LALONG HUMIGPIT ANG PAGKAKAHAWAK NG batang si Angel sa kamay ko. Parehas kaming hinihingal dahil sa ginawang pagtakbo. Namamanhid na ang mga kamay at paa ko pero hindi ko pa rin mapigilan ang mga ito sa panginginig.
“‘Wag ka nang matakot, okay?” Ngumiti ito nang pagkalawak-lawak pagkatapos ay pinisil-pisil ang kamay ko.
“Pero hinahabol niya tayo! Bad guy siya baka kung anong gawin niya satin!” Wala akong ibang magawa kundi ang umiyak nang umiyak. Wala namang ibang ginawa si Angel kundi ang aluin ako. Paano ba naman pupwedeng malagpasan ang takot ng mga batang katulad namin?
“Basta, 'wag ka nang matakot. Hindi naman kita hahayaang makuha ng mga bad guys.”
Hindi iyon ang unang pagkakataong muntik na akong mapahamak at palaging si Angel ang nakakakita sa akin at nagkakalakas-loob na tumulong. Iyon na ang naging simula ng pagkakaibigan naming dalawa.
“Kumain ka na, Aira.” Nginitian ko lang muli si Angel na kanina pa ako kinukulit kumain. Bukod kasi sa nauna na silang lahat, kanina pa malalim ang iniisip ko. Hindi ko alam pero may hindi tama sa pakiramdam ko. Hindi ko mapigilang kilabutan.
Tuloy-tuloy lang tuloy ang pag-iisip ko sa mga magulang kong naiwan sa bahay. Kumusta na kaya sila? Si Mama? Okay lang kaya siya kasama si Papa?
Kailan kaya ako pupwedeng makabalik? Sino marahil ang dadatnan ko sa bahay?
Tumakas ako nang walang kaplano-plano. Basta na lang ako umalis na hindi man lang iniisip kung ano ang maiiwan ko. That’s frustrating! Nagkahalo-halo na ang mga salita sa isip ko at natatakot ako sa maaaring kahinatnan noon.
“Anong problema, Aira?” Diretso na ang mga tingin sa akin ni Angel. Pilit nitong hinuhuli ang paningin kong hindi mapirmi. Bakit ba parang hindi ako mapalagay? Parang may mali, parang may hindi tama kaya naman labis na ang pag-aalala ko para sa mga magulang.
Akmang sasagot na ako sa kaharap nang padabog na dumating sa dining area si Reign. Nakakunot ang noo nito, at as usual, mukhang iritang-irita na naman.
“Ang init. s**t! Asan ba si Kuya Max? Wala tayong kuryente?” Tingnan mo itong babaeng ito, naiinitan lang pero ang sama pa rin ng tingin sa akin.
Bago pa rin masagot ni Angel ang tanong ng bruhildang babaeng iyon ay dumating na rin si Maxwell sa dining kasama sila Toti at Joshua. Kapwa pawisan ang mga ito at mukhang nagkasundo-sundo magwork-out.
“Mukhang wala tayong makukuhang kuryente ngayon,” matamang sabi nito. Nabanggit niya na rin kasi samin na Solar energy lang ang ginagamit niya para masupply-an ng kuryente ang buong bahay. Minsan na rin daw kasi siyang tinanggahin na magpakabit ng kuryente mula sa City Electric Power supplier dahil nga sa lugar niya.
Nagkataon ding sunod-sunod na hindi nagpapakita si haring araw kaya wala kaming choice ngayon kundi magpangatngat sa lamok.
“Aira, ayos ka lang ba?” muling tanong ni Angel. Wala mang matinong maisasagot ay nginitian at tinanguan ko na lang ang lalaki. Gusto kong sabihing hindi, kaya lang ayoko naman nang makadagdag sa kung ano pa marahil ang iniisip nito. Mas pinili kong manahimik at paniwalain ang sarili kong ayos lang ako.
Okay ka lang, Aira. Magiging maayos din ang lahat.
“Mas masaya nga 'yun!” bulalas na lang bigla ng isa pang siraulo, si Joshua dahilan para sabay kaming mapatingiin doon ni Angel. “Kuya Max, pwede bang magbonfire tayo r’yan sa labas mamayang gabi?”
Sandaling natahimik si Maxwell. Hindi pa siya nakakasagot pero tuloy-tuloy na ang naging pagsigaw ng mga kasama ko dahil sa excitement na pinangunguhan rin ni Reign, as usual. Mukha ngang hindi na naiinitan kahit ilang beses pa itong nagtatatalon.
“Hindi na nahiya. Nakikitira na nga lang ang demanding pa,” anas ko na lang pagkatapos ay saka ko pinokus ang atensyon ko sa kinakain.
“Manang Aira, ang KJ mo naman!” sigaw ni Joshua na sinamaan ko na lang ng tingin.
“O’ sige, basta ‘wag kayong magpapasaway. Dito lang kayo sa malapit." Mabilis at sobrang ligalig na naghiyawan ang lahat.
***
Namalayan ko na lang na nasa harapan ko na ngayon ang maliit na bonfire na gawa ng mga kasama. Nagtatawanan at nagkukulitan ang lahat pero okupado pa rin ang utak ko ng mga magulang. Hindi maalis sa isip ko ang maaaring kalagayan ni mama pati na si papa.
Ilang araw na rin kasi ako rito pero wala pa sa isip ko ang umuwi. Naririto pa rin ang takot at pangamba sa pupwede kong makuha kapag bumalik ako. Napapikit na lang ako, pilit na winawakli sa isipan ang lahat. They're okay, of course. Okay ang mga magulang ko. . . magiging okay sila.
Ganoon pala iyon, ano? Ganito pala ang pakiramdam na unang beses kang malayo sa pamilya mo.
“Kanina ka pa ganyan. You know you can tell me anything, right?” Ngiti na lang ang naisagot ko sa katabing si Angel. Ang totoo, hindi ko gustong pag-usapan dahil hindi ko alam kung saan ko maaaring simulan. Nag-aalala ako sa mga magulang pero tama bang sabihiin ko ang bagay na iyon sa iba? Maari kasing kilala namin ang isa't isa pero sapat na ba iyon para pagkatiwalaan ko ang lalaki?
“I’m fine, Gel. Medyo inaantok lang. Ayoko naman sa loob kasi andito pa kayo.” Siya naman ang ngumiti sa akin ngayon. Kita sa kaniyang hindi niya pinaniniwalaan ang sinabi ko pero mas pinili niyang ‘wag na akong pilitin ngayon. “Magiging okay lang din naman 'yung lahat, 'di ba?”
“Magiging okay rin ang lahat, Aira.” Kahit papaano ay nakakalma ako sa sinabi niya. Totoo naman ang mga ito — magiging maayos din ang lahat. Makakasama ko rin muli ang mga magulang. “I’ll be with you until that time comes.”
Hindi ko na napigilan ang labis na pagngiti, dahilan para kagatin ko ang labi. Come to think of it, palagi na lang nandyan si Angel tuwing nahihirapan, namomroblema, tuwing nasa panganib ako.
“Bawal PDA dito,” sabi bigla ni Toti na masama na ang tingin sa amin ni Angel. Dahil pabilog ang puwesto, nagkataong katapat ko pa ang lalaki kaya kitang-kita niya kaming mag-usap.
“Selos alert!” Mula kay Toti, bumagsak naman ang matalim kong titig kay Joshua na mukhang proud na proud pa sa sinabi.
“Ayun, oh! Thank you, Kuya Max!” Naghiyawan na ang lahat dahil sa padating ng pagkain kaya napabuntong-hininga na lang ako. Kahit isang gabi lang, mawala muna ang lahat ng iniisip at pangako. . . susubukan ko nang umuwi sa susunod pang mga araw.
Mabilis na dininig ang hiling ko dahil nang nagsimula na sa mga palarong pakulo ni Joshua ay nakikisabay na ako sa tawanan. Halos sumakit nga ang panga ko sa larong chubby bunny pati na sa kakatawa.
“Chubby bunny!”
Matagal na akong nagpatalo pero hindi ko na iyon naisip. Mas worth it kasi kapag pinanonood mo lang ang mga kolokoy na mabulunan at masuka.
Sa sobrang dami ngang nakain nila Joshua, Toti at Angel ay hindi na sila nakapagdinner — nabusog na sa marshmallow.
Natuloy pa ang iilang mga laro na wala akong ibang nagawa kundi bumungkaras ng tawa. Kahit papaano. . . kahit papaano, sa mga siraulong ito, ay naramdaman kong wala akong problema. At some point, they made me feel safe and wanted.
Ang mga kalokohan ay saka napunta sa deep talks, siguro inaantok na rin ang mga ito o hindi naman kaya ay naubusan na ng energy sa pagtawa. Hindi nahinto ang pagkukwentuhan nila Angel at Joshua, si Toti naman ay nakatingin lang sa malayo na parang nagsu-shoot ng music video habang si Reign naman, bukod sa pakikinig sa dalawang nagkukwentuham ay busy sa pagkain ng chips. Si Maxwell ay nauna nang matulog sa loob.
And there is ‘me’, balik na naman sa pag-iisip ng kung ano-ano.
“But actually, iyon na nga ang totoong halaga ng pagboto. We need to take it seriously kasi tayong mga Pilipino rin ang magsa-suffer in the future. Hindi pupwedeng basta-basta lang pipili o kung sino lang ang sa tingin nating pupwede. A person can discreetly show their true colors, their true agenda. . .”
Nasa kalagitnaan na ako nang pakikinig sa usapan nila Angel at Joshua nang bigla kaming nakarinig ng sigaw mula kay Reign na hindi na namin mahagilap sa dati nitong kinauupuan.
“Oh my gosh! Guys!”
Alam kong madalas, masyadong OA ang babaeng iyon pero may kung ano sa boses nito na talagang napalapit kami. Nanginginig ang mga kamay niya noong nagawa niyang ituro ang kinatatayuan.
“Y'all tell me. . . hindi naman ‘yan buto ng tao, ‘di ba?”
Walang takot na dinampot ni Toti ang tinutukoy ni Reign. Napaka-random ng butong iyon kaya madali kong naisip ang mga ligaw na hayop na sinasabi ni Maxwell — baka galing lang ang mga iyon doon.
“Sa hayop siguro ‘yan,” Nauna nang magsalita si Angel. “We can hardly say that lalo pa−”
“Guys. . .” Sabay-sabay naman kaming napatingin ngayon sa kinatatayuan ni Joshua. Katulad kay Reign, may itinuturo rin itong kung ano sa ibaba niya.
Sa isang iglap lang ay halos liparin namin ang daan papasok sa bahay ni Maxwell. Nagawa pa nilang patayin iyong bonfire pero nagkandapa-dapa naman sila sa sobrang pagmamadali.
“Please. . . please. . . tell me napaparanoid lang ako,” humahangos pang bulalas ni Reign na siyang hindi na rin namin nagawang pansinin. Lahat kami nakita iyon. Hindi rin namin pwedeng lokohin ang sarili namin.
“Oh, ang aga ninyong natapos?”
Napuno nang sigawan ang bahay ni Maxwell. Kung hindi tili naming dalawa ni Reign ay paniguradong madagundong na sigaw naman ng tatlo pang lalaki.
***
Madali kaming napakalma ni Maxwell. Kwinento namin ang lahat kaya nagtuloy naman siya pagpapaliwanag. Ayon sakanya, natural lang daw na makakita ng mga gano’ng bagay lalo pa’t dati ring naging sementeryo ang lugar. Kadalasang naglalabasan daw ang mga gano’n sa tagal na panahon na ring lumipas. Dumagdag pa ang scientific explanation kuno ni Joshua kung paanong posible nga iyong mangyari.
Doon ay mukhang napalagay naman na ang mga kasama ko kaya nagsipanhik na kwarto para magsitulog. Sabay kaming pumasok ni Reign pero ang lalakas na ng hilik ng babae ay mulat na mulat pa rin ang mga mata ko.
Naiwan pa rin ang takot — parang may hindi tama. Ang makakita ng buto at bungo ng isang matagal ng patay na tao ang siyang tumatakbo na ngayon sa isip ko. Nakakapangilabot. Parang sa isang iglap ay bumalik sa isip ko ang lahat ng pagdududa sa lugar.
Alam kong posible nga ang sinasabi ni Maxwell at Joshua pero hindi ko pa rin mapigilang hindi mapaisip.
Ilang minuto lang ay sinukuan ko na ang sarili. Mahirap ding patulugin ang utak lalo na kung wala itong preno sa pagtakbo.
***
“Mapagkakatiwalaan ba si Maxwell?” Biglang sumulpot ang tanong na iyan ni Angel noon sa isip ko.
Of course, mapagkakatiwalaan siya. Kinupkop niya kami. . . itinuring na parang mga pamilya. But the thing is, lahat ng antagonist sa kwento ay mabait naman talaga sa una. Paano kung maaaring mahalintulad iyon sa personalidad ni Maxwell? Paano kung hindi talaga kami ligtas sa lugar na ito?
Ramdam na ramdam ko ang pag-akyat ng dugo ko sa mukha. What if ang may-ari ng mga butong iyon ay isang batang camper na nanirahan din dito noon?
Nanginginig ang mga kamay ko nang maibaba ko ang tasang hawak. If that's the case, we really need to get out of here. Siguro ngayon pa lang kailangan na naming umalis habang tulog pa si Maxwell.
“Can’t sleep?”
Halos mapatalon ako sa boses na iyon. Wala na akong kawala. Baka kapag sinimulan kong tumakbo ay ako lang ang sumunod nitong biktima.
I didn’t even flinched. Para akong iyong biglang naging estatwa sa mall.
“Ako nga rin,” gagad nito saka mahinang natawa. “Totoo pa lang babagabagin ka ng ginawa mo sa nakaraan–”
“What? What do you mean?” natataranta kong sabi. Agad kong naisip ang dahilan ng hindi ko pagtulog. “Maxwell, totoo ba talaga ‘yung sinabi mo samin nila Toti kanina?”
Wala akong ibang nagawa kundi hawakan ang sariling kamay na pinagpapawisan na nang malamig.
“I am not a bad person, Aira.” Mataman ang pagkakasabi niya rito kaya naman natahimik ako, nakonsensya bigla. Bumalik kasi sa isip ko ang mga kabutihang pinakita nito sa amin sa ilang araw na pananatili.
“Hindi porket nakagawa ang isang tao ng mali isang beses sa buhay nito ay entitled na siya bilang masamang tao. . .” Naguguluhan man ay minabuti kong pakinggan ang lalaki. Alam kong may tsansa pa akong makalayo pero tuluyan ko nang iwinakli iyon sa isipan. Malakas ang paniniwala kong mabuting tao ang kaharap. Isa pa, I can't left my friends behind. Friends. . . my friends.
They are my friends.
“I met a woman. I really thought she’s a perfect woman — atleast, for me. Sabay kaming bumuo ng pangarap. Isa-isa rin namin iyong tinupad. We dreamt to have a house in the woods. Sobrang saya niya noong naitayo namin ang bahay na ito. I loved her too much. Wala na akong mas isasaya pa na nakakasama ko siya sa iisang bubong. Hindi pa kami nakakapagpakasal pero itinuring namin ang isa't isa bilang asawa.”
Napansimsim tuloy akong muli sa hawak kong kape. Pilit ko pa ring pinapakalma ang sarili kaya kahit ito pinatos ko na, malaman ko lang kung nanginginig pa ang mga kamay ko.
“Pero may ginagawa pala siyang iba sa pagtalikod ko, tuwing magtatrabaho ako o umaalis. Hindi ko man lang napansin ang lahat hanggang sa isinampal na mismo sa akin ang katotohanan. . . na. . . na may ibang pamilya si Althea at mayron pa siyang tatlong anak. Malaking sampal ‘yun sakin, syempre. I mean no harm. . . wala akong alam. Buong pag-aakala ko, kabit ‘yun ni Althea, pero mali ako.”
“Aira, ako 'yung kabit ng babaeng ‘yun.” Halos magsisisigaw ako sa kinatatayuan nang ang malalamig nitong boses ay napalitan ng paghagulgol. Hinding-hindi ko magagawang maipaliwanag kung gaano ako katakot na takot ngayon.
“Noong nalaman niyang alam ko na ang totoo, doon na nagbago ang pakikitungo nito sa akin. She tried to kill me, saying that she only needs my money at hindi, kahit kailan, niya ako nagawang mahalin. She. . .She tried to kill me at dinepensahan ko lang ang sarili ko nang gabing ‘yun. She did try to stab me pero nabaliktad ang nangyari at siya ang nasaksak ko. It was a pure self-defense pero nang makita ko siyang wala nang malay, sa sobrang galit dahil sa ginawa niya ay nagpatuloy ako sa pagsaksak−pero hindi ko sinasadya. Wala akong sinadya ni isa man doon.”
Ilang minuto akong napipilan. Maraming pumapasok sa isip ko pero hindi ko mawari kung anong uunahing bigyan ng pansin. “So, you mean. . . 'yung nakita namin sa likod ng bahay kanina siya 'yun?”
Nang nagawang tumango ng kaharap ay awtomatikong nawala ang lakas sa mga tuhod ko. Babagsak sana ako sa sahig, mabuti na lang ay agad akong nahawakan ni Maxwell.
“Wala akong alam na pupwedeng gawin. Agad-agad ko siyang nilibing pero dahil sa pangungulila ay sa likod-bahay ko ito ginawa. . . I loved her and I still love her but… she cheated! Pinagmukha niya akong tanga, Aira!”
Alam kong mabuti siyang tao. Alam kong kung paano niya kami itinuring at tinanggap sa bahay niya kahit hindi niya kami kilala ay ang totoong siya at hindi pa sapat ang iilang araw na iyon pati na ang kasalanang nagawa niya noon para husgahan siya.
“Bakit sa akin mo ‘to sinasabi?”
“Ilang buwan ko na ring kinikimkim. Umaasa lang akong kahit maikwento ko sa’yo ay gagaan. Ewan ko ba, noong mga naunang buwan pagkatapos niyang mawala ay hindi ako nakakaramdam ng kung ano pero nitong mga nakaraang araw, palagi ko siyang napapanaginipan. The weird thing is that palagi niya akong pinapatay sa panaginip kong ‘yun.” Humalakhak ang lalaki kahit na punong-puno pa rin ito ng takot.
“Bakit mo sakin sinasabi? I mean, nandyan naman sila Joshua. Pwede mong sabihin sa amin ang lahat ng ito kanina–”
“I just know that you won’t judge me.”
Tama siya. Alam ko kung gaano kabusilak ang puso ng lalaki at hindi ko alam kung paano ko marahil ito mahuhusghahan dahil kung mayroon man ditong labis kong pinagkakatiwalaan – si Maxwell iyon.
***
“No! Kuya Max!”
Nanigas ako sa kiatatayuan pagkatapos ay saka rumagasa ang mga luha sa pisngi. Ang palahaw na iyon ni Reign ay sapat na para magsink-in sa akin ang nangyari.
“Sinong may gawa nito sakanya?” bulalas na tanong na rin ni Angel.
Pagkatapos ng pag-uusap namin kagabi ay nakaramdam na akong agad ng antok kaya nauna na akong bumalik sa kwarto. Ang sumunod kong kita kay Maxwell ay ngayong nakasabit na sa lubid ang kaniyang leeg at naliligo na sa sarili nitong dugo.
Hindi nakatakas sa akin ang iilang saksak nito sa dibdib kung saan nagmula ang mga dugo. Did he just stab himself?
Napuno nang hagulgol ang lugar. Ang iilang lalaki ay nagtulungan na para maiayos ang bangkay ng lalaking bukal sa loob na nagpatuloy sa amin dito. Hindi ko kayang tumingin pero napako naman ako sa kinatatayuan.
Totoong-totoo ang naging pag-uusap namin kagabi. He's clearly regretting his sin last night. Sapat na ba iyon para kitilin niya ang sarili?