilang kapuwa dahil sa mas marami pang kadahilanan at sa mas marami pang kaparaanan na kami mismo’y hindi halos kayang arukin at isipin pa. Wala nang mas tatalo pa sa kabuktutan ng tao sa kaniyang kapuwa tao.
Tingnan mo nga dito sa Tagamingwit. Kura paroko na ng isang Simbahang Katoliko ay nagawa pa naming lasunin ang puso’t diwa upang makipagsabwatan sa amin. Mga tanga ang tao. Mga sakim. Mga ganid sa buto’t kalamnan ng sarili nilang kalahi.
At para saan ang lahat ng kanilang ginagawang ito?
Katulad din namin, para manatili sila sa kapangyarihan. Para magkamal ng yaman na maaaring gamitin upang mas lalo pang mapalawig ang sariling kapangyarihan. Kapangyarihan sa simula’t wakas.
Hindi ba ito at ito lamang ang hanggahan ng lahat ng buhay sa daigdig na ito? Ang mapasakamay ang kapangyarihang makatiwalag na sa mismong hanggahan ng buhay sa daigdig na ito?