Si Lea, ayon kay Arvin Mabugal (Pangalawang Bahagi)
Ang sabi ko sa kaniya, dahil bihasa ako sa climbing, ako’y natratrabaho bilang isang part-timer sa rescue team ng isang lokal na pamahalaan, at kasalukuyang nag-oopisina sa isang masikip at inaagiw na sulok ng isang maliit na silid kung saan madalas nagkakapalitan ng mga mukha ang mga nandodoon, kung saan artipisyal lamang ang bentilasyon, at ang mga ilaw ay nakalambitin na tila mga estalaktika sa aming ulunan. Noong simula, inisip niyang nagtratrabaho ako sa isang yungib sa kasukalan ng lungsod kung saan walang bugso o simoy ng hangin ang mangangahas na sumuong, sa dahilang isinumpa niya na ang kalaliman at karimlan ng aking opisina ang magpapahibang sa kaniyang malaya at dumadaloy na kalooban. Subalit simula pa lamang ito. Sa dahilang umikot-ikot ang alipugpog ng kaniyang isipan sa loob ng aking opisina, pagkatapos ay sa kagiliran, pagkatapos ay sa piling ng aking mga ka-opisinang matatabil ang dila na agaran namang ipinulupot sa kaniya ang mga nasabing dila upang ibulong ang naging kaguluhan ng aking mga nakaraang relasyon. Ang mga ka-opisina ko, hindi ba nila batid na hindi basta-basta na lamang hinuhuli’t pinupuluputan ng kung ano-ano ang isang likas na hangin? Sa dakong huli, nasagap niya ang isang lumang tsismis tungkol sa akin at sa isang ka-opisina. At bago pa ako nakakilos, ang alipugpog ay pumaimbulog na bilang isang dambuhala’t kahindik-hindik na ipo-ipo bago pa ito dali-daling nag-pirouette at lumabas sa kalaliman at karimlan ng aking yungib nang wala man lamang paalam.
Noong Lunes na iyon, matiwasay akong lumabas ng opisina pagsapit ng ala-singko at sumaglit muna ng SM Manila upang ibili si Lea ng bughaw na windbreaker na gustong-gusto niya – katerno ng aking sariling bughaw na hoodie, at may nakita rin akong segunda-manong bathroom tiles na may disenyo ng mga animo’y tunay na kilapsaw. Tamang-tama na pamalit para doon sa mga puting tiles na hindi tugma sa panlasa ni Lea. Sinabihan ko iyong isang sales officer kung saan ko nabili iyong mga tiles na i-deliver ang mga ito bago pa mag-Biyernes. Iyong jacket naman, ipinabalot ko na lamang na parang regalo.
Noong Lunes ng gabi ring iyon, maski pa sinabi nung weather reporter ng Channel 7 na magiging maaliwalas at walang kaulapan ang buong gabi, batid ko na umigting na bilang bagyo iyong low-pressure area at pumasok na sa aking area of responsibility. Kung maaari kong tumbasan ng storm signal number si Lea noong gabing iyon, siya’y storm signal number five.
Hindi siya nakinig sa anumang paliwanag ko. Siya na nga ang hangin – ang kakaiba’t mapanganib na pag-anib nung salita bilang isang pangngalan, bilang isang pandiwa, at bilang isang kampon ng kalikasan. Kontrolado niya ang atmospera ng buong apartment. Sadya siyang tumindig sa tabi ng lamesitang nasa gilid ng aming higaan, habang hinahagupit niya ako ng kaniyang malalakas na bugso. Sinikap kong maging mahinahon sa kaniya, maski pa batid kong nagiging maramdamin lamang siya sa isang pangyayaring matagal nang naganap at nagwakas sa aking nakaraan.
Sa isang sandali pa’y ikinulong na niya ang kaniyang sarili sa kubeta. Inilapag ko iyong regalo kong windbreaker para sa kaniya sa lamesita at tinungo iyong nakakandadong pinto ng kubeta. Kumatok ako at sinambit ko ang kaniyang pangalan sa pinakamahinahon na paraan na alam ko, ngunit wala akong naapuhap na tugon. Bigla kong narinig ang pagbukas ng gripo. Sa katahimikan ng silid, parang rumaragasang donsol ang pagbuhos ng tubig sa gripo.
Sa mahinahon ngunit matikas na paraan, ipinukol ko sa pinto ang aking tinig upang paratingin sa kaniya maski papaano na ihinto na niya iyong pagtatampo niya na parang isang musmos, at kapagdaka’y tumalikod na upang damputin ang mga piraso ng ilang bagay na nahagip ng kaniyang naunang unos.
Naipahatid na niya ang kaniyang punto. O, sabihin ko pa, naipahatid na niya ang kaniyang mga punto na kaputa-putaking nakakalat sa buong apartment.
Sa wakas ay lumabas din siya sa kubeta pagkatapos kong mag-ayos ng silid at nang magsisimula pa lamang akong maghanda ng simpleng hapunan. Kapuwa kaming nanlumo sa naturang karanasan. Pinilit ko siyang ipangako sa akin na hindi na mauulit ang ganoong klaseng pagtatampo. Naisip niya marahil na ako’y yungib, tulad ng kaniyang Mamá nung una, sapagkat inulit-ulit niya na tila alingawngaw ang lahat ng aking sinabi sa kaniya.
Pangako ko…
Pangako ko, pangako ko, pangako ko…
Hindi na ako…
Hindi na ako, hindi na ako, hindi na ako…
Magtatampo…
Magtatampo, magtatampo, magtatampo…
Lalo na tungkol…
Lalo na tungkol, lalo na tungkol, lalo na tungkol…
Sa nakaraan…
Hindi niya inulit iyong huli kong sinambit, at kapagdaka’y may pagkalitong tinitigan ako. Ngunit ang nakaraan, aniya, ay mananatili na palaging bahagi ng ating kasalukuyang sandali. Ang nakaraan, ang kasalukuyan, at ang kinabukasan ay isang di-mahahating alon ng pagpapatuloy at paglikha. Sa katunayan, ang nakaraan ang magtutulak sa kasalukuyan upang makalagpas ito sa panginorin at maging isang kinabukasan.
Hindi ko siya maunawaan. At hindi ko na tinangkang unawain pa iyong sinabi niya. Ang sabi ko na lamang sa sarili ko, mas maigi na nga marahil na huwag na lamang.
Sa paglipas ng gabi, pagkatapos makapaghapunan at pagkatapos niyang iligpit ang pinagkainan, pagkatapos kong ibigay sa kaniya iyong regalong windbreaker at sabihin sa kaniya iyong tungkol sa mga espesyal na tiles na ide-deliver bago pa mag-Biyernes, inulan niya ako ng malalaman na halik. Nang pahiga na kami, ang sabi ko sa kaniya ay iniisip kong maganda para sa kaniya, para sa amin, na simulan ko na ang pag-iipon upang makapagpundar ng mga bagay, tulad ng isang microwave oven, isang sulit ang presyo na washing machine. Upang ayusin ang mga bagay, tulad nung TV at iyong lumang laptop.
Tahimik lamang siya. Subalit nang ipikit ko ang aking mga mata, ramdam ko ang kaniyang mahinahon na bugso sa aking pisngi at rinig ko ang marahang pagpatak ng mga pitak ng alaala na wari’y nanggagaling sa kaniyang dinadaluyong na pag-iisip.
Kinaumagahan, nagising ako na nakatambad sa akin ang dalawang bagay: na ako’y huli na sa pagpasok sa opisina, at wala si Lea sa loob ng apartment. Inisip ko na baka namalengke lamang siya. Marunong bang mamalengke ang isang pabugso-bugsong hangin? Pagkatapos ng ritwal ko sa umaga, isinuot ko na ang aking unipormeng pang-opisina, at nagsimula nang magtimpla ng kape. Doon ko napansin ang isang nakatiklop na piraso ng papel sa lamesita.
Noong una, hindi ako makakilos. Subalit kinubabawan na ako ng kuryosidad at dinampot ko na iyong papel upang silipin kung ano ang nakasulat dito. Noong sandaling iyon, ipinagdasal ko na hindi sana ito isang liham ng pamamaalam. O baka naman ito ang ginawa niyang listahan para sa pamamalengke.
Hindi ito liham o listahan.
Ito’y isang tula sa English. Walang pamagat. Umupo ako at sinimulan kong basahin ang tula ni Lea.
It is the vessel
That will sail to shore,
But it is the voyage
That will shore up the sails.
It is the catch
That will thrill your day with gifts,
But it is the chase
That will give you thrills everyday.
It is the mind
That will love its share of freedom,
But it is the heart
That will freely share its love.
It is the reality
That will choose to settle for keeps,
But it is the dream
That will keep you settled and chosen.
It is life
That will receive what you will give,
But it is love
That will give what you will receive.
Pagkatapos kong magbasa, narinig kong may kumaluskos malapit sa pintuan ng apartment. May narinig akong pagpihit ng isang susi sa susian. Sa huling pagpihit, bumukas ang pinto, at nandodoon siya. Ang aking Lea. Isang alipugpog ng dalisay na kaligayahang tinatahipan ang mga bugso ng hangin na parang nagpupumilit pumasok sa aming bagong-bukas na silid, na parang makukulay na paru-parong pumapaimbulog sa isang hardin ng mga bulaklak, na unti-unting nabubuhay sa pagbukang-liwayway ng isang bagong araw ng awit at tula.
Nang mapansin niya akong tumindig at dali-daling isinilid ang kaniyang tula sa bulsa ng aking uniporme, dali-dali niya akong sinugod upang yakapin nang mahigpit. Ramdam ko ang kaniyang malalim na pagbuntong-hininga sa ibabaw ng aking kuwelyo, at maya-maya pa’y nasa batok ko na at may kasabay pang halik. Niyakap ko rin siya.
Pagkapatos ay marahang pumatak ang mga salita mula sa kaniyang mga labi.
Mahal kita…
Noong sandaling iyon, hindi ko na inisip pa kung siya ang hangin o ang ulan, at inulit-ulit ko na lamang ang – hindi, mali, hindi inuli-ulit na lamang na parang alingawngaw, kundi ang pagbabatingaw, ang likas na pagbabatingaw ng aking puso bilang tugon sa kaniyang dagdag na ibinulong.
Mahal kita, Lea… at ang ating sana’y unang baby…
Kinagabihan, magkahalo ang aming pagtangis na tila lumikha ng uliuli na nakapagitna sa amin. Isang imahinaryong kalang na pilit kaming pinaglalayo maski pa alam namin sa isa’t isa na hindi na kami maaaring paghiwalayin dahil sa isang karanasang pinag-isa na kami.
Subalit tulad ng isang balintuna ng kalayaan, sa lawak at lawig ng espasyo ay maaaring magtunggalian sa pagpanhik ang mga nangagsilutangang pangarap ng magkahalubilong pag-isa at pag-iisa. Samakatuwid, pinabayaan ko munang manahimik ang buhay naming magkasama. At dahil sa pagpapabayang ito’y nabuo ko, sampu ng ilang katropa at isang butihing sponsor sa katauhan ni Mayor Sugay, ang isang pangarap tulad ng Haguhit zipline.