“AIRA!” MABILIS ANG NAGING PANGYAYARI. Bigla na lang may humila sa akin papalayo sa pinto at sa isang iglap ay nawala ang matinis na sigaw na iyon.
Ang sakit sa tainga! Ano ba nakain ng babaeng ito? Megaphone?
“That was horror!” Narinig kong daing ng tao sa labas na agad ding nilapitan ni Maxwell.
“What do we have here, huh? Mukhang pwede na 'to for our lunch later—” Muntik akong mabilaukan sa sinabi ni Maxwell. Kailangan ko lang talagang pigilin ang tawa dahil sayang naman ang pag-arte niya.
“Oh, my glob! Joshua, alis na tayo! Papatayin tayo, papatayin!”
Bumungkaras na ang tawanan ng dalawang lalaki kaya pinakawalan ko na rin ang akin. Lumakad kaming dalawa ni Toti papalapit kay Maxwell na nasa pinto.
“Sabi ko na nga ba evil ka, eh!” bulalas ng babae sabay turo pa sa pagmumukha ko.
“Ako? Eh, mas kamukha mo si Satanas,” kalmado kong sabi kaya mas lalo ko pa atang natakot ang kikay na babaeng kaharap. Muli itong nagsisisigaw habang hinihila pa ang kasama nito pauwi.
“Nawawala po kami. . . gusto lang po sana namin ng matutuluyan.” Sabay-sabay kaming nagkatinginan ni Toti at Maxwell dahil sa sinabi ng lalaking naroon din.
“'Wag na tayo tumuloy, Wa! Nakakatakot dito!” sigaw pa rin ng babaeng kikay na parang kaonting pananakot na lang ay iiyak na.
“Pasok ka, iho. Iyang kasama mo, iwan mo na lang dyan mukhang ayaw naman.” Binalingan kami ulit ni Maxwell saka ngumisi. Kaya ata sila nagkasundo nu’ng Toti na maluwag rin ang turnilyo sa utak.
***
“Kagabi pa nga po kami paikot-ikot rito. Wala rin kaming nakitang pupwedeng tuluyan kaya natulog kami sa daan, buti na lang hindi kami napano.” Habang tuloy-tuloy sa pagkukwentuhan sina Maxwell, Toti at iyong Joshua ay nakakunot naman ang noo ko dahil sa pagkairita sa babaeng kaharap. Kanina pa kasi matatalim ang mga titig niya at kung hindi naman ay titingnan niya ako na parang nandidiri, na parang may nakakahawa akong sakit.
“Sumusobra na 'to sakin,” mahina kong bulong sa sarili.
“Pagpasensyahan mo na muna, Aira. Kakausapin ko na lang mamaya,” sabi bigla ni Maxwell na nasa tabi ko. Nginitian ako nito kaya ako napanatag. Bakit ba sobrang bait ng lalaking 'to? Hindi niya naman kami kakilala pero pinatutuloy niya kami. He offered food, care and shelter.
“Narinig mo pa 'yun? Anong klaseng tainga meron ka?” pabalang kong tanong. Hindi ko maiiwasan ang inis na nararamdaman dahil sa babaeng iyon. Imbes na patulan pa ang sinabi ko ay natawa lang ito, pagkatapos ay bumaling na ulit kay Joshua.
Sinamantala ko ang pagkakataong busy sa pag-uusap usap ang mga tao roon para bumalik sa kwarto. Nabitin ang tulog ko dahil sa babaeng iyon kaya deserve ko ang matulog pa nang kaonti. Nakita ko lang ‘yung mukha noong babaitang ‘yun, bigla akong napagod. Natawa na lang ako sa mga naiisip. Sana lang talaga maging epektibo sa amin ang kasabihang “the more, the merrier”.
***
Wala sa sarili kong pinakiusapan ang sarili kong bumangon. Kung hindi lang dahil sa kumakalam kong tyan ay paniguradong maghapon lang akong matutulog.
Pagkatayo ko ay akmang papalahaw na naman ng sigaw ang nakakainis na babae. Agad kong hinablot ang tsinelas na naroon at binato iyon dito.
“Anong ginagawa mo rito?”
Nagpapagpag pa ito ng damit niyang natamaan ng binato kong tsinelas noong tumayo at umirap sa akin, “Dito rin ang kwarto ko kaya pwede ba 'wag kang mamamato!”
Bumagsak na lang ang mga balikat ko. Mukhang wala na akong magiging maayos na tulog simula ngayon. Bukod sa napakagulo ng view ko, paniguradong kawawa ang tainga ko sa boses nitong parang may Bluetooth speaker o megaphone sa ngala-ngala.
Sabay kaming napatingin sa pinto nang may kumatok. Mukhang dininig na ng Diyos ang panalangin kong makakain.
“Aira, Reign kakain na.” Rinig ko ang boses ni Toti sa labas. Agad ding nagpyesta ang mga bulate ko sa tyan, sa sobrang gutom ay kaya ko atang umubos ng isang kilong kanin.
“A-Anong pagkain?” Mariin kong tinitigan si Reign at saka tinaasan ng kilay.
“Si Joshua,” malamig na sabing muli ni Toti.
“Hell no! Get me out of here!” sigaw nito pagkatapos ay impit na napatili nang batuhin ko na naman siya ng unan.
“Napaka-OA mo! Matino kami rito, okay? Pare-pareho lang tayo,” dere-deretso kong sabi saka tumayo na at dumeretso sa paglabas.
Actually − no, hindi kami pareho ng kikay na babaeng iyon. . . pero parehas kaming siguradong tumatakbo.
***
Napuno ng asaran ang almusal na iyon at syempre, si Reign ang pulutan. Masarap din kasing mang-asar ng pikon. Pati na rin ang palagi niyang pagiging takot. Iniisip kasi ata nitong may maligno sa grupo o hindi naman kaya aswang.
“Yes, and that maligno is you!” mataray niyang sambit saka ako maarteng tinuro. Umamba naman akong parang susuntukin siya kaya muling nagtawanan ang mga kasama naming lalaki.
“O, tama na. Kumain ka nang kumain dyan para mapagpyestahan ko mamaya bituka mo,” seryoso kong sabi pagkatapos ay nakarinig akong muli ng sigaw ni Reign.
“Tama na 'yan,” sabi ni Maxwell na kahit hindi pa rin ito tumitigil sa kakatawa sa ngayon ay nakabusangot ng si Reign.
“Pagtanggol mo naman 'yang girlfriend mo, Joshua! Nakikitawa ka rin, eh.” paggatong ko pa.
Hindi makapaniwala akong tiningnan ni Reign at nagpatuloy lang sa pagtawa si Joshua. “Hindi ko naman 'yan jowa!”
Napuno ng tawanan ang hapag at natuon na naman ang pansin kay Reign na hindi na halos natitigil kakapaikot ng mata.
“But seriously, nagkita lang rin kami sa labas.” Sa sinabi ni Joshua ay natigilan kaming lahat.
“Oh? ‘Di ba, Aira, Toti dyan lang rin kayo nagkita?” Sabay kaming tumango ni Toti.
“Are you sure we're safe here?” biglang tanong ni Joshua kaya sabay-sabay naman kaming napatingin kay Maxwell na nagkibit-balikat lang.
“Well, isang dekada na akong nakatira rito pero buhay pa naman ako. So. . .”
Yes, we are safer here. Mas ligtas ako rito kaysa sa bahay kaya wala akong ipag-alala.
***
Ganoon lang ang naging maghapon namin sa lugar ni Maxwell. Kung hindi mag-aasaran at magkakapikunan ay paniguradong tulog. Gumising ako sa pangatlong beses sa araw na iyon dahil sa biglaan kong pagka-uhaw.
Madilim na sa labas, tuluyan ng naghari ang gabi at natabunan na ang araw. Siguro, mag-aalas-siete na rin.
Namataan kong natutulog sa sahig si Reign. Nag-aagawan pa kami kanina tungkol sa kama pero wala rin siyang nagawa. Sabi nga ni Maxwell ay magtabi na lang rin kami pero alam niya ring malabo iyon.
“Anong oras na? Wala pa kaming pagkain?” pabulong kong tanong sa sarili.
Nakaramdam na naman kasi ako ng gutom. Mukha tuloy kain-tulog lang ang ginawa ko rito pero wala naman talagang ibang pwedeng gawin.
Palagi namang malinis ang bahay dahil na rin sa paglilinis na ata ang naging trip ni Maxwell sa loob ng ilang taong pananatili niya rito.
Pagbukas ng pinto ay mabuti at agad na dumapo ang palad ko sa bibig, napigilan noon ang pagsigaw. Nagkalat kasi ang dugo sa maliit na living room ni Maxwell at nagmistula iyong linya patungo sa kusina.
Mabilis akong ginapang ng kaba. Wala akong naririnig na kahit anong ingay mula rito kaya naisip kong tulog rin ang tatlong lalaki.
At kung tulog sila, sino naman marahil ang duguang nakapasok?
Dahan-dahan ang kilos, kinuha ko ang walis tambong una kong nakita pagkatapos ay naglakad patungo sa kusina.
Paano nga ba kung hindi kami ligtas sa lugar na ito? Paano kung ang tinatakbuhan kong kamatayan ang siya pang nilapitan ko?
Napasigaw ako at hinanda ang sarili sa paghataw sa taong nakapasok sa bahay. Mariin ko pang ipinikit ang mga mata sa takot dahil sa pwedeng makita. Hindi pa ako pwede mapahamak ngayon, kailangan ko pang bumalik sa bahay at maitakas si mama. Mas kailangan kong maprotektahan ang sarili ko.
“Aira? Anong problema mo dyan?”
Mabilis akong nagpakurap-kurap saka inisa-isa ang naroon sa kusina. Saka ko pa lang rin naalala ang itsura ko ngayon — nakataas ang mga kamay habang hawak ang walis tambo.
Dali-dali kong ibinaba ang walis tambong hawak saka nagtungo sa tabi ng mga kasama. Doon ko malinaw na nakita ang isang lalaking basang-basa na ang damit sa sarili nitong dugo. May malay siya pero mukhang hindi ito gaanong nakaka-response sa mga nangyayari. Ang may kahabaan nitong buhok ay nakatabing na sa halos kabuuan ng mukha na mayroon na ring bakas ng natuyuang dugo.
“A-Anong nangyari?” tanong ko. Patuloy pa rin namang ginagamot ni Maxwell ang lalaki, kaya lang puro kung ano-anong halaman lang pinapahid niya.
“Anong nangyari sayo? Anong ganap mo ro'n?” natatawang binalik sa akin ni Joshua ang tanong. Pinapaalala pa ang kahihiyang nangyari sa akin kanina.
“Wala kang pakialam!” anas ko na lang. Binalik ko ang tingin ko sa lalaking ginagamot ni Maxwell. Mukhang mas bata ito sa amin — mga dalawang taon o higit pa.
“Mabuti na lang hindi masyadong malalim 'yung bala.” Napamulagta ako sa sinabing iyon ni Maxwell.
“Ano ba kasing nangyari?” hindi natigil kong pag-usyoso. Hindi man kilala ang lalaki ay hindi ko mapigilang mag-alala para rito.
“Kumatok siya rito, kani-kanina lang. Duguan. Ang sabi niya nabaril daw siya at kailangan niya ng tulong,” marahang paliwanag ni Toti.
“Teka, kung nabaril siya bakit dito siya nagpunta? This is obviously not a hospital!” Sabay-sabay lang silang nagkibit-balikat sa tanong ko.
“I-I can't go there. Hindi niyo rin gugustuhing malaman.”
Sa gulat ay halos mapatalon pa ako sa boses na narinig. Malalim ang boses niya na akala mo tapos nang daanan ng pagiging binata.
“I'm Angel.”