Habang ibinabandera ng mga beterano ang mga streamer ay binuksan naman ni Jessie ang megaphone na hawak niya. Pumuwesto siya sa mismong ibaba ng lubid ng zipline at inumpisahan ang kaniyang litanya laban sa tinaguriang ama ng baryo ng Tagamingwit. Katulad din ng sa Ugong Bato station ng Haguhit zilpine ay may ilang lokal na broadcast at social media ang kasalukuyang kinukuhanan naman si Jessie sa quarry station. Kung kaya si Mayor Sugay mismo’y pinapanood niya ang nagaganap sa quarry station sa kaniyang smartphone.
Gamit ang megaphone na bitbit niya, sinimulan ni Jessie ang kaniyang pagbanat sa alkalde.
“Mga kababayan ko sa Tagamingwit! Ito ba ang iniluklok ninyo upang manilbihan bilang lingkodbayan natin? Mas inuna pa ang paggamit ng pondo na galing sa ating mga buwis sa isang proyekto na siya at ang kaniyang mga kauri lamang ang makikinabang? Mga aswang! At ikaw, Mayor Sungay, ang pinaka-aswang sa lahat ng mga kampon mo! Dahil sinisipsip mo ang pinakalamangloob ng buong bayan ng Tagamingwit!”
Nagpalakpakan ang mga beteranong nakapalibot kay Jessie at kasama niya sa pagproprotesta laban sa pagpapatayo ng Haguhit zipline. Ang hindi pa alam ni Jessie, noong kasalukuyang nagsasalita siya’y inutusan na ni Mayor Sugay ang isa sa mga bodyguard niya na ipakalat na ang mga kinatawan ng anti-rally task force ng kaniyang pamahalaan sa mismong pinagdadausan ng protesta.
Sa bahaging ito ng programa ng mga nagproprotesta’y sinimulan na ni Jessie ang pagbigkas nang paulit-ulit ng, “SUNGAY RESIGN! RESIGN SUNGAY! SUNGAY RESIGN!”
Inilabas na ng ilan sa kaniyang kasamahan ang effigy at may nagsaboy na rito ng gasoline at sinindihan. Tuloy-tuloy lamang ang pagsigaw ni Jessie sa megaphone habang kinakain na ng apoy ang pagmumukha ni Mayor Sugay sa effigy.
“SUNGAY RESIGN! RESIGN SUNGAY! SUNGAY RESIGN!”
Mabilis ang mga sumusunod na pangyayari. Parang mga ibong mandaragit ang anti-rally task force ng alkalde. Kaliwa’t kanan nilang dinagit ang mga beteranong nagproprotesta. Ang inuna nila ay si Jessie. Agad nila itong dinala at isinakay sa isang sasakyang walang plaka at tinted. Humarabas ng takbo ang sasakyang ito papalayo ng quarry station ng Haguhit zipline, papalabas ng Kulyaw, papatawid ng tulay ng Sabang, at papasok sa isang liblib at lihim na bahagi ng Tagamingwit.
Mula sa Ugong Bato naman ay nagkagulo ang mga tao. May biglang sumabog sa bahagi ng talampas na malapit sa karatula ng Haguhit zipline. Dali-daling niyungyungan at ibinalik si Mayor ng kaniyang natitirang bodyguard sa kaniyang sasakyan at kumaripas na ito ng takbo. Habang gamit ang sariling cellphone ay di-magkaumayaw na tinatawagan naman ni Ramon si James na siyang naatasan ni Ramon na tumao sa quarry station. Walang sinumang nakapansin kung paano binusalan at tinalian sa mga kamay ni Miss Ji-Ann si Damian at isinakay sa motorsiklo na para bang isang baboyramo na dadalhin na sa palengke upang katayin. Kumaripas din ang motorsiklo pababa ng gulod at patungong bulubundukin ng Banaghaw at San Kristobal na siyang malayong hanggahan ng Tagamingwit sa malawak at malalim na Dagat ng Sulo.
*
Huli na nang makarating si Padre Aquino sa paanan ng gulod dahil sumalubong na sa kaniya ang mga taong nagsisibabaan ng Ugong Bato. May pilit siyang hinahanap na tao, subalit sa dami ng mga mukhang dumaan sa kaniyang harapan ay bigo niyang natagpuan ang pamilyar na mukha ng kaniyang sakristan.
Maya-maya pa’y may bumati sa kaniyang likuran. Si Ramon.
“Father…”
“Ramon, nasaan si Damian?”
“Sorry, Father, medyo nagkagulo na kasi may naging malakas na pagsabog sa itaas ng station…”
“Ramon, makinig ka. Dapat nating makita si Damian. Nanganganib ang buhay niya.”
*
Nang makasiguro na si Arvin na may sapat na siyang lakas at malay upang tuluyan nang lumabas ng lihim na silid sa likuran ng dambana ng simbahan ng San Agustin, saglit niyang binalikan ang silid. Napukaw na kasi ang mapang-usisang isip niya kung ano ang nasa likuran ng isa pang pinto na hindi niya piniling buksan. Nilapitan niya ito at binuksan.
Dito na tumambad sa kaniya ang daungan na nakapaloob sa lihim na lagusang kanal sa ilalim ng kutang simbahan. Humakbang siya papalabas ng nakaawang na pinto at kumurap nang ilang ulit. Hindi siya nananaginip o naaalimpungatan. Talagang may daungan sa tabi ng lihim na silid. At nakadaong dito ang lantsa na huli niyang natatandaang nakita ay noong nag-uusap sila ni Luke.
Si Luke!
Umiling-iling ang ating adbenturosong bida. Hindi pa rin siya makapaniwala na isang aswang ang mahiwagang magandang babae na nakatagpuan niya noong hatinggabi sa Ugong Bato. “Bakit? Bakit ako? At bakit gustong patikman ni Luke ang dugo niya sa akin?” Ito ang ilan lamang sa maraming katanungang pumapaimbulog sa utak ni Arvin.
Maya-maya pa’y muling pumasok ang lalaki at dito biglang gumuhit sa kaniyang gunita ang ilang eksena na lumalabas-masok sa kaniyang alaala: ang sandaling nasukol na siya ni Luke, ang kaniyang madaliang pagsuot ng harness at pagkabit sa carabiner, ang mabilis na pagliyad ng kalo nang nagpatidulas na siya sa Haguhit zipline, ang pagkagat ni Luke sa harness, ang pagpigtas nito, ang pagkahulog niya sa ilog Sabang mula sa zipline, ang mga malalakas na bisig, braso’t kamay ng isang laking-dagat upang siya’y sagipin sa tiyak na pagkalunod. At ang…
Biglang kinapa ni Arvin ang kaniyang dibdib at nakaramdam siya ng panginginig. Sa loob-loob niya, tila may nag-apoy na bahagi sa kaniyang dibdib nang nahulog siya sa ilog. Subalit bakit? Siniyasat niya nang maigi ang kaniyang mga braso’t kamay. “Bakit parang nalapnos ang aking mga balat?” ang tanong ng lalaki sa sarili. Napansin niya ang isang tokador sa isang sulok ng silid at dito siya lumapit. Sa harap ng malaking salamin ng tokador ay tinitigan n Arvin ang kaniyang repleksiyon. “Totoo nga! Hindi ito isang guni-guni lamang! Nalapnos ang aking mga braso’t kamay! Hala! Nalapnos ang buong balat ko!” Saglit niyang sinilip ang batok niya, pagkatapos ay nilantad ang dibdid sa harap ng salamin. Naghahalo ang pagkaputla at pagkamanas ng kaniyang balat dahil sa pagkakalapnos nito sa kung anumang kadahilanang hindi pa mabatid-batid ng adbenturosong lalaki.
Sa pagkakataong ito’y bigla naman niya ang kaniyang cellphone. Wala siyang paraan upang matawagan man lamang ang asawang si Lea na tiyak nang abot-langit ang pag-aalala. At si Ramon at James! Ano na kaya ang nangyari sa opening ng Haguhit zipline? At si Mayor Sugay. Parang nakaramdam ng hiya ang lalaki nang maisip niya kung ano na lamang ang sasabihin sa kaniya ng alkalde ng Tagamingwit na buong tiwalang inirekomenda sa konseho ng munisipyo na pondohan ang buong proyekto niya bilang isang flagship project na pangturismo hindi lamang ng Tagamingwit, hindi lamang ng Calamianan, at hindi lamang ng Palawan, kundi ng buong bansang Pilipinas.
Subalit ano ang kaniyang magagawa? Nangyari na ang mga nangyari. Dito na nagpasiya si Arvin na tuluyan nang lumabas sa lihim na silid gamit ang pintong nasa likuran ng altar ng simbahan ng San Agustin.
Dahil nakabukas naman ang pangunahing lagusan ng simbahan, dito lumabas si Arvin. Paglabas niya ng simbahan ay agad siya tumawag ng isang bakanteng tricycle at sinabihan ang driver na dumiretso sa Ugong Bato.
“Eh, bosing,” ang sagot ng tricycle driver sa sinabi ni Arvin, “wala pong pinapapasok ngayon sa Ugong Bato…”
Sa loob-loob ni Arvin, baka nilagyan ng harang ang gulod dahil sa pagpapasinaya ng Haguhit zipline, subalit nagtanong pa rin siya para makatiyak. “Bakit walang pinapapasok?”
“Eh, bosing, kasi may bombang pumutok doon kanina. Mga makakaliwa daw ang may gawa.”
Nagulantang ang adbenturoso sa kaniyang narinig. Mas lalong nabuo sa kaniyang loob na dapat siyang dumiretso sa Ugong Bato. Pinakisuyuan niya iyung driver na ibaba na lamang siya sa paanan ng gulod. Ang ganitong pakiusap ni Arvin ay sinunod ng driver at humarurot na ito patungo sa isang lugar na ayaw na sanang balikan ni Arvin, subalit kailangan. At kung kailangan man niyang balikan ay ayaw na niyang abutin pa siya ng takipsilim.
*
Hindi makapaniwala si Ramon sa ikinukuwento sa kaniya ni Padre Aquino na wala na si Sister Faustina. At ang kaniyang pagkamatay ay isang karumal-dumal na pagpaslang na ang tahasang suspetsa ay aswang ang may kagagawan. Malaon nang talamak ang mga kuro-kuro na isinumpa raw ang Tagamingwit bilang pugad-tahanan ng mga aswang ng buong Calamianan. Subalit dahil si Ramon ay laki sa kapitolyo ng Kulyaw, hindi niya ito pinaniwalaan at bagkus ay ipinagkibit-balikat pa niya lalo na ng naaprubahan na ang proyekto nila para sa Haguhit.
“Eh, Father, kung totoo nga po iyung sinasabi ninyo, ang kasama ni Damian na naghatid ng aking pamalit na damit at ng hamburger at juice bilang agahan ko ay si Miss Ji-Ann, iyung bagong guro na na-assign sa eskuwelahan natin.”
“Si Miss Ji-Ann?”
“Opo.”
“Saan ba tumutuloy iyung Miss Ji-Ann na iyan?”
“Sa totoo lamang po, Father, marami sa mga katropa ko ang gustong dumiskarte kay Miss Ji-Ann. At ang bali-balita ko may kamag-anak po siya sa bulubundukin ng Banaghaw at San Kristobal.”
Saglit na napa-isip si Padre Aquino. Tinitigan niya nang Mabuti si Ramon bago pa muling nagsalita nang marahan.”
“Ramon, iho, ipangako mo sa akin na mula sa sandaling ito’y ililihim mo ang lahat ng iyong malalaman at masasaksihan. Mangako ka, iho, sa harap ko at sa harap ng Ating Diyos!”
“Ha?” Parang nalito si Ramon sa hinihingi sa kaniya ng kura paroko ng simbahan ng Tagamingwit. Subalit ano pa nga ba ang magagawa niya? “Opo, Father, sige po. Nangangako po ako sa harap ninyo – at sa harap ng Ating Diyos na Ating Tanging Tagapagligtas.”