Isang Pagtitisa, Isang Pagmimitsa
Maliit lamang ang populasyon ng tao sa bulubundukin ng Banaghaw at San Kristobal. Mas marami pa rin ang daliri sa dalawang kamay ng isang tao kung bibilangin ang mga pamilyang piniling manirahan sa masukal na bulubundukin. Dalawa o tatlong tira lamang ng punglong bato mula sa karaniwang tirador ng isang bata ang layo ng bulubundukin sa Ugong Bato; at ang dalawang bundok na bumubuo sa naturang bulubundukin, ang Banaghaw at ang San Kristobal, ay pawang pinaghihiwalay lamang ng isang makitid bagaman malalim na bahagi ng ilog Sabang. Sa karaniwang panahon ng tag-init ay maaari pang languyin ang ilog na bumabagtas sa gitna ng dalawang bundok; subalit kapag bumubuhos ang ulan ay tumataas ang tubig ng ilog, at kasabay ng pagtaas nito’y ang mas lalo pang paglalim at paglawak ng tubig.
Katulad na lamang itong kalagitnaan ng umaga na ito na siyang araw ng naudlot na pagpapasinaya ng Haguhit zipline. Limang minuto pagkalipas ng ika-sampu ng umaga nang biglang bumuhos ang matinding ulan. Kung ang isang dulo ng ilog na nakapagitna sa bundok ng Banaghaw at bundok ng San Kristobal ay nasa sulok na paanan ng Ugong Bato na nasa kabilang bahagi ng daang pasikot-sikot pababa ng kapatagan tungo sa Tagamingwit Elementary School at sa mismong plaza nu munisipyo, ang kabilang dulo ng nasabing ilog ay nagwawakas naman sa isang pasigan, isang delta papalabas na ng Dagat ng Sulu. Kung tatanawin pa natin ang bulubundukin mula sa Sabang Pass, makikita natin na ang bundok ng Banaghaw na nasa gawing kaliwa ng ating pagtanaw ay maituturing nang nasa teritoryo ng kapitolyong bayan ng Kulyaw; habang sa gawing kanan naman ng ating pagtanaw, ang bundok ng San Kristobal ay masasabi nang nakapaloob sa nasasakupan ng baryo ng Tagamingwit. Ang mga karaniwang hanggahan na ito ng kalikasan ay mahalaga sa maliit na populasyon ng tao na naninirahan sa bulubunduking ito; sapagkat may pagkakataong sila ang katu-katulong ng mga taga-kapitolyo na nais tumawid ng ilog papuntang Tagamingwit nang hindi na kailangan pang umikot sa palibot ng Kulyaw upang gamitin ang tulay ng Sabang na nasa gilid ng batong kuta ng Tagamingwit, na siya namang nasa hanggahan ng Tagamingwit na nasa kabilang dulo ng bulubundukin. Samakatuwid ang nasabing nakapagitnang ilog sa dalawang bundok na ito ang nagsisilbing “short cut” ng mga tao. Ito’y kung pag-uusapan lamang natin ay ang populasyon ng mga tao na naninirahan sa bulubundukin ng Banaghaw at San Kristobal. Sapagkat sa pinakasulok-sulukan at pinakaliblib-libliban na bahagi ng kapuwa Banaghaw at San Kristobal ay doon nananahan ang dalawang kampo. Dalawang kampo na pinaghiwalay hindi lamang ng isang ilog, kundi ng kanilang kolektibong hangarin na mabuhay sa daigdig na tila pinamamayanihan ng tao.
Sa liblib na kagubatan ng bundok ng San Kristobal ay ang mga hybrid na aswang na pinamumunuan ni Mayor Sugay at ng babaeng mangalok na nagpakilala kay Arvin sa pangalan na Luke. Samantala, sa bundok ng Banaghaw ay ang lihim na komunidad ng mga puristang aswang na pinamumunuan ni Jessie at ang karamihan na kasapi ay mga beterano pa noong nakaraang giyera nung World War II. Subalit kung babalikan natin ang pinakasimula, may ganitong hidwaan na ba ang mga aswang sa Palawan? O marahil ang dapat nating itulak sa ating karaniwang mambabasa ay ang mas mahalagang tanong: kung mayroon ngang lupon ng mga aswang sa Palawan mula ilang daang taon na ang nakararaan magpasahanggang ngayon, kumusta na ba ang kanilang pakikipag-ugnayan (kung mayroon man) sa mga tao na taga-Palawan, partikular na sa mga Tagamingwit kung saan sila namugad at nanahan nang mahabang panahon na hindi man lamang batid ng karamihang naninirahan sa naturang baryo?
Ito’y mga makatuwirang tanong kung susumahin, lalo na ang pinakahuli, sapagkat kailangang malaman ng lahat kung sa isang relasyon ng dalawang lahi ng nilalang na nabanggit na tila ang naunang alituntunin ay “walang pakialaman,” bakit ito nauwi sa ganitong uri ng ugnayan kung saan tila pinanghimasukan na ng mga tao ang pagka-aswang ng mga aswang, at ganoon din naman ang kabaligtaran, na ang mga aswang ay pinakialaman na ang pagiging tao ng mga tao? Isang relasyon na tila nakaugat sa mga kahinaan ng magkabilang panig, kung kaya walang magandang pag-usad para sa kani-kanilang pansariling pag-unlad at pamumuhay nang matahimik; sa halip ay naging isang pinahabang tunggalian, digmaan na ngang masasabi, na sa kinahaba-haba ng panahon ay nagpabago-bago na ang mga tauhan, ang mga paraan, at ang mga dahilan ng magkabilang panig ng nasabing pag-aaway.
Sa maraming katanungan na ito’y tila walang tunay na makapagsasabi ng kung ano ang ano at alin ang alin. Sapagkat sa anumang pagtatalo, maliiit man o malaki, mas tiyak pang sabihin na mauuwi lamang ang alitan sa sitwasyong “sinabi niya at sinabi naman ng kabila,” na isang walang-katapusang suliranin. Samakatuwid, ang pagkakaroon ng dalawa o higit pang kasaysayan ang tila nagbubulid ng isang helix na lubid kung saan mentras binibilot nang binibilot nang naghahabi ng mga kasaysayan ay lalo lamang itong nagsisilbing mitsa na sa kaunting kiskis lamang ng titigan o hidwaan ng mga salita’y madali nang magniningas ang apoy ng poot at kung hindi man away ay gulo.
Dahil dito’y naging mahalaga ang pamamagitan ng mga tao sa dalawang grupo ng mga aswang. At ito ang kabatirang pinili ng kura paroko ng simbahan sa Tagamingwit: ang pagbigyan ang dalawang panig upang hindi na sila magpang-abot pa kung saka-sakali.
Subalit ang tanong nga ng bayan, kailan ba naging mabisang paraan sa isang digmaan ang pagiging nyutral?
*
Kung ang karamihan ng kasapi ng mga puristang aswang ay ang mga beterano sa digmaan, sino naman ang mga kasapi ni Mayor Sugay at ni Luke?
Noong araw na dapat magiging masayang inagurasyon ng pabubukas ng Haguhit zipline, sa buong bayan ng Calamianan ay tumuloy-tuloy ang ulan mula umaga hanggang sa makalagpas ng tanghalian. Sa ganitong oras na nakarating ang convoy ni Mayor Sugay pabalik ng kaniyang hasyenda. Iyung isang walang plakang sasakyan na pinauna na sa lahat ng nakabuntot sa sasakyan ni Mayor ay kumaliwa sa isang makitid at di-pansining putikang daan na nasa gitna ng ilang matataas na puno ng isang liblib na kaniyogan. Sa gitna ng liblib na kaniyogan na ito’y may isang lihim na kubo-kubo. Sa unahan ng kubo-kubong ito dali-daling huminto ang sasakyang walang plaka. Agad na naunang bumaba ang driver at ang pasahero sa unahan na kapuwa tauhan ng alkalde at may mga bitbit na na mahahabang baril. Kapuwa tumungo sa pinto ng sasakyan na nasa likuran ng driver at tumingin-tingin muna sa kanilang paligid. Habang nakaumang ang baril nung isang tauhan ni Mayor Sugay sa pinto ay dahan-dahan naman itong binuksan ng kasama niya. Lumabas mula sa sasakyan si Jessie na nakaposas na ang mga kamay sa likod, nakabusal ang bibig at nakapiring ang mga mata. Muntik pa siyang matalisod paglapat ng kaniyang mga paa sa lupa. Subalit naagapan ito ng dalawang tauhan ni Mayor. Samantala ay may isa pang tauhan ng alkalde na nakabuntot na lumabas gamit din ang pinto ng sasakyan sa likod ng driver. Mayroon itong hawak sa isang kamay na isang bakal na krus na may matalim na tusok ang ibabang dulo, habang sa kabilang kamay naman ay may hawak na isang garapon na may lamang holy water.
Halos kaladkarin na ng mga tauhan ni Mayor Sugay papasok ng kubo-kubo. Nang naipasok na sa loob ng kubo-kubo’y pinagtulungan nilang ihagis ang kawawang bihag sa sahig na lupa. Bahagyang nauntog ang ulo ni Jessie sa isang nakausling bato sa lupa at nahatak din sa kaniyang pagbagsak ang isa niyang balikat.
“Hahahahaha…” ang sabay na halakhak ng tatlo. Ang driver na may hawak na armalite ang unang nangantiyaw, “Ito ba ang pinagmamalaking pinuno ng mga puristang kalaban natin? Eh mukhang bali na ‘ata ang pakpak! Pards, bigyan mo nga ng isa bago dumating si Mayor!”
“Oo ba!” ang sagot ng tauhan ng alkalde na may hawak na krus at holy water. Pumunta ito sa likuran ni Jessie na nakahandusay sa sahig na lupa. Palibhasa’y makulimlim dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan, pagbukas ng naturang tauhan sa garapon ay nadulas ang takip at natilamsikan nito ang sarili ng holy water sa kamay.
“Aray! Aray! Ang hapdi pala!” ang hiyaw ng napasong tauhan, sabay ihip sa bahagi ng kamay na nabuhusan ng holy water.
“O, o,” ang paalala ng driver, “ingat ka, pards, alam mo naman ang epekto ng holy water sa atin. Asido ‘yan sa balat natin. Sige, patakan mo sa bumbunan nang mabalatan ito nang tuluyan at makita na natin ang laman ng utak nitong isang ito! Hahahaha!”
Agad sumunod ang inutusang tauhan at ipinatak sa ulunan ni Jessie ang banal na tubig mula sa Simbahan ng San Agustin.
*
Dahil sa lakas ng ulan ay nagpasiya munang isilong ni Ramon sa harapan ng Tagamingwit Elementary school ang sarili at ang minamaneho niyang motorsiklo kung saan naka-angkas si Padre Aquino. Pagbaba ng dalawa sa motor ay kapansin-pansing basang-basa ang ulunan at jacket ng pari. Si Ramon naman kasi ay naka-helmet. Hindi na nakapagsuot ng helmet ang pari dahil sa pagmamadali na habulin nila kung saanman papunta ang kanilang hinahabol: si Miss Ji-Ann at ang sakristan na si Damian.
Hindi pa halos nakakabuwelo sa pagsilong ang dalawa nang may pumarada na isang tricycle sa kanilang harapan.
Si Arvin.